Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Karapatang Ari 2016
WMSU MABUHAY ESU
DONWARD CAÑETE GOMEZ BUGHAW


Kung isa-isahin ang nangakaraan
Simula no'ng ika'y aking niligawan
Hanggang sa dumating ating hiwalayan,
Maikuk'wento ko ng walang alangan.

Unang kita palang, napaibig ako
Sa isang babae at Nimfang tulad mo;
Puso ko'y nahulog ng di napagtanto,
Siguro'y pakana ito ni Kupido.

Iyong itinanong, "Ikaw ba si Donward?"
Ako'y napatigil nang dahil sa gulat
Ako ay lumingo't ikaw ay hinarap,
Aking itinugon isang tango't kindat.

Nang ako'y lumabas na sa isang silid
Hindi ko mawari't ikaw ay nawaglit;
Ako ay nalumbay sa nasahing pilit
Ano't ang tadhana ay nagmamalupit.

Gusto ko pa namang ika'y makilala
Paanong nangyari't agad kang nawala,
Hindi tuloy kita natanong o sinta
Sa iyong pangalan na pang-engkantada.

Aking inusisa ang aking sarili:
"May pag-asa pa bang makita kang muli?
May tadhana kayang magtatagpo uli
Sa ating dalawa kahit na sandali?"

Hanggang isang araw, nang aking makita
Iyong kaibigang naglakad mag-isa
Agad kong tinanong kung ika'y nagsimba
Marahan n'yang sagot nasa tuluyan ka.

Pagkatapos niyon tinanong ko na s'ya
Sa iyong pangalan na may pagkad'yosa
Agaran niyang sagot, "Devina Mindaña,
Ang buong pangalan ng aking kasama.

Nagpatuloy kami sa pagkuk'wentuhan
Habang naglalakad sa tabi ng daan
Hanggang sa dumating ang aming usapan
Sa punto na ako ay kanyang mabuk'han.

Diretsahang tanong ay 'may gusto ka ba,
Sa kaibigan kong nanuot sa ganda?'
Sagot ko'y mistula isang tugong parsa,
Naging dahilan ko'y, 'Naku, wala! Wala!'

Imbis na makuha, siya ay natawa
At nang tanungin ko'y naging sagot niya:
"Subukan mo nalang ang ligawan siya
At baka maantig, batong puso niya.

Ni minsan ay hindi siya nagkaroon
ng isang siyota, pagkat umaambon
ang pangarap niyang gustong maisulong
ang makapagtapos at ang makaahon."

Pagkasabi niyon, ako ay nangusap:
"Diyata't parehas kami ng pangarap,
Kapwa puso namin ay nangangagliyab
Sa iisang nais na para sa bukas."

Nagpatuloy kami sa aming usapan
Hanggang sa tuluyang siya'y namaalam.
"Ako'y ikumusta sa 'yong kaibigan,"
Wika ko nang siya'y tumawid sa daan.

Nagpatuloy ako sa aking paglakad
Hanggang sa marating ang nagliliwanag
nating pamantasang nagtatahang huwad
ng dunong at puring nanahanang likas.

Nagdaan ang gabi't umaga na naman
Pagsulat ng tula'y aking sinimulan,
Yaong tulang handog sayo kamahalan
Nitong si Balagtas, Donward ang pangalan.

Ang iyong pangalan ang naiititik
Niyong aking plumang espadang matulis;
Ang tinta ay dugong may hinalong pawis
Nitong aking huli't wagas na pag-ibig.

Ngunit sa kabila, niyong aking katha
Aking nalimutan ang lahat ng bigla
Maging pangalan mo, sintang minumutya
Kung kaya't nagtanong uli ang makata.

"Siya ang babaeng aking naibigan,"
Pagkukuwento ko kay Jesang huwaran
Nang ika'y nakitang naglakad sa daan
Kasama ang dal'wa mo pang kaibigan.

At nang naguluha'y aking itinuro,
Pagkatapos niyo'y siyang aking sugo;
Si Jesang huwaran ay parang kabayo,
Ika'y sinalubong ng lakarang-takbo.

Agad kang tinanong sa iyong pangalan
Katulad ng aking naging kautusan.
Nang ika'y tawagin -- o kay saklap naman
Di mo man lang ako nagawang balingan.

Nang aking tanungin si Jesang huwaran,
Nang siya'y nagbalik sa pinanggalingan,
Kung ano ang iyong tunay na pangalan:
"Devina Mindaña," kanyang kasagutan.

Hindi lumalao't hindi nakayanan
Ng puso kong ito, ang manahimik lang;
Kaya't nagsimulang ikaw ay sabayan,
Kahit hindi pa man kilalang lubusan.

Ewan ko kung bakit ako'y tinarayan,
Gusto kong magtanong, pero di na lamang;
Sa sungit mo kasi'y baka lang talikdan
At bago aalis ay iyong duraan.

Subalit, lumipas ilang linggo't buwan
Tayo'y nagkasundo't nagkausap minsan;
Insidenteng iyo'y di ko malimutan,
Malamyos **** tinig, aking napakinggan.

Nang ako'y tanungin sa aking pangalan,
Sa telepono ko'y sagot ay Superman;
At nang mukhang galit, agad sinabihang,
"Huwag kang magalit, ika'y biniro lang."

Agad kong sinabi ang aking pangalan
Baka tuloy ako'y iyong mabulyawan:
"Si Donward po ito," sabi kong marahan,
Pagpapakilala sa 'king katauhan.

Patuloy ang takbo ng ating kuwento,
Ang lahat ng iyo'y aking naging sulo,
Sa papasukin kong isang labirinto;
Sa isang kastilyong nasa iyong puso.

Hanggang isang gabi, mayroong sayawan,
Napuno ng tao ang gitnang bulwagan;
Ang aking sarili'y hindi napigilan
Na ika'y hanapi't maisayaw man lang.

Ngunit ng matunto'y hindi nakaasta,
Ang aking nasahin ay naglahong bigla;
Imbis na lapita't dalhin ka sa gitna,
Ay hindi na lama't ako'y nababakla.

Aking aaminin ang kadahilanan,
Takot na talaga ang pusong iniwan
Na baka lang uli't ito ay masaktan
Tulad ng sa aking naging kasaysayan.

Kaya't hindi ako nagpadalos-dalos
At baka pa tuloy yaon ay mapaltos;
Ang mabulilyaso'y mahirap na unos
Nitong aking pusong may panimding lubos.

Akin pang naitanong sa isang pinsan mo
K'wento ng pag-ibig na tungkol sa iyo
At kung maaaring ikaw ay masuyo,
Naging tugon niya'y: 'Ewan ko! Ewan ko!'

"Huwag ikagalit kung ika'y tanungin,"
Sabi ng pinsan **** maalam tumingin
Di sa kanyang mata na nakakatingin,
(Kung hindi'y sa kanyang talas na loobin).

