Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
AL Marasigan Jul 2016
1:40 am,
Ganitong oras mo ‘ko sinagot
Ganitong oras mo pinaramdam sa’kin na mahal mo rin ako
Ganitong oras ko narinig ang mga katagang mahal kita mula sa’yong mapupulang labi
Kaya naman, sa ganitong oras ko din isisiwalat kung gaano kita kamahal
Matagal ko na ‘tong pinaghandaan
Di ko nga tansya kung ilang letra, ilang salita o ilang talata ang nasulat ko
Di ko na tansya kung ilang araw ko ‘tong kinabisado para lamang maging perpekto sa harapan mo
Di ko tansya kung ga’no nga ba kita kamahal, nung tinanong mo ‘ko
Pero ngayon, ito na.
Ala-una kwarenta ng umaga, ginising ako ng isang panaginip
Panaginip na nagbigay init sa puso kong natutulog.
Ito din yung oras kung
kailan ako’y natataranta kasi nga may pasok na naman.
Ito rin yung araw
kung kalian kita unang nakita.
Di ko alam kung tadhana nga ba, na napaniginipan kita bago kita nakilala
Tandang-tanda ko pa…
Yung mga ngiting binigay mo sa’kin nung ika’y nasa panaginip ko pa lamang
Tandang-tanda ko pa…
Yung mga ngiti mo
Nung tinanong mo ‘ko kung
kailangan ko ba ng tulong
sa mga akdang-araling binigay sa’tin ng ating mga ****
Tandang-tanda ko pa….
Na hirap akong makatulog
kasi nga
di ako makapaniwala na ang babaeng napanigipan ko’y
Magiging kaklase ko
Kaya naman
Sinet ko na ang alarm sa 1:40 am simula nung araw na yun
Araw-araw
Para lamang itext ka ng goodmorning at gulat naman ako
Kasi nga, nagrereply ka pa sa ganoong oras
Destiny at meant for each other nga naging mantra’t mentality ko noon.
Di ko nga alam kung ako ba’y nasa loob pa ng isang panaginip
O ito ba’y kathang-isip na lamang
Masaya ako!
Hindi, Mali
Sumaya ako simula noon
Kaya naman ginagawa ko ang lahat ng gusto mo at pinipilit gustuhin ang mga ito
Para lamang matugunan ko ‘tong pag-iisip ko na
TAYO NGA’Y PARA SA ISA’T-ISA
Nakakatawa kasi nga dumating yung araw na para nalang akong tangang
Di ginagamit ang kokote dahil nagpakabulag na sa tinatawag nilang pag-ibig.
Tangang, pinabayaan ang sarili para lamang mapasaya ka
Tangang, pinaubaya ang lahat sa mga salitang *“Mahal kita”

Tangang, akala na ang lahat ng bagay na ginagawa mo at ginagawa ko ay
Si tadhana ang may pakana*
Ngunit di pala, ito pala’y purong katangahan na lamang
Ang akala kong nagpupuyat ka rin para lamang makareply sa text ko pagsapit ng 1:40 am
Ay di pala talaga para sa’kin
Ang akala kong panaginip na nagbigay init sa pusong malamig na natutulog
Ay panaginip pala na sinunog ang natunaw ko nang puso dahil sa malaanghel **** boses
Ang akala kong pananginip na nagbigay kulay sa buhay kong matagal nang matamlay
Ay panaginip pala na sa sobrang kulay ay nagbigay kadiliman na lamang
Ang akala kong perpektong panaginip
Ay panaginip palang maraming butas at naging isang masakit na bangungot na lamang
Mahal, sa ganitong oras mo ‘ko sinagot
Sa ganitong oras mo binigkas ang mga salitang matagal ko nang inaasam-asam
At sa ganitong oras mo din binigkas ang katagang
“Tapos na tayo”
1:40 am
Nagising ako sa isang panaginip
Panaginip na purong kadiliman na lamang
Panaginip kung saan ang kasiyaha’y naging purong kalungkutan na lang
Mahal, sa ganitong oras ko isisiwalat ang lahat
Kaya maghanda ka na,
Kasi di ko tansya kung ilang salita, ilang talata o ilang araw ko tong pinaghandaan
Para lamang maging perpekto sa harapan mo
Di ko tansya kung gaano nga ba mo ko minahal
O kung minahal mo ba talaga ako
Pero ngayon, ito na….
1:40 am
Malapit nang masira ang aking tainga dahil sa pagtunog ng orasan.
Ginising na ako ng katotohanang wala nang ‘TAYO’
Kaya naman ako’y
Bumangon, tumayo’t binago na ang alarmang inilagay,
Gising na ako, gising na gising.
Masaya, masayang-masaya!!
Kahit wala ng ‘TAYO’

