Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
𝙰𝚗𝚗𝚎 Feb 2018
hindi naman talaga ako marunong magsulat
pero nang dahil sa'yo
nasimulan ko

hindi ko din alam kung paano ito tatapusin
pero nang dahil sa'yo
nagawa ko

paano nga ba magsulat?
unang letra, pangalawa, pangatlo
hindi ko namalayan na sa unang pagtingin ko
sa unang paglapat ko ng papel sa lamesa
sa unang paggalaw ng panulat ko

...dumaloy na ang mga salitang
hindi ko akalaing manggagaling
sa mismong mga kamay ko

"isang araw..."
diyan din naman tayo nagsimula
diyan tayo unang nagkita, nagkausap at nagkatinginan
lahat naman nagsisimula sa isang araw hindi ba?

at magtatapos din sa "wakas"
ang wakas kung saan magiging masaya na ang lahat
ang wakas na hindi na pwedeng madugtungan pa
ng kahit anong problemang magbibigay kalungkutan

pero bakit?

kahit alam kong wakas na
kahit alam kong tapos na, tigil na, hinto na
bakit hindi ko pa din mapigilan
ang paggalaw ng kamay ko sa itaas ng papel?
ang pagagos ng mga letra sa utak ko
na para bang ako'y lalamunin na?

"nasasaktan ka na"
bulong ng utak ko sa puso ko
"kaya ko pa"
sagot naman ng puso ko pabalik
"di ka pa ba pagod?"

mga huling salita na nagsasabi sa'king tumigil na
mga salitang matagal ko ng hinihintay
mga salitang dapat matagal ko nang napagtanto
at hudyat na dapat itigil ko na

akala ko ba, nang dahil sa'yo, magiging madali na lang?
akala ko ba, nang dahil sa'yo, mahihinto ko agad?
bakit parang bumaliktad?
bakit parang, nang dahil sa'yo mas humirap

nang dahil sa'yo
humirap magsimulang muli
humirap maghanap ng panibagong papel
na pagsusulatan ko ng bagong kabanata
humirap ihinto ang mga pangungusap
na aking nasusulat nang ako'y nagsimula

kailan ba 'ko hihinto?
pati ba naman itong tula ay hindi ko matapos
dahil hanggang dito, ikaw pa din ang dahilan
ikaw ang dahilan kung bakit ko ito sinimulan sinulat, dinama, pinagisipan

alam ko...

alam ko darating ang araw na mararating ko din ang wakas
ang wakas kung saan wala ng "dahil sa'yo"
ang dulo kung saan mahihinto ko na ang pagsusulat ng kabanatang ito
ang kabanatang nagbigay sa akin ng ligaya, ngunit masakit na karanasan
ang kabanatang hanggang nakaraan na lang

at pag dumating ang araw na iyon
muli ko nang mararamdaman ang saya sa pagkuha ng bagong papel
ang saya sa paglinis ng aking panulat
at…
ang saya kung saan mababanggit ko na ang katagang, "sawakas"

masasabi ko na din ang pasasalamat ko sa iyo,
na nagbigay sa akin ng papel at
matitingnan ko na din ng maayos
ang panulat na ikaw mismo ang nagbigay.
Jed Roen Roncal Jan 2021
Ako'y nagsusulat ng librong lahat ay patungkol sa kasakitan
Mga pinagdaanang puro kapaitan
Mga alaalang pilit mang kalimutan
Hindi magawa gawa dahil nakatatak na sa aking kaisipan

Kaya naisipang isulat nalang at gawing topiko
Mga karanasang balak gawing libro
Bawat kabanata sa buhay kong hindi ko alam kung wasto
Ngunit lahat ng ito'y isusulat ko

Sinusubukang ibahin ang bawat kabanata
Ngunit tila lahat ng ito'y kusang naitugma
Mga pangyayari sa'king buhay na gustong iwasto
Sana balang araw ito ay maitama ko

Ngunit isang araw kapalaran ko ay tila nagbago
May nakilalang tao na dahil sakanya ay gusto kong magbago
Kadiliman sa aking isipan na kanyang binigyang ilaw
Buhay ko'y kanyang binigyan ulit ng saysay at linaw

Bagong kabanatang sana'y kasama ka
Librong sinusulat dahil sayo ay nag-iba
Mga kabanatang nagdaang kay pait
Kasiyahan kasama ka ay gustong ipalit

Bagong kabanatang gusto kang makasama hanggang sa pagtanda
Makalimutan man ang librong naisulat na
Hinding hindi ang rason kung bakit nagbago ang paksa
Ngayon, ikaw lang ang gustong makasama sa lahat ng bagong kabanata na aking isusulat pa.
Euphrosyne Mar 2020
Madami na akong nabasang libro
Ngunit ikaw parin ang hinahanap kong kwento na nais balik balikan
Na hindi magsasawang basahin muli
Mga pahinang ikaw lamang nagbigay sa mga labi ko ng ngiti.

Bawat kabanata nitong libro bawat pagbasa ko ng mga pahina, pinapangiti mo ako muli,
Na para bang andiyan ka lang sa aking tabi.
Pinapa ulan mo ang aking mga mata tuwing....
binabasa ko ang kahapon.

doon ko lang natuklasan na kaya ko palang magmahal ng tapat sa mundong ibabaw na puro kalokohan lang ang inaatupag ko.