Aking naging tugon doon sa kausap,
Yaong binibining aking nakaharap:
"Hindi magagalit itong nakatapat
Hangga't ang puso ko'y hindi nagkasugat.

Pagkatapos niyo'y kanya ng sinabi
Ang ibig itanong na nangagsumagi
Sa kanyang isipang lubhang mapanuri,
Ang kanyang hinala ay ibinahagi.

"Ikaw ba'y may gusto sa kanya na lihim?
Huwag **** itago't ng hindi lusawin
Ang laman ng puso at iyong pagtingin
Ng iyong ugaling, pagkasinungaling!"

Pagkatapos niyo'y agad kong sinagot
Tanong niyang sadyang nakakapanubok
At ipinagtapat yaong aking loob
Ng walang alanga't maski pagkatakot.

"Ako nga'y may gusto sa kanya na lihim,
Subalit paanong siya'y maging akin
Gayung tingin pala'y akin ng sapitin,
Ang lumbay, ang hapdi't kabiguan man din?"

"Di ko masasagot ang 'yong katanungan,"
Naging tugon niyong butihin **** pinsan,
"Tanging payo ko lang ay pahalagahan,
Huwag pabayaa't siya ay igalang."

Aking isinunod nang kami'y matapos
Ay ang iyong ateng wari d'yosang Venus;
Agad kong sinabi habang napalunok
Yaong aking pakay at nang s'ya'y masubok.

Imbis na tugunin yaong aking pakay,
Ako'y di pinansin kung kaya't nangalay
Dalawa kong mata sa kanilaynilay
Ako'y nanghihina't puso'y nanlupaypay.

Aking iniisip sa tuwi-tuwina
Ay ang pangalan mo, mahal kong Devina;
At ang hinihiling sa bantay kong tala,
Hihinting pag-asang makapiling kita.

Kaya't hindi ako nakapagpipigil,
Iyong aking loob na nanghihilahil
Aking inihayag sayo aking giliw
Ng walang palaman at maski kasaliw.

Tandang tanda ko pa no'ng makasabay ka
Papuntang simbaha'y sinusuyo kita
Hanggang sa pagpasok ako'y sumasama
Kahit hindi alam ang gagawin sinta.

Bago nagsimula ang misa mahal ko,
Ang aking larawa'y iniabot sayo;
May sulat sa likod, sana'y nabasa mo,
Yaong pangungusap ay mula sa puso.

Di kita nakitang ako ay nilingon,
Sapagkat atens'yo'y naroong natuon
Sa isang lalaking pumasok na roon,
At sayo'y tumabi hanggang sa humapon.

At nang nagsimula'y umalis na ako,
Pagkat ako itong walang sinasanto;
Baka tuloy ako magsasang-demonyo
Sa aking nakitang katuwaan ninyo.

Hindi ko malaman kung bakit sumakit,
Nanibugho ako, ano't iyo'y salik?;
Ano nga ba ito't tila naninikip?
Lintik na pag-ibig, puso ko'y napunit!

Napaisip ako habang naglalakad
Hanggang sa isip ko'y nagkakaliwanag;
'Manibugho sayo'y hindi nararapat,'
Napatungo ako sa sariling habag.

Ilang saglit pa at akin ng pinahid
Luhang sumalimbay sa pisnging makinis
At saka nangusap ng pagkamasakit:
"Wag kang mag-alala't di ko ipipilit."

"Itong pag-ibig kong nagniningas apoy,
Nasisiguro kong hindi magluluoy;
Ngunit, kung hindi mo bayaang tumuloy,
Mas mabuti pa ang puso ko'y itaboy!"

Nang ako'y magbalik doon sa simbahan,
Sa dami ng tao'y di kita nasilayan;
Ngunit, nang tanawin sa kinauup'an,
Naroong Devina't kinaiinisan.

Nanatili ako't hindi na umalis,
Di tulad kaninang lumabas sa inis;
Ako'y umupo na at nakikisiksik,
Kahit patapos na ang misang di ibig.

Hindi ko nga ibig, pagmimisang iyon
At maging pagsamba't gano'ng pagtitipon;
Pagtayo't pagluhod di ko tinutugon,
Pagkat ako itong walang panginoon.

Araw ay lumipas mula ng masuyo,
Ika'y sinubuka't nang hindi malugo
Itong aking pusong namalaging bigo
Sa loob ng dibdib, namugang tibo.

Iyong naging tugon ay nakakapaso,
Masakit isipi't maging ipupuso;
Yaong tumatama'y animoy palaso,
Narok sa dibdib, sugat aking tamo!

Sa kabila niyo'y di pa rin sumuko,
Tanging ikaw pa rin ang pinipintuho;
Kaya't wag isiping ito'y isang laro,
Pag-ibig kong ito'y hindi isang biro.

Hanggang sa dumating gabing aking asam,
Sa lilim ng mangga, bago ang sayawan
Ay iyong inamin ang nararamdaman,
Ating tagpong iyo'y di malilimutan.

Ipinagtapat mo na ika'y may gusto,
Ngunit di matugon itong aking puso,
Sapagkat ikaw ay mayroon ng nobyo
Di mo kayang iwa't ayaw **** manloko.

Aking naging tugon sa iyong sinabi,
Ay handang maghintay at mamamalagi
Hanggang sa panahong ikaw ay mahuli,
Makita't malamang di na nakatali.

Sa mukha'y nakita, matamis na ngiti
Niyong Mona Lisang, pinta ni Da Vinci;
Ako'y natigilan ilan pang sandali,
Nang aking matanaw, gandang natatangi.

Bago pa nag-umpisa'y pumasok na tayo,
Sa hinaraya kong dakilang palasyo,
At sa lilingkuran tayo ay naupo,
Niyong maliwanag, loob ng himnasyo.

At nang magsimulang musika'y tumugtog,
Ika'y namaalam at para dumulog
doon sa bulwaga't makikitatsulok,
ng sayaw sa indak dulot ng indayog.

Bago pa marating ang gitnang bulwagan,
Ako'y sumunod na't di ka nilubayan
Hangga't di pumayag sa 'king kagustuhan
Na maisayaw ka at makasaliwan.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Ang araw at linggo'y tila naging saglit;
Ako'y nagtataka't biglang napaisip,
Ano at ang oras ay mukhang bumilis.

Hanggang isang gabi nang aking tanungin,
Sa iyo, o, mahal kung bibigyang pansin;
Hanggang kailan mo pagdudurusahin;
May pag-asa pa bang nadama'y diringgin?

Iyong naging sagot sa katanungan ko:
"Di na magdurusa't ngayo'y maging tayo."
Ang rurok ng saya ay aking natamo,
Lalo pa't sinabing mahal mo rin ako.

Sa kadahilanang gustong masiguro,
Aking naitanong kung iyo'y totoo;
Baka mo lang kasi ako'y binibiro,
At kung maniwala'y sugatan ang puso.

Iyong ibinalik, ating gunitain,
Doon sa manggahan 'sang gabing madilim;
Ipinagtapat mo ang iyong damdamin,
Ngunit, di nagawang puso ko'y tugunin.

