Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Ikaw ang pintuang may bukas,
Siyang pag-asang maibsan ko ang taglamig na kalinga.

Ikaw ang bintanang may hangin,
Siyang susulyap sa pangungulila.

Ikaw ang sahig na sasalo,
Siyang saklolo sa pagkahingal at pang-aabuso.

Ikaw ang mesang may hain,
Siyang magbibigay lakas sa panloob na damdamin.

Ikaw ang kutsilyong gagalos,
Sa yugto ng buhay na akala'y perpekto.
At ang tubig na didilig,
Sa *uhaw at lantang isip.
041716

Naakit ako sa linyang pahalang at patayo,
Mga detalyeng pinira-piraso.
Sabi ko sa sarili: saulo ko na ang istilo Mo
Pero sa bawat pahina'y nabibighani pa rin ako.

Hindi ko alam kung kaya ko,
Magtiyaga man ako pero hanggang kailan kaya?
Kung maglalaan ako ng sentimo sa araw-araw,
Ako'y pulubi pa ring manlilimos Sayo
Sasahod at maghihintay.

Masisilayan ko ang pundasyon
Ang mga bakal na kinalawang
Sa bodegang inimbakan.
Pagkat malayo pa ang byahe,
Bagkus sinelyuhan ng langis
Ang may tagas ng pagbabago.

Ang halo ng semento, ni hindi naging pribado
Nasa hulog ang mga poste
Gaya ng minsang banging tinalunan ko.
Ako'y malaya sa pagsilip
Ng paglapat ng palitada sa tigang na kahong sementado.
Ramdam ko ang gaspang ng kahapon,
Ang kurba ng mga bakal na di patitibag
Sa kaibuturan ng pundasyong timplado.

Ilalatag ang sahig na papagpagan sa araw-araw
Ihahalik ang mga paa nang may pagpapakumbaba
Huhubarin ang saplot nang kalingain ang lupa
At ihihimlay ang mga paa't mamamahinga.

Pagmamasdan ko ang mga kahoy na malapad
Isang dipa, dalawang dipa at higit pa
Mapapatingin sa langit na hubad sa bituin at buwan.
Ang bubong na siyang sasaklolo sa umuubong baga
Mga kahoy at bakal na matibay
Sasalo sa bigat ng orasyon ng klima.

Bubuksan ko ang bintanang may iba't ibang pagkapinta
Ni hindi pumapalya ang eksena na bumubusina sa umaga
At sa gabing hamog ang yakap sa dilim,
Kagat ng niknik, siyang sining sa maalat kong balat.
Tanging kumot ng grasya,
Pantago't pantapal sa pagkataong nilalagnat.

Nakakaakit ang plano, maging itsura nito
Kaya nga magtiya-tiyaga ako,
Hanggang sa masilayan ang tunay na disenyo.
Hindi lang ako ang lalaban sa presyo,
Oo mahal nga, ganyan ang pagtingin Mo
Tataya ako, pagkat kliyente lang ako
At alam kong linya Mo yan,
Ikaw ang aking Arkitekto.
Gat-Usig Oct 2013
Masiglang-masigla ang anino ng mga poste ng MeRalCo.
Nagmamadali ang mga oto,
Hinahabol ang matulin na tik-tak ng alas-otso.
Maingay ang mga gusali.
Maraming mukha ang bawat bintanang parihaba.
Ang mga mata ng Umaga
Ay waring mga hinog na mangga.



- P.T.Simon
111422

Namumuo ang pawis sa kanyang kamao
Tila ba sapat na ang mga galos na kanyang natamo.
At dali-dali nyang sinarhan ang silid
Na walang ni isang palamuti ng kapaskuhan,
“Nandito — nandito na ako sa ikatlong palapag,”
Aniya sa kabilang linya.

Kinuha niya ang lapis
Buhat sa luma nyang aparador —
Puno ng alikabok
Na kahit ilang pagpag na’y
Hindi naririndi sa pagbuga
Ng umaalingasaw nitong karumihan.