Hindi ka ba masaya? Na binabalik balikan ko ang  hindi makatotohanang kwento,
Na hanggang pahina at kabanata nalamang sila magiging totoo.

Masakit, pero kailangan natin tanggapin, ako, ako lang pala, ika'y lumisan na
Napunta ka na sa ibang pahina
Ako, ako andito pa
Iniwan mo sa alaala nating dalawa

Pwede ba magsabi ng totoo?
Kahit na sobrang gulo,
sasabihin ko sayo
Ikaw ang nag-iisang tahanan ng naliligaw kong pagkatao.

Etong mga pahina... nagiwan ng bakas sa puso kong bukas
Na inalay ko sayo gamit pa ang aking mga kamay na kitang kita ang bakas,
Bakas ng kahapon na sinaktan ako
Sinugatan ako ng taong minahal ko
Na pinalitan lamang ng saksak sa puso.

Itong mga pahina't kabanata
Na nagpapakita
Na mahal parin kita
Subalit nasa ibang libro ka na.

Alam kong tapos na
Wala nang tyansa
Kaya't ibabalik nalamang kita
Sa aking istante
Na madaling hanapin
Kapag nais ko muling basahin
Ang kahapon na sinulat natin.

Mga pahinang babalik balikan,
Mga kabanatang hindi makakalimutan,
Librong tayong dalawa na ako nalamang
Ang gagawa ng paraan para protektahan
Konting comeback lang sa tagalog. Spoken word poetry talaga siya pero nahihiya ako magsalita kaya hanggang dito lang hahaha.
Taltoy Jul 2017
Ang lahat ay may umpisa,
Ang lahat ay may pinagmulan,
Kalungkutan man o ligaya,
Ang maaaring kahahantungan.

Sa bawat pagsubok na haharapin,
Tagumpay o kabiguan ang aabutin,
Ito'y pagsisikapan,
Kahit sakit man ay umulan.

Pero lahat ay gagawin,
Hanggang sa kayang abutin,
Hanggang sa huling patak ng dugo,
Ibubuhos hanggang sa huling yugto.

Tatanggapin ang kalalabasan,
Tatanggapin kahit ano man yan,
Kahit masaktan man,
Tatanggapin ng aking kalooban.

Dahil ito ang aking destinasyon,
Sa byahe ko kasama ka,
Sa panahong nakasama ka,
Ngayon, ang oras ko para bumaba.

Salamat aking sinta,
Salamat sa ligayang iyong dala,
Salamat, kahit ito'y panandalian,
Maraming salamat, aking kaibigan.

Ang kwentong di natin inakala,
Ay nasa huli na palang kabanata,
O kay rami kong natutunan,
Mula sa mga bagay na nagdaan.

Ito'y aking kayamanan,
Umabot man ang katandaan,
Itong karanasan,
Di matatanggal sa isipan.

Heto na ang huling pahina,
Huling pahina ng ating kabanata,
Ang kabanatang ito'y lalagyan ko ng bantas,
Isang tuldok: katapusan ng aking kalatas.

Ang kalatas ng aking paghanga.
Ito ang sa tingin ko'y huli na, para sa'yo aking sinta, bilang iyong tagahanga.
kate May 2020
bagong simula sa bagong kabanata. liliparin muli ang langit na dati'y pinuno mo ng mga unang beses at mga unang bagay na bumuo sa aking pagkatao. liliparing muli ang mga blankong espasyo't lalagyan ng bagong panimula.

hindi ko malaman kung paano muling magsisimula.  sapagkat ako'y nanghihinayang sa alaala nating sa isang saglit ay iyong iniwan. nahihirapan itugma ang bawat salitang lumilitaw sa aking isipan. ang bawat tunog sa saknong ng bawat taludtod ay nabibigatang ilapat sa  damdaming nag aalinlangan.

muling bubuksan ang librong naglalaman ng ating kwento. susubuking burahin ang mga kwentong alanganin na mas mabuti pa lamang kung ito'y gugusutin. muling babasahin ang sira-sirang pahina na may tagpi-tagping parirala at kulang kulang na mga salita.

hindi ko mawari kung ano ang dahilan sapagkat ang ating kwento'y nagtapos sa kawalan. tila bang maikukumpara mo ito sa mga pahinang nagupit gupit dahil sa kasuklaman ng pag ibig. ako'y humiling sa mga bituin na sana—  sana'y may panibagong kwentong kinabukasan muling bubuuin.

bagong simula sa bagong kabanata. muling magbubukas ng bagong libro na saya ang kailangan at hindi sakit ang nilalaman. iisa-isahin ang bawat paksang nilalaman upang ito'y lubos na maintindihan ang bawat pag-aalinlangan sa bagong yugtong paruruonan na tila hindi alam ang patutunguhan ng wakas na iyong sinimulan.

sa bagong yugto ng aking buhay,  ngayo'y handa nang magsimula sa sariling paraan. hindi man pinalad sa nakaraan, sisiguraduhin ko na sa paglipas ng panahon at pagtapos ng bawat kabanatang may kaukulang paksa, iiyak na ako. iiyak na ako sa taong alam kong mahal ako at sa pag iyak na iyon ay sabay kaming nangangako— ikaw, ikaw lamang ang aking mamahalin dumating man ang dulo ng pahina ng aking librong sinimulan.
panimula

— The End —