Pagkat mayroon kang sintang iniibig,
Iisang lalaking namugad sa dibdib;
Di mo maloloko't iyong inihasik
Sa paso ng puso't bukirin ng isip.

Pagkatapos niyo'y sinabi sa akin,
Na ating pag-ibig, manatiling lihim;
Aking naging tugo'y 'sang tangong lampahin
Pagkat aking isip, gulong-gulo man din.

"Sigurado ka ba sa'yong naging pasya?"
Ang muli kong tanong, bago naniwala
Sayo aking mahal na isang diwata,
Yaong aking ibig at pinapantasya.

Iyong naging tugon sa aking sinabi:
"Kung ayaw mo'y huwag, di ko masisisi;
Ano pa't puso mo'y sadyang madiskarte,
Baka may iba ng pinipintakasi."

Agad kong sinabi sa iyo mahal ko:
"Ano at kay daling ikaw ay magtampo,
Nagtanong lang nama't ako'y naniguro
Baka mo lang kasi, ako'y nilalaro.

Lumipas ang gabi't umaga'y sumapit,
Unang araw natin ay lubhang mapait,
Pagkat di nakayang ako ay lumapit,
Sayo aking sinta't ewan ko kung bakit.

Ilang sandali pa't hindi nakatiis,
Sa pagkakaupo'y tumayo't lumihis
ng landas patungo kay Musa kong ibig,
pagkat aking puso'y lubhang naligalig.

Muli kang tinanong kung pasya'y totoo,
Di na mababawi't di na mababago;
Iyong naging tugon sa katanungan ko,
Pisngi ko'y hinaplos, sabay sabing 'oo.'

Kay sarap marinig, salita **** iyon,
Iisa ang punto at maging ang layon;
Para bang lagaslas ng tubig sa balon,
Ibig kong pakinggan sa buong maghapon.

Matapos ang pasko'y siyang araw natin,
Na kung gunitai'y araw na inamin,
tinugon ang puso at binigyang pansin,
at saka sinabing, ako'y mahal mo rin.

Aking gabing iyo'y narurok ang saya,
Ngiti niyong buwa'y nakakahalina;
Ibig kong isulat ay isang pantasya,
At ikaw Devina, yaong engkantada.

Araw'y nangaglipas, daho'y nangalaglag,
Ano at ang oras tila naging iglap;
Siyang araw natin ay muling lumapag,
Ano at ang panaho'y tila naging lundag.

Iyong regalo mo'y hindi malimutan,
At maging pagbating ibig kong pakinggan,
Sa bawat umagang araw'y sumisilang
At kung maaari'y mapawalang-hanggan.

Ngunit nang magdaan ilang araw't linggo,
Naging malungkuti't di na palakibo;
Puso ko'y mistula isang boteng tibo,
Nabiyak sa dusa nang itatuwa mo.

Sa tuwi-tuwina'y napaisip ako,
Talaga nga kayang tapat ang puso mo?;
Ulo ko'y sasabog, bulkang Pinatubo,
Bakit ba't isip ko'y nagkakaganito?

Ilang araw kitang hindi tinawagan,
Pagkat labis akong nagdusa't nagdamdam;
Malakas kong loob ay di nilubayan
Ng kapighatia't maging kalungkutan.

Tayo nga'y mayroong isang kasunduan,
Di maikaila't sinasang-ayunan
Ngunit, ang itat'wa'y di makatarungan,
Alalahanin **** ako'y nasasaktan.

Ako'y wag itulad sa makinang robot
Na di nakaramdam maski anong kirot;
Ako ay may pusong nakakatilaok,
Pumipintig baga'y putak ng 'sang manok.

Kaya't nang sadyain sa tinutuluyan,
Ika'y kinausap at pinagsabihang:
"Sakaling darating ating hiwalayan,
Huwag magpaloko sa kalalakihan.

At saka-sakaling sayo'y may  manligaw,
Isipin mo muna't wag agad pumataw;
Pasya'y siguruhin bago mo ibitaw,
Ang iyong salita, nang di ka maligaw."

Unang halik nati'y hindi malimutan,
At kahit na yao'y isang nakaw lamang,
Pangyayaring iyo'y di makaligtaan,
Naging saksi natin ay ang Taguisian.

Tila ba talulot ng isang bulaklak
Labi **** sa akin na nangangagtapat;
Animo'y pabango yaong halimuyak,
Ng iyong hiningang sa halik nangganyak.

Ika-labinlima, araw ng Pebrero,
Hindi malimutan ating naging tagpo;
Sa iyong tuluya'y nagkasama tayo,
Doon sa Kwek Kwekan, nagdiwang ang puso.

Ako'y isang taong lubhang maramdamin,
Ang hapdi at kirot siyang tinitiim;
Puso ko'y tila ba 'sang pagong patpatin,
Sa loob ng dibdib sakit ang kapiling.

Kaya't nang makitang may kasamang iba,
Marahang lumason sa puso ko sinta
Ay ang panibugho't sakit na nadama;
At para maglaho, alak ay tinungga.

Sa ika-tatlumpu, na araw ng Marso,
Akin pang naalala pagbisita sayo,
Sa inyong tahana't mapayapang baryo,
Nagmano pa ako sa ama't ina mo.

Ibig kong ang lahat ay di na magtapos,
Masasayang araw nating lumalagos
Sa isip, sa puso't maging sa malamyos,
Na kantahi't tulang aking inihandog.

Ngunit, nang lumipas ang ika-limang araw
mula nang makita't sa inyo'y madalaw
ay isang mensahe ang lubhang gumunaw
sa aking damdami't marahang tumunaw.

Animo'y balaraw yaong tumatama,
Nang ang mensahe mo ay aking nabasa;
Gusto kong umiyak, gusto kong magwala,
Ngunit, anong saysay gayung wala na nga?

Kung isaulan ko itong aking luha,
Masasayang lama't walang mapapala;
Kaya't kahit ibig, ako ay tumawa,
Wag lamang masadlak yaong pagdurusa.

Kung ang kalayaa'y siyang ibig sinta,
At ang saktan ako'y ikaliligaya
Aba'y payag ako't ikaw na bahala,
Basta lang ang akin ika'y liligaya.

Kay sakit isiping tayo ay hindi na,
Ngunit, kung ito man ang itinadhana,
Aba'y pag-ibig ko't pag-ibig mo sinta,
Di makakahadlang sa ibig sumila.

Mahal ko paalam sa ating pag-ibig,
Mahal ko paalam, kahit na masakit;
Mga alaala'y huwag ng ibalik,
Burahin ng lahat sa puso at isip.