Time Check: 1:41 am
Spoken Word Piece.
Copyrights Reserved.
                                                         -Alenz Marasigan
030317

Oo, totoo --
Hindi mo na kailangang ipagsigawang mahal mo ako,
Na aakyat pa sa tuktok ng bundok
Para isigaw ang pangalan ko,
At doo'y ihayag ang nilalaman
Ng damdaming nagsisidhi,
Sapat na sa akin ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan.

Mahal kita --
Sabi nila, lahat ng panimula ay may pangwakas
Pero hindi ko mahagilap sa anumang libro
Kung may katapusan nga ba ang mga salitang yan.

Sa bawat letrang namumutawi sa aking bibig,
Hindi ko alam kung matatapos ba
Ang pagkatha ng puso ng sarili nitong lenggwahe ng "mahal kita"
Pagkat hindi ito isang antigong alahas
Na susuotin lamang sa mga piling okasyon,
Pagkatapos ay itatago sa kahon,
At kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon.

Sabi sa kanta,
"Walang sagot sa tanong kung bakit ka mahalaga"
Pero ang sabi ko nama'y
Tirik man ang araw sa pagtawa
O kulimlim man ang gabi sa pag-iyak,
Hindi ako mauubusan ng dahilan
Para mas mahalin ka pa.
Mahal, kaya ka pala mahalaga
At kaya pala mahalaga --
Ngayon, ngayo'y alam mo na.

Kukunin ko ang mga agiw
Sayong mga lumang gunita,
Pilit kong wawasakin ang mga pader
Na hindi akmang pumagitna sa'ting dal'wa.

Sa paulit-ulit **** pagsambit,
Noo'y natakot akong maglaho ang halaga nito
Natakot akong bawiin ng bukas ang bawat sinasambit mo
Pero ngayon, mas pinili ko nang masanay --
Masanay sa bawat pagbigkas mo
Kahit pa sabi ko noo'y ayoko
Kahit pa gusto kong itanggi
Kahit pa gusto kong limutin.

Pero oo, sapat na sakin ang tiwala mo
Sapat na sakin ang pag-intindi mo
Minsa'y di ko maintindihan sa telepono,
Minsa'y di ko malinaw sa pandinig ko
Pero alam ng puso ko:
Narinig ko.

Sa mga kamaliang pilit nating binabayo,
Mga pagkukulang na pilit nating pinupunan,
At sa mga araw na kahit luha ang nalalasap,
Doon ko nakitang kaya pala --
Kaya pala nating magpatuloy
Sa paghawak sa kamay ng bawat isa
At kahit pa malayo sa isa't isa'y
Ikaw at ikaw pa rin ang pagsinta.

Minsan di'y nagtanong ako,
Ba't hindi ka na lang naunang masilayan ang mundo?
Bakit kailangang hintayin pa kita?
Bakit kailangang masaktan muna bago matugunan ang pagmamahal?
Ba't nga ba minamahal kita?

Mapupuno ako ng bakit
Pero itatapon ko ang mga ito,
Ayoko nang malunod sa pangambang
Paggising ko'y baka muli ka na namang maglaho
O baka malimot ng isa sa atin
Ang iniingatang "mahal kita"
Tatalon ako sa walang kasiguraduhan
Tatalon ako --
Oo, alam kong nahuhulog ako
Nahuhulog sa walang katapusang
"Mahal kita."

