Ngayon ang araw na ang tagsibol ay naging taglagas Nagmistulang mga banderitas na may kani-kaniyang pahiwatig Ang mga balitang may madalamhating panimula. At kung ito nga ang katapusan ng isang mandirigma Sa kahon at sa lilim ng Malacanang, Ay dito ko rin nais magsimula ng aking pagtaya.
Ginuguhit ko sa aking isipan Ang paulit-ulit na malalaking tuldok At ang kani-kanilang dugtugngan Na tila ba hindi lamang sila kabahagi ng kabuuan Ngunit ang kanilang kabuuan ay sya ring kabahagi Sa pinagtagpi-tagping mga kalahok ng kasaysayan.
Natatandaan ko pa noong elementarya, At sa tuwing bubuksan ang aklat ng nakaraan Ay tila magiging mga itak na matutulis ang mga pahina nito At sabay-sabay na susugod at lulusob Na para bang mga manlalayag sa panibagong misyon nito.
At kahit pa, kahit pa gustuhin ko mang manatili Ang mga imahe sa realidad Ay wala naman akong kakayahan Para pigilan ang tadhana sa pagkitil Ng kanilang mga pinaglumaang orasan.
Ngunit sigurado akong ang mga mukhang nililok ng panahon Ay magiging katulad din ilang pahinang ipinapangkalakal At doon sila'y magpapatuloy ng panibagong yugto Ng mga kwentong hindi man maiukit sa kasaysayan Ay magsisilbi namang pamana Sa henerasyong may iba nang ipinaglalaban.
Hindi man ito ang sinasambit kong katapusan Ngunit sa pagitan ng magkaibang panig at paniniwala Ay balang araw itong maisasara na may iisa ng pamagat. At marahil bukas o sa makalawa'y Sabay-sabay din tayong magbunyi Sa umagang hindi na lulubog pa magpakailanman.