Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
derailed-trains Mar 2022
Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Kailan ba nagsimulang mamuo ang lamat—
ang tipak sa dingding ng panahon
Na nabuo mula sa iisang hibla
Na lumawak at nagmistula nang mga sanga ng puno ngayon

Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Saan ba nagsimula ang sigalot na kahit anong gawin ay hindi ko mahanapan ng kakalásan—
Hindi matakasan ilang bukas man ang daanan
Gaya ng Ang Probinsyano sa telebisyon na inabot na ng ilang taong

Naging saksi na rin sa pag-inog ng mundo
kong patuloy man sa pag-ikot ay parang hindi naman makausad sa pag-atras
Pabalik sa nakaraan nating ayaw magparaya
Ayaw magpalimot,
Ayaw magpaawat,
Ayaw magpatawad

Nasira ko yata ang pinaplano kong 𝘢𝘳𝘳𝘢𝘯𝘨𝘦𝘮𝘦𝘯𝘵 sa umpisa, mahal
Gaya ng wala naman talaga tayo sa 𝘱𝘭𝘢𝘯𝘰
Ng kahit kanino sa ating dalawa
Ngunit, heto na, nangyari na
At nagkasakitan na
Nang higit pa sa kayang pasanin ng puso
At ngayon, gusto ko lang malaman:

Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Ano ba ang simula ng gulo nating parang islang lulubog-lilitaw—
Paparoon at paparito, hindi makadiretso
Gaya ng mga alon na nakikipaglaro sa dalampasigan
Masaya naman tayo... 𝘮𝘪𝘯𝘴𝘢𝘯
Masaya naman tayo minsan
Masaya naman tayo minsan
At minsan, nakakalimutan ko ring hindi mo na nga pala ako mahal

Mahal, kailan mo ba napansing hindi mo na ako mahal?
Masyado nang matagal
Ang paghihintay ko ng sagot sa mga tanong na paulit-ulit ko mang bigkasin
Ay hindi naririnig ng utak **** ayaw umintindi
At ng puso **** ayaw magsisi
At nakakatawang isipin na ako ang naghahabol ng kaliwanagan,
Nag-aasam ng kaayusan
Kung sa ating dalawa, ikaw naman talaga ang nagkulang

Paano ko ba tatapusin ito, mahal? Sana tayo na lang ang tinapos mo matagal na.
mamatay tayong lahat sa kakornihan. i wrote this on a whim; i'm so sawry.
.
.
.
.
.
.
anyhow, sana makahanap tayo ng pagmamahal na sigurado, marunong magtimpi, marunong magpatawad, at higit sa lahat, marunong bumitaw kapag hindi na talaga kaya. because letting go is still an act of love. or, something. i don't know.
0118

Hindi Ka lumipas —
Naalala ko noong nakaraang taon
Ilang araw buhat sa ngayong pagbibilang ko
Bago pa sumulyap ang mga pampakulay sa kalangitan
Para magtagisan sa pagbungad sa paunang ngayon.

Hindi Ka lumipas —
Halos itim na lamang ang kulay sa kalangitan
Na para bang ang pag-asa ay kinitil na ng sanlibutan
Na para bang ito’y nobelang pawang paghihintay na lamang
At nang subukang gapangin ng putik ang pangarap ngunit hindi —
Hindi Ka pa rin lumipas
At muli **** binigkas na Ikaw ang dahilan ng lahat
Na ang lahat ay walang kabuluhan
Kung ang Ikaw ay ibabaon sa limot at tatalikuran.

Hindi Ka lumipas —
Gaya ng mga butil ng luha sa aking mga mata
Na ang pagsusumamo ay tila araw-araw na pag-aakyat ng ligaw Sayo
Na maging ang umaga ay tila Simbang Gabi.

Hindi Ka lumipas —
Nang dungisan ng mundo ang mensaheng laan Mo
Ngunit sabi Mo’y tapos na ang lahat
Malambot pa sa bulak ang sumalo sa bawat pagkabagsak
Walang katulad ang Iyong mga yakap,
At heto ako — mas natutong sumandal sa nag-iisang Ikaw.

———

Hindi Ka lumipas —
Ilang beses **** hinayaang masaksihan ko ang pagsagwan nila sa agos
Ang paglipad sa ere na tanging Ikaw lamang  ang sumalo
Na para bang ito na ang huling mga katagang bibitiwan ko —
Ayoko na
Pero hindi —
Pagkat nagkakamali ang dilim sa paghasik ng kanyang sarili
Pagkat ang Liwanag ay panghabambuhay
At hindi tayo kakapusin sa oras
At hindi ito isang “sandali lang.”

Hindi Ka lumipas —
At ayokong palipasin ang kahit isang pintig ng sinasabi nilang “sandali lang naman”
Pagkat sa oras na ito’y hindi Ka lilipas —
At tanging ang pangalan Mo ang mangingibabaw
Sa susunod pang hihiranging mga araw
Kahit pa sabihin nilang nagbago na ang lahat.