~WAKAS~
Ang tulang ito ay handog ko para kay Devina Mindaña.
AUGUST Sep 2018
Ikaw lang, (Pangako)

Sa iyong mga mata nasisilip ko ang langit
Pagkat ikaw ang anghel na sa aki’y pinakamalapit
Sa mapulang labi mo’y nakakatuksong humalik
Lapit ka ng lapit, Ang titig sa pisngi, ayaw mapapikit,

Andito na ang iyong sandalang balikat
Sa iyong luha, ako ang sasalo ng lahat
Napakaganda mo para saktan, hindi  kita matitiis
Parang mababasagin kagamitan, porselana, tulad ng ‘yong kutis

Kapag nasisilayan kong Labi, may taglay na ngiti
Kalungkotan ko ay napawi, Limot ko na ang pighati
Wala akong minamadali, pagkat atin ang sandali
Kaylangan ko pa bang bumawi? Kung Pakiramdam koy di na lugi

Dahil ang bawat oras ko sayo aking pinagyayaman,
Ikaw ang nagbigay ng karanasang di ko makakalimutan
Ang bawat alaala’y binabalik paminsan minsan,
Pwede bang **** ka nang lumayo, dito ka nalang

Hawak ang malambot **** mga kamay
may ibinubulong ang boses **** malumanay
“Andito ka na, di na ko nalulumbay,
di ako sanay na ikaw ay mawalay”

"Ngunit mahal, kelan ba kita iniwan?
Pinabayaan, at kinalimutan,
Kelan ba ang panahong di kita isinaalang alang?
Tapat ang pangako kong di kita pababayaan, magpakailan man."
Congratulation to Aljhon and Marilyn,
Stephanie Apr 2019
isinulat ni: Stephanie Dela Cruz

\

isang daang tula.
sabi ko noon ay bibigyan kita ng isang daang tula
mga tulang magiging gabay mo kung sakaling mawala ka man sa akin, o kung ilayo ka man ng ating mga tadhana, o kung paalisin mo na ko sayong tabi,
ngunit pangako, hinding hindi magiging dahilan ang kusa kong pag alis, pangako yan.
itong mga tulang ito ang magiging gabay mo kung sakaling maisip **** ako ang kailangan mo at ako ang gusto **** makasama hanggang dulo
itong mga tulang ito ang magiging resibo mo, magiging ebidensya ito ng kung paano kita minahal ng pagmamahal na hindi mo kailanman naibigay sa akin

isang daang tula.
alam mo bang tula ang una kong minahal kaysa sa iyo
ibinuhos ko lahat ng mga inspirasyon, pag-ibig, luha at pati tulog ko'y isinantabi ko na para sa kanila
dahil ako rin ang mga tulang ito,
alam mo namang isa kong babasaging salamin na paulit ulit na binabasag ng mga taong gustong maglabas ng sama ng loob, ng matinding emosyon, isang salaming kakamustahin kapag gusto nilang ipaalala sa sarili nila na maganda sila at mahalaga at kamahal-mahal at importante...
ako nga ang mga tulang ito, at paulit ulit kong pinaghirapang buuin muli ang aking sarili, ang bawat dinurog na piraso ko'y sinusubukang buuin muli gamit ang hinabing mga tula
itinago ko sa bawat maririkit na salita ang mga lamat na hindi na maaalis pero pipilitin ko...
at sa huli naisip kong hindi ko lang pala gustong sumulat at bumigkas ng tula..
gusto ko rin maging tula ng iba, na mamahalin ako katulad ng pagmamahal na ibinuhos ko sa mga ito

at ayun nga... dumating ka.

ngunit tanong ko pa rin sa aking sarili itong palaisipan...  "naging tula mo ba ko talaga?"


hindi.

dahil hindi ka naman talaga interesado sa mga tula.


alam ko naman kung anong nais mo talaga..

ang gusto mo'y musika.


maganda, masarap sa pandinig, masasabayan mo sa pagsayaw... maipagmamalaki.


hindi naman ako musika... isa lamang akong tula.



isang daang tula.
alam mo bang kung nakakapagsalita lamang ang aking mga sinulat ay sigurado akong magtatampo sila
dahil naisulat na ang tulang bukod tangi sa lahat, tulang pinaka mamahal ko higit sa lahat
ito ay ang bawat tulang isinulat ko para sa iyo..
isa... dalawa... tatlo.. hindi ko na mabilang kung gaano karaming tula na ba ang naisulat ko para sayo
ngunit mas marami ata yung mga tulang isinulat ko nang dahil sayo
at wag kang mabibigla kung sasabihin kong hindi lahat ng iyon ay puro kilig, puro saya, puro tamis ng sandaling kasama kita
dahil sa bawat pagkakataong hindi mo namamalayang sinasaktan mo ako ay sumusulat ako ng tula
may mga pagkakataong ikaw ang dahilan ng mga luhang siyang naging tinta nitong aking pluma na pinangsulat ko ng tula

wag kang mag-aalala, hindi nasasapawan ng kahit anong sakit at pait ang pagmamahal ko sa iyo. :)


isang daang tula.
teka, kailan ba tayo nagsimula?
napakabilis ng panahon, lumilipas na kasing bilis ng pagningning ng mga bituin sa gabi
hindi pa tayo tapos mangarap ngunit tumitigil na... natapos na ang pagkinang.
inaawat na tayo ng kalawakan... o teka... mali pala... dahil ikaw ang umawat sa kalawakan
pinatay mo ang sindi ng pinakamakinang na bituing pinangakuan ko ng wagas na pagmamahal sa'yo habambuhay
wala nang natira.. pati ang mga bulalakaw na nagdadala ng milyong paghiling kong makasama ka hanggang dulo ay wala na, lumisan na
at hindi ko naman inasahan na sasama ka sa kanila
hinihintay kong hawakan **** muli ang aking kamay nang mas mahigpit sa paghawak ko ng kamay mo katulad ng una't pangalawang beses nating pagkikita pero
binitawan mo ako mahal



isang daang tula...












teka muna mahal, hindi ko pa naisusulat ang pang isang daan
bakit ka'y bilis mo namang umalis... hindi mo man lang hinintay na matapos ko ang mga tulang ito na nagpapatunay na minsan may tayo


pero pangako...


tatapusin ko itong isang daang tula at hindi ito magtatapos sa pang isang daan dahil susulat pa ko ng mas marami, susulat ako nang mas marami pa hanggang sa hindi na ikaw ang tinutukoy ng mga salita sa aking tula, hanggang sa hindi na ikaw ang buhay nitong aking pagtula...
ipapaalala ko sa aking sarili na ako ang mga tulang ito at hindi ako magtatapos sa panahong pinili **** umalis kesa basahin ako, pinili **** iwanan ang tunay na nagmamahal sayo, sabi mo iingatan mo ang puso ko ngunit hindi mo ba alam? ikaw ang muling sumira nito kaya't heto... may dahilan nanaman para sumulat ako ng tulang magbubuo ng mga piraso ng aking sarili na dinurog mo... pinili **** saktan ako, pinili **** lumayo para sa sarili mo, pinili **** maghanap ng mas maganda at mas higit sa akin, ang dami dami **** pinili mahal ngunit bakit hindi ako ang isa sa mga pinili mo? ah. alam ko na. dahil nga pala may mas higit pa sa pagpipilian kaya bakit nga ba ako ang pipiliin mo diba?


