Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Erikyle Aguilar Mar 2018
Ang isinulat ko ay isang pagtatala mula sa bulag,
na matagal nang ninanais na makakita ng liwanag,
dahil kumpara sa atin, kahit ipikit ang mga mata,
kahit takpan pa 'yan, mayroon pa rin tayong nakikita,
mapa-asul, mapa-dilaw, mapa-pula,
hinding hindi ito aabot sa dilim,
dahil mayroon pa ring mga bituin.

Ito ang pagtatala ng bulag,
"'Nak, kagabi lang ako nakaramdam ng galit sa isang tao,
sa buong buhay kong nakatira sa tapat ng simbahan,
kagabi lang ako nakaranas ng kulo sa puso ko,
kagabi lang ako natulog nang galit,
sana patawarin ako ng Diyos.

Lumapit sa akin ang isang lalaki,
sabi niya, 'Lo, mahirap bang magmahal?',
'Oo, hijo. May asawa ka na ba?',
'Meron **. E lagi ** kaming nagaaway,
kaya umalis nalang ako ng bahay,
ayoko na siyang kausapin,
dahil baka husgahan nanaman ako, baka masaktan lang ulit ako,
baka sabihin nanaman niyang ang hina-hina ko,
sasabihin nanaman niyang hindi na ako natuto sa mga kasalanan ko,
ang dami ko raw nasaktang tao,
wala na silang nagawa kundi tumungo,
dahil sa lungkot, dahil sa insulto,
dahil sa mga salita kong galing sa puso.

Naalala ko sabi ng nanay ko,
na lahat ng sinasabi ko ay galing sa puso,
pero bakit kung kailan ko gustong mabuo,
napakahirap ibalik ang dating ako?'

Ito ang iyak ng isang nangangailangan ng pagmamahal,
isang lalaking may pusong bakal,
ito ang naging payo ko,
'Hijo, kausapin mo ang asawa mo.'

Biglang sigaw niya,
'E ayaw ko nga! Nagkasala rin naman siya,
pareho lang kami,
siya dapat ang lumapit sa akin.'

Parang tinamaan ako ng bala ng baril,
at ang puso ko'y biglang tumigil,
dahil hindi ko naman kayo pinalaki nang mayabang,
kaya hinawaan na ako ng galit,
'Ang yabang mo!
sarado ang utak mo
sarado ang tainga mo
sarado ang puso mo
mas bingi ka pa sa bingi
at mas bulag ka pa sa bulag

ayaw **** mahushagan kasi ayaw **** masaktan,
ayaw **** masaktan kasi ayaw **** matuto,
hindi ka natututo sa mga kasalanan mo,
kasi akala mo na lahat ng ginagawa mo ay ayos na,
hindi mo pinapansin ang kalagayan ng iba,
na naghihirap sa kakaisip kung sila ba ang dahilan,
kung bakit ka nagkaganyan.

Minahal ka nila,
pero hindi mo tinanggap,
minahal ka nila,
pero tinulak mo sila,
minahal ka nila...
hindi mo ba sila mamahalin?

Lalo silang napalayo sa'yo,
nung kinailangan mo ng tulong,
pamilya at pagmamahal'

Wala na akong narinig na boses,
umalis na siya,
sana lang kinausap niya ang asawa niya.

'Nak, tandaan niyo ang payo ko sa inyong magkakapatid,
na 'wag na 'wag kayong maghihiwalay,
dahil pag ako'y nawala,
sana manatili kayong nakadilat sa katotohanan,
na ang kayabangan ay nakakasira ng isang pamilya.".
Marie Guingab Aug 2016
Bumabalik siya
Ang mga matatamis na salita
Sa aking isipan, tuwing nakikita kita
Naaalala ko lahat ng mga bagay na ating ginawa
At ako'y naniniwala na kahit anong mangyari, lumayo man ako sayo
Mananatili ka parin sa aking isip at puso.

Tandaan mo to, ang mga alaala ay di basta-basta nawawala
Sila ay nandiyan lamang upang ipaalala na ang bawat bagay ay may dahilan, na sa bawat tao na umaalis ay mga taong bumabalik upang iparamdam sayo na ikaw ay mahalaga.