Hindi Ka lilipas —
Kahit pa tabunan ng pangungutya ang Iyong kasulatan,
Tanging Ikaw ang magiging bukambibig.
Kahit pa hindi makakita ang mga bulag
Ay ipagdidiinan pa ring Ikaw ang magbubukas ng bawat paningin
At walang dilim na kayang sakupin ang Bayan Mo, Ama.

Hindi Ka lilipas —
At sa bawat pagtaas ng Bandila
Ay Ikaw ang mananatiling may tiyak na katuturan
Na ang mensahe Mo’y ipangangalandakan
Saanmang dako at sulok ng mga Islang hinati ngunit Iyong ipinag-isa.

Hindi Ka lilipas —
Tulad ng mga ulap tuwing ang ulan ay titila
Tulad ng tubig tuwing huhupa ang baha
Tulad ng ilaw at init ng kandilang inapula.

Hindi Ka lumilipas —
Gaya noon, hanggang sa huling hampas ng segundo sa huling pagyukod ng araw.
Maghari Ka —
Hanggang sa huling pagkurap na kasama Ka.
082121

O giliw at ginintuan kong bayan,
Sa mga galamay ng may burdang hinagpis
Ay ‘di patitinag ang katapatan kong sayo’y itinatangis
Panaghoy ko’y ‘wag sanang lisanin
Ang pangako nating hanggang sa dulo’y mananatili.

Hindi man sa ngayon
Ang paggawad ng medalyang kailanma’y hindi mangangalawang,
Ako’y magtitiis sa muling paglipad
Ng kalapating pilit na itinatali’t ikinakahon
Sa mga islang tanging anino na lamang ang kasarinlan.

Kung mamarapatin lang ng may Likha
Na ako’y tupukin na lamang ng apoy na hindi nakasusunog
At ako’y ayain sa hardin nang walang kamalayan
Kundi pagpuri sa Kanyang kagandahan.
Ngunit kailanma’y hindi ako mangingimasok
Sa kung anumang inilatag sa aking harapan.

Gustong lumuha ng dugo
Ng aking mga matang may iisang tinitingnan.
Sa mga kamay Niya’y
Hahayaan ko na lamang na dumungis ang mga butil
At ang Kanyang pagkalinga’y
Magsilbing panlaman-tiyan.

Kung makararating man sa lahat ng mga pinili
Na ang aking pananatili’y hindi pansarili lamang
Kundi ito’y aking pagpasyang piliin pa rin
Ang tahanan bagamat ito’y pinagtaksilan ng karamihan.

Sa mga pulong walang kapanatagan
At walang kapaliwanagan ang may kapangyarihan,
Ay naniniwala akong hindi paglisan ang solusyon.
At kung takot at pangamba ang kanilang mga naging dahilan,
Ay hindi ko kokonsintihin
Ang puso kong anumang oras
Ay kayang piliin na rin ang paglisan.
Clara Mar 2022
Hayan nanaman sila,
Naglalayag muli ang mga mamamahayag,
Lagalag nanaman ang bandera ng pula, berde't asul
Sa gitna ng karagatan ng mga nauupos na katotohanan,
Ang hangin ng pagbabago ay muli nanamang umiihip,
Tulak-tulak ang bangkang ginawa mula sa diyaryo't mga pangarap,

At doon,
Sa islang pinanggalingan ng mga mamamahayag,
Kung saan ang mga tao'y kasali sa isang paligsahan ng mga bangkay,
Nakatayo sa sentro ang isang pulang bahay na nagmamatyag,
Sa kanyang pader nakaukit ang mga alituntunin ng larong maingay,

Mangyari lang daw na patayin ang nagsasayawang mga apoy na nagbibigay ilaw sa pagbabago,
Mangyari lang daw na patigilin ang pagkembot ng mga bewang sa kumpas ng isang ipinagbabawal na musika,
Mangyari lang daw na mangarap ngunit tumingala sa usok ng kanyang establisiyemento,
Mangyari lang daw na maglabas ng buntong hininga ngunit huwag sanang pagkamalang pamumulitika,

Sa nayong malapit sa dalampasigan ng isla,
Kung saan ang buhangin ay nananatili pang morena't hindi pula,
Matatanaw ang isang maliit na eskenita,
Kung saan naglalakad ang mga pudpod na paang naghahanap ng pag-asa,
Ang daang malubak ngunit binuo ng pinagtagpi-tagping mga proweba,
Ay mag tuturo sa daungan ng bangka ng mga sinabing peryodista,

Ngunit pagdating sa nasabing tagong lugar,
May mahabang pilang nag-aantay sa naturang bangka,
Wari'y lahat ng talampakan ng mga tao'y dumudugo ngunit hindi namumula,
Lahat ay may dalang maleta ngunit hindi naglalayas o nawawala,

Sila'y nakapila upang antayin ang bangka,
Hindi para sumama,
Kundi para maging kalasag ng isang malayang pagpapahayag,
Para maging tagapagtanggol ng isang katotohanang nararapat makita ng lahat ng mga nabigador,
Para mapatahimik, hindi lang ang lagim ng laro,
Kundi lahat ng mga bangkay na naiwan niyang nag iingay
The poem was written as an org entry during the ABS CBN shutdown in 2020.

— The End —