Hindi ko gamay ang misteryo nito
Hindi ko mabatid ang mga nakasulat,
Mga nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
Pero ililibot kita,
Sa aking nakaraan,
Sa aking ngayon
At sa aking bukas --
Pagkat hindi tayo nabigo
Ayokong biguin ka.

Kailanman hindi mabubura,
Hindi maglalaho
Para sa nag-iisang ikaw.
Sana magkusa ang araw sa pagbangon,
At bukas makalawa'y maririnig ko na
Ang hinihintay kong "Mahal kita."
Mahigit pitumpu't limang porsyento
Niyurak ng matinding alon
Walang awa ang haplos
Ang yapos na nakagigimbal
Kinitil hindi lamang ang buhay
Gayundin ang hanapbuhay.

Ni hindi masisid ang perlas
Na ngayong may takip sa ibabaw
Nabibilang ang lumalangoy
Kaawa-awang gambalain
At hablutin sa laot nang walang muang
Ngunit anong siyang magiging sapit?
Kung sila'y hahayaang hindi nakagapos?
At doon sa lambat ay patitiwarakin.

Tinaguriang "No Build Zone"
Ngunit naroon nakatirik ang bawat pundasyon
Walang opsyon, pagkat ang gobyerno
Kaytagal din nang pag-aksyon.

Mula sa libu-libong tirahan sa Tent City
Sila'y lilisan patungong Bunk House
Transitional Shelter kuno
Hanggang sa malipat
At magkaroon ng panibagong tirahan.

Doon sa Tacloban,
May dalawang daan at apatnapu't anim na tirahan
Bagkus ang nakalilim, apat na libong pamilya naman.

Salamat sa mga NGOs
Sa 9181 na Bunk House
Sa gobyernong dapat na kikilos
Kailan ba sisimulan ang pagbabago?

Walong libong pabahay raw ang ginagawa
167 bilyon ang budget,
Saan nga ba napunta?
Ito ba'y binulsa?

Comprehensive Rehabilitation Plan kung tinagurian
Kay bango ng ngalan
Bagkus umaalingasaw ang baho
Ang kasiraan, ang kawalan ng aksyon
Para sa bawat mamamayan.

Sa dakong Guian, Eastern Samar
Tatlong daang permanenteng pabahay raw
Ngunit ni isang pundasyon ng naturang pabahay
Tila naglaho pa rin ni Yolanda
At walang bakas na pasisimulan.

Sabi ni Pnoy, malinaw raw ang target
Pero hanggang target na mga lang ba?
Kailan ba sisimulan ang tuwid na daan?
Baka naman baku-bako na
Wala man lang pasabi sa kinauukulan.

Kung ang hustisya'y hindi matugunan
Sana ang kalamnan ng bawat biktima'y
Syang agapang mapunan
Kaawa-awa silang naghihikahos.

Ang laki ng tulong ng mga karatig-bansa
Ba't tila walang pakialam?
Kayong mga nasa trono,
Tayuan ang posisyon
At serbisyo'y gawin nang totoo.
#Pagbangon
Eugene Sep 2018
Muli na naman akong nagsakripisyo
para sa mga taong minahal at mahal ko.
Muli na naman akong nagpakabobo
para lang matugunan ang mga pangangailangan nilang hindi ko alam kong ito ay totoo.

Muli ko na naman naramdaman ang sakit
kahit alam kong pansamantala lang itong didikit.
Muli na naman akong masasaktan
kahit alam kong ito ay paulit-ulit na lang na dumaraan.

Sana lang huwag bumitaw ang puso ko
sa pait ng katotohanang ako lang naman ang nagmamahal.
Sana lang panindigan ng puso ko
ang maniwala sa katotohanang totoo ang kanilang ipinaparamdam.

Dahil...

Kung ang kirot at sakit na aking nararamdaman
ang siyang tunay na dahilan kung bakit patuloy sa pagdaloy ang dugo sa aking puso at buong katawan,
Itutuloy ko na lamang kahit na habambuhay ko pang ito ay pagsisihan.
Pagkat ang mahalaga sa akin ay hindi kayamanan kundi ang tunay na kahulugan ng pagmamahal dito sa aking kaibuturan.

— The End —