Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
012917

Naisip kong magpatangay sa hanging kumot sa aking paggising. Naisip kong hamunin ang araw ng mga talatang pasalaysay at huminto gamit ang panalangin.

Isa, dalawa, tatlo: oo, ito na ang ikatlong araw nang tayong ipinalipad sa iba't ibang dako -- patungo sa bawat sulok ng mga pangarap at doo'y sabay-sabay nating maitataas ang Kanyang Ngalan.

Di ko kayang amuhin ang bawat petsa sa kalendaryo para lang maggising tayo't muling mabuo. Di ko kayang sipulan ang ulap na kukumpas sa kalangitang hindi naman nagbabago.

Sa bawat pangarap na minsang natabunan ng ating mga mapapait na nakaraan -- mga pangarap na ni minsa'y di sumagi sa isipang mabubuo natin nang sabay; oo, posible palang maitagpi-tagpi ang bawat istorya para sa mas malaki pang larawang ni minsa'y di natin nasilayang mag-isa.

Marahil napuno tayo ng takot na muling humakbang sa bukas pagkat nahihila tayo ng dilim. Marahil kinain tayo ng sakit, kirot at alalahanin kaya naman tila kayhirap nang lakaran ang tubig ng pagpapala. Pero kahit na -- kahit na lumubog pa tayo sa kumunoy ng distansya't walang kasiguraduha'y may iisa pa rin tayong di dapat na bitiwan -- na patuloy tayong kumapit sa iisang Ngalang titingalain natin hanggang sa Kanyang pagdating.

Siguro nga mapapagod tayo pagkat taksil ang landas o ang pagkakataon pero hindi pa ba ito sapat na dahilan para muling masubok at tayo't tuluyang magpasakop? Kung ang lupa nga'y kayang sakupin ng mga dayuhan lang; ano pa't ang puso't buhay nating tanging hiram lang? Kakatok hindi ang pangarap bagkus ang may dala ng mga ito; ilapit mo ang mga kamay sa puso at doo'y mabubuksan ang pintong may sagot sa mga hiling at dasal mo. Mabuhay si Kristo! Buhay Siya sa iyo!
Para sa mga kaibigan ko sa Brave Heart! Mabuhay si Lord sa puso ng bawat isa!
Jose Remillan Sep 2013
Hayun ang duyan ng paulit-ulit na ikot ng mga salot
Pumapaimbulog sa tatsulok na moog;
Hinubog ng gilingang kasaysayan
Bayan ng kabalintunaan.

Matagal nang yumao ang ating mga anak
Nariyan parin ang mga tabak at alingawngaw ng Balintawak;
Kanlungan ng mga supremong baguntao
Sumisigaw ng pagbabago habang iwinawasiwas
Ang watawat ng mga ismo —komunismo, sosyalismo
Sa rebolusyon ng mga sikmura at makina.

Hayun ang duyan ng nagpapatuloy na kasaysayan
Patuloy na kumakanlong sa nakaraan;
Sa mga dayuhang minsang yumurak at nagwasak
Sa kultura at kakayahan.

Kalimutan natin ang pangakong paraiso
Ang tinatangkilik ng bawat tao,
Ang kasakiman ng lumang simoy
Halika, umahon tayo sa kumunoy

Mga minamahal ito ang kapiraso kong entablado:
Walang ibang daan kundi tayo
This poem was first published in the literary folio of the University of Makati, the BAHANDI, 2005
040120

Hinga, buga
Hinga, buga
Ganyan nga
Langhapin mo ang sariwang hanging pabaon Ko sayo,
Kasama ng mga pangakong kalasag at kalakasan mo,
Mga pangakong magsisilbihing pahingahan mo,
Mga pangakong ilaw mo sa dilim
Na mas maliwanag pa sa Buwan at mga bituin
Mas maliwanag kaysa sa mga alitaptap
Na sinusundan mo ng tingin.
Na sa tuwing tiyak ang ligaya o lungkot **** taglay
Ay napapawi nito ang sakit
Ang hikbi ng puso **** walang ginawa kundi umiyak
Ang bilis ng tibok na puso **** paulit ulit na kinakabahan —
Kinakabahan na mahuli ang iyong kamalian
At hindi tanggapin at akayin ng kahit na sinuman.
At habang pasan mo, tagumpay man o kabiguan
Ay matikman mo rin na hindi ka lang basta-basta
Hindi Basta-bastang buhay lamang
At nagtatago sa dilim.
Hindi ko hinayang madala ka ng dilim
Hindi kita dinala sa dilim para ikay maging sakim
At mapuno ng kirot ang kawalan mo ng pag-ibig.
Huminga ka na may gayak,
Huminga ka nang May pag-asa.