pero pinapangako ko... isa lamang akong tulang hindi mo pinag-aksayahan ng oras para basahin ngunit balang araw ay magkakaroon din ako ng sukat at tugma, ang mga salita sa aking malayang pagsulat ay tatawaging liriko at kapag ganap na akong maging musika... pangako.... huling pangako ko na ito para sayo kaya't makinig kang mabuti...




mapasabay ka man sa  saliw ng aking musika, kailanma'y hindi na ko ang kanta, liriko, musika, at tulang isinulat para sa iyo.
I miss you so bad but not enough to want you back.
Gwen Pimentel  May 2015
Ikaw
Gwen Pimentel May 2015
Putang inang pakshet gago putangina mo tarantado x2
Kinakanta ko 'to tuwing nagagawa ng isip kong paglaruan ang mga alaala kong ang nilalaman ay ikaw
Ikaw lang naman talaga eh, dati, ngayon, at bukas, ikaw pa rin
Ikaw pa rin ang sinisigaw ng pipi kong puso
Ikaw ang tanging Nakikita ng aking mga matang bulag
Ikaw ang tinig na naririnig ng bingi kong tainga
Ikaw ang nakapapasok sa maliliit na eskinitang daan papunta sa aking puso
Ikaw lamang ang may kakayahang baguhin ang daloy ng ilog ng aking dugo upang masundan ka

Ikaw
Ikaw pa rin ang pipiliin
Kahit ilang beses mo akong saktan
Kahit ilang beses mo akong saksakin gamit ang bubog ng aking nabasag na puso
Kahit na mawalan ng boses kasisigaw ng iyong pangalan
Kahit ilang babae pa ang pinagkukwento mo sakin at ang pakiramdam ng bawat kuwento ay tila baril na tumatagos sa aking puso
Dahil pagkatapos mo akong saktan nagpapakatatag lang naman ako upang masaktan mo muli

Ikaw
Na minsan kong tinawag na mahal, babe, pangga, bebe luvs,
Ay matatawag ko na ngayon na
Tanga, ulol, manhid, pangit, hampas lupa, haliparot, lintek, demonyo, leche, gago, tarantado,kulelat, hayop, sira ulo, walang hiya, bakulaw
Iilan lang to sa mga katagang binigay ko sayo
Sa pag-asang malilimutan ng puso ko kung gaano kita minahal
Pero wala
Nag-aalumpihit na ang sikmura kong pinipilit ilabas ang lahat ng mga parte **** linunok ko hanggang sa wala nang maiwang bakas na minahal nga kita
Nag-aalinlangan ang isip ko, kung itatapon ko na ba ang ating mga alaala o itatago lamang upang mabalik-balikan kapag nalulumbay

Siguro ikaw si Kuya Kim, diba ang buhay ay weather weather lang?
Kasi nagdala ka ng bagyo sa aking mga mata na naging landslide pababa ng aking pisngi
Nagdala ka ng lindol na ang epicenter ay sa puso ko at nabulabog ang buong mundo ko, at ang puso’y nawasak
Nagdala ka ng buhawi ng hangin na paikot-ikot lang at kahit sinisira mo ang lahat, nahihigop mo pa rin ako
Nagdala ka ng tsunami sa aking isipan at binura mo ang lahat kaya’t ikaw nalang ang laging isip

Ikaw
Sa kabila ng lahat ng kasawiang dinala mo sakin
Oo
Ako na yung tangang nagmahal pa rin sayo
Ako na ang nagpakamartir na harapin ang matitindi **** hangin
Ako na ang sumalo sa lahat ng bubog ng iyong puso, sa lahat ng luhang iyong iniyak
Ako na ang trainer wheels sa iyong bike, sabi mo di mo na ko kailangan pero gusto kong naroon pa rin ako upang masigurong hindi ka masasaktan
Ako na ang bandaid sa bawat sugat na iniiwan ng mga babaeng minahal mo, mga halik sa sugat pinapatigil ang dugo
Ako na ang unan **** sa gabi mo lang nakikita, sinasandalan tuwing pagod, may problema, mahihigpit na yakap tuwing luha’y di tumitigil
Ako na yung stik-o sa pakete mo ng sigarilyo, inosente’t di ka sasaktan, pero iba pa rin ang pinili mo
Ako na ang babaeng umaasa sayo na parang naghihintay ng ulan sa tagtuyot
Bakit ba hindi nalang ako

Ito ang tanong ko sayo, ako nga ba ang talagang tanga rito? Di ba ikaw rin?
Bago ka maghabol nanaman ng isa pang babae, kuya tingin tingin naman diyan sa paligid
Baka nasa harap mo lang, ang babaeng matagal nang hinahanap
ikaw filipino tagalog hugot nanaman potek saklap sakit pagibig love
Jasper  Jul 2019
Binibini.
Jasper Jul 2019
Binibini, isang liham ang aking isinulat para sa iyo,
Maaari mo bang ibahagi sa akin ang kislap ng iyong kagandahan?
Marami ang nakakakita ng kagandahan ngunit, naipakita mo na ba ang kailaliman?
Sa isang kupas na imaheng namumuo sa aking isipan,
Higit pa ang kalawakan at kung maikukumpara ko sa mga tala sa kalangitan,
Iisa ang isinasaad ng iyong kagandahan. Yun ay ang kalungkutan.
Isang sulyap na tila ba wala ka ng ibang nanaisin pa, o hihilingin.
Ang paghahangad ay labis subalit sasapat sa nagkukulang kong damdamin.
Binibini, bakit nga ba namumuo sa'yong mata ang labis na kalungkutan?
Bakit tila, sa aking pananaw ay nagsasabi na ika'y pagod na?
Bakit ako ang nakakakita ng iyong paghihirap?
Binibini, sa kabila ng lahat ng iyon, nagagawa mo parin na magtiis?
Hanga ako sayo binibini.
Hindi lang paghanga ang aking nadarama.
Higit pa sa matatamis na salita.
Higit pa sa pagpaparamdam ko sa'yo.
Binibini, lubos akong nagmamahal sa iyo.
Maaari ba'ng ako naman ang pakinggan mo?
Na sana ay makarating sa'yo ang lahat ng hangad ko?
Hangad ko ang iyong kaligayahan.
Ngunit hindi ko maipapangako na sa bawat sandali ay naroroon ako para sa iyo.
Hindi ko maipapangako na hindi kita sasaktan.
Hindi ko maipapangako sa iyo na ang bawat alaala sa aking piling ay magiging espesyal.
Sapagkat sa likod ng matatamis na salita ay ang pagkukubli ng masamang hangarin.
Hangarin na ika'y saktan.
Hangarin na sa bawat pangakong binitawan ay walang matupad.
Hangarin na iwanan ka'ng nag-iisa.
At hangarin na mag-iiwan sa iyo ng bakas na magdudulot ng iyong pagkahina.
Hindi ko man maipangako na hindi ka saktan,
Ang aking saloobin sa iyo ay totoo at walang bahid ng kasamaan.
Hindi ko man magawang makapunta sa iyong tabi,
Nakasisiguro ako na makararating sa'yo ang aking alab na damdamin.
JK Cabresos Jul 2016
Oo. Totoo.
Hindi mo na kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
na aakyat pa sa rurok ng bundok
para isigaw ang pangalan ko,
at ipahayag ang nilalaman
ng damdaming nagsisidhi,
sapat na sa akin
ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan
na nais kong marinig
mula sa mapang-akit **** mga labi.

