Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
Pusang Tahimik Jun 2022
Nauubos na ang batang namamangha
Sa mga mahikang angkin ay pambihira
Tuldok ang sukli sa isip na puno ng katha
At pinako ang tingin sa mundong mapanira

Wala na ang ligalig sa puso at isip
At ang mga bituin ay di na sinisilip
Nangadilim ang paligid sa bawat kong pag-ihip
Sa apoy na waring ang ningas ay pinipilit

Ang pag pakli ng panahon ay isinusumpa
At ang bawat pahina'y lumalalim ang salita
Hanggang kailan kaya guguhit ang paksa
Nang panulat kong nauubusan na ng tinta
By: JGA
Pusang Tahimik Jan 2022
Hangal na humahagilap ng salapi at material
Hangal na ipinagkakait sa kanya ang pagmamahal
Hangal na di lumalakad sa kanyang ipinangaral
Hangal na di makita ang halaga ng kanyang pagpapagal

Lubusang lumayo sa inaasahang pangako
Nagpalakad-lakad sa mapanganib na dako
Nagpaikot-ikot sa isip na liko-liko
Mga sumpa ba'y tuluyang mapapako?

Hangal na sumasabay saan man ang agos ng ilog
Gising nga ngunit patuloy na natutulog
Madadaya ang lahat ngunit sarili'y di mabibilog
Hahayaan na nga lang ba sa dilim ka mahuhulog?

Dakila nga sa lahat ng mga hangal
Bukas ang isip ngunit walang pagmamahal
Ano ba ang nais **** parangal
Ang buhay na Dakila o kamatayan ng Hangal

-JGA
Pusang Tahimik Dec 2021
Tahimik na tubig na laging kinukutaw
Waring pinupuno hanggang sa umapaw
Ang kung dilim ay nangingibabaw
Magtakang papatayin ko ang aking ilaw

Lumulubog sa maalon na panahon
Nasasawi sa bawat pagkakataon
Wagi sa araw ay hindi lagi ganoon
Sa pagsapit ng gabi luray kung magkataon

Sa pisi ay sagabal ang tingin
Sa kapayapaan sarili'y binibitin
Sa taga na walang sawang aaliwin
Naglalaro kaya hindi puputulin

Saksi sa paglubog ang araw at buwan
Sa mga matang lubos nang natuyuan
Itatago ang musmos ng tuluyan
At ilalabas ang isang makapangyarihan

Ang malamig na walang inaasahan
At hindi mag-iinit sa bawat kinabukasan
Ang bawat sugat ay tinutuluyan
Gaya ng tahimik na tubig sa dalampasigan

JGA
Pusang Tahimik Dec 2021
Gaano kana kalakas
Sa dami ba ng mga bakas
Na iyong mga dinanas
Sa mundo na marahas

Gaano kana katatag
Hindi na ba binabagabag
Pader ba'y di na matibag
Mahusay na mapagpanggap

Lakas na saan kinukuha
Limot maging pagluha
Sa sakit o kirot natutuwa
At di na namamangha

Sa napaka tagal na mag-isa
Di na kailangan ng iba
Umaasa sa iba
O inaasahan ng iba?

Ang mamon ay bato na
Ito'y matagal na
Lumalakad mag isa
Nang walang pangamba!

Walang mapapala
Kahit ipilit ang salita
Ang lahat waring abala
Sa taong nasanay mag-isa

-JGA
Pusang Tahimik Dec 2021
Gising sa pagkahimbing
Ang isip na balimbing
At kahit anong halinghing
Ay binging nakatingin

Sa apoy na pinatay
Bandera'y iwinagayway
Ito nga'y tagumpay
Sa buhay na matamlay?

Kapangyarihang taglay
Hindi na lumalatay
Wala kang binubuhay
Sa matagal nang patay

Habang natutuwa
Sa larong nakakasuya
Ako ang mandaraya
Hindi ko ipagtatatwa

- JGA
Pusang Tahimik Dec 2021
Sa salita **** isang kahulugan
Sa akin ay labinisang kabuluhan
Ang lima'y malungkot na hangganan
At ang pito'y masayang katapusan

Nariyan ka nanaman at kumakatok
Pumapasok at hinahagilap ang sulok
Sa dakong saan ako nakamukmok
Paliwanag mo'y nakapapawi ng lahat ng usok

Sa paglipas ng panahong waring nagtatanim
Ganap na sumisibol ang damdamin
At sa tuwing pinagmamasdan ng mataimtim
Lalo lamang nahuhumaling

Handa na bang magtiwala muli
At magpahinga na muna sandali
Sa isip na laging may tunggali
Ngayon ako na ba ay magwawagi?


JGA
Handa na nga bang magtiwala muli?
Pusang Tahimik Nov 2021
Tila pagod maging sa pagtula
Ang mga linya'y hindi na nagtutugma
Waring nauubusan na ng mga salita
At ang isip ay humihinto na lang bigla

Wala nang bagay na nakakamangha
Wala na rin saysay kung mayaman o dukha
At hindi na nga nabibigla
Tila ba tuluyan nang nakalimot sa pagluha

Hanggang kailan kaya magpapasan
At patutunguhan nga ba ay saan
Ginagawa na ang lahat ng paraan
At pinipilit ituwid lakad sa daan


JGA
Next page