Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
raquezha Jul 2018
Hindi ako takot umibig pero takot ako sa’yo.
Hindi dahil sa ayoko sa’yo kun’di sa tingin ko’y hindi malabong magkagusto ako sa’yo. Hindi malabong hanap-hanapin ko ang gabing ito at ang magagandang kwento mo.
Hindi malabong hanap-hanapin ko ang boses mo—ang mga titig mo… baka masanay ako.

Hindi ako takot umibig pero takot makong mahulog.
Sapagkat paano mo iibigin ang taong estranghero? Kung sa unang gabi palang ng iyong pagkikita ay nahulog ka na.
Nahulog sa kwentuhang matagal, sa kanyang boses na hindi pagal.
Sa mga ngiting nang-aakit,
sa mga matang nakakahumaling,
sa kanya na hindi pa kilala pero pakiramdam ko matagal na kaming nagkita.

Takot ako sa dilim,
pero mas takot ako sa liwanag. Takot akong makita ang sarili kong kasama ka.
Baka kasi pag nasanay na ako sa liwanag ay bigla na lang itong mamatay hanggang sa unti-unting dumilim ang paligid ko at baka masanay ulit ako.
Masanay ako na maglakad na para bang nakapikit. Maglakad patungo sa palaisipang lugar na paikot-ikot lang ang daan.
Baka bigla nalang akong yakapin ng dilim sabay bulong sakin ng "tumigil ka na tanga!"
Baka biglang lumabas ang mga kaibigan ko sa dilim at masanay sila sa liwanag.
Baka multohin nila ako habang tirik ang araw at habulin ako sa kung saan.
Baka habang tumatakbo ako palayo ay mabulag ako sa liwanag na dulot mo at baka mabangga ako at muling mabuhay ang mga alaga kong paru-paro.

Hindi ako takot sa patay, pero takot ako sa buhay.
Takot akong mabuhay ang mga daga sa aking dibdib na matagal nang nanginginig sa lamig.
Takot akong matunaw ang mga yelo na matagal nang nakapulopot sa puso ko.
Takot akong matunaw ang mga ito at lunurin ako sa pag aakalang tunay ang mga nararamdaman ko.
Takot ako sa majikang dulot ng pagibig na nag bibigay buhay sa mga patay na kandilang dala-dala ko.
Takot akong maging maliwanag ang paligid ko at makita ang katotohanan ng mundo.
Takot akong makita na ang mundo natin ay iisa pero mas takot akong malaman na iba pala ang gusto **** kasama.

Hindi ako takot mag-isa,
pero takot akong kasama ka.
Takot akong makasama ang mga dati **** kasama— baka kasi kung ano’ng sabihin nila.
O kaya pag kasama mo sila at kapag madami na sila maramdaman ko ulit kung pa’no ang mag-isa.

Hindi ako takot sa luma, pero takot ako sa bago.
Sana kahit may dumating na bago,
walang magbago. Sana kahit mag mukha na akong antigo, wag mo akong itago gaya ng mga nakalagay sa inyong aparador.
Hindi ako plato, kutsara o tinidor na gagamitin mo lang sa piling-piling okasyon dahil wala ka nang ibang opsyon.
Sa piling-piling araw na kung saan ipapagamit mo lang sa kung sino-sinong tao dahil yun lang ang silbi ko.
Takot ako
Takot ako
Natatakot akong mapalitan ng bago.
Takot ako
Takot ako
dahil lang meron bisitang darating kasabay ng pagtapon mo saakin.
Takot ako
Takot ako
Kasabay ng mga bago pang darating wag mo sana akong paglumain.

Hindi ako takot sa wakas pero takot ako sa simula.
Lahat kasi ng sinimulan ko parang laging may nakakapit na malas
lagi nalang gustong kumalas sa pagkakapit hanggang sa mag wakas.
Hindi kasi lahat ng wakas ay may kasunod na simula—
simula ng panibagong bukas.

Hindi ako takot sa sagot pero takot ako sa tanong.
Mahal mo na ba?
Mahal ka ba niya?
Takot akong masagot ang mga tanong ko ng "Oo" tapos sasabayan mo ng "pero" sa dulo;
ng "Oo" na may preno ang tono kaya takot sa tanong
pero mas takot ako sa sagot.
Mahal na kita mahal mo rin ba ako?

Madami man akong kinakatakutan kung anu-ano nalang gaya ng ikaw,
liwanag,
buhay,
simula,
bago
at makasama ka— lahat ng ito’y hindi mahalaga iibigin kita kahit anuman sabihin nila,
kahit hindi ako ang iyong mahal,
ang liwanag mo,
kahit iba na ang buhay mo,
kahit simula palang ng tulang ito ay takot na ako,
iibigin kita sa isip,
sa panaginip,
sa diwa,
sa mata,
sa tingin,
sa lambing,
matulog ka ng mahimbing
hanggang maubos ang kandilang minsang ikaw ang nagsindi kahit na lahat ng ito ay walang silbi.
Gagawan kita ng puntod na mag sisilbing paalala
na minsan akong nagpakatanga sa pagibig.
Gagawan kita ng puntod at doon ko ibabaon lahat ng ito sa limot.