Hinga, buga
Hinga, buga
Ganyan, paulit ulit hanggang sa makuha mo ang tamang tiyempo
Nang masabayan mo ang binabato kong mga ritmo
Ibuga mo ang iyong mga kamalian
Ibuga mo ang iyong mga kasalanan —
Mga kasalanang tila isang kumunoy na humahatak sayo
Pabalik sa kadiliman
Mga kasalanang minsan mo nang iniwan
Tama na ang paghinga sa walang kasiguraduhan,
Tama na ang pagsambit na kasalanan mo naman
Tama na ang paulit-ulit na bersyon mo ng “Ayoko na ng kasalanan at gusto ko na tong iwan,”
Ngunit nariyan ka pa rin,
Humihinga ka pa rin sa iskwater na minsang ika’y parang sardinas na nakasiksik
Tama na, tama na Anak.

Hinga, buga
Hinga buga,
Naghihingalo ka na
At paulit-ulit **** nasasaktan ang iyong sarili kahit Sabi Kong tama na
Naghihikahos ka na —
Ngunit wag **** isiping napapagod ako
Na sa tuwing nakikita kita sa iyong kahinaan
Ay napapagod na rin akong gamutin ka.
Pagkat hindi ako nagsasawang mahalin ka,
Na sa tuwing sinasabi ko sayong
Umuwi ka sa akin ay naghihintay ako sa pagbabalik mo
Na hindi ako nagsasawang maghintay sa pagsabi ****,
“Ama, narito na ako.”

Hinga, buga,
Hinga, buga
Malayo pa Lang ay nakikilala ko na maging ang iyong anino
Ang iyong pagsisisi buhat sa iyong paglisang makasarili
Ngunit buo ang aking pagpatawad
At ang pag-ibig ko’y dalisay at wagas
Na sa Krus ay dumanak ang dugo ng bugtong kong anak
Ang Anak ko si Hesus na nagpalaya sa iyo
At nagbigay sayo ng daan patungo sa katiyakan
Naririnig ko na
Ang mga padyak **** sabik sa aking paglambing
Ang mga pandinig **** naghihintay sa aking mga Salita
Na pinuno ko ng siksik, liglig at umaapaw kong pag-ibig
Maging ang pagtambol ng puso mo sa kaba
Nakikilala ko ang lahat sayo at sana alam ****
Sanang alam ****
Matagal nang bukas ang ating pintuan para sayo,
Oo ating pintuan at hindi pintuan Ko lamang.
Tahan na Anak, tahan na at nakauwi ka na
Nakauwi ka na sayong tahanan.

Hinga, buga,
Hinga, buga
Tayo na anak,
Sa akin ka na mamahinga.
Andrianne Oct 2017
Magandang gabi kamahalan
Dito sa aking kinatatayuan
sa baba ng labindalawang palapag ng hagdanan,
Ikaw ang pinaka paborito kong pagmasdan,
Saan man ang iyong pinagmulan,
ikaw man ay lulan ng barkong hindi pangkaraniwan,
hindi ko ikakaila na ikaw ang pinakamakinang sa lahat ng bituin sa kalangitan.

Ikaw ang eba at ako ang adan ng makabagong kapaligiran
Hayaan **** tuksuhin tayo ng berdeng kalikasan,
Akitin ng mga huni ng ibon tungo sa sarili nating kaharian.
Handa akong panagutan ang ating pag iibigan,
hahamakin ang lahat maibigay lang ang iyong inaasam
gagawin kong mundo ang dapat tao lang,
baliin natin ang daan
lumiko man tayo pakanan
marating lang ang kabundukan
patungo sa ating tutuluyan,
Ikaw ang magsisilbing kanlungan,
sa nakaraang minsang pinagdalamhatian.
Ikaw ang magsisilbing lagusan,
sa mga pintuang tinalikuran at pinaglaruan.
Ikaw ang magsisilbing unan sa gabi ng kabilugan ng buwan.
gagawin kong bintana ang iyong mga mata,
tatahakin ang dilim, hinagpis, pagkapiit,
itatakas kita..
itatakas kita sa mundong hindi lang ikaw ang bida,
sasagipin kita sa paglubog ng barkong papaalis na,
hahanapin kita,
sisirin ko man ang kumunoy,
languyin man ang lalim ng panaghoy..
hahanapin kita,...
hanggang sa tayong dalawa nalang ang matira,
sa mundong hindi ako mabubuhay kasama ka.
Collaboration with Mr. Kienno Rulloda
Gusto kong ibigay sa'yo ang buong mundo,

Halagang isang milyon ang tanong kung paano,
Nakakatawang tingnan kung iaalay ko ang iyong buong pagkatao,

Sa iyo mismo, dahil ikaw ang mundo ko.

