Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Gat-Usig Oct 2013
Mahal ko ang Filipino, pagdiriwa’y walang plano
Malaking palaisipan pag-alala ng gobyerno
Samantalang ‘di naisip prayoridad wala rito,
Pagpapayaman sa Ingles hindi na magkandatuto.

Paggunita anong saysay, pagsasabuhay sa wikà
Makakapagpamulat ba lalo na sa mag-aaral;
Pagsambit sa mga ito maging sa mga parangal,
Ito ba’y nakagugulat isang buwang itinakdà.

Totoo namang ginamit sa pakipagtalastasan
Filipino’y instrumento sadyang hindi matumbasan;
Kahit na karamihan pa napagkakamalang Kanô
Pakikinig sa istasyong bumibilib na napunô.

Ang tanong sa puntong ito, napapayaman ba kayâ?
Sa mga naging konteksto, ang masa ba’y nakukutyâ?
Sa mga nakakarinig, nahalua’y kabaduyan
Maging mga komentaryo, kalaswaa’y kinantsawan.

Kung bastos ang naging dating, anong magiging termino?
Ang mga dapat ilimbag sa papel ng mga dyaryo;
Sa pagbibigay ng aliw,ito’y pulos kababawan
Inisip ng mamamayan, may ganitong katangian.  

Kapuri-puri ang iba, may mahahalgang paksà
Ito’y kinakikitaan na may seryosong diskurso;
Sa kabilang banda pala, ito’y nawalan ng bisà,
Tulog na ‘pag pinalabas, ito’y kadalasang kaso.

Paano papaunlarin kung iba’y pinagpilitan
Tunay na nakalulungkot ito’y naging panambitan;
Sa halip pa ngang gamitin bilang makatwirang midyum,
Sa mga usap-usapan, maging sa mga simposyum.

Ang pagpapaunlad nito ay hindi sa balarila
Hanggang sa pag-uunawa pati ng ortograpiya;
Kinailangang mawala ang mga maling pananaw,
Ito’y nangangahulugang pagkilatis ‘di papanaw.


Ang natanging lingua franca nagbibigay identidad
Sambayanang sumasambit pagka- Pinoy lumalantad;
Sa bansa’y nagbigay-linaw, paggamit ng isang wikà,
Kaysa sa salitang- dayo, nagturan ng hakahakà.

Oo, Agosto na naman, dapat pa bang magkamayan?
Wika nati’y maging ilaw siyang magsisilbing lakas,
Juan, gumising ka naman, kamtan mo’y tuwid na landas;
Kung hindi tayo kikilos, mayroong paglalamayan.
Marg Balvaloza May 2018
Walang kasiguraduhan, ako, sa'yo ay sumugal
Nais ko ay kasiyahan, ngunit puso ko'y napagal
Ilang taong maghihintay sa  b u o  **** pagmamahal?
Ilang luha iaalay, para sa'yo aking mahal?

Isipang puno ng pait, pusong puno ng pag-ibig
Pagluha, saya, at galit, ano nga bang mananaig?
Tagal ng pinagsamahan, ‘di madaling kalimutan
Anong dapat asahan kung tayo'y nagkakasakitan?

Wala na nga bang katapusan itong mga sisihan
Magturuan sa kung sino ang dapat na parusahan
Isa, dalawa, tatlo, ilang beses na nangyari ‘to?
Aabot ba hanggang dulo, o mananatili dito?

Ninais kong kalimutan, masakit na nakaraan
Hangad ko ‘yong katapatan, tiwala ko'y alagaan!
Ngunit ano bang gagawin, kung sya ay di pa “raw” handa
Gusto bang ika'y hatawin pa upang ika'y magtanda?

Mahal, alam ko namang ika’y tuluyang magbabago
Sa ilang pagkakataon, sana’y wag akong mabigo
Dahil ako ay tao lang, napapagod sa kalbaryo
Puso kong nagtamo ng sugat, napuno na ng kalyo

Naniniwala, na sa huli tayo'y ‘di mawawala
Seryosohin lang sana itong aking mga babala
Sa pag-ibig, tayo man ay magkaiba ng konteksto
‘Wag mo lang sana hayaan ang puso ko'y maging bato!

© LMLB
Tired but hopeful. I still believe in us.
04.19.18
Vincent Liberato Feb 2019
Mangangata ako sa madaling
araw ng panggagalaiti, nang mga panahong mas malalim pa sa dagat, ang panghahaplos sa
kaluluwa na kinulang sa pagpapahinga at sa wakas: makakapagpahinga.

Ako, ang sisidlan ng kalatas na nagpaagos
sa rumaragasang ilog pagkatapos ipasok sa isang bote, sa pag-asang makararating sa iyo ito.

Ayaw ko nang bumalik ang kalatas na 'to, baka sa susunod na bumalik sa akin ito, ay naglalaman na ng bulgarang pagtugon ng pagkalas.

Ayaw ko na.

Manghihipo na lang ako sa gabi sa pamamagitan ng paggunita
sa mga alaala para sundan ang anino
na unti-unting nawawala sa kusina, sa kuwarto, sa kama, at sa hapag-kainan.

Sandali, may idadagdag pa pala ako, hindi ko kakayaning tanggapin ang pagtanggap na namamalikmata lamang ako,
habang naglalaho ang pangalan mo
sa kuwaderno ko.

Mawawala na lamang ang pagkamarahas
ng prosa o tula ko. Isasantabi muna kita sa mga susunod na tula o prosa, painda-indayog ang paksa, pero binabalik-balikan ka sa masusing pagsusuri ng konteksto.

Magiging humpak na lamang ang dating matunog na ikaw at ang dating laksa-laksang paglalarawan sa bawat pag-ikot at paggalaw mo, na maingat na sinusundan ng mga mata ko.

Sa kabila ng pagpipigil sa pagkatapos ng isang nakakainsultong nakakapagod na araw ay magsisilakbo muli ang damdamin, at 'di magpapaawat ang pintig na parang bumabalik ang mga mata sa unang pag-angat ng mga titig.

Mahal, mangangata na lamang ako hanggang umaga,
habang nginangata ako ng panggagalaiti
sa pagsapit ng umaga.

— The End —