Ang alaala ay nagpapaalala lamang na minsan, sa ating buhay nakaranas tayo ng mapait at masakit na bagay, nakaranas tayong  ngumiti at sumaya
Sila ang nagsisilbing inspirasyon kahit minsan sila ang dahilan kung bakit may mga taong gusto ng sumuko.
Minsan sa ating buhay, may mga nakaraan na bumabalik sa kasalukuyan kahit gaano man ito katagal nangyari. Sadyang di talaga mapipigilan ang bagsik na dala ng TADHANA. Bigla nalang magpapakita ang mga alaala na pilit **** kinakalimutan.
kingjay Jul 2019
Sa madilim na sulok ay inaalala
ang mga sandaling noon pa'y sa eskwela
at nahuhumaling sa kamag-aral na dalaga

Lipos ng rosas ang kapaligiran
Kapag siya'y nakikita sa paaralan
Sa isang sulyap niya'y ako'y parang sa ibang kalawakan

Hinati na ng imahinasyon
ang daigdig ko na may limitasyon
Itinago muna ang katotohanan
Para sa kanya'y handang ipagpalit maging ang kinabukasan

Sa alon ay nagpapaanod
Sa hangin ay naninikluhod
Ibinulong ang tanging hangarin
na sana sa isang araw kami'y magkapiling

Anong saya sa tuwing pasukan
Singko kong baon ay iniipon
Upang sa pagdating ng tamang panahon
Makabili ng bagong damit nang siya'y ligawan

Bakit ko pa ikinakahiya
ang maging isang dukha
Hindi na nga makakain
Nagsusumikap pa rin kahit hinahamak pa ng iba

Marupok ang aking katatagan
Ang dibdib ko'y may malumanay na damdamin
Ni ayaw magsalita at ayaw pumansin

Duwag kapag ako'y salingin
Nanginginig ang himig
Sa gabi'y pinapangarap
si Dessa na nagluningning

Siya'y prinsesa na nakahilig
Sa luklukan
Haring handang pagsisilbihan
Walang mali sa kanyang kagustuhan

Kapag lumalayo na ang araw
na tila pumapa-kanluran
Alaala'y ibinabalik - mahapdi na katotohanan

Sana'y noong nagkakatitigan
Lumapit kapagdaka'y nagpakilala
Kung sakaling ngumiti
Hindi na siya pakakawalan

Sana'y sa simula pa lang
niligawan na ang Paraluman
Kahit tumanggi sa pagmamahal
Mas mabuti na ang umibig kahit nabigo
Kaysa hindi nakaranas ng pagsuyo
Mahirap man - tumanda nang
nagagalak kahit sa isipan

Ngunit ang salamisim kay Dessa ay ayaw ako tigilan
Lumiligalig sa gitna ng aking kahimbingan
Kung mangyari'y maninirahan sa Panganorin ng nakaraan
ESP Oct 2015
Kung gustong magpatuloy
Burahin ang nararamdaman
Kung gustong mabuhay
Burahin siya sa iyong isipan

                                                   Tamang daan ay alam na alam na
                                                   ito na dapat ang ginagawa
                                                   pero pinipili pa ring maging masaya
                                                   kahit sa dulo alam naman nating talo na

Masaya pa bang ituturing,
Kung ang sakit ay nandoon rin?
Masaya ka bang ituturing,
Kung sa gabi'y mata mo ay lumuluha rin?

                                                 Tunay sa ligaya
                                                 Di talaga sa materyal na bagay makikita.
                                                 Mata ng iyong sinisinta na sa iyo nakatulala
                                                 Anong ligaya ang madarama.

Panandaliang ligaya nga naman
Panandalian lang ang lahat
Pang matagalang sakit at poot
Naman ang sa iyo'y idudulot

Hahayaan mo na lang ba na gano'n?

                                                  Kung ligaya ay minsang panandalian
                            Malamang lungkot at paghati ay panandalian lang din.
                Ngunit haba ng dulot ng ligaya ay di masusukat
     Lungkot na naramdaman ay tiyak malilimot mo na.


Tunay ngang pag-ibig ay magulo
                 Hindi ko maintindihan
                          Bakit kapag nasasaktan ka'y ayos lang?
                                Hindi ko maintindihan
                                      Kapag nama'y masaya ka, babawiin rin lang
                                 Hindi ko maintindihan
                   Maaari bang madali na lang ang lahat?

