Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nakasisilaw* sa Kapitolyo
Sa sentro ng siyudad
Tatak ng probinsyang pabo.

Sari't sari ang trayanggulong baligtad
Nasa ere silang kumukumpas
At tila ba may spotlight sa norte paroon
"City of the Living God,"
Inukit sa tabla ng di kilalang manlililok.

Minsan ding naging "City in the Forest,"
Sabi pa sa balita'y "Safest place in the Philippines"
Bagkus ang pagmimina'y tuloy pa rin
Lalo na sa Rio Tuba na ramdam ang Climate Change.

Dagdagan pa ng pamimihasa ng PALECO
Hihiramin nang saglit ang kakaunting ilaw at hangin
Nang di maglao'y mapa-"OO" ang lahat
Sa mungkahi nilang planta ng pagbabago.

Bulag sila't barado ang isip
Kikitilin ang hanapbuhay ng mga residente
Walang kamalay-malay ang iilan
Ito'y mitsa na pala ng pagdarahop.

Hahalayin ang tigang na lupa
Bubungkalin raw ang kinabukasan
Bagkus ang pawis ay sa atin
Tayo'y alila ng karatig-bansa
Dayuhan sa sariling bayan.

Titirik sila sa espasyo
Bisig ng tabing-dagat na buhangi'y sutla
Inosente nga sa Salvage Zone
Paano pa kaya pag naimplementa na?

Likido ang bawat anino sa semento
Tumatakbo't tumatagpo sa iba't ibang direksyon
Hindi makapuswit ang mga sasakyan
Maging ang simpleng harurot
Ng munting bisekleta ni Juan.

Doon ko nasilayan ang magigiting na pulis
Taas-noong suot ang uniporme
At iilang traffic enforcer
Na wala sa linyang puti.

Tila bawat uri ng katauha'y nasa parada
Kung hindi man,
Sa iilang personang lumalabas-pasok sa eksena
Kukuha ng larawan, akala mo eksperto
Hindi naman pala
Ayos, selfie pala ang gusto
Dekorasyon ang mga artistang Netibo.

Bawat munisipyo'y may nagsisilbing pambato
Makukulay ang mga sasakya't pudpod ng disenyo
Na sa kahit sa palamuti'y maitaas ang munisipyo
Buhat sa pagkabiktima ng gobyernong manloloko.

Highlight nga ang Street Dancing
Aba't ang layo ng kanilang lakarin
At sa bawat kanto'y sasabay
Sa saliw ng Remix na musikang inihain.

Nalugmok ang puso ko
Bagamat ito'y nararapat na saya ang dulot
Ito'y nagsisilbing maskara na lamang
Nakasanayan, naging tradisyon
Ang kulturang laging may bahid ng eleksyon.

Nakaririmarim ang iilang nasa trono
Pinalibutan ng berdeng hardin ang sentro
Bulong ng Supplier doble pala ang presyo
Aba't sige nga, saan nila ibubulsa?
Kung ang kanila'y umaapaw pa.

Bagamat ang lahat ay nasa bilog
Paikut-ikot tayo sa animong sitwasyon
Tanging takbuhan nati'y ang Maykapal
Na hanggang sa huli'y magwawasto ng bawat kamalian.

Sa probinsyang kinalalagyan
Ito'y nag-aalab na espada ng lipunan
Bawat isa'y responsable't may pananagutan
Tamang dedikasyon sa sandigang bayan.

Walang masama sa pagiging alarma
Maging aktibo ka, kabataan
Ikaw ang pag-asa ng Perlas ng Silanganan
Abutin mo yaong pangarap at manindigan
Hindi pansarili, bagkus pag sa tuktok na'y
Gawin ang tanging tama
Na naaayon sa batas ng higit na Nakatataas.

(6/29/14 @xirlleelang)
Mula sa higanteng alpombrang balot
Bumuhos ang walong henerasyon halos
Ng karit, palay, tagtuyot, unos
Martilyo, pako, pagpapakaputa sa utos!
Aba, hindi pangako ng sistema ang presensya ni Hesus!

Sa madilim na purgatoryo ng impiyerno at kalangitan,
Sa mahiwagang pagitan ng lunsuran at lansangan
Nagka-prusisyon ang dibinong Toledong bayan
‘Pagkat naipasalangit na
Ang Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka/
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo/
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata
Na sumiil sa banal na pook ng Toledo.

Pitu-pituhan ang naging palitan
Sa pagbuhat sa bangkay ni Rodiano Abduhan.
“Dito ako sa ulo.” “Pasmado ka ba? Larga na!”
Padulas-dulas ang kapit, sumisilip na ang paa
At sa bawat yapak, bumuhos ang patak
Ng dugong pesante sa sagradong Toledong lupa.

Rodiano Abduhan, mas kilala bilang Tatay Godong
Manggagamot, tagalunas ng salot, kampon ng Diyos,
Ika ng iilang nagpatingin sa mahiwagang tatang,
Pero manyak, magnanakaw, aswang, mangkukulam
Kamo ng nagmula sa abang Toledong bayan.
‘Pagkat ang pugad niya’y sa kanayunan, sa kalaliman, sa kaibuturan,
Ng mailap na lansangang ng Diyos tinalikuran.

