Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Louise Sep 2018
Nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
Ito ang katotohanan na alam ko.
Tila ba paulit-ulit nang ipinipilit ng panahon
na tayo'y pag-lapitin, na pag-lapatin pang muli ang ating mga palad. Ang ating mga labi.
Ngunit sa pagkakataong ito, nagpapanggap at nagsusumiksik ang panahon sa likod ng aking katawan at pagkatao.
Matagal nang kumawala ang tunay,
tangay nito ang ating awit at binitawang
mga sambit.
Hinalughog kong muli ang bawat tula mula sa pagkakawala ng mga ito sa lawak ng tagpuan ng makisig na buwan at payak na lupa.
Pilit kong isinaboy ang nakakapuwing na buhangin upang balutin nito ang mga bituin.
Upang mapadali ang sa kanila'y pag-dakip at sa mga pangamba mo'y aking itinakip.
Sinubukan kong gawing sigwa ang natitirang patak ng tuyot nang lawa.
Isang kasalanang pagbabayaran ng ilan mo pa kayang lihim na pagluha?
Sa dampi ng ginaw, isang ihip lang iyan, at hinding hindi na tayo muling magugunaw.
Ibinulong sa mga alitaptap na kung mabibigo at masusugatan man sa isa pang himagsik,
hindi alintana kung ang gantimpala ay
isa pang halik sa labi **** nilikha para sa akin, oo, ito'y para sa akin
ngunit mananatili ka namang naglilibot.
Kahit isa pang himagsik.

At isinumpa ko ang panahon. Ang relihiyon.
Hindi mo ba alam na ang pagmamahal ko sa'yo ang aking relihiyon?
Tawag ko ang ngalan mo hanggang sa pagbubukang-liwayway.
Dinarasal sa tuwina ang pamamalagi na lang sana ng iyong ngiti.
Niluhuran ang nagniningas na lahar,
nakayapak na nagtungo sa paanan ng iyong pagkabahala. Ito ang aking altar.
Patuloy ka pa rin namang maglalakbay.
Lingid sa iyong kaalaman na hinamon ko na ang araw sa gitna ng tag-ulan;
"Husgahan mo na ako. At kung mananatiling magmamahal itong puso,
maka-ilang ulit mang apak-apakan at kaladkarin, sa bawat araw man ay magalusan at mag-langib, habangbuhay mo pa akong sunugin at ito'y malugod kong titiisin! Sa araw na ang aking katawan ay masasawi, hanapin mo ako sa anyo at kulay ng mga puno at damo at siyang parusahan din."
Ngunit itong pag-ibig ay tila ba nagmimilagro o ito ang milagro mismo.
Araw na mismo ang tumanggi, pinasinayaan pa ng mga agila at payo ng mga talampas.
Anito'y mauubos raw ang sansinukob sa ugnayang ito. Natatawa kong tugon; "iyon nga ang aking punto!"
At ito ang naging kapanganakan ng kawalan ng ginaw dito sa piling ko.
Pinarusahan pa akong muli na mananatili kang maglalakbay, maglilibot, malayo sa aking tabi.
Na patuloy **** hahanapin ang lamig ng hatinggabi.
Kahit halinghing lang sana ng iyong tinig,
malaman ko man lang na tayo'y tumatanaw sa iisang langit.
Manatili ka lang na nakatungtong sa sansinukob na minsan ko na ring isinumpa.
Manatili ka lang na naglalakbay at naglalakad sa kulay ng damo na minsan ko nang inalay sa saliw ng pagkabalisa.
Manatili ka lang, giliw...
kahit hindi na sa aking bisig.

Sa hagupit, sa kamalasan na lamang ako makikipaghimagsik.
Hindi na magmamakaawa ngunit hindi pa rin magsasawa.
Tatanawin ka sa kabila ng ginaw,
ngunit ang awit ng pag-ibig para sayo'y hindi na malulusaw kahit sa tag-araw.
Ang tagtuyot ay pababayaan na lang o hihintayin kahit ang pag-ambon, hindi na ipagdarasal ang sa atin ay isa pang unos.
Mga buhangin ay isasauli na sa dalampasigan, upang sa pagbalik ng tag-init, mga halakhak natin ay mananatiling nakakabingi.
Sa iyong mata'y manatili sana ang mga bituin.
Marahil hihinto na rin sa paghahalughog ng nawawalang mga tula at prosa,
lilikha na lamang ng mga hungkag na pangungusap na tila ba pang-hele sa
sarili sa mga gabing nasasabik pa sanang basahin ang pagpapatuloy ng ating nakabitin na akda.
Ang iyong mga awit, ang iyong pag-awit... ipinagdarasal na aking mapagtagumpayan ang pagpapanggap na hindi na ito kailanman balak pang marinig.
Ang ika'y makadaupang-palad, ang sayo'y makipagpalitan ng maiinit na halik...
ay, para lamang dito'y lilikha na naman ba ng isa pang tula?
Panahon, isumpa mo ako pabalik.
Susukuan na ang pagpilit sa iyo.
Wag ka lang sukuan ng pag-asa na sa iyong nais at tunay na matungtungan ay pihitin ka pa-usbong. Ako na lamang sana ang gantihan ng panahon.
Ang katotohanan na sa kasaysayan at mga katha ay hindi na maaalis; kailanman, anuman at saan man...
nakaukit na ang ngalan mo sa akin.
L S O May 2015
Leron, leron sinta
Kay tagal kong hinanap
Sa lahat ng sulok, sa lahat ng kanto.
Bawat bulong, bawat banggit
Baka sakaling maituro sa akin
Ang pangalan mo.