Wika mo'y linyang sinabi ko ay gasgas na,

Sagot ko pabalik ay iba ako sa kanila,

Pagkat kasiyahan at mundo ko'y ikaw,

Magagawa ko na lamang ay lalong pagliwanagin ang iyong ilaw.

Ikaw para sa akin ang araw, buwan at mga bituin,

Kapag nawala ka'y tuluyang magdidilim ang aking paningin,

Hindi makakabangon, paa'y waring nakabaon,

Sa isang kumunoy na tatawagin kong kahapon.

Mundo pala'y hindi ko maiaalay sa iyo,

Ikaw at ang mundo ay iisa at iyan ang totoo,

Ang magagawa ko lamang ay ingatan ka at mahalin ng tapat,

Wala nang ngunit, subalit at datapwat.
Meruem Oct 2018
Kapag mainit, palalamigin.
Kapag malamig, paiinitin.
Nasa kumunoy ka, sa gilid may lubid at bato;
Maghihintay ka pa ba na may sumagip sayo?
"Wag **** lunurin sarili mo kakagalaw, kakasigaw, kakapiglas, para lang may ibang taong sumagip. Kasi ikaw mismo may kakayanan ka!"

"Kapag nasa gitna ka ng dagat, magpadala ka muna sa alon. Kapag may gamit at kakayanan ka na pumalaot, at tsaka mo labanan ang agos."

- Mga salitang nakatutulong sa oras na kinakailangan. Salamat sa pagpapasilong, kaibigan!
072924

O kayraming pangarap na binuo —
Binuno sa sariling salamangka.
May ibang nagwawaging nakangiti,
Habang ang ila’y nalalagas kamamadali.

Nakamamangha nga sa umpisa
Pagkat ito ang batayan ng karamihan
Sa tinatawag nilang  “makapangyarihan.”

Silakbo ng damdami’y aking pinatatahimik
Bagamat sa mga sandaling iyo’y
Gusto ko na lamang mapaos
Sa mga himig na inaanod patungo sa aking lalamunan.

Patuloy ang pagsuntok ko sa buwan
Hanggang sa maging gula-gulanit maging aking kasuotan.
Ngunit sa patımpalak na ito’y
Wala naman pala akong ibang kalaban
Kundi ang sarılı kong anino,
Ang kumunoy ng aking nakaraan.

Madilim —
Madilim ang paligid saanman ako dumako.
May hiwaga pa nga bang taglay ang Liwanag?
Kung ang sinag Nito’y mas maaga pa sa Pasko.

Mahiwaga —
Ganyan nila ituring ang mga alitaptap
Na para bang may isang diwatang
Umaaliw sa kanila,
Naghahayag ng kung anu-anong mensaheng
Wala naman palang kabuluhan
Kaya’t sabay-sabay silang mauubos
Na parang mga paupos na kandaling
Wala nang balak na sindihan pa.

Sino nga ba?
Sino nga ba ang aking susundan?
Napapatid, napapagod, nanlulumo’t nakikiusap
Na ako’y hatulan na lamang ng kamatayan
Nang mabaon na rin sa limot
Ang mga alaalang dumi sa’king katauhan.

Tinatanong ko ang sarili
Kung bakit nga ba paulit-ulit ang daan?
Wala nga bang magtutuwid sa mga lubak nito?
Ito na nga ba ang dulo ng bahaghari?
At sinu-sino nga lang ba ang makahaharap sa Liwanag?

Ako at ang kadiliman
Ako at ang liwanag.
Sino nga ba ang pamato?
Sino nga ba ang tunay na kalaban?

Subalit kung ako ma’y isang anino na lamang,
Ako’y pipisan pa rin sa mga yakap ng Buwan.
At kahit pa ako’y mahuli sa kanilang takbuha’y
Sigurado pa rin akong
May liwanag pa rin sa aking sinusundan.

Ikaw, Anong tantya mo?
Makararating ka rin ba sa dulo?
Ikaw, anong pasya mo?
Tataya ka ba o mananatiling isang anino?
051922

Sa loob ng ilang taong paghabi ng mga tula’y
Nagsilbi pala itong aking pahingahan.
At sa pagpili kong isantabi nang pansamantala
Ang pag-ibig ko sa pluma’t papel
Ay unti-unti rin palang gumuho
Ang mga pader na naging proteksyon ko
Laban sa mga kumunoy ng aking damdamin.

Sabi ng iilan,
Gusto nila ng kalayaan —
Ngunit naiiba ata ang aking kagustuhan.
Pagkat mas ninanais ko pang
Punuan nang matataas na pader ang sarili kong bakuran.

Siguro nga, tama sila
Na takot akong buksan ang aking pintuan.
Siguro nga, ayokong sinu-sino lamang
Ang daraan sa aking paningin.
At baka sila mismo ang magtirik ng kandila
Para sa paghimlay ng aking mga pangarap
Na nais ko pang makamit at maibahagi.