Naupo sya’t napapikit na lamang
Inaalala ang bawat detalye
Ang bawat katagang kanyang narinig
Ang bawat imaheng nais nyang takasan.

Nanginginig pa rin ang kanyang mga tuhod,
At nangangalay ang kanyang mga kamay.
Habang tumatagas ang pawis nyang
Kulay itim sa malagim na gabi.

Naghihintay ng sagot
Sa mga katanungang saksakan ng ingay
Sabayan pa ng sunod-sunod na putok
Ng mga sumasalubong ng Bagong Taon.

At sa kanyang di sinasadyang pagdungaw
Sa bintanang walang kurtina’y
Nabaling ang kanyang tingin
Sa buwang napakaliwanag
Tila ba may taglay itong kung anong elemento —
“Mahiwaga,” wika nya.

Ang mga larawan sa kanyang balintataw
Ay unti-unting gumuho
At napalitan ng imahe ng buwan .
Akala nya’y makakatakas na siya sa liwanag nito,
Akala nya’y ito na ang huling kathang
Kanyang maililimbag sa kanyang kwento.

Maya-maya pa’y sa dulo ng kanyang dila’y
Hindi nya maipaliwanag
Ang kung anong himig na kanyang sinasalaysay
Na tila ba may boses na nag-uutos sa kanyang
Bigkasin ang mga pangungusap
Na hindi nya ninais na sambitin.

Mahigpit ang pag-akap ng kanyang kamay
Sa lapis na guguhit at tutuldok sana
Sa kanyang masalimuot na nakaraan.
At muli nyang pinagmasdan ang kalangitan
Hindi na buhat sa sarili nyang bintana
Pagkat hayag sa kanya maging ang mga bituin.

Dahan-dahan nyang itinuro ang buwan
Gamit ang lapis nyang hindi man lang natasaan —
“Sayang, ngayon lang Kita nasilayan…
Sayang, pagkat hanggang dito na lamang.”
Stum Casia Aug 2015
Ok, Sinabi ko na
na kung kinalimutan mo ako.
Kung kakalimutan mo ako. Kung nawala ako sa isip mo.

Hindi na kita patutuntungin kahit sa door mat ng kamalayan ko.

Ok, ang nasabi ko ay nasabi ko na.

Pero ang nakakainis
At nakakatawa, bakit sinisilip pa rin kita
mula sa maliit na siwang ng bintanang
sinadya kong iniwang bukas para makahinga.

Ok,
Kung kinalimutan mo na ako at tuluyang nawala sa sa isip mo,
Ok,
Kung nakatulog kang hindi man lang naalala
ang pangalan ko. Huwag na huwag mo na akong hanapin

Tuluyan mo nang alisin ako sa isip mo

dahil hindi lang ako naka-invi. Nag-logout na ako.

At nagbubuklat ng dictionary.
Sinusubukang tagalugin ang tula ni Pablo Neruda.
Pero habang hindi ko pa nahahanap ang mga tamang salita.
Habang hindi ko pa natutumbasan ng mga tamang kataga
hayaan **** basahin ko muna
nang mahina.

"I want you to know one thing.

You know how this is:  if I look  at the crystal moon, at the red branch  of the slow autumn at my window,  if I touch  near the fire  the impalpable ash  or the wrinkled body of the log,  everything carries me to you,  as if everything that exists,  aromas, light, metals,  were little boats  that sail  toward those isles of yours that wait for me.

Well, now,  if little by little you stop loving me  I shall stop loving you little by little.

If suddenly  you forget me  do not look for me,  for I shall already have forgotten you.

If you think it long and mad,  the wind of banners  that passes through my life,  and you decide  to leave me at the shore  of the heart where I have roots,  remember  that on that day,  at that hour,  I shall lift my arms  and my roots will set off  to seek another land.

