Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Katryna Mar 2018
Kung bibigyan ako ng pagkakataon,
Magsusulat akong muli.

Kung saan hindi ko pa ramdam ang sakit,
Kung saan hindi ko pa ramdam ang pait,
Kung saan masaya ang umpisa at masarap pa ang huli.

Kung saan buo pa ang sarili at wala pang pilas ang pagkatao
Kung saan ang lahat ay umiikot pa sa ating dalawa.

Isusulat kita,
Paulit ulit kong isusulat ang ilang berso ng ating kwento
Dalhin man ako sa malayong pinagmulan nito,
O dalhin man ako sa masakit na katotohanan nito.

Isusulat ko pa rin ng paulit ulit ang mga kwento natin,
At patuloy kong babaguhin hanggang ang lahat ay maging tama.

Sa paraang gusto ko,
Sa paraang maisasalba ko ang salitang "tayo".

Kahit parusahan man ako ng mundo,
Ikaw at ikaw pa rin ang mamahalin ko.

Hindi man alam ng mga tao,
Hindi man ako pagbigyan ng puso nyang mahalin ka.

Ilayo ka man nya,
Lumayo man kayo,

Uulitin ko ang mga kwento ko,
Hanggang mag tama muli ang mundo mo at mundo ko.

Mamahalin kita ng paulit ulit.
Hanggang ang salitang pagod na ako ay maging hindi na totoo
Hanggang ang luha ko ay matuyo at di na muling tumulo.

Mamahalin kita ng paulit ulit,
Hanggang huling hininga ko, uulitin ko ang pagkakataong ito.
Crissel Famorcan Mar 2017
Sa minsan kong paghawak ng isang panulat
At sa sandaling panahon na mata'y idinilat
Masakit na katotohanan ang sa aki'y sumambulat
At mga katiwaliang di man lang maisiwalat

At kaya nga nabuo ang una kong tula,
Punong - puno ng emosyon na pawang mga luha
sa kahabaan tila ba naging dula,
Dalawampu't limang berso:pawang may tugma

Hindi ko alam kung bakit at paano
Sa mga isyung pambansa,wala ngang alam gaano
Pero basta't tinamaan ako ng inspirasyon,
Biglang gumagana itong imahinasyon

Mga salita ay rumaragasang tuloy - tuloy,
Parang tubig sa ilog,walang tigil sa pagdaloy
Nag - uumapaw sa kaisipan at sadyang matalinhaga
Tunay na nagmumula sa puso ng makata
raquezha Nov 2017
Noong isang gabi,
habang hinahanap ang sarili,
natagpuan ang LIKHÂ.

Ako'y natuwa,
dahil nasa entablado sila,
silang mga pinapanood ko lang dati sa internet.
Isa sa mga dahilan kung bakit nagtatanghal
ang tulad kong hangal sa harap ng mga estranghero
at binabahagi ang mga dala-dala kong kwento.
Sila na mga nauna at nagbigay inspirasyon
na lalo pang magsulat at magbasa.
Mga mata'y unti-unti namulat
sa mga bagong imahenasyon,
mga leksyon, direksyon at iba't ibang kaalaman
na galing sa ating henerasyon.

Maraming salamat sa gabing inyong nilikha
para sa mga katulad kong naliligaw
at hindi alam ang patutunguhan.
Nagtagpuan kita.
Aking sarili nahanap kita.
Habang nakikinig sa iba't ibang berso
ay sumasayaw ang mga letra sa utak ko.
Habang lumilipad sa ere ang mga ritmo,
nakita ko ang sarili kong mga tula
na parang mga talang nahulog sa langit
papunta sa sa aking mga kamay
at dali-dali kong itinala sa aking puso
dahil kailangan kong ibahagi
ang sining na aking nabuo.

Hindi pa patay ang mga salita,
gamit ang lapis na hawak
mo sabayan mo akong lumikha mga katha.

Mapa kathang-isip o kathang-puso man ito
ay buhay sila at naghihintay sayo.
Hindi bulag ang mga tula,
kaya ka nitong titigan ka sa mata
hanggang sa magiba ang paligid mo't mawala ka nalang bigla. Hindi bingi ang mga obra, naririnig ka nito,
handang dumamay at unawain ang lahat ng pinagdadaanan mo.

