Hindi biro ang apat na taong ibinuhos sa iisang paaralan. Lalo na kung sa halos bawat pumapanaw na araw sa apatnapung buwan ay iisa lang ang itinatahanan ko't parang nakakulong pa sa iisang bahay sa tuktok ng iisang bundok.
Hindi birong sa haba pa lang ng apat na taon naging lipunan ko na ang Regional Science High School III. Tahanan. Mundo.
Hindi rin biro na sa pagbukhang liwayway sa akin ng ikalimang taon ay saka pa nagbago ang ikot ng mundo ko.
Sabi ng isang dating sikat na makatang si William Shakespeare noon na ang buong daigdig natin ay tila isang tanghalan at lahat ng lalaki't babae dito ay mistulang mga manananghal lamang. Sila'y umaalis at lumalahok ng walang pasinaya, madalas wala ring paalam...
Totoo nga, pabara-bara lang.
Bago ko pa man namalayan naging dayuhan agad ako sa sarili kong tahanan. Sa unang pagkakataon matapos ng apat na taon na umalis ang mga ilaw at tala na nakasanayan kong tingalain, pagmasdan, nakabibigla.
O baka matagal lang kasi talaga akong malapit sa gitna bago ko naranasang maitulak sa bandang dulo.
Sa tuwing itinatanong sa akin ng mga kaibigan ko sa Junior High School kung ano ang masasabi ko sa nakaraang dalawang taon ko sa RS bilang mag-aaral sa Senior High School; madalas sinasabi ko lang ay nakabibigla. Para akong namalinguyngóy sa wika na halos buong buhay ko nang sinasalita.
Lalong lalo na dahil palagi pang ipinaaalala sa akin ng mga taong nasa paligid ko na matagal na dapat akong umalis sa paaralan na ito. Ang pagpili ko sa STEM education o Science, Technology, Engineering, at Mathematics strand sa Akademikong trak ay isang pagkakamali at aminado ako dito. Kung tutuusin hindi talaga biro na ako ang tunay na 'alien' sa SHS ng RSHS.
Kaya mahirap ang Calculus at Physics at Chemistry para sa akin. Hindi ko ipagkakaila. Mahirap ring makitungo sa mga tipon-tipon ng mga nagsisikap maging bihasa sa larangan ng medisina kung ang gusto ko lang naman ay maging bihasa sa pisara. Higit din sa minsan ay nakahihiya na rin ipaliwanag pa kung bakit hindi ako nagtataas ng kamay tuwing tinatanong kung sino ang nangangarap maging doktor sa kinabukasan. Uulitin ko, nakahihiya.
Nakababalinguyngóy patagal ng patagal, habang lalong nagiging dayuhan ako sa paaralan na ito... Umabot ako ng hanggang ikalabindalawang baitang bago mapansin na masyado nang malaki ang distansya ko sa mga bagong bituin na dapat nasa paligid ko pa rin.
Maging tapat lang din, nakahahanga talaga ang pagniningning nila. Ang mga kaklase ko, bihira ko lang pinupuri pero tunay ang hiwaga nila, kahit sa mata ko lang.
Oo, dati inisip ko rin na habulin ko ang mga sinag ng aking mga kamagaral, pero kung nasaan ako ngayon, siguro nga mas pipiliin ko na ang kinalalagyan ko.
Itinanong na rin sa akin dati ng isa kong kaibigan ito, may advantage ba talaga ang pagpili ko na magaral sa STEM ng RSHS?
Ngayon, sobrang dali ko lang masasabi na kahit wala ako sa gitna ng mga tala napagmasdan ko naman ang mas malaking kalawakan. Kaya sobra rin, may isang napakalaking nagawa sa akin ng SHS ng lipunan ko.
Sabi nga ng mga Astrologo, pinakamalinaw na mapagmamasdan ang kalangitan mula sa pinakamadilim na kapaligiran; at yun ang kinalalagyan ko ngayon. Gaya ng nasa larawan ng isang concert kung saan nasa dulo ako ng coliseum ay nakita ko ang pinakamagandang view na hinding hindi ko makikita kung nasa gitna lamang ako at malapit sa pinakamasinag na hiwaga na meron. Tanging sa gilid lang, kung saan halos wala na akong makita sa inaapakan ko, doon ko lang nakita kung gaano karikit ang dami ng mga ilaw na hindi ko pa naisip lingunin noon.
Saka ko lang napagalaman na mayroon pa palang ningning na malilingon ko sa larangan ng pagsulat ng lathalain. Paniguradong kung hindi ko sinubukan muli na lumaban sa presscon nitong taon hindi ko na ulit mararanasan ang journalism, muntik na akong hindi makalaban sa DSPC at lumaban sa RSPC. Muntik ko nang hindi makilala si Rizzaine at ang ibang mga naging kaibigan ko sa laban na ito. Siguro nga hindi ko rin makakahalubilo ang mga naging kasamahan ko sa the Eagle at ang Sanghaya kung hindi dito.
Hindi ko rin inasahan na mapapalapit ako sa kislap na tanging sa SDRRM at Red Cross Youth ko lamang mararanasan. Nakakapagpabagabag. Matagal na akong lider pero hindi kahit kailan pa man ay nasagi na sa isip ko na mangunguna ako sa isang napakalaking lipunan na kasing gulo at kasing dehado ng katipunan na iyon. At higit pa rito ay sino ba naman ang magaakala na sasabihin kong naging isang malaki at masayang bahagi ng SHS ko ang ubod ng labong pangkat na ito.
Ang mga kaibigan ko pa. Mga parol sa madalim na sansinukob na hindi ko magawang talikuran at hindi ko rin kayang masyadong malayuan.
Mahirap silang isa-isahin pero silang mga bituin na natulak rin palayo sa gitna ng mundo namin, para silang Polaris, na naging pahayag ng daanan tatahakin ko sa karimlang katakot-takot lakaran. Alam ko na lalayo at lalayo pa sila habang patuloy na lumalaki at lumalaki ang kalawakan ko pero ang hiwaga ng ilaw nila, yun ang hiwaga na hindi mawawala sa mundo ko.
Mahirap maligaw sa tahanang kay tagal-tagal mo nang ginawang mundo. Mahirap madapa sa daanang ilang taon mo nang nilalakad. Nakababahala. Nakababaliw. Nakababalinguyngóy. Pero ang sukdulan lang ng karanasan ko ay gaya lang ng isang simpleng kasabihan 'we do not go there for the hike, we go there for the view.' at tunay nga, sobrang ganda ng tanawin sa gilid ng pagiging estudyante ng SHS.