Naisip ko biglang —
Wala naman palang masama
Sa pagtakip natin sa ating mga sarili.
Pagkat kung ang sinasabi nilang pagtago
Ay palatandaan ng kaduwagan at pagiging makasarili'y
Baka araw-araw na rin tayong nagugulantang
Sa mga nakahanay na mga kalansay at mga bangkay
Sa ating mga pintuang pinangangalagaan.

Ang bawat nilalang
Ay may sari-sariling paraan
Sa pag-abot ng kani-kanilang pangarap.
At ang bawat katauhan di’y
May iba’t ibang paksang ipinaglalaban
At patuloy na pinaninindigan.

Kung ang mga pader nati’y
Hahayaan na lamang nating matibag nang basta-basta’y
Tila ba tinalikuran na rin natin ang ating mga sarili.
Pagkat ito’y hayagang kataksilan
Sa ating mga mga sinusungkit pa lamang
Na pangarap na mga bituin.

At kung minsang mapadpad na tayo
Sa pampang ng ating paglisan,
Ay tayo na rin sana ang kusang maging taya
At patuloy na lumaban at manindigan.
Para rin ito sa atin,
Para sa sariling kaligtasan
Laban sa walang pasintabing pagkukutya
Ng mga dayuhan sa ating mga balintataw.

Sana'y kusang-loob tayong magsisipagbalikan
Kung saan natin naiwan at naisantabi
Ang apoy ng ating pag-irog sa ating mga adhikain.
At kung pluma’t papel muli ang magsisilbing armas
Para sa muli nating pagkabuhay,
Ay patuloy rin tayong makikiindak
Sa bawat letra’t magpapatangay sa mga ideolohiyang
Kusang nagtitilamsikan buhat sa ating mga pagkatao.

At hindi tayo magpapadaig at magpapatalo
Sa mga ekstrangherong walang ibang ninais
Kundi yurakan ang ating pagtingin sa ating mga sarili’t
Sila mismo ang gagapos sa ating mga kamay
Upang hindi na muling  makapagpahinga
Sa piling ng ating mga pluma’t papel.
Caryl Maluping Sep 2023
Sa panibagong yugto
may giyera ng dugo

Mga sigaw sa kaparangan
ikinubli sa kalasag ng karahasan

Kung ang tanglaw ng sulo'y ninanais ang digmaan
sigalot sa diwa'y hinahabing marahan

Titiisin ng talampakan ang init ng apoy
babatakin ng putik, lulubog sa kumunoy

Hanggang kailan titiisin ang hilahil ng tadhana?
pagal na ang mga paa't tuyo na ang mga luha

Kung ang dahas ng dapit-hapo'y patuloy na nasasaksihan
liwayway ng bukas, kailan kaya masisilayan?
This was inspired by the poem of General Antonio Luna in the 2015 film Heneral Luna
110221

Bakit nga ba pilit nating sinusugatan ang ating mga kamay?
At hinahayaan nating ang ating dugo'y masayang
Sa pagluha nito, hanggang sa maubusan na rin tayo ng hininga.

Ikinukubli pa rin nating ang ating mga sarili
Sa garapon ng ating pagkataong
Kailanma'y walang ibang magbubukas ng sagradong pintuan
Kundi tayo't tayo pa rin naman.

At paulit-ulit tayong humihinga sa ilalim ng makakapal na ulap
At sabay na lalanghap ng umuusok na pangambang
Ibinalot sa apoy na lagim ang tanging ipinupunla
Sa ating mga pusong wala pa noong kamalay-malay.

Tinutukso tayo ng mga sitwasyon upang tayo'y magpaubaya
At magpa-anod na lamang sa mga kumunoy na hihila sa atin pababa.
Ang ating mga halakhakan noong kabataan
Ay mga pangarap na sabay na iginuhit sa buhanginan
Ay tuluyan nang binura ng dagat na tila walang pakiramdam.

Gustuhin man nating umahon nang sabay
Ay kailangan may isa sa ating unang bumitaw at unang umahon.
Hindi na nga natin kayang sumabay sa isa't isa
Ngunit sana'y ang nasa unahan,
Siya rin ang unang mag-abot ng kanyang kamay
Para sa isang nalulunod pa.

Napapagod ako ngunit matapang kong hinaharap
Ang mga pagkakataon bagamat wala akong kasiguraduhan.
At sana sa panahong panatag na ang mga pusong
Naligaw sa sariling mga pasya't pangarap
Ay masilayan nating muli ang pagtahan ng mga matang
Buong buhay na lumuluha't nanlilimos ng pagpapatawad.

— The End —