Kaya maraming salamat sa gabing inyong binuo't nilikha.
Halika na, halik ka na, halika't sasamahan kita
sa patuloy na paglikha ng kinabukasan
para sa bayan, kultura, sining at sa iyong sarili,
ipagpatuloy ang nasimulan.
Ipagpatuloy ang sinimulan.

Noong isang gabi, habang hinahanap ang sarili,
natutunan ko kung pano ang magLIKHÂ @theartidope style.
JK Cabresos Sep 2016
Isusulat kita.
Sa huling araw na masilayan ko
ang tamis ng ‘yong mga ngiti
at sa mapang-akit
**** mga labi.

Isusulat kita.
Habang nakikita ko pa
ang aking sarili
sa kislap ng ‘yong mga mata,
bago ka lumisan,
dahil matagal pa
ang ‘yong pagpihit
mula sa ibang daigdig.

Isusulat kita.
Sa mga titik at letrang
namumutawi sa aking bibig,
hindi ko hahayaang
malusaw na lamang
sa pagtakbo ng oras,
mabaon sa limot,
patungo sa karimlan.

Isusulat kita.
Habang tanaw pa natin
ang mapula-pulang sunset
na kakulay ng puso nating dalawa
at kayakap kita.
Yayakapin kita.
Hanggang sa magbubukang-liwayway
ang tanaw nating takipsilim.
Yayakapin pa kita.
Sana.

Isusulat kita.
Sa kailaliman ng gabi,
sa dilim,
sa nagsisidhing damdamin,
kung saan sinag lang ng buwan
ang tanging namamasadan,
at ang kayakap ko na lang
ay ang mga basang unan.

Isusulat kita.
Kasabay ng pagpigil
sa pagpatak ng luha
habang nakikita
ang ‘yong mga hakbang
paakyat sa bus dahil uuwi ka na.
Habang ang sinasakyan
ko namang dyip
ay papalayo ng palayo sa ‘yo,
ihahataid na
kung saan ako ngayon
ay iniisip ka.

Isusulat kita.
Ikaw ang ipaloloob
nitong aking akda,
bawat berso, bawat tugma,
ikaw ang nasa isip,
ang iisipin ulit
hanggang sa tumunog bukas
ang naka-set kong alarm
at magising na lang
na nasa malayo ka na.
Nyl Oct 2017
Tulala sapagkat walang ginagawa,
sa maghapong oras ay nagdaraan
Tulala sapagkat napapagal,
buong araw sa trabaho ay inilalaan
Tulala sapagkat sawi,
puso ay humahangos at puno ng pighati
Tulala sapagkat nabigla,
may gantimpala, sa mukha nakapinta ang ngiti

Ito nalang marahil ang tanging pahinga ng isip,
panahon na walang alintana
Masasabi mo nalang ang “bahala na” na nagmula pala sa pariralang “Kay Bathala na”
Ang pagtingin sa kawalan ay para ring
mahimbing na tulog sa gabi-
Gabing mga suliranin na ninanais mo nalang kitilin
at itago ang labi
At kahalintulad din nito ang bagong umaga na ang hudyat ay ang sikat ng araw-
Araw **** pagpapaalala sa iyong sarili na matapos ang unos, bahaghari ay lilitaw

Libu-libong berso at pangungusap na ang nagawa
para gunitain ang pag-ibig
Ngunit bakit bihira ang para sa isip na hindi ito naiisip,
isip na puno ng ibang ligalig
Ang literatura ba sa kanila ay sadyang mailap? Hindi inilaan sa kundiman
Kung hindi man, ay para saan?

Iwaglit na ang mga sapantaha,
sapagkat ang tulang ito ay nagawa na
Tula para sa mga tulala, tula para sa akin, sa iyo, at sa kanila
At hayaan **** ang isip ng isang tulala ay maglayag
Bagamat tahimik, tiyak na marami itong ipahahayag
Jor Apr 2016
I.

