Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
030317

Oo, totoo --
Hindi mo na kailangang ipagsigawang mahal mo ako,
Na aakyat pa sa tuktok ng bundok
Para isigaw ang pangalan ko,
At doo'y ihayag ang nilalaman
Ng damdaming nagsisidhi,
Sapat na sa akin ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan.

Mahal kita --
Sabi nila, lahat ng panimula ay may pangwakas
Pero hindi ko mahagilap sa anumang libro
Kung may katapusan nga ba ang mga salitang yan.

Sa bawat letrang namumutawi sa aking bibig,
Hindi ko alam kung matatapos ba
Ang pagkatha ng puso ng sarili nitong lenggwahe ng "mahal kita"
Pagkat hindi ito isang antigong alahas
Na susuotin lamang sa mga piling okasyon,
Pagkatapos ay itatago sa kahon,
At kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon.

Sabi sa kanta,
"Walang sagot sa tanong kung bakit ka mahalaga"
Pero ang sabi ko nama'y
Tirik man ang araw sa pagtawa
O kulimlim man ang gabi sa pag-iyak,
Hindi ako mauubusan ng dahilan
Para mas mahalin ka pa.
Mahal, kaya ka pala mahalaga
At kaya pala mahalaga --
Ngayon, ngayo'y alam mo na.

Kukunin ko ang mga agiw
Sayong mga lumang gunita,
Pilit kong wawasakin ang mga pader
Na hindi akmang pumagitna sa'ting dal'wa.

Sa paulit-ulit **** pagsambit,
Noo'y natakot akong maglaho ang halaga nito
Natakot akong bawiin ng bukas ang bawat sinasambit mo
Pero ngayon, mas pinili ko nang masanay --
Masanay sa bawat pagbigkas mo
Kahit pa sabi ko noo'y ayoko
Kahit pa gusto kong itanggi
Kahit pa gusto kong limutin.

Pero oo, sapat na sakin ang tiwala mo
Sapat na sakin ang pag-intindi mo
Minsa'y di ko maintindihan sa telepono,
Minsa'y di ko malinaw sa pandinig ko
Pero alam ng puso ko:
Narinig ko.

Sa mga kamaliang pilit nating binabayo,
Mga pagkukulang na pilit nating pinupunan,
At sa mga araw na kahit luha ang nalalasap,
Doon ko nakitang kaya pala --
Kaya pala nating magpatuloy
Sa paghawak sa kamay ng bawat isa
At kahit pa malayo sa isa't isa'y
Ikaw at ikaw pa rin ang pagsinta.

Minsan di'y nagtanong ako,
Ba't hindi ka na lang naunang masilayan ang mundo?
Bakit kailangang hintayin pa kita?
Bakit kailangang masaktan muna bago matugunan ang pagmamahal?
Ba't nga ba minamahal kita?

Mapupuno ako ng bakit
Pero itatapon ko ang mga ito,
Ayoko nang malunod sa pangambang
Paggising ko'y baka muli ka na namang maglaho
O baka malimot ng isa sa atin
Ang iniingatang "mahal kita"
Tatalon ako sa walang kasiguraduhan
Tatalon ako --
Oo, alam kong nahuhulog ako
Nahuhulog sa walang katapusang
"Mahal kita."

Hindi ko gamay ang misteryo nito
Hindi ko mabatid ang mga nakasulat,
Mga nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
Pero ililibot kita,
Sa aking nakaraan,
Sa aking ngayon
At sa aking bukas --
Pagkat hindi tayo nabigo
Ayokong biguin ka.

Kailanman hindi mabubura,
Hindi maglalaho
Para sa nag-iisang ikaw.
Sana magkusa ang araw sa pagbangon,
At bukas makalawa'y maririnig ko na
Ang hinihintay kong "Mahal kita."
070616 #12:27PM #ElNido

MAKATA ang lenggwahe ng pusong umiibig,
MAKATA ang katauhang ikinubli ang malasakit,
MAKATA ang kasarinlang may dalisay na panalangin.

Patungo sa may lalang na may misteryong grasya,
Kanyang isasakatuparan ang mistulang imposibleng eskima --
MAKA-DIYOS ang MAKATA.