Hindi mo kailangang ibase ang nararamdaman mo
sa sinasabi ng ibang tao,
dahil hindi natin kailangan ng kanilang opinyon
para umibig nang wagas
o hanggang sa dulo ng mundo,
hindi sila ang dumidekta
sa kung sino man ang ititibok nitong puso,
hindi natin kailangan ng kanilang opinyon.
Hindi.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako
na sa lahat ng date na ating mapuntahan
ay kailangang pag-usapan ng mga kaibigan mo,
o libo-libong litrato ang ipo-post mo,
dahil ayaw ko lang mawala
ang pagiging pribado ng ating relasyon,
sapat na sa akin
ang itago mo ang mga litratong ‘yan,
at titigan pauli-ulit
kapag miss na natin ang isat-isa.

Hindi mo kailangang ma-insecure sa iba,
hindi ko sila papatulan,
hindi ko sila papansinin,
hindi kita niligawan
nang mahigit isang taon para saktan lang,
wala akong **** sa kanila,
ikaw ang mahal ko,
oo, mahal kita,
at tanggap ko kung sino ka,
kung anong mayro’n at wala sa’yo,
dahil mahal kita.
Mahal na mahal,
hindi mo kailangang ma-insecure.
Hindi.    

Lahat ng bagay, ay aking gagawin,
dahil hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”  
sa bawat letra ng mga salitang
namumutawi sa aking bibig,
hindi ito isang antigong alahas  
na susuotin lamang sa mga piling okasyon,
pagkatapos ay itatago sa kahon,
at kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon,
mamahalin kita kahit sa ano mang panahon:
tirik man ang araw sa pagtawa
o kulimlim man ang gabi sa pag-iyak.
Mahal kita.
Mahal na mahal,
at hindi lang magtatapos ang aking “mahal kita”
sa mahal lang kita,
kukunin ko ang mga agiw sa ‘yong mga lumang gunita,
pilit kong wasakin ang mga pader
na nakaharang sa ating dalawa.    

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
sapat na sa akin ang pagsanay sa sarili
sa ‘yong presensya at pagkandili,
sapat na sa akin ang pag-intindi mo
sa mga kamaliang pilit **** binabayo,
mga pagkukulang na pilit **** pinupunan,
at sa mga araw na kahit luha ang nalalasap
ay patuloy ka pa ring nakahawak sa aking mga kamay
at hindi mo ito binitawan.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
pumasok ka sa pinakakasulok ng aking utak,
nang mabatid mo ang mga nakasulat,
nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
ililibot kita,
sa aking nakaraan,
sa aking ngayon
at sa aking bukas,
ilalahad ang pag-aasam na makatakas
sa mga kabiguang natanaw.
Sisirin natin ang pinakailalim ng aking puso,
dito matatagpuan ang pag-ibig
na kailanman hindi mabubura,
hindi maglalaho, para sa nag-iisang ikaw.

Hindi mo kailangan ipagsigawang mahal mo ako,
hindi na kailangan,
dahil alam ko, d’yan sa puso mo,
nakaukit rin ang pangalan ko,
at ang pag-iibigan nating dalawa,
hindi mo na kailangan ipagsigawan pa
dahil alam kong mahal mo rin ako.
Mahal mo ako.  
Mahal na mahal.
Copyright © 2016
Dark  Dec 2018
Maskara
Dark Dec 2018
Alam mo ba ang tunay kung nararamdaman,
Mga galaw mo na kaya akong saktan,
Tapos hindi mo alam,
Lahat ng sakit kinikimkim ko,
Para lang di mo lang ako masabihan ng walang tayo.

Sasabihan mo rin ako ng bakit ka ba ganyan dinaman kita jowa,
Ang sakit sobra,
Kaya lahat ng nararamdaman ko dinaan ko sa tula,
At sinasabi ko sayo lahat ng tula ko para naman matamaan ka.

Ang manhid mo grabe,
Hindi ko na alam ang gagawin,
Sinabi ko na sayo lahat ng ibig sabihin ng mga tula ko pero wala parin,
Alam mo bang yung pahanon na may kahawak kamay ka,
Nag selos ako pero sino nga ba ako para maramdaman yon.

Nasasaktan ako lalo na sa mga pinagsasabi mo,
Yung mga salita mo na parang kutsilyo na tinutusok ako,
Nag sabi ka ng I love you,
Pero hindi pala totoo.

Bakit kailangan mo pang sabihin?
Yung salitang kaya ako paasahin,
Kung hindi naman sa puso mo nanggaling,
Ang sakit isipin lahat pala yun ay hanggang pang kaibigan lang pala.

Sinabi na nila sayo na nasasaktan ako deep inside,
Tas ikaw tumatawa,
Ano yung feelings ko clown para pagtawanan mo,
Ang sakit sakit na.

Hindi ko alam kung bakit ka tumatawa pero nasasaktan na ako,
Hindi ko na kaya,
Sana wag dumating yung araw na aalis ako,
Kung saan sa huli mo lang narealized ang lahat nang sinasabi ko sayo.

Sana dumating yung araw na pagsisihan mo yung pag alis ko,
Pero sino nga ba ako para sayo?
At bakit kailangan mo pang pagsisihan ang pag alis ko,
Isang hamak na kaibigan lamang ako.

Sana rin dumating yung araw na hindi ako aalis,
Kasi may tayo,
May ikaw at ako,
At yun ay isang panaginip na imposobleng mangyari.
President Snow Oct 2016
Naging ganito ako dahil sayo
Dahil nandyan ka para mahalin ang buo kong pagkatao
Tanging kasiyahan ang naramdaman ko
Ikaw na laging sinisigaw ng puso
Laging nandiyan para iparamdam ang kahalagahan ko

Naging ganito ako dahil sayo
Dahil ang lahat sa akin ay iyong iyo
Sa lahat ay lumaban ako
Pagmamahalan natin ay pinaglaban ko
Pag iibigan ay inalagaan ng husto

Naging ganito ako dahil sayo
Dahil sa mga mata mo
Mga mata na iba na ang titig sa mga mata ko
Mga kamay na lumuluwag ang hawak sa mga kamay ko
Mga labi na hindi na ang binabanggit ang pangalan ko

Naging ganito ako dahil sayo
Dahil sa iyong pagsuko
Ganoon ba kahirap na ipag laban ako?
Ganoon ba kadaling saktan ang puso?
Ganoon ba kahirap na pumasok sa iyong mundo?

