"mutya" poems
Umiibig akong matapat ang puso,
sa iyo, O Sintang pithaya ng mundo.
Dilag na bulaklak sa harding masamyo,
sinuyo’t pinita ng laksang paru-paro.
Tinataglay nila’y mararangyang pakpak,
subalit ang nasa’y tanging halimuyak.
Iba sa bagwis kong luksa ang nagtatak,
sa mata ng iba’y isa lamang hamak.
Ako’y dahop-palad, niring mundo’y aba,
sa utos ng puso, ikaw’y sinasamba.
O! ang saklap naman, umagos ang luha,
pagkat lumilihis ang ating tadhana.
At niring landas ta’y lalong pinaglayo,
nang ikaw’y nabihag ng hari ng mundo.
Buong taglay niya’y di tapat na puso,
tanging hangad lamang ang kagandahan mo.
Sinta ko ano pa ang aking magawa,
kung sa ngalan ng Diyos kayo’y tinali na?
Daloy ng tadhana’y mababago pa ba’t,
panaho’y balikang ikaw’y malaya pa?
Bihag ka na ngayong walang kalayaan,
hawak ang mundo mo ng lilong nilalang
Wari'y isang ibong ang lipad may hanggan,
at ang yamang pakpak, dustang tinalian.
Paano O! Sinta yaring abang buhay?
Ikaw’y tanging pintig nitong pusong malumbay.
Kung ikaw ang buhay ng buhay kong taglay,
Sa iyo mabigo’y sukat ng mamatay.
Subalit nasa kong lumawig sa mundo,
sapagkat buhay pa niring pag-ibig ko.
At ikaw O! Sintang namugad sa puso,
napanagimpan kong pinaghintay ako.
Sa harap ng hirap na di masawata,
tanging asam ko’y lalaya ka Sinta.
At itong pagtiis ay alay ko Mutya,
mula sa puso kong nagdadaralita.
Maghihintay ako sa pagkakahugnos,
sa tanikala **** higpit na gumapos,
sa kalayaan na lubhang nabusabos,
at mariing dulot, galak na di lubos.
Ang aking paghintay akay ng pag-asa,
lawig ng pag-asa’y kambal ang pagdusa.
At ang dukhang pusong batis ng dalita,
tila pinagyakap ang pag-asa’t luha.
O! aking minahal ako’y maghihintay,
kahit walang hanggang paglubog ng araw.
Magtitiis ako sa gabing mapanglaw,
hanggang sa pagsilang ng bukang liwayway.
Yaong sinag nito’y ganap na tatapos,
sa dilim na dulot ng dusa’t gipuspos.
Sinag na tutuyo sa luhang umagos,
niring mga matang namumugtong lubos.
Yaong pamimitak ng mithing umaga,
araw na mabihis ng mga ligaya,
ang buhay kong abang tinigmak ng luha,
mula sa kandungan niring Gabing luksa.
Maghihintay ako sa gitna ng dusa,
kapiling ang munting kislap ng pag-asa.
Magtitiis kahit sanlibong pagluha,
hanggang sa panahong muli kang lalaya.
Maghihintay akong di hadlang ang pagal,
kahit ang panaho’y lalakad ng bagal.
Magtitiis ako pagkat isang tunay
itong pag-ibig kong sa puso’y bumukal.
Maghihintay kahit dulong walang hanggan,
na pagdaralita’t mga kapanglawan
Kahit di tiyak kong muling sisilang,
ang bukang liwayway na tanging inasam.
©Raffy Love Canoy |May 2019|
May 28, 2019
May 28, 2019 at 6:21 AM UTC
Ang maikling kasaysayan ay pilit kinakalimutan
Nang nahulog sa bangin ng nakaraan
itinali sa leeg ng walang pag-aalinlangan
ang maiksi na lubid na pinanghahawakan
Kumikinang na perlas ng silangan
namumukod-tanging mutya sa dalampasigan
Nang makatakas sa karagatan
Di na bumalik sa kinagisnan
Papalubog na ang araw nang hindi namamalayan
Ang liham nito'y kanyang huling alab
Yugto ng masamang pangitain
kung kailan dadapo ang mga paniki
Nagsilbi na piring sa pagsapit ng Biyernes ang takipsilim
Sa walang pakundangan pugon
Nagliyab ang lunggati ng pangangalit
Marahas na pagbati nito ay pasakit
Ang simpatiya ay kumukupas
Sa trahedyang sumira
Nang wala na makakapitan sa pag-aagaw buhay
Walang paghikbi sa kapaligiran
Labis na kasawian
Dec 16, 2018
Dec 16, 2018 at 6:24 AM UTC
Ang mutya ng kaarawan
Sana'y muling masulyapan
Tinig mo'y may dalang katotohanan
Sana'y labis kong mapakinggan
Hiling na sana'y magkausapan
Ang araw na 'yun ay 'di makalimutan
Taimtim na umaasang magkakitaan,
Upang ika'y pasalamatan
Pagca't ako'y muling nabuhayan
Nagapi ang nanlulumong kamatayan
Sa loob ng masidhing kalooban
Ikaw ang nagdala ng matinding kagalakan
May isang sumpang wagas
Kahit na ang araw ay mag wakas
Sa puso ko'y ikaw ang binibigkas
Tuwing ako'y naghihintay sa labas.
Mar 19, 2018
Mar 19, 2018 at 11:16 PM UTC
May mga bagay na ating hinango mula sa makikinis na tela,
Nilagyan ng mga sariwa't kakaibang mga pabango,
Pinuno ng ginintuang mga pilak at diyamante.
Tapos hinabi mula sa sapot ng nakalalasong gagamba,
Habang dinidikitan ng mga perlas na mutya
Ngunit maniwala ka sa aking sasabihin
Na bawat telang makinis ay gagaspang rin.
Ang iyong mga pabango't ginto ay nanakawin.
Ang iyong hinabi ay maluluma rin,
Kasama ng mga perlas na kailanman ay magniningning.
Ito'y kung wala kang gagawin...
Feb 26, 2017
Feb 26, 2017 at 4:15 PM UTC