Kaya nang ang taumbaya’y nakabatid
Na lumubha ang sakit ng pamangking si Adring,
At na natagpuang bukbukin ang bangkay ni Celine,
Kaniya-kaniyang satsat, sitsit, at hirit
Ang kumapal sa amihan ng Toledong hangin.

“Mangkukulam! Heto yung bumati sa Adring kong pamangkin!”
Kaya ng taumbaya’y binatikos at siniraan sa lihim
Sa walwal o gimik, pagkalaklak ng gin.

“Berbalang! ‘Di ka umawat hanggang naubos ang dugo!”
Kaya’t nang-imprinta ang madla ng mga galos abot sa buto
Tatak Cebu! Tatak lungsod ng Toledo!

“Aswang! Luwal ng putang nakunan!”
Kung kaya’t naisama rin ang anak ni Abduhan
Sa kawawang listahan ng mapapaslang.

Biro mo! Ang manggagawa ng himala
Natamaan ng sumbi ng masaklap na realidad!
Ay, hindi makaliligtas ang dukha
Sa kamandag ng pader ng matayog na siyudad!

Pero nang maabot ang mapanglaw na kremahan,
Ang mailap na lubid ng buhay at kamatayan
Ni Rodiano Abduhan, aswang at mangkukulam,
Ng dugong maliliwat ay tuluyan siyang naubusan.
Maputla niyang balat, sa abong langit ay umagpang.
Inaakit ng lagay na hamak na sa wakas ay tumahan.
Pero nang maunawaan niya na sa kaniyang kamatayan
Mapupuksa ang kasarinlan at kalayaan,
‘Pagkat siya ang sisidlan ng dugong maglilinang,
Kampeon ng kanayunan, hari ng himagsikan,

Nasapian ni Lazaro.
Nabuhay.
Natauhan.

Magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya.
Artista, mayora, tindera, tsismosa.
Karpintero, ****, kutsero, kaminero.
Abugado, inhinyero, piloto, maestro.
Ninais ng lungsod ang pagsapit ng mundo
Sa mahinhing mundo ng mga diwata’t engkanto.
Oo lang nang oo, bawal mangontrabida,
Kaya kung gusto nila ng Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka
Ano pang magagawa kundi patabain ang mataba?

So natunaw ang pintura
Ng nagbabalat na ngang dingding
Nabawian ng Sol at Luna
Ang kalangitang sadya nang makulimlim
Ang basang semento ay nauhaw
At naging nagbabantang lamig.

Mula sa naagnas na kabaong sa hukay lumaya
Ang mga magsasaka, mangingisda, labandera, gerilya
Ang mga Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.
Mula sa abo sa loob ng saro nagka-anyo
Ang mga karpintero, ****, kutsero, kaminero
Ang mga Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo.

Tsaka humayo’t bumulong kay Abduhan
Nang siya’y mailatag sa loob ng makinarya.
Tsaka niya nagunita ang anak at asawa
Nombrado na atang manananggal at tiyanak.
At ang bawat katiting na patak ng dugo
Na hinayaan niyang umagos, bumuhos, tumulo
Sa lupang Toledo, lupa ng berdugo’t demonyo.
Doon niya nabatid kung saan totoong nagmula
Ang mga Multo/Kapre/Bal-bal/Berberoka,
Aswang/Mangkukulam/Agta/Santelmo,
Batibat/Berbalang/Bungisngis/Diwata.

At doon nabuhay ang Santelmo ng Toledo;
Nang umalpas mula sa crematorium si Rodiano Abduhan,
‘Di na mas hahaba ang buhok, at nakatatak ang pangalan
Sa kaniyang mga galos at sugat, habang
Noo’y banig ang balot, ngayo’y apoy na bagong silang.
At nang nadaanan niya ang mga balintataw
Ng mayayamang poong siya mismo ang nakapukaw,
Nabatid niya kung bakit kailangan ng Toledo ng isang halimaw.
ive never written in such an aboveboard style aint proud of this **** lol
041716

Naakit ako sa linyang pahalang at patayo,
Mga detalyeng pinira-piraso.
Sabi ko sa sarili: saulo ko na ang istilo Mo
Pero sa bawat pahina'y nabibighani pa rin ako.

Hindi ko alam kung kaya ko,
Magtiyaga man ako pero hanggang kailan kaya?
Kung maglalaan ako ng sentimo sa araw-araw,
Ako'y pulubi pa ring manlilimos Sayo
Sasahod at maghihintay.

Masisilayan ko ang pundasyon
Ang mga bakal na kinalawang
Sa bodegang inimbakan.
Pagkat malayo pa ang byahe,
Bagkus sinelyuhan ng langis
Ang may tagas ng pagbabago.

Ang halo ng semento, ni hindi naging pribado
Nasa hulog ang mga poste
Gaya ng minsang banging tinalunan ko.
Ako'y malaya sa pagsilip
Ng paglapat ng palitada sa tigang na kahong sementado.
Ramdam ko ang gaspang ng kahapon,
Ang kurba ng mga bakal na di patitibag
Sa kaibuturan ng pundasyong timplado.