Buko ng papaya
Natatangi sa 'king paningin
Ikaw ang dahilan
Kung bakit may kaba sa dibdib
May tamis ang ngiti
May kislap ang mga mata.

Dala-dala'y buslo
Nilalaman nito'y puso
Pusong minsan nang nabigo
Ngunit pinatibok **** muli
Tangan ng aking mga kamay
Nanganganib na ibigay
Sa 'yo.

Sisidlan ng bunga
Duyan ng mga pangarap
Mga alaalang ipipinta pa lamang
Sa hinaharap na sana'y
Sasalubungin ko
Na kasama ka.

Pagdating sa dulo
Matapos ang lahat ng dasal
Pananalangin sa Maykapal
Nakabitin sa gilid ng bangin
Handa nang mahulog
O matagal nang nahulog?

Nabali ang sanga
Pumutok ang bula
Natunaw ang tuwa
Nabasag ang pag-asang
Pinanghawakan
At iningat-ingatan.

Kapos kapalaran
Minalas lang ba
O sadyang malas na talaga?
Malupit ang tadhana.
Sa gulong ng palad
Parang laging nasa ibaba.

Humanap ng iba*
Hindi ngayon, hindi bukas
O kahit sa susunod na linggo
Pero balang araw
Magtatapos din
Sa masayang wakas.
Karl Gerald Saul Mar 2020
ARMAS MO'Y PANALANGIN.

Bago natin hangarin ang pansarili hiling,
Hingin na bawat isa'y makabangon at gumaling;
Sa gabay Nya, walang maiiwang nakabitin
Pagkat ang DIYOS ay mas higit pa sa bituin.

Mataimtim na dasal ang mainam na gawin.
Isuko sa kanya ang lahat ng masamang gawain;
Talikuran at wag na nating ulit-ulitin
Ang Kanyang utos ay di dapat balewalain

Normal lang matakot, pananalig mo'y wag hawiin
Boung pusong pananampalataya - Sya'y purihin;
Huminahon at sa kanya tayo'y manalangin
Handa syang makinig, naghihintay lamang sa'atin.

Simpleng pagsubok lamang ito kung tutuusin
Kung sa kanya ang tiwala mo'y hindi bitin;
May dumating mang hadlang at ika'y sirain
Itanim sa isipan - armas mo'y panalangin.
Isa akong hamak na kabataan na pinagkaitan ng mapaglarong mundong ito. Sa isang madilim na bodega ako matagal nang nananatili. Mabaho at walang pagkain, araw-araw ay tinitiis namin ang kalam ng aming sikmura.
      Mahigpit na ipinag-uutos sa amin na pulutin ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa loob ng tambakan na ito. Sinusunod namin ito ng maayoa ngunit tila ang pangakong binitiwan ng taong dumampot sa amin sa kalsada, na kami ay pag-aaralin, ay naglaho nang parang bula.
      Sa bawat sandali ng aking buhay, wala akong naging karamay kundi ang malaking salamin na nakabitin sa dingding ng malawak na silid na ito. Na at patuloy na nagsasabi sa akin ng pag-asa. Pag-asa na siyang matagal ko nang gustong makamtan.

      Sa tuwing titingin ako sa silid na aking kinalalagyan, halos mamatay na ako sa kawalang kalayaan na ito. Minsan pinipilit kong kumawala sa silid na ito kasama ng ibang kabataang inalipin na ng takot. Ngunit suntok at hagupit ng tubo ang aming natatamo sa tuwing nanaisin naming tumakas sa silid na ito. Hindi ko talaga lubos na maisip ang mga pangyayaring nagaganap sa buhay ko. Kung ito ba ay totoo o isang panaginip lamang.
      Tumingin ako sa salamin at isa lang ang sinasabi ng aking wangis, hanggang kailan ko pagmamasdan ang mukhag nahihirapan at punung-puno ng kalungkutan? Mabuti pa ang salamin na ito. Sa or as na siaikat ang araw, lagi niyang ipinadarama ang panibagong pag-asa.
Edelyn Galvez Oct 2016
Sa mata’y mababasa ang ‘di nakikita
Sa dila’y nakabitin ang mga salita

Salitang ‘di gumagalaw ngunit gustong kumawala
Salitang madaming sinasabi ngunit walang magawa

Naintindihan, naiintindihan at maiintindihan pa kaya?
Kung pagbabasa sa pagitan ng mga linya’y di magawa?

— The End —