But  if each day,  each hour,  you feel that you are destined for me  with implacable sweetness,  if each day a flower  climbs up to your lips to seek me,  ah my love, ah my own,  in me all that fire is repeated,  in me nothing is extinguished or forgotten,  my love feeds on your love, beloved,  and as long as you live it will be in your arms  without leaving mine."
Ang matinis na tinig ng isang libong nagkakalampagang bakal na maninipis ang tumili mula sa gilid ng 'yong ulunan,
Umaga na naman.
Mauuna ang pagbangon mo mula sa kama kaisa sa pagmulat ng iyong mga mata't pag-gising ng iyong diwang pagal sa 'di maalalang panaginip.
Ang hangin ay umihip--
Mula sa bintanang kumakaway gamit ang mga kurtinang bughaw sa paglisan ng gabi sa pagkamusta ng masalimuot na umaga.

Pumipihit na naman ang oras.

Pinanonood mo ang pagputok ng bawat bulang nabubuo mula sa pag-ugong ng kaldero buhat ng initsigan,
Bagay na 'yong kinaiinggitan.
Ang natatanging paraan para mapainit mo iyong umaga ay ang paglaklak ng kapeng 'sing pait ng pagiisa.
Tapos maliligo ka,
Pipihitin mo ang gripo para bumungad sa'yo ang nagyeyelong tubig na kumikitil sa 'yong kakayanan makaramdam.

Sana kumukulo rin yung tubig.

Pinanonood mo ang pagdating at paglaho ng mga pangitain ng isang 'di makatarungang siyudad ng maralita't dukha.
Paano pa nila nagagawang ngumiti?
Ika'y naririndi sa malalim na pag-ungol ng mga sasakyang minamaneho ng mga diwang humihiyaw sa pagkakakulong,
Sa pagkaubos ng oras.
Sinusulit mo ang ilang saglit na ang tanging suliraning iyong sinusumpa ay ang pagkahuli sa klase't mga responsibilidad.

Pagkakataon na naman ng buwan.

Huminga ka ng malalim bago mo nilapat ang 'yong palad na 'sing gaspang ng gasgas na pinto ng iyong bahay,
At dahan-dahan mo itong tinulak.
Nilanghap mo ang kulob na amoy ng hanging 'di magimbala sa segundong umapak ka sa loob ng yung 'di maturing na tahanan,
Isinara mo ang pintuan.
Kasabay nito ang pagsara mo ng iyong sarili sa buong mundong tanging inaalala lamang ang kanilang mga sarili.

Bumuhos ang iyong mga luha.

Ang iyong katawan ay nanginginig, ang isip ay nangingimbal at ika'y nangingimi sa kawalan ng katotohanan--
Ng 'yong pagkatao.
Maririnig **** umuugong ang iyong bulsa't napagtantong may nangangailangang marinig ang iyong boses,
Tumatawag si Mikoy.
Sa pag-sambit niya ng iyong pangalan ay napawi ang bumubagyong luha't naglaho ang unos ng 'di maintindihang lungkot.

Sa pagkakataong iyon, saka mo lang sinabing nakauwi ka na.
Check out more of my works on: brixartanart.tumblr.com
arr guevara Nov 2010
.




kahabaan ng gabing nilakad

'di malaman kung ano'ng mabuti

budhing kumukurap

sa bintanang itim

hinihintay ang kapaguran

nakamulat na kabaliwan




.
© Frederick Kesner. All Rights Reserved.
Poem written in Filipino based on Tagalog, not Spanish.
Levin Antukin Jun 2020
ilang beses mo itinatakda sa telepono
ang alarmang gigising sa 'yo kinaumagahan?
tipong ididilat mo na lamang ang mga mata,
magdadasal, babangon, iinom ng mainit na kape,
at wala nang iba.

sana ganoon din dito sa amin.

sa munting tahanan namin dito sa mandaluyong,
pinalaki kaming alerto sa wangwang ng mga bumbero.
ito ang alarmang gigising sa 'min
kahit kami'y mga gising na.
mapapipikit ang mga mata sa takot,
sabay takip ng tainga,
dahil sa sunod-sunod na sunog,
tanaw mula sa bintanang karatig ng kama.