Ayoko talagang magbasa ng mga tula,
Madalas kasi ako'y naluluha.
Kahit hindi naman dapat maramdaman,
Ng mga berso at mga linyang nilalaman.

II.

Ayoko talagang tumitig sa'yo,
Kasi baka 'di ko mapigilan sarili ko.
Na baka 'di makapag-timpi,
Higitin nalang kita at yakapin sa tabi.

III.

Ayoko talagang makitang masaya ka,
Na masaya sa iba.
Dahil pinapa-mukha mo lang sa akin,
Na hindi ka kailanman mapapasakin.

IV.

Ayoko talagang magbasa kasabay ng ulan,
Kasi pinapapaala lang nito ang lumbay.
Lumbay na kahit kailan
Hindi na ako nilubayan.

V.

Ayoko talagang makatabi ka,
Dahil pinaparamdam mo lang sa akin na,
Isa ka nalang pangarap na sobrang lapit,
Pero kailanman hindi na makakamit.
Krad Le Strange Aug 2017
Darating ba ang panahon
kung kailan hindi mo na ako itutulak palayo
na yayakapin mo ako ng mahigpit
at hindi na pakakawalan
sa mga bisig **** naging kanlungan
sa tuwing hindi ko na kaya ang bigat
na pinapataw ng mundo

Darating ba ang panahon
kung kailan hindi na ako mangungulila sa iyo,
na ikaw na ang nasa kinalalagyan ko
at ako naman ang hahanapin mo,
na ikaw naman ang siyang tatawid
ng distansyang namamagitan sa atin

Darating ba ang panahon
kung kailan ako na ang paksa
ng mga berso **** likha
na ako naman ang pag-aalayan mo ng katha

Darating ba ang panahon
kung kailan makukulayan na
ang mga pangakong salitang iginuhit
at inukit subalit parang naiiwanan lang ako
na paulit-ulit na umasa at magbuntong-hininga

Narito ako't nagtatanong
Darating ba ang panahon nating dalawa?
Narito ako't hihiling
na sana bukas tayo ay pwede na
baka nga bukas pwede na.
#tagalog #maybetomorrow
George Andres Nov 2017
Maaari na ba 'kong magsulat muli?
Wala nang pagkakaiba ang pula at puti
Sa dilim na bumabalot unti-unti
Lalamunin ng dagat ang buhanginan
at tatapyasin ng hangin magulo kong isipan
Maghihimutok ang buwan sa araw na nagdaan
na hindi ka sinuyo o kinausap man lang
Aaraw na sa mga susunod pang oras
Tutuyuin ang pag-agos ng ilog na marahas
Walang direksyon ang kamay kong nanginginig
Nagniniig, sumisikip, kumakapit sa malamig na ukit
ng paghaplos ng mga mata sa larawan mo
Nagtatalo, nagpupumiglas, ang hawlang banat at butas
Lilimutin ko ang kapayapaan ng iyong mga labi
na walang sinambit na salitang ihahabi
Ang oras na hinintay upang masabi
na darating din ang huli at takipsilim
Babalutin ka't kakanlungin sa aking lambing
Hindi ka na mag-iisa't lalasapin ang ligaya
Katulad **** nalulumbay mag-isa ako dito sa'king hukay
Hawakan mo naman ako sa aking pagkakahimlay
Sa bituin **** kumikislap ako'y natatangay
Nawawalan ng malay kumakaway sa ngiti
Nawawala ang pighati't lumalaya ang mga berso
Kumakawag sa lalim ng karagatang inilimlim
Ako sa hangin na para bang inakay na naghihintay
Naghihintay pa rin at nalulumbay kung wala ka
Para bang hindi nauubusan ng salita
Lumalamang ang hiya na kahit kailan Mayroon bang sapat upang mahalin ka't hangaan ang iyong bawat galaw
Bawat perpeksyong hindi alintana ang mali
Sa inpatuwasyon ng pagkabulag ko
Hindi nakita ang pagbagsak
ng luha ng tuhod ng balikat sa kaba
Sa isang iglap naglaho ka na akala ko ba
Ako ang nang-iwan sa ginaw kong aba
10117

— The End —