Iibigin kita habang nililibing ang 'yong alaala. Ililibing kita habang iniibig ko ang iyong alaala.
Vincent Liberato Nov 2018
Walang punlaan
ang mga puntod
ng kinabukasan.
Walang punlaan
ang mga puntod
ng winakasan.
Walang punlaan
ang mga puntod
ng katapusan.
Tumahimik ka at
kausapin ang mga
puntod ng kilusan
upang hindi humantong
sa kawalan.
Eugene Jul 2016
Patawad, o aking Ina,
kung ako ay hindi pinayagang Makita ka.
Patawad, o aking Ina,
sa maraming taong sa aki'y nawalay ka.

Kung alam ko lang kung saan ka hahanapin,
Kung alam ko lang na malapit ka lang sa 'kin,
Kung alam ko lang na kung saan ka susunduin,
Nakita pa sana kita at nahagkan bago ka inilibing.

Patawad, o aking Ina,
dahil hindi mo nasilayan ang panganay mo.
Patawad, o aking Ina,
dahil ipinagkait sa akin ng oras na makausap ka.


Kung nalaman ko lang sana, naalagaan pa kita.
Kung nalaman ko lang sana, masaya na tayong nagsasama.
Kung nalaman ko lang sana, inalalayan pa kita.
Ngayon, pangalan mo na lamang sa puntod ang aking makikita.

Patawad, o aking Ina.
Alam mo bang sabik akong mayakap ka?
Patawad, o aking Ina,
Alam mo bang mahal na mahal na mahal kita?

Patawad... hindi ko alam.
Naalala ko noon, Hindi tayo nagpapansinan,
Hindi tayo nagkikibuan,
Hindi tayo naguusap,
Lumilipas nga siguro ang isang araw na wala tayong pinaguusapan.
Pero hindi mo lang alam kung gaano kita gustong mahagkan, masilayan, mahaplos ang iyong mga kamay. Noong mga araw na kapiling pa kita.
Hindi mo alam kung gaano kita kamahal, kasi abalang abala ka sa ibang bagay. katulad nalang ng 'katext' mo
Hindi mo alam kung gaano kita gustong kausapin.
Hindi mo alam yun.
Hindi.
Hindi.


Kaya ngayong wala kana :( tanging hiling ko lang naman kay bathala ngayon ay ang:
Ibalik ang lahat.
Ibalik ka nya.
Ibalik ang mga araw na gusto kita yakapin.
Ibalik ang mga araw na gusto kita hagkan.
Ibalik ang mga araw na gusto kita kausapin.
Pero alam kong malabo pa sa mata ng mga lola natin na mangyare ang ganung bagay.
Kaya, eto ako. Kontentong kinakausap ka sa PUNTOD mo.
Niyayakap ka sa Hangin.
Kinakausap ka sa Dasal.
Iniiyakan t'wing sasapit ang hating gabi.
Hinahalikan ang LAPIDA sa PUNTOD mo.
Pero alam kong alam mo na.
Kung gaano kita gusto ng makasama ullit :'(
Alam kong alam mo na.
Gusto na kitang sundan dyan. pero hindi pa.
Hindi pa.
Hindi pa NGAYON.
Dahil naasa akong, MABUBUO TAYO ULIT DI MAN DITO SA LUPA KUNDI SA KABILANG MUNDO

#newbie
#IMissMyMom
Lumaki ako na kinukwentuhan ng aking inay bago ako tumungo sa panaginip ko tuwing gabi.
Kinakantahan niya ako ng mga oyayi’t hele. Hinding hindi ko malilimutan ang mga gabing iyon.
Hindi lang ang tugtog ng awitin ng kanta niya ang pinakinggan ko, pati na rin ang pintig.
Pintig ng tibok ng puso naming mag ina na onti onting nagtutugma sa tugtog ng kanta na inawit naming dalawa.
At tuwing magsisimula ang awit, ako’y sumasabay… A-Ba-Ka-Da…
Ngunit hanggang ngayon, hanggang Da lang ang aking natandaan. Ang aking inay ay may katawa-tawang paraan ng pagkanta ng awiting ito. Matatapos siya sa Da, ipagpapatuloy sa Du at magsisimula ulit sa A at sasabihing “aking anak hindi kita sinukuan.” “A-Ba-Ka-Da-Du-A-Ba-… aking anak hindi kita sinukuan.” Hindi ko naunawaan ang kantahing ito at hindi ko inisip na unawain. Isang gabi, kumuha siya ng pluma at papel. Sumulat siya ngunit hindi ko ito nabasa. Ibinilin niya saakin na basahin ito sa tamang panahon. Hindi ko ito naintindihan pero talagang naghintay ako para sa sinasabi niyang panahon. Ilang taon ang lumipas, ngayon, ako’y nakaharap sa kanya(sa puntod niya), hawak ang papel na sinulatan niya noong ako’y munting musmos pa. Nakatingin ako sakanya, hinihiling kay Bathala na maibabalik ko ang mga taon na lumipas.
Isa. Dalawa. Tatlo. Onti-onting tumulo ang aking mga luha.
Umawit ako ng mahinhin… A… Ba… Ka… Da…Du… A… Ba… Aking inay, kailanma’y di kita sinukuan…
Ito na siguro ang tamang panahong ihinahayag ng aking mahal na ina. Binuksan ko ang papel na kanyang sinulatan. At saaking pagbuklat, ako’y nagulat at natulala. Mayroong labing apat lamang na salitang nakasulat dito. “Ang BