Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Pusang Tahimik Jan 2023
Isa marahil sa libu-libong isda sa karagatan
Ang maigting na pumipili ng pain sa kawalan
Sa takot na baka ibalik lamang sa karamihan
Sapagkat ang nais ay di na pakawalan

Ang uri ay hindi maihahambing kaninoman
Tila nagiisang premyo sa makahuli na sinoman
At isang beses nya lamang matitikman
Ang tunay na tagumpay ng hamon ng karagatan

Sumisisid nga ng husto pailalim
Hinahanap kung may butas pang susuungin
Takot na takot na baka mapain
Ang isdang nasanay nang nasa ilalim

Kailan kaya susubukang umangat
At matutong sa pain ay kumagat?
Makatagpo nang mangingisdang tapat
At kung mahuli sa kanya ikaw na ay sapat.
-JGA
Pusang Tahimik Jan 2023
Sa pagtatapos ng isang kabanata
Malungkot na isasara ang huling pahina
Mag-iisip sa sandaling pagpapahinga
At magbubukas ng panibagong pahina

Hindi na mababago pa ang mga mali
Sa mga nagdaang pahinang naitahi
Ngunit sa bawat aral na sukli
Isusulat ang bagay na nagwagi

Minimithi'y maisulat ko nawa
Sa panibaong aklat na ginagawa
Sa aklat na mayroong pahina
Tatlong daan at animnapu't lima

Ngunit hindi ako ang nagtatakda ng aking daliri
May mga bagay na di alinsunod sa aking wari
Ngunit pakiusap hangga't maari
Ang iyong layunin nasa Langit ang maghari
-JGA
Pusang Tahimik Dec 2022
Bahagyang pumanaw na ang uhaw
Sa mga bagay na nakakatunaw
Sa mga bagay na tuluyang umaagaw
Sa mga panahong tila naliligaw

Dumating na yata ang hangganan
At humarap na ng tuluyan
Sa laban na laging iniiwasan
Ng waring musmos na isipan

Ngunit magtutungo ng mag isa
Sa lugar na aking hinuhulma
Sa bawat hakbang hindi lumilinga
At sa harap ang tuon ng mga mata

Sana'y huli na nga
Sawa nang mag pa ika-ika
Pagod nang tumingala
At paulit-ulit na magsalita
JGA
Pusang Tahimik Dec 2022
Sa sigaw ng isip ay nais makalaya
Ngunit katunggali niya ay magaling na mandaraya
Hanggang kailan mo nanaisin ang lumaya?
Tanong ko habang naka ngiting masaya

Hindi nga niya kailanman maililihim
Ang totoong timpla ng damdamin
Ngunit kung ako ang papipiliin?
Hirap niya sa isang iglap ay nais ko'ng burahin

Tunay nga na siya ay magaling
Dumi ng iba ay kayang alisin
Ngunit sa sarili pag-dating
Mantsa ay hindi kayang tanggalin

Tunay na kulay nga niya'y itim
Siya'y nagkukubli sa anyong mahinhin
Siya nga ito'ng nakaharap sa akin
anyo ng lalaki sa salamin

At sa t'wing pag-bungad ng umagang maawain
Madalas siyang magtago sa lilim
At kasabay ng pag-agaw ng dilim
Sa lungkot nagdudusa ang kanyang damdamin
JGA
Pusang Tahimik Aug 2022
Sa pag lubog ng araw
Liwanag ay napapanaw
Kasabay na dumadalaw
Dilim na umaagaw

Sa anyo ng katahimikan
May kasinungalingan
Sa bawat kabutihan
May kapatid na kadiliman

Sa mukha na may takip
Walang nais sumagip
Takot na sumilip
Ang ngiting may kalakip

At sa bawat natuklasan
Bumibigat ang pasan
Patay na kamusmusan
Wagi ang kasamaan

Tumigil sa piglas
Wala na ang lunas
Hirap nang tumakas
Sa lahat ng pintas
JGA
Pusang Tahimik Aug 2022
Sa bawat araw nang pag pakli ng pahina
Waring nauubusan na ng isusuot na maskara
Patuloy sa anyo na siya ngang kilala
Ang hangal na magaling mag manipula

At kahit naka guhit na sa mga mata
Naitatago parin ng mga ngiting mapagtatwa
Waring ang lahat ng bagay ay nakakatuwa
Sa taong hindi na lubos na nakadadama

Nagbubunyi ang mga halimaw sa dilim
At binubulong ang mga balak ng mataimtim
Hanggang saan kaya makakarating
Ang talino ng hangal na nag mamagaling?
JGA
Pusang Tahimik Jul 2022
Saan ka nga ba tumatakas
Sa anyo bang mapangahas
Na katangiang ipinamalas
Ng isang nag pupumiglas?

Tumahimik ka riyan!
Eto ang ating kaharian
Mariing pinahihintulutan
Tumakas ng lubusan

Bantayan ang mga salita!
Baka nakikinig ang bata
Nag pulong upang ipakita
Ang alam nating tama!

Hoy! Ikaw na nananahimik
Tila wala ka laging imik
Nakukuha **** mag hilik
Kahit ang hahat ay natitinik

Ano ang iyong nginangawa
Wala akong ginagawa
Masaya lang akong natutuwa
Ano ang aking magagawa?

Mga maginoo kumusta?
Hindi na po ako bata
Nais ko na pong lumaya
At subukang minsan ay madapa

O kaytagal nyo akong itinago
Iningatan sa pag papayo
Sa mundo ay inilayo
Sa takot na magpalalo

Ngunit ako'y handa na
Maari ko na bang bawiin ang luha?
Na matagal nyong kinuha
At ang pusong nangungulila?
-JGA

Have you ever talk to yourself like this? haha
Next page