Para sa pahalang na pakikitungo
Sa madlang baluti'y maskarang may bahid na kayumanggi --
MAKATAO, siyang daing ng MAKATA.

Sa Perlas ng Silanganang winawagayway ang bandila,
At sa udyok ng romantikong lupaing sinilangan --
MAKABAYAN ang pagpili ng MAKATA.

Heto ako't kumakatok sayong pintuang walang susi,
Pagkat kandado mo'y makasarili sa'king galak na pagbati.
Ikaw ang simbolo ng kabuuan ng pag-ibig na hinaharana,
Habang ako ang pariwarang napuno ng "baka sakali," o Sinta --
MAKA-TAYO ang MAKATAng may puso.
080416

Ilang beses na akong sumusulat ng tula,
Nagbilang ng talatang puno ng metapora,
At naglaan ng kuwit sa humihingal na mga pangungusap.

Ilang beses na akong humukay ng alaala,
Mabigyang buhay lamang ang reporma ng katha,
Makaniig  lamang ng puso ang mga mambabasa.

Ilang beses na akong nagtapon ng papel,
Naubusan ng tinta't napurulan ng panulat.

Ilang beses ko nang sinabi saking sariling
"Hihinto na ako sa sa pagsusulat."
Bagkus sa bawat pintig ng puso'y
Tanging Ikaw ang pamagat.

At sa bawat pagsalin ng lenggwahe ng damdami'y
Ni hindi masilayan ang binagtas ng pusong marupok na.

Ilang beses na akong nagtula,
Pero paulit-ulit ang tugma,
Ikaw at Ikaw pa rin ang pamagat.
Sarrah Vilar Sep 2016
Naaalala mo ba nung una niyang ipinakita sa'yo 'yung lugar mo sa buhay niya?
'Yung sandaling 'yon na itiniwarik niya daw ang mundo
Para hayaan na kayo lang ang nakatayo. Magkasama.
Nakita ko 'yung saya na suot ng 'yong mukha.
Nakita ko kung paano kumislap 'yung mga mata **** walang alam na daan
Kundi 'yung direksyon kung nasa'n siya.
Nakita ko kung paano mo winasak 'yung pader d'yan sa puso mo.
Nakita ko kung paano ka muling nagtiwala.

At nakita ko 'yung pagsikip ng lugar
Na sinabi niyang ikaw lang 'yung may-ari.
Nakita ko 'yung muli **** pagtatayo ng harang d'yan sa puso mo.
Nakita ko kung paano mo kinwestyon 'yung halaga mo.
Kahit na bago mo siya makilala ay sinabi mo sa sarili mo
Na hindi ka tahanan para sa mga taong naghahanap lang ng saglit na masisilungan.

Isang gabi,
Naramdaman ng hangin 'yung lungkot mo.
Agad siyang bumalot sa'yo.
Naglaglagan ang mga dahon
Kasabay ng pag-agos ng luha mo.
Ngunit wala ka pa ring kibo.

Pakiusap,
Patingin ulit ako ng dating ikaw—
Dating ikaw na isang bagong lenggwahe;
Hindi lang sinasaulo; dapat iniintindi.
Subukan mo ulit itapon sa dagat 'yung bagyong iniwan niya.
'Wag mo hayaang hampasin ka na naman ng alon ng mga alaala niyong dalawa.
Pakinggan mo ulit 'yung katahimikang nakalimutan mo na 'yung nota.
Iabot mo ulit sa mundo 'yung mga ngiti sa labi mo.
Iparinig mo ulit dito 'yung pagtibok ng puso **** hindi para sa kanya
Kundi para sayo.
At 'wag mo sanang isipin na kailangan mo ng taong bubuo sa mga pangakong winasak niya.
Hindi naman kasi sa bawat pagbitaw ay may taong nakaabang para sumalo.
Lumagapak ka.
At itayo mo 'yung sarili mo.
Kumawala ka na sa posas ng pangalan niya.
Hindi mo kailangang banggitin 'yung pangalang pinapabanggit niya na din sa iba.

Higit sa lahat, tandaan mo:
Nakapaglakad ka nang wala siya
Magagawa mo ring tumakbo nang hindi siya kasama.
(a spoken word piece)
062721

Doon sa parteng may tubig sa aming bakuran
Ay natagpuan ko ang hiwaga ng bawat nilalang
Na araw-araw na sumasalubong sa'kin
Buhat sa paggayak sa umaga’t hapon.

Silang mga nakabihis ng puti
Ay sabay-sabay na sisigaw ng aking ngalan
At bagamat hindi ko rin wari
Ang lenggwahe na kanilang taglay,
Ay para bang kampante akong
Sila’y akayin at alalayang maitawid
Sa bawat araw nang may galak sa puso.

Tila ba sa bawat araw
Na itiunuro sa akin ni Tatay noon,
Ay natututo na rin akong
Makiramdam at makialam.
Ito yung tipong kaya ko na rin palang
Arugain ang hindi akin
Ngunit ang bawat binhi
Ay ngayo’y itinuturing ko ng kayamanan.

T'wing nakatirik ang araw
Ay agaran kong kukumbinsihin ang aking sariling
Gumayak na't lisanin ang aking higaan
At kamustahin ang mga ito.

Tangan ko ang kahoy na gawad ni Tatay sa akin,
At balewala ang putikang aking sasadyain.
Bilin nya nga sa aki’y wag ko raw hahayaang
Lubugan na ako ng araw
Bago ko pa yakapin ang responsibilidad
Na iniatang nya sa akin.

Sa yaman ng kalikasan
Ay wala na akong magiging dahilan pa
Upang kalimutan ang aking pagkatawag
At sila’y pabayaan
Sa matatalim na ngipin ng ibang mga nilalang.
Silang sa pagsapit ng dilim
Ay nakabantay lamang at handang sunggabin
Ang bawat naliligaw ng landas.

Sa tubig, sa batis at ilog
Ay akin naman silang aalalayan
Ang galak ko habang sila'y hinahayaang
Busugin ang kanilang mga sarili
Sa berdeng kalupaa’y walang katumbas.
Pagkat dito ko sila nasisilayan
At napagtatantong totoo nga ang sabi sa akin ni Tatay.

Ni hindi ko na kailangang maglakbay
Patungo sa kung saan mang siyudad
Matamasa lamang ang tunay na kaligayahan
Pagkat sa akin ay sapat na
Ang sundin ko ang bilin ni Tatay.

Malayo pa ang umagang
Kami’y maghahawak kamay.
Ang yapos niya’t pagkalinga sa akin
Ay araw-araw ko ring hinahanap-hanap.

At naniniwala akong
Darating ang umagang iyon.
Maghihintay lamang ako
Habang ang kanyang pamana’y
Lubos kong aarugain ng pag-ibig at pag-aalalay.
Ysabel Nov 2017
Ang aming salita ay unti unti nang naglalaho.
Ang mga karanasan noong unang panahon ay hindi na nababasa.
Ang mga masining na kultura´t tradisyon ay mistulang larawan na lamang ng nakaraan.
Ang mga masasayang okasyon ay isa na lamang pangarap.

Ang lahat ng ito ay nawala sa pagdating ng bago, Inay.
Pilit ka man nilang palitan, ang dugo mo pa rin ang nananalaytay sa amin.
Ang pagkaPilipino ay hinding hindi mapapalitan gaano man karaming lenggwahe, kagamitan o oportunidad ang dumating.
Ako ay titindig at magsasalita pa rin ng lenggwaheng aking ipagmamalaki saanman sa mundo.
Para sayo aking Inang Pilipinas, kami ay aasenso nang hindi nakakalimut sa nakaraan.
112622

Balikan natin ang mga pahina ng kasaysayan
Bagamat may iilang tekstong isinawalang-bahala na.
Mga pahinang hindi na nagawaran
Ng konkretong kalinawagan
Bunsod sa kusang pagpapasakop natin
Sa mga banyagang hayagang dumidikta
Sa ating kultura maging adhikain.

Hindi man natin nalimot
Na tayo’y minsang nakipisan sa mga bahay kubo,
Tayo pa rin ay tumawid sa lubid ng kamangmangan —
Ilang ulit na‘t tila ba hindi na tayo natuto sa mga kamalian ng nakaraan
Hindi lang tayo basta nabitag,
Bagkus rehas ay atin pang ipinagtibay.

