Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Louise Sep 2024
Kasabay ng iyong pagpikit
ay ang imbay ng aking katawan,
pag-alon ng mga balikat at pagkibit.
Kasabay ng iyong pagtalikod
ay akma akong aapak at papalakpak,
dahan-dahang papalapit sa entablado.
Kasabay ng iyong pagkukubli ng damdamin
ay ang pag-muwestra ng tadhana sa akin,
pag-gabay tungo sa kung ano ang tuwid.
Kasabay ng pagtago ng nadaramang totoo,
ay ang siya ring paghahanap ko ng sagot
sa wari’y hindi mo masagot na tanong.
At kasabay ng pagsasara nitong kurtina,
ay ang paghinto sa pagpatak ng luha
at ang ating maligayang paglaya.
At kasabay ng pagdidilim nitong entablado
ay ang kaliwanagan na di nahanap sa’yo
at ang aking pagsuko para sa teatro.
At kasabay ng kanilang hikbi at palakpakan
ang pinakahihintay na pag-uwi sa kawalan
at pagsalubong sa sarswela na naman.
elle Sep 2024
sino nga ba satin ang uto-uto?
madaling naniwala sa tukso  
‘kay lambing at malumanay
subalit iyong mga pangako'y
hinulma sa matinik na katotohanan

sino nga ba satin ang uto-uto?
napaniwala sa pantasya
ng pagmamahalang
dapat na mapagpalaya

ako ba ang uto-uto?
isinumpa ng mga tendensiya
ng uring pinagmulan
isang kabalintunaan
sana’y mabalikwas
ngunit matigas ang aking ulo

ikaw ba ang uto-uto?
pero  
ikaw lamang ang makakasagot
sapagkat ito’y sulat sa hangin,
mga hinanakit at
sumpa na di makakaabot
sa iyo

ako yata ang uto-uto
napaniwala sa iyong
malalambing na tukso
dahil kahit ako'y nabudol
ng isang pagmamahalang mapagtaksil
ika’y hindi
mabitaw-bitawan
di ko alam kung sapat na sakin ang ganito dahil gusto ko pa maramdaman ang iyong mga kamay sa aking mga pisngi
elle Sep 2024
ano nga ba ang wakas  
ng isang pag-ibig walang landas?
sinta, kumapit ka sa patalim
at isaksak mo ito sa baga mo--
at habang ika’y nasasamid
sa dugo’y mala putik ang testura
tandaan  
iyong adhikain inialay
sa bukas na mapanlinlang,
iyong buhay isinumpa
sa pag-ibig na walang wagas
Nix Brook Sep 2024
at hindi mo 'man ako alalahanin
sa paraan na aking gustuhin

hindi mo na rin siguro sasaliksikin
na kung bakit ikaw ang paksa sa "kung paano ako mahalin"

hindi na rin para iyong mabatid at dinggin
sapat na ang yapos ng hangin na may panalangin
hindi ka 'man naging akin
minsanan din naman kitang na-angkin
Louise Aug 2024
Ang wikang nanlaban,
ay ang wikang nanatili.
Ang wikang di nag-atubili,
ay ang wikang nagwagi.
Ang wika ng mga matatapang,
ay ang wikang di maaagawan.
Ang wikang awitin ng araw
at ang wikang tula ng buwan.
Ang wikang harana ng habagat
at ang wikang isinulat ng dagat.
Ang wikang ibinaybay ng alon
at ang wikang di aanurin ng baybay.
Ang wikang sinambit ng mga ninuno
na kailanman ay di mamamatay.
Ang wikang ginamit ng mga bayani
na habambuhay nang mamamalagi.
Ang wikang matapang,
ang wika ko magpasawalang-hanggan.
Isang oda sa Tagalog, ang wikang matapang at ang wika ng mga matatapang. Para sa buwan ng wika.
072924

O kayraming pangarap na binuo —
Binuno sa sariling salamangka.
May ibang nagwawaging nakangiti,
Habang ang ila’y nalalagas kamamadali.

Nakamamangha nga sa umpisa
Pagkat ito ang batayan ng karamihan
Sa tinatawag nilang  “makapangyarihan.”

Silakbo ng damdami’y aking pinatatahimik
Bagamat sa mga sandaling iyo’y
Gusto ko na lamang mapaos
Sa mga himig na inaanod patungo sa aking lalamunan.

Patuloy ang pagsuntok ko sa buwan
Hanggang sa maging gula-gulanit maging aking kasuotan.
Ngunit sa patımpalak na ito’y
Wala naman pala akong ibang kalaban
Kundi ang sarılı kong anino,
Ang kumunoy ng aking nakaraan.

Madilim —
Madilim ang paligid saanman ako dumako.
May hiwaga pa nga bang taglay ang Liwanag?
Kung ang sinag Nito’y mas maaga pa sa Pasko.