Naging ganito ako dahil sayo
Winasak ko ang sarili ko
Tulad ng pagwasak mo sa aking puso
Bakit ba ikaw pa ang minahal ko?
Bwisit na kupido, palapak na pana't palaso

Naging ganito ako dahil sayo
Oo, ikaw na walang ginawa kung hindi saktan ako
Ikaw na madaling sumuko
Ikaw na hindi kayang panindigan ang mga pangako
Ikaw na may pag ibig na mabilis maglaho
George Andres Jul 2016
Preso ang Ikinukulong, Hindi Salita

Huwag mo kong ikulong sa mga salitang nais **** makitang taglay ko
Huwag mo kong sikilin ng kalayaan kong ipahayag ang nais ko

O bilangin ang metrong sumasaklaw sa mga katha ko
O mga tugmang umaabot na gayon na lamang ang paglantad na siya nga ay isang presong
Minsang kinulong sa iyong isipan at binigyan mo ng huwad na kalayaan

Huwag mo akong pigilan tulad ng mga letrang
iyong binitiwan kung sa'n ubos na ang oras na siyang dahilan
Upang matigilan ang mga salitang dumadaloy sa ugat na tila nagpipilahan
Sa isang lugar na napigilan ng kaguluhan at ingay ang malalayang sugnay
Ngayon ay dumadaloy na parang isang rumagasang ilog
Sa dulo ng dila ko ay laging naririyan

Isa akong salitang walang kahulugan ni patutunguhan
Salita ako ngunit hindi sinasalita
Ako ay kamatayan sa iilan
At buhay sa karamihan

Kaya't huwag mo akong pigilan ng mga pinili **** letrang
dapat ako, dapat ay tagalayin ko
Dahil ang tula ay tula at ito ay malaya
Parang ako  
Ang tula ay malayang di tulad ng tao dahil dito
Walang batas na maaring pumuna
at saglit na mawaglit sa tunay na eksistensya
dahil ang tula ay tula na wala kang karapatang
Yurakan o ismiran o saktan man
Ang tula ay tula na mga anak  ng manunula
Hinabi ng emosyon ng puso
ng pawis na nararamdaman ang
bawat patak bawat tibok at bawat sigaw
Dahil ang tula ay tula at ito ay malaya

Ako ang pag-ibig ako ang tula
Ang tula ng pag-ibig
Ang pag-ibig na mapagpalaya
Akong pag-ibig na hindi malaya

Kaya 'wag mo kong siilin ng mga salita
na nais **** makita na nasasa aking tula
Dahil ng tula ay tula
Ang tula ay malaya
Ang mundo ng tula kung sa'n malaya
Mundong nais ko sana
Isang mundong di ko kailanman matatamasa
Sa isang mundong kaaya-aya
7816
Reign Remetio  Dec 2016
Pangako
Reign Remetio Dec 2016
Mga pangako **** nakakaakit,
Mga pangako **** nagpapangiti saakin.
Ang pangako mo saakin na "Hindi kita iiwan."
Ang pangako mo saakin na "Hindi kita kayang saktan."
Ang pangako mo saakin na "Tiwala lang sabay tayong tatanda."
Ang pangako mo saakin na "Tayo'y magpapakasal pa at bubuo ng masayang pamilya."
Ang pangako mo saakin na "Ikaw lang at wala ng iba."
Ngunit bakit? Bakit lahat ng pangako mo ay napako? Nasaan ka nung mga panahong nahihirapan na ako? Nasaan ka nung mga panahong kailangan ko ng atensyon mo? Nasaan ka nung mga panahong kailangan ko ng iyong oras? Pasensya na kung maraming tanong na sumasagi sa aking isipan. Pagkagising ko may iba ka na pala di mo manlang nabanggit saakin sobra akong nalungkot nung mga panahong iyon.

Napakatanga ko dahil ako'y naniwala sa mga matatamis **** salita.
Napakatanga ko dahil minahal pa kita.
Napakatanga ko talaga! Bakit pa kasi kita nakilala?
Ang hirap kalimutan ng mga masayang ala-ala nating dalawa, Napakasakit! Sobra parang tumigil ang aking mundo simula ng ika'y nawala.

Naalala ko pa noon lagi mo akong pinapangiti sa tuwing ako'y malungkot.
Lagi mo akong dinadamayan sa aking mga problema.
Lagi mo akong kinukulit at nilalambing.
Miss ko na ang mga panahong iyon, Yung mga panahon na napakasaya nating dalawa para bang wala na tayong pakealam sa mundo.

Bakit ganon? Bakit sa isang iglap bigla nalang itong nawasak?
Bigla ka nalang nawala ng parang bula.
Bakit naging kabaliktaran ang lahat?
Bakit bigla mo nalang ako iniwan ng walang dahilan?

Hindi ko na namalayan na may tumulo na palang luha sa aking mga mata.
Bakit kasi iniisip pa kita?
Bakit hindi ko parin matanggap ang nakaraan?
Bakit hindi parin kita makalimutan?
Ang hirap hirap **** kalimutan! Bakit?
Naiinis ako sa sarili ko dahil hanggang ngayon nagpapakatanga parin ako sayo!
Masaya ka na sa piling ng iba diba? Hindi ko na guguluhin pa.

Kitang-kita ko sa iyong mata kung gaano ka kasaya sa piling niya,
Kung gaano mo siya kamahal,
Kung gaano mo sya iniingatan.
Katulad ng pagtrato mo saakin dati.
Bakit kasi ikaw parin?
Ikaw parin yung taong mahal ko?
Diba dapat na kitang kalimutan katulad ng paglimot mo saakin?
Kelan ba kasi ako mamumulat sa katotohanan na wala na tayo?
Kelan ba ako makakalimot?

Hanggang ala-ala nalang ba ang lahat?
Peanut Jul 2015
Ayoko nang bumalik sa reyalidad,
Bagamat naroon ang mga taong
Nanakit sa akin.

Ayoko nang bumalik sa reyalidad,
Dahil sawa na akong masaktan ng
Paulit - ulit.

Dito na lang ako sa aking mundo,
Mundong aking nilikha,
Mundong kung saan ako ay masaya,
Dahil ako lang ang naghahari,
Naghahari at nag-iisa.

