Kahit anong pilit kong kalimutan ka,
ang iyong mukha ay sumasagi pa rin sa tuwi-tuwina.
Kahit anong pilit kong alisin ka sa alaala,
ang iyong presensiya ay naroroon pa rin at ginugunita.
Mapaninindigan kong iwasan ka at hindi na Makita,
Mahihindian kong sumama sa barkada kung naroroon ka,
Ngunit bakit sa tuwing ako ay nag-iisa ay pinananabikan ka,
nagbabakasakaling ako ay mapansin, kumustahin at ngumiti ka.
Ganito na lamang ba palagi ang aking nararamdaman?
Sa tuwing sasapit ang Pebrero, manghihina na naman ang aking katawan?
Babalik na naman ang kahapon nating mga nagdaan
at ipapaalala nito sa akin ang pag-ibig nating wala palang hangganan?
Tititigan ko na naman ang mga magsing-irog sa kalsada.
Maiinggit ang puso ko sa kasiyahan ng kani-kanilang mga mata.
Magpupuyat na naman ako sa kakaisip kung bakit ako ay nag-iisa,
Hahanap-hanapin ang dahilan kung bakit tayong dalawa ay nagkalayo na.
Gustong isigaw ng isip ko na nakalimutan na kita
at burang-bura ka na sa aking masasayang alaala.
Ngunit, bakit sa tuwing Araw ng mga Puso ay nagpapakita ka?
Bumibilis ang tibok nitong puso kapag ikaw ay napapangiti pa.
Pilitin ko mang iwaksi ka sa aking isipan,
Sunugin ko man ang mga alaala ng ating nakaraan,
O hindi puntahan ang mga dati nating tagpuan,
Pagmamahal ko sa iyo ay uusbong at hindi ka kakalimutan!