paano nga ba matulog nang nakatatak sa isipan
ang sangkatutak na pamilyang walang matutulugan?
tag-ulan pa naman, maaaring bumaha.
at sa tanghali kinabukasan ay bilad sa lansangan.

paano nga ba matulog sa ugong ng mga trak
na kumakalampag sa dingding,
nanunuot ang alingawngaw sa balat?

paano nga ba matulog sa ilalim ng kahel na kalangitan?
takipsilim sa pagsapit ng alas-dyis ng gabi.
kinain ng nagniningas na apoy ang orasan.

pribilehiyo na
ang tanungin ang sarili
kung paano ka gigising bukas

'pagkat paano nga ba sila matutulog?
Jasmin May 2020
Sa maliit na awang na mayroon ang bintana
Tila ba naging labada ang puting kurtina
Kanina’y hinahangin pa ito nang bahagya
Ngunit nang dahil sa ulan, bahagi ng tela’y nabasa

Ampiyas lang naman kung tutuusin
Madaling matuyo, isampay lang sa mahabang salamin
Pagkatapos pagpagan maisasabit din
Balik pangharang sa malamig na hangin

Malapit na rin pala ang paglubog ng araw
Kanina lamang ang langit ay kulay bughaw
Repleksyon sa munting bintana’y nakasisilaw
Mayumi sa paningin, kay gandang matanaw

Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang paglalim ng gabi
Gayunpama’y nanatili ang awang ng bintanang katabi
Tubig ulan sa dalawang kamay ay dumadampi
Marahang sinasalo ng ilang sandali

Lumipas ang oras at ang ulan ay tumila na
Ganoon din ang pag-asang matunghayan ka
Aking bituin, nagkamali ako ng hiniling—
Hanggang sa huli, ampiyas lang ang sa’kin.
Joseph Floreta Oct 2022
Kanina habang kumakain ako sa Jollibe ng spaghetti at yum burger, naka dungaw ako sa bintanang pader,
tinatanaw ko ang labas at mga tao at motoristang dumadaan.
Nang biglang bumuhos ang malakas na ulan,
Dala ng madilim dilim na ulap sa langit,
Bigla bigla nalang magbubuhos ng pait yung langit.
Hay....habang bumubuhos ang malakas na ulan,
tanaw ko ang malayo na parang nalulusaw na imahe.
Ang lalim ng iniisip ko, siguro ganito talaga kapag umuulan,
Hindi lang naman siguro ako yung ganito.
Gayun pa man di ko napag tantong tulala na pala ako,
Yung tipong hawak hawak ko nalang ang yum burger
Tapos nakalimutan ko narin nguyain ang nasa bunganga ko,
Sampung segundo ang lumipas wala akong imik,
Dalawampung segundo ang lumipas,
Ganun parin ako, tumatanaw sa malayong walang imik,
Tatlong pung segundo ang nakalipas,
Bigla akong napaiyak,
Yung luha ko ay sumasabay sa pag buhos ng ulan.
Wala akong pakialam kung may naka tingin sa akin o wala,
Ang alam ko lang gusto kong umiyak.....
Kaya pwede niyo akong pag-bintangang baliw,
Sapagkat umiiyak ako, akala ko dahil marami akong problema,
Hindi lang pala dahil may problema ako,
Ang alam ko umiiyak rin ako
Sapagkat sa kabila ng lahat ng problema ko,
Andiyan ang Panginoon sa Buhay ko.
At yun ang lubos na ikinagagalak ng puso ko.



PS. Ang malayang tula na ito ay gawang imahinasyon, pero literal na umiiyak ako habang isinusulat ito...  Sa mga may pinagdaraanan ngayon, Kaya natin ito. Kapit lang kay Kristo.
-Yung lumalaban ka kahit ano pang hamon ng buhay sayo, lumalaban ka kasi alam **** kasama mo ang Diyos at di ka Niya pababayaan, Kapit lang, manampalataya ka lang, walang sukuan.

— The End —