Ngunit kahit ako ay nag iisa,
Ang mundo ko rin ay para sa iba
Para sa kagaya ko na nagdusa sa isinumpang reyalidad

Malaya kang makakapasok sa aking mundo,
Malayang gawin ang lahat,
Bagamat hindi kita sasaktan,
Malaya karing makakalabas sa aking mundo,
Kung balak **** subukan ulit ang reyalidad,
At pag ikaw ay nasaktan muli,
Bukas parin ang aking mundo,
Upang may masilungan, may maiyakan

Basta ipangako mo lang sa akin,
Wag mo rin sana ako saktan,
Ang mundo ko ay sa iyo rin,
Sa iyong-iyo nang walang hanggan.
Ikaw, gusto mo ba sa aking mundo? Tara!
Para sa taong inapi ng reyalidad
Wretched Jul 2015
Ang sabi sakin ni Mama, "Huwag **** ipapagalaw ang iyong katawan. Magmahal ka ng lalaki ngunit wag **** isusuko ang templong iyong inalagaan kung ayaw **** magsisi." Sabay kindat na sinundan ng kanyang mga kiliti. Kung pwede ko lang aminin kay mama na mali siya sa dalawang bagay na kanyang nabanggit (nako, baka namura niya na ko sa galit).
Una. Hindi lalaki ang aking napupusuan.
Pangalawa. Mama, patawad pero naisuko ko na.


Baka ang nais iparating sakin ng aking nanay, "kahit ikaw ay pilitin, HUWAG. At huwag na huwag mo ring ibibigay ng kusa."

Hindi ba? May punto siya. Pero mahal, naaalala mo ba ang gabing umuwi tayong magkasama? Hinawakan mo ang kamay na nanlalamig sa kaba. Pinainit mo ang pakiramdam ng akin ng nadama ang pagyapos mo ng dahan dahan sa aking katawan. Nilakbay ng iyong mga halik ang labi kong nagliliyab sa pagkasabik. Ito na ang pinakahihintay kong sandali.

Nasubok mo kung gaano kabilis kong kayang bumigay. Kasabay sa bagal ng oras habang gumagapang ang iyong mga kamay ay sumabay ang pagkatunaw ng aking mga tuhod. Mga puting kumot namantyahan ng pula. Sabihin na lang nating ito'y ating mga kaluluwa na sinakop ng kasalanang ating nagawa. Langit ay aking narating at nakita. Hindi ito isang pagkakamaling aking pagsisisihan. Hindi mo ko nun kinailangang pilitin dahil buong loob ko itong ibinigay ng kusa.

Ilang beses nangyari. Isa... Dalawa... Ilang beses nasundan. Tatlo... Apat... Lima... Ilang beses nating natagpuan ang ating mga sarili sa parehong sitwasyon. Ilang ulit ng nangyari  ngunit pabago bago ng posisyon. At tulad ng magandang panahon, pagmamahal mo'y nagdilim at naglaho. Pinaglaruan, pinaikot ikot sa iyong mga palad na parang laruan. Leeg ko'y aking natagpuang may nakapilipit na kadenang nangangalawang. Kung gaano kabilis **** nahubad ang nakabalot saking damit, ganun din kabilis nagbago ang iyong isip. Saking mga mata ay hindi mo natagpuan ang langit.

Sabi mo kaya **** mabuhay na mukha ko lang ang iyong tinititigan. Kasinungalingan. Sabi mo ako lang ang iyong kailangan. Nagsisinungaling ka na naman. Ang sabi mo ako lang ang babaeng iyong mamahalin. Sana nga'y nagsisinungaling ka lang. Dahil naialay ko na ang aking kaluluwa, puso't katawan sa mga pangako **** iniwan. Templo ko'y nagiba na ng impyernong sinapit ng damdamin ko sayo. Tama nga si mama. Dapa't ito'y aking inalagaan. Akin ng ibibigay saking sarili ang kalayaang aking kailangan. Akalain ko bang lahat ng ipinangarap ko para sating dalawa hindi ko rin pala makakamtan. Hindi mo kailangang manatili. Hindi kita pipilitin. Buong loob ko itong ibibigay ng kusa. Susubukan kong burahin ang mantyang ibinahid mo sa akin. Ikaw ay aking hahayaan kahit ako'y ginawa **** saktan at iwanang duguan. Mahal, hindi ko magagawang pagsisihan ang nagawa nating kasalanan.
Hoping to perform this piece at Sev's Cafe's Open Mic Night. Looking forward to Celine's performance as well.
w  Oct 2017
80
w Oct 2017
80
Minsan kahit anong ingat mo na hindi matisod at magalusan
Darating ka sa puntong babasagin ka ng mundo
Hindi mo man malugod na matanggap
Kalaunan magpapasalamat ka nalang sa pagkabasag
Sa pira-pirasong sariling kelangang pagtyagaang pulutin para mabuo ulit
May mga parteng hindi mo na mahahanap dahil hindi mo na makita
Iba na kasi ang hugis
Hindi ka na tulad ng dati
Paniguradong iiyakan mo ang pagkamatay ng sarili **** may makulay na pananaw sa mundong akala mo'y hindi ka kayang saktan
Na tila ba'y nakatira ka sa isang palasyong may masugid na taga-silbi
At may isang magiting na prinsipe o prinsesang kukumpleto sa kwento mo
Sino ba naman ang hindi tatangis kung ang ganitong pangarap ay mawawasak lamang sa isang pitik ng mapanlinlang na pagkakataon o ng isang maling sirkumstansya?
May iyak na pisikal
May iyak na hindi kayang ihayag ng luha
Isang tapang na paimbabaw
Pero sa totoo lang, isang kaduwagan
Kailangan **** ilabas yan
Isigaw mo kung kinakailangan
Maglupasay kang parang bata
Suntukin mo ang unan
Magtapon ka
Magbasag ka ng pinggan
Ilabas mo
Ubusin mo ang lakas mo hanggang ang tanging kaya mo na lang ay umiyak
Hanggang ang kaya mo na lang ay ang isang tahimik na pag-iyak
Ang pisikal na pagkapagod ang tutulong sayo na magpahinga ng panandalian
Ipikit ang pagal na isip
Kailangan mo ng katahimikan o ng karamay na may nakatikom na bibig
Hindi gagana ang mga pinakamatamis na salita sapagkat manhid ka
Bagkus, kailangan mo ng kamay na mag-aampat ng umaalwak na dugo mula sa pagkabasag
Banayad na haplos ng pagpapayapa na ang sakit ay lilipas din ngunit sa totoo lang, matagal pa
Malayo pa ang tatahakin mo upang makaalpas ka sa sitwasyong ito Ngunit kailangan **** maniwala at dayain ang sarili
Para makaligtas sa delubyo ng kalungkutang may kakayahang pumatay ng paunti-unti kung hahayaan mo lang
Sa huli, pagkatapos **** malampasan ang mga sandamakmak na sagabal
Ang mga dating sugat ay magiging pilat at kalimitan ay nagiging kalyo na lamang
Mas titibay ang sikmura **** magtiis at mas tataas ang sukatan mo ng tapang
Magtataka ka kung bakit ang mga bagay na dati **** ihinihikbi ay mawawalan na ng epekto sayo
Hindi ka naman naging manhid, naging mas matatag ka lang sa pagkabasag na iyon
Hindi ka magiging ganap kung hindi mo ito mararanasan
Ang katotohanan ay walang taong hindi nabasag ng mundo Dalawa nga lang ang hantungan niyan
Ang mabasag ka't itapon o ang mabasag ka't buuin muli?

— The End —