Oo, tayo lang naman ang bumihag sa ating mga sarili
Kusang sumiping at nagpatali
Hanggang huli na nang mamalayang
Hirap na pala tayong kumawala
Sa mga buhol na tayo mismo ang may sulsi.

Iniibig natin ang Pilipinas gamit ang ating bibig
Ngunit ang bandilang ating iwinawagayway
Ay hindi na pala ang sariling atin.
Hindi masamang makisabay sa uso
Ngunit wag nating kaligtaan na tayo’y mga Anak ng Bayan.

Hindi rin mainam na tayo’y magpasakop
Sa samu’t saring ideolohiyang inihahain sa atin.
Pagkat hindi porket nasa hapag na’y
Ito’y para sa ating upang nanamnamin.
Wag kang hangal, Inang Bayan!

Isinisiwalat natin na tayo’y tunay na mga kayumanggi
Gamit ang mga sandatang hiram
Ngunit sa ating pakikibaka’y
Hindi ba sapat ang ating armas
At kailangan pang umasa sa kanilang lunas?

Pluma ang naging sandata noon
Ngunit maging ang ating Bayani’y
Hinayaan na nating maging pipi.
Mga lata’y maiingay
Sa araw-araw nating pakikipagkalakal.

Kahit saan tayo sumipat,
Tayo’y natutukso pa rin —
Bumibigay at bumibitaw, nalilimot maging tapat.
Aahon nang nakapikit,
Maging lenggwahe’y pahiram na rin.

At kung tayo ang huhusga
Sa ating walang modong mga nagawa’y
Linisin natin ang sarili nating mga dumi’t
Wag nang hayaang maging pabigat sa iba.

At Bandilang ginula-gulanit
Ay sama-sama nating susulsihing muli
Nang ang mga galos ng nakaraa’y
Maging umaapaw na pabaon sa ating mga iiwan.

Sa pamamagitan ng ating pagbubuklod,
Tayo’y magiging isang buong Pamilya.
At magbabalik ang sigla
Na minsan nating hinayaang kainin ng mga bukbok
At anay ng ating pagkawatak-watak.
Marg Balvaloza May 2018
Ako ay nalulumbay
Pag wala sa'yong tabi
Wari ang damdamin ko
Ay hindi mapakali

Lambing ng iyong tinig
Ay aking naririnig
Tawanan at kwentuhan
Ako ay nasasabik

Sa tuwing magkasama
Saya ang nadarama
Hinihiling na sana
Oras ay magtagal pa

Sa bawat pag uusap
Lalong napapalapit
Mga puso'y umaawit
Sa lenggwahe ng pag-ibig!

© LMLB
03.30.18
111921

May mga gabing kukuha tayo ng pluma’t
Kakatha ng mga himig sa ating isipang
Itinuturing nating mga bala’t sandata
Laban sa mga nanghihimasok na mga ideolohiyang
Kumikitil sa ating nag-aalab na mga pangarap.

At may mga gabing
Isusulsi pa rin natin nang magdamagan
Ang mga alaalang pinunit ng kasaysayan.
At siguro nga’y wala na rin tayong
Ibang kuwentong maiaambag pa.
Marahil ang lahat ay maging tuldok
Bilang panimula’t pangwakas.

Kusa ang ating pagtiklop
Bagama’t manhid na tayo
Sa malamig na pag-ihip at pagsipol
Ng bumubugang panahon.

At maghahagilap pa rin tayo ng dahilan
Sa bawat puwang, sa bawat patlang
Na bumabalandra sa ating harapan
Sa bawat pagkabit sa araw
Na parang mga parol pagsapit ng kapaskuhan.

At siguro nga’y magugulat tayo
Sa paparating na sorpresa
Na hindi na tadhana ang may akda.
Na baka bukas o sa makalawa’y
Ibang lenggwahe na ang ating binibigkas
At ang ating mga kasuota’y
Mapupuno ng mga palamuting
Pinili at tunay ngang may basbas.

— The End —