Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
090316

Pambungad Mo'y matatamis na mga ngiti
Habang bitbit ko ang mga sandaling nilisan ang pagbati.
Batid ng panlasa ang mapait na takipsilim,
Ang kahapong yumurak sa Iyong kariktan.

May iilang sumisirit ng kandilang bilang
Mayroon ding mga nagwawaldas ng dila;
May nagwawalis ng kalat at siyang binabasura,
Mayroon ding naglalakad ng nakaluhod.

Naging tigang ang lupaing napuno ng banyaga
Sa haplos ng mga nanlilisik na mga mangungusig.
Naging batas ang ideolohiyang makasarili,
Itatakwil ang Perlas na sinisid pa't buhat sa bahaghari.

Tila mga kandadong walang susi
Ang pagsaboy ng mga dikdikang tutuligsa sa Bayan.
Dalamhati sa mga Anak ni Juan
Mga bayaning umani ng nagniningas na rebolusyon.

Ramdam ko ang pluma ni Rizal
Sa kamandag nito'y henerasyon ay aahon.
Bulag, pipi't bingi'y aakma't aaklas ng panalangin
Bangon Pilipinas! Ikaw ang natatangi naming Perlas!
Pare-parehas tayong Pilipino, lusubin natin ang Langit, bitbit ang mga panalangin. Hindi Siya bingi, Tayo ang Pilipinas at Siya ang tanging Batas!
112915 #12:28PM

Naglisawan ang mga katauhang nakaputi
At siya’y mistulang diwata
Sa kanyang putong at pamato.

“May kuwit ang Langit *
Siyang puspos sa pangako –
Pangakong may habilin
Sa naudlot na pagtatapat.
At sa pagniningas ng simboryo’y
Ako ang ‘yong katipang sabik,
At may bantayog na pagsinta.”

Paimpit ang tibok ng puso
Habang sayad ang telang puti sa lupa,
Mistulang palamuti ang mga rosas
Sa pulang salawal ng papag.

“Naging maselan ang puso
Sa tagal ng paghihintay.
Bagkus ito’y maiksing ihip ng hangin,
Tanging hiram sa Tagapagbigay ng Buhay.
Hindi mahinuha
Ang bigkas ng bawat pintig,
Ako’y Kanya bagamat inilaan sayo.”

“Paumanhin, pagkat minsa’y naging duwag,
Duwag akong sa bangin ng pagsuyo
Pagkat baka ang huli’y maging pauna.
At hindi sapat ang pagsinta
Kung wala ang basbas ng Ama.”

“O tamang panahon, salamat sa Kanya!
Ito’y ipinagtirapa nang ilang ulit.
Kung ang pagtugon ay plantsado,
Ilang butil ang buhos ng Langit,
Sagot sa nakaluhod na pagnilay.
Siyang Barandila sa pusong tigang –
Sumuyo sa’ki’t bulong iyong ngalan.”

“Anumang dagok sa nakaraan,
Ang ngayo’y walang katumbas.
Minsan hinayaang magpatibuwal
Ang pangakong laan sayo.
Pagkat pag-ibig Sinta’y
Hindi pa hitik sa bunga.
Kaya kahit anong pagpalahaw ng damdamin,
Tinakpan ito’t di nais na magkayabag.”

“Dalpak man ang mga paa,
Damdamin ko nama’y tiyak.
Kanyang isinulat ang pag-iibigan natin,
Siyang patotoo sa tunay na nakapaghihintay.”*

Yayariin ang detalye’t estilo
Ang dunggot ng tuldok,
Doon lamang sa ikalawang pagbabalik.
Mula sa Langit na Siyang Tagapagkatha.
JOJO C PINCA Nov 2017
Kung ang bunga ng isang makata ay tula
humihingi ako ng paumanhin
sapagkat mapakla
at hindi matamis ang sa akin.

Gusto ko sanang saysayin
sa paraang patula
ang buhay mo at dalita
na tulad sa bulaklak
ay nalanta nang ikaw ay dahasin
ng mga puting dayuhan.

Ikaw ang Sisa na nabaliw
sa paghahanap ng iyong Crispin at Basilio,
Babaylan kang hinubaran ng dangal
sa harap ng madla,
subalit ikaw din ang Gabriela
na nag-armas at lumaban.

Inang Bayan ko
na sakbibi lagi ng lumbay
kailan mo kaya makakamtan
ang tunay na kalayaan
na kay tagal mo nang inaasam?

Wala kang maasahan
sa mga anak **** hangal
na parang birhing matimtiman
na laging nakaluhod
sa paanan ng dayuhan;
mga putang walang kahihiyaan
na ibenibenta lagi ang puri mo't dangal.
nilalamig, nanginginig, nanghihina, at humahangos,
sa siksikan na lugar, pinipilit kong umusad at makaraos.
ang sakit ng puso’y nagpaparamdam sa paos niyang sigaw ng “tigil!”
sa mga matang hindi alam ang ginagawa pero ayaw magpapigil.

naghahanap ng sagot, nangungulila sa gustong pagmulan nito,
ang mga paa’y hinahatak palayo sa direksyon mo.
paurong-sulong ang isip na tanging laman ay ikaw,
nagmamakaawang nakaluhod, pilit nang nag-aayaw.

nananakit na ang leeg kakahanap sa kanyang noo’y sandalan,
naiiyak na inaalala ang nagtapos kamakailan lang.
ngayo’y naglalakad mag-isa sa gitna ng maiingay na tao,
dahil sa manhid, wala nang pakialam kahit natutulak at nabubunggo.

bagsak ang mga balikat, ang mga tuhod ay sumusuko,
paubos man ay lumalaban ang mahinang bulong ng puso.
umaasa na sa konting sakit at hintay pa, baka ako pa rin—
na sa aking paghahanap ay makita ka at ang iyong mga matang naghahanap din sa akin.

— The End —