Pag-ibig ay talagang magulo
                 Pagkat kulay nito'y halo-halo.
                            Mundo ay napapaikot gamit ng pag-ibig na ito,
                                           Sabi nga ng maraming nakaranas na nito
                             Hindi ka matututo umibig
                  Kung di ka masasaktan.
         Sakit sa pag-ibig ay normal


Pagkat ikaw ay nagmamahal.
Written unconsciously by Patricia and I. She was thrilled by the stanza in my poem called Mula Lunes hanggang Linggo (which is posted here too) and she continued the last part with another context and then I answered back until we finally came up with this. That was fun!
Stum Casia Aug 2015
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
tatlo ang maglalakad nang napakalayo,
mula pinakamasikip na eskinita sa Valenzuela
hanggang pabrika para makatipid sa tricycle.

Sayang din kasi.

Dalawa siguro sa tatlong yun, babae,
may tig-isang anak na dumedede pa
at hindi pa talaga maiwan pero kailangan nang iwanan
kahit mahigpit ang pagkakakapit sa tuwing paalamanan
dahil mas mahigpit ang pangangailangan.

Sa sampung rin sigurong manggagawa ng Kentex
siyam yung nagbabaon ng kaning tinipid nung hapunan
at ulam para hindi na bumili sa kainan.
Yung isa siguro kakain na lang ng biskwit at tubig.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
siyam yung hindi na magbebreaktime para magmeryenda.
Sayang ang bawat minutong titigil sa paggawa ng tsinelas,
baka hindi umabot sa quota, baka mawalan ng trabaho bukas.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
dalawa lang ang nagpapansinan sa oras ng trabaho-
yung magkaedad at magkatabi.
Sayang ang bawat minutong tatakas ang atensyon
sa ginagawa, baka mareject ang gawa, baka tuluyan nang tumunganga.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung hindi pa nakaranas ng fire drill.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung walang benepisyo.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung mababa ang sweldo.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung inaasahan ng pamilya.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa ang hindi mo kilala
kaya wala kang pakialam
mabigyan man sila o hindi ng hustisya.
Kevin V Razalan May 2020
Walang labis, walang kulang,
Kung magliyab ang pluma kong laging natatakam,
Mga salitang lilikhain nito'y namumutiktik sa sabik,
Malinggal ang dila, nagagalak kung maghasik.

Madalas ay parang lantang gulay,
Kung gumuhit ng salita ay matamlay,
'Di matuka ng uwak kung ialay,
Minsa'y kulang-palad kung panlasa'y 'di bagay.

Sa tuwing hahampas ang higanteng salot,
Rubdob ng damdamin ay mapusok,
Tatamuhing sugat ay balon na 'di maabot,
Pilat ay siyang mararanasan, patawad ko'y suntok sa usok.

Minsan nama'y isang mapagtangis,
Ulan sa ulop katumbas ay luhang hitik kaysa pawis,
Ipapatalos sa huwad **** puso ang nalasap na pait at sakit,
Sa pluma ko'y tutungayawin ka't isasakdal sa piitan ng malasahan mo rin ang pait.

Hindi na sapat ang galak na malalasap,
Gayong panulat at puso'y nakaranas ng dusa at alat,
Naglahong bula ang hiwaga nitong kaibuturan ng pusong marilag,
Sa pinta mo'y nagmistulang kahabag-habag.

Umpisahan mo ng pumikit, ng mahagilap mo rin ang sinapit,
Madalas man akong matinik , sayo'y hindi na iimik,
Nitong plumang binuling at pinatulis ko sa inani ko sa'yo,
Ngayo'y kakikintalan mo ng hayag na masakit ngunit pawang totoo.

✍: pensword
kingjay Jan 2019
Kunting pagdilat ng kanyang mga mata na di-gaano masingkit
ay ginagahis ang hita't bisig - yumuyukod
Pagsisilbihan ang prinsesa
Tapat na kawal na di sadyang napa-ibig na

Sa pook na madalang dalawin ng banaag ay nanimpuho
Malago ang mga paragis
Nang mga ulap ay bumababa na parang sumasimpatiya
Nahahagkan ang mukha

Kulang sa init at lamig
Walang lasa ang inihaing pag-ibig
na di tumagal sa panlasa
Paano lubusan na ipangangahulugan
kung di nakaranas ng karinyo ng dalaga

Nangatuyo na ang mga uhay sa tumana
habang sinusulyapan ang kasaysayan
Kahit lipos ng balbas ay ngingiti pa

Kahit ilang ulit pa ilalarawan ang anyo na singganda ng mga likas na yaman
Sa hubog na baywang
balingkinitang katawan ay di magsasawa
Nagsusumamo ang puso sa kalangitan

— The End —