Ilalatag ang sahig na papagpagan sa araw-araw
Ihahalik ang mga paa nang may pagpapakumbaba
Huhubarin ang saplot nang kalingain ang lupa
At ihihimlay ang mga paa't mamamahinga.

Pagmamasdan ko ang mga kahoy na malapad
Isang dipa, dalawang dipa at higit pa
Mapapatingin sa langit na hubad sa bituin at buwan.
Ang bubong na siyang sasaklolo sa umuubong baga
Mga kahoy at bakal na matibay
Sasalo sa bigat ng orasyon ng klima.

Bubuksan ko ang bintanang may iba't ibang pagkapinta
Ni hindi pumapalya ang eksena na bumubusina sa umaga
At sa gabing hamog ang yakap sa dilim,
Kagat ng niknik, siyang sining sa maalat kong balat.
Tanging kumot ng grasya,
Pantago't pantapal sa pagkataong nilalagnat.

Nakakaakit ang plano, maging itsura nito
Kaya nga magtiya-tiyaga ako,
Hanggang sa masilayan ang tunay na disenyo.
Hindi lang ako ang lalaban sa presyo,
Oo mahal nga, ganyan ang pagtingin Mo
Tataya ako, pagkat kliyente lang ako
At alam kong linya Mo yan,
Ikaw ang aking Arkitekto.
elea Nov 2015
Imposible, malabo, walang tiyansa, ano pa? Anong salita pa ang mag lalarawan ng "tayong dalawa".

Parang pag kidlat at pag kulog habang tirik na tirik ang araw,
Parang pag kakaroon ng trentay dos na bilang sa kalendaryo,
Ang pag tubo ng rosas sa malamig na semento
At pag kakaron ng dagat sa isang malawak na disyerto.

Alam kong wala, walang pag asa.
Hindi maari.

Pero tulad ng pag tatagpo ng araw at buwan isang beses sa mahabang panahon.
May pinanghahawakan ako,
Isang araw, Balang araw
Pag tatagpuin tayo ng tadhana
Sa di inaasahang lugar at panahon.
Tibok nalang ng ating mga puso
ang mag didikta na tayo talaga,
ang naka laan para sa isat isa.
#wagAgadbumitaw
Poembornwithfeet-
Lance Cecilia Dec 2015
nang dumating ako sa kalyeng puno ng alaala
pinagmasdan ang kalsadang bagong gawa
bakas pa rito ang pagdaan ng mga pison na pilit na pinapantay ang baku-bakong landas ng aking kinabukasan

'di pa gaanong tuyo ang itim na aspaltong kalalagay lang
at sinusubukang takpan ang sementong 'di man lang nakatikim ng liwanag tulad ng aking puso
ang aking pusong sa bawat tibok ay binubuhusan ng malagkit na aspalto ng pagkalimot

at ang sementong balot na balot ng matigas at malutong na aspalto'y paulit-ulit na dinadaanan na tila walang pakialam sa kung gaano ba kasakit masagasaan nang paulit-ulit, paulit-ulit, paulit-ulit

hanggang sa magkawatak-watak ang aspaltong kalasag ng semento mula sa liwanag

at kung ito'y mangyari ay susubukan muling ayusin
at bubuhusan ng mainit na aspalto upang takpan ang mga sugat at butas na sumisilip sa liwanag

ngunit tulad ng pagdidilig sa patay na halaman o sa pagpilit na malimot ang minahal
ay imposible at walang katuturan
dahil ang nagagawa lamang ay baku-bakong kalsadang puno ng alaala
at kung pagmamasdan ang kalyeng bagong gawa
ay bakas ang paghihirap at pagpilit na ikubli ang itinatagong nakaraan
Gothboy Feb 2020
nag simula ang lahat
sa kwento nating walang pamagat
pero natapos agad
pag kagat
nang dilim
luha ko ang dumilig
sa dala ko na rosas
wala pang dalang pamunas

luhang pinahid sa kwelyo
bat ang manhid mo,semento?

mahal kita pero nakulong sa salitang hatdog at halaman
gusto kita bat di mo nalalaman?

matagal na to
ngayon pebrero
araw nang mga puso

niyaya sa parke
alam kong wala kang pake
  
pumunta ka kaso parang napilitan
pero bakit
may kausap kang lalake
sana maling akala
kaso tama ang iniisip ko kanina
boyfriend mo iyong sinama...
faranight Mar 2020
madalas kong titigan ang mga lubid na madalas ginagamit sa paggawa ng aming bahay.
namamangha ako dahil mabilis nitong naakyat ang mga bagay bagay kagaya ng semento.
minsan iniisip ko, ano ba ang mas mahirap?
ang paghila nito mula sa taas,
o ikaw mismo ang hinihila papaitaas?
hindi ba't parang parehas lang mabigat at nakakasakal?
mabilis rin kaya ako nito iaakyat sa kapayapaan?
o mananatili na lang nakalambitin at patuloy na lang malulunod sa kalungkutan?
#phpoetry #pinoypoetry #damndamin #maiklingtula

— The End —