Mahiwaga —
Ganyan nila ituring ang mga alitaptap
Na para bang may isang diwatang
Umaaliw sa kanila,
Naghahayag ng kung anu-anong mensaheng
Wala naman palang kabuluhan
Kaya’t sabay-sabay silang mauubos
Na parang mga paupos na kandaling
Wala nang balak na sindihan pa.

Sino nga ba?
Sino nga ba ang aking susundan?
Napapatid, napapagod, nanlulumo’t nakikiusap
Na ako’y hatulan na lamang ng kamatayan
Nang mabaon na rin sa limot
Ang mga alaalang dumi sa’king katauhan.

Tinatanong ko ang sarili
Kung bakit nga ba paulit-ulit ang daan?
Wala nga bang magtutuwid sa mga lubak nito?
Ito na nga ba ang dulo ng bahaghari?
At sinu-sino nga lang ba ang makahaharap sa Liwanag?

Ako at ang kadiliman
Ako at ang liwanag.
Sino nga ba ang pamato?
Sino nga ba ang tunay na kalaban?

Subalit kung ako ma’y isang anino na lamang,
Ako’y pipisan pa rin sa mga yakap ng Buwan.
At kahit pa ako’y mahuli sa kanilang takbuha’y
Sigurado pa rin akong
May liwanag pa rin sa aking sinusundan.

Ikaw, Anong tantya mo?
Makararating ka rin ba sa dulo?
Ikaw, anong pasya mo?
Tataya ka ba o mananatiling isang anino?
Ryan Joseph Aug 2024
kung sa dulo'y gusto lang naman ang sumaya,
hindi nalang sana nag-aksaya pa
ng oras kung hindi naman kayang tanggapin ang sakit na na-idulot
at 'di mo rin karapat-dapat ang mahalin
dahil ikaw mismo ay ang taong mapili,
ngunit sa katunayan, hindi naman pinili.
you don't deserve love at all
072124

Iduduyan Kita sa kalawakan
At aaliwin ng mga nagniningning na mga tala.
Hahayaang marahang mapagmasdan
Ang mga palamuting bunga ng Aking hininga.

Aawitan Kita ng kundiman na hehele sa’yong pagtulog.
At sa pagsilang ng panibagong Araw
Ay hahagkan ka ng mga sinag Nito
At lulusawin ang mga pangamba’t pag-aalinlangan.

Ang mga pira-pirasong liham ng kasaysayan
Ay nagmistulang mga tagubilin
At ilaw sa’yong paglalakbay.
Habang ang hantungan ng bawat Salita’y
Ang puso **** patuloy Kong sinusuyo —
Sinusuyo ng aking Katapatan at Kadakilaan.

At habang ang mga matutulis na palaso’y
Hindi magkamayaw sa pag-uunahan;
Maging ang mga payasong nakapalibot sayo’y
Nag-aabang lamang sa’yong kahinaan.
Narito Ako —
Narito, upang waksian ang bawat pagpapanggap
Nang hindi ka na mahulog pa
Sa mga patibong na iginagawad nila sa’yo
Na tila ba totoong mga parangal.

Bagamat naging isang pamilyar na tahanan
Ang mundong iyong ginagalawa’y
Hindi ito ang habambuhay na alay Ko sa’yo.
Sa piling Ko’y magiging buo ka —
At ang Aking pag-anyaya’y kusang loob.
Sa piling Ko’y dito ka na mamahinga’t
Ako ang maging Sandigan at Sandata.

Ako ang Simula at ang Katapusan;
At nasa Akin ang huling Salita.
Magbalik ka na, anak —
Magbalik sa yaman ng Pag-ibig Ko.
071424

Kung ang bawat palakpak at panalo ko sa mundo’y
Siya namang mitsa ng paglayo ko Sa’yo —
Huwag na lang siguro; hihinto na ako.

Kalimutan na lang natin ang entabladong ito
At ikahon ang mga bituin sa’king mga mata.
Mga damdaming minsa’y napapariwara,
Ngayo’y kusang inaanod sa hiwaga ng Pagsinta.

Kakatok tangan ang pahiram na hininga…
Palimos ng kahit isang patak ng dugo **** dumanak.
Pagkat kaligtasan ang aking hanap,
Sa isang iglap ako’y magbabalik sa simula —
Sa simulang nalimot at nilumot ng kasalanan.

Ako’y magbabalik Sa’yo, bunga ng yaman ng Pag-ibig Mo.
Sa silid na ang tanging Hari ay Ikaw
At ang Ngalan Mo ang nananatiling may kabuluhan.

Sa’yo ang unang yapak
Habang ako’y nakaakbay Sa’yong Kalakasan
At Ikaw lamang ang aking palatandaan
Na ang pintua’y bukas na
At handa na upang maging isang Pahingahan.
Next page