Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Rey Tidalgo Jul 2016
Matulog ka hirang / at kata'y tutulak
Sa landas ng gabing / humahalimuyak
Doo'y tutuparin / ng ating pangarap
Lahat ng pagsuyo't / pag-ibig na hanap

Kata'y aaliwin / ng mga kundiman
At patutulugin / ng hanging mahinay
Pag-ibig ang ating / magiging himlayan
Sa harap ng tala't / mga bulalakaw

Sa landas ng tuwa / kata'y matutulog
Lilipas ang hirap / lahat malilimot
Lalaya ang diwa't / mga bungang-tulog
Sa tulong ng gabing / lipos ng pag-irog

Kata'y maglalampong / nang buong hinahon
Wala ni sinuman / ang makatututol
Huhuni't aawit / ang lahat ng ibon
Titigil ang luhang / sa mata'y nanalong

Lamang ang hangad ko'y / iyong mamalasin
Ang aking pintuhong / hindi magmamaliw
Sukat na sa akin / na iyong ibigin
At kung ibigin ma'y / umibig ka giliw!

Tena at humimbing / sa gabing tahimik
Na nilalambungan / ng nunungong langit
Mga puso'y sabay / na mananaginip
Sa awit ng isang / hele ng pag-ibig
***
Kata - Tayo
Kundiman - Awit ng Pag-ibig
Bungang-tulog - Panaginip
Lipos - Puspos
Maglalampong - Maglalambing
Nanalong - Matulaing anyo ng bumabalong
Mamalasin - Mamasdan
Pintuho - Pagsuyo
Tena - Tara na
Hele - Awit na pampatulog
RL Canoy May 2019
Sa bawat paghakbang ng paang maputik,
anaki'y malugmok ang katawang impis.
Hindi iniinda ang ngawit ng bisig,
sa bawat paghampas ng pulpol na karit.

Mata'y pumapait sa agos ng pawis,
di ramdam ang init sa katawang manhid.
Sa bawat pagbuhos ng mumunting bagsik,
tila sumasaliw sa pintig ng dibdib.

Tinig ng sikmura'y parang humihibik,
lalong gumagatong sa hapo at sakit.
Pilit pinapawi sa tuwing iihip,
ang simoy ng hanging tila umaawit.

Sa gitna ng hirap na pinagdaanan,
ang tanging hiling sa Poong Maykapal.
Nawa'y didiligan ang sangkalupaan,
at binhi'y tutubo't ang punla'y mabuhay.

Sapagkat sa munting pawis-magsasaka,
sanlibong sikmura ang pinapasaya.
Ang tinik sa paang nakapanghihina,
Sanlibong katawan ang pinasisigla.

Ginaw ng tag-ulan at init ng sikat,
hindi iniinda kahit naghihirap.
Para may mahain sa mumunting hapag,
at pagsasaluhan na mayroong galak.

Ang iba'y inisip kung anong lutuin,
ngunit sa kanila'y mayr'on bang mahain.
Ito ba ang buhay, Diyos na mahabagin,
ang mga nagtanim salat sa makain?

Ganito ang buhay ng may gintong kamay,
na puno ng lipak, marumi't magaspang.
Subalit malinis ang pusong tinaglay,
bisig ng daigdig, sa pagod nabuhay.

Sila ang bayaning dapat na purihin,
sandata'y palakol, tumana'y suungin.
Sa bawat pagpatak ng pawis sa tanim,
katumbas ang bungang gumigintong butil.

©Raffy Love Canoy |May 2019|
Ang tulang pastoral na ito ay sumasalamin sa mga pinagdaanan ko noon sa kinalakhang bukirin.
112715 #4:25PM

“Banaag ko ang Wikang tugon;
O Giliw na siyang inaapuhap,
Sayo ang bituing salin sa tatsulok
Sayo ang kambal ng Langit at Dugo.”

Mala-unos ang bungang may diin.
Salawal ng kataga’t tugma’y banderitas na puti,
Doon nabuo ang Kasaysayang hindi makasarili.

May iilang Juang Hudas,
Bumalasubas sa Bayang itinakwil
Kaya’t suwail ang makabagong talinhaga
May lalim sa pag-unawa
Bagkus ang isip ay libingan ng mga diktador
Na siyang puspos sa paghihikahos.

“Paumanhin, Giliw
*Pagkat ang puso’y may gitgit.”
100521

Humihikab na naman ang kalawakan,
Natutulog ang mga bituing
Patay-sindi kung magparamdam.
At ang bagong-gising na buwan ay sumisigaw
Na parang mga pinag-samasamang alikabok
At syang isinaboy sa garapon ng buhay.

Kusang nagtutuklapan ang mga nakahilerang pader
Na pinino na parang mga buhangin sa dalampasigan.
Habang paisa-isang nagbabato ng galit
Ang mitikolosong likido na tumataboy
Sa mga ekstranghero ng sanlibutan.

Nagsisimula na ring gumapang ang pananim
Na ang binhi'y hiningahan ng kariktan.
At sa malalambot na mga ulap
Ay magtatapat ito ng kanyang paghanga.

Hinahawi na parang mga bagong pitas na rosas sa hardin
Ang bawat bungang muling ihahasik sa pagsapit ng dilim.
At sa ikalawang pagbangon ng binhing pinagmulan ng lahat
Ay masasaksihan ng bawat nilalang
Ang sinasabi nitong liwanag na bubulag sa lahat.
Cherdaphne Angel Aug 2017
Mangawit man ang aking leeg sa pagtingala,
palibutan man ako ng mga lamok at gamu-gamo,
manigas man ako sa lamig ng simoy ng hangin,
maabutan man ako ng unang bahid ng liwanag ng bungang liwayway,
ako ay mananatili;
dahil minsan na nga lang
kayo lumabas sa inyong pinagtataguan,
minsan ko nalang kayo masulyapan
at sa tinagal-tagal kong nagmamasid
ay ngayon ko nalang kayo muling natagpuan.
Kaya aking susulitin ang gabi.
Aking gagawin ang lahat ng pagtitiis
para lamang kayo'y masilaya't mapagmasdan,
mga bituin.
Jun Lit Jul 2021
Ang Lipa ng aking kabataan, tila kumakatawan,
sumasalamin sa mahal nating Inang Bayan

Ilang tampalasan na ang dumaan
Kolera eltor, malaria, pesteng balang
Mga sundalong Hapon, mga sakang
Malulupit na kampon ni Kamatayan
Dumaan pa ang sakit na kalawang
sa dahon ng kapeng inaalagaan
At bukbok sa bungang manibalang,
nanlalaglag, di na pakikinabangan.

Ngunit ibang klase itong ngayo’y salot
Bala ay di nakikita, mala-bola daw ang balot
at tila may mumunting galamay na nakakakilabot
at masusundan ka, sa’n ka man sumuot.

Binago ng COVID ang ating kapalaran,
pananaw, pagkilos, pati kabuhayan
Nakita kung alin at sino ang dapat pahalagahan
at kung sino ang tunay na karamay at kaibigan.

Kung sa nilagang kape pa ang pagtutularan
kitang-kita kung alin ang latak at alin ang matapang.
Nawa’y may masalok na pag-asa sa Silangan,
Nawa’y may malagok tayong kaligtasan.
15th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats.

— The End —