Nung linggo, napadaan ako sa nbs nakita ko kasi sa facebook yung libro ni Juan Miguel
sabi ko, bukas bibilhin ko to.
para pag pumunta ulit ako sayo, may babasahin ako pag hinihintay kita
nung lunes, binili ko.
tanda ko pa kung gaano ko pinipigilan yung sarili ko na ilipat sa susunod na pahina nung sinimulan ko
isip-isip ko kasi, baka sa martes o sa miyerkules pa tayo magkita
baka maubusan ako ng tula
di naman kasi tayo yung klase na nag-uusap sa labas ng kwarto
mas mahaba pa nga ata ang tulang ito kaysa sa palitan natin ng mga salita pag hindi tayo nakahiga sa kama
dumaan ang martes,
miyerkules,
baka may ginagawa lang
huwebes kinausap kita ang sabi mo
“May tao dito, pagod na din ako. Sa susunod nalang”
mahal, tumango lang ako. Wala namang tayo. Ano bang karapatan ko sayo?
nung biyernes, sinubukan ko ulit
tinanong kita kung may ginagawa ka ba
sabi mo
“wala pero matutulog na ko”
sinagot mo ko habang nakatayo ka sa kabilang kalsada, di mo ko nakita pero nandun ako.
Nung isang linggo, mahal mo ako.
Alam ko na mahal mo na ko nun.
Tinanong mo ko kung mahal na kita, ngumiti nalang ako.
mahal.
mahal,
mahal na kita.
minahal kita nung unang pagsikat ng araw na nagising ako sa yakap mo
minahal kita sa unang paglapat ng labi.
mahal, sa tuwing natutulog ka ibinubulong ko sa labi mo na mahal na kita.
mahal, dati nung ako pa ang kasama mo matulog binubulong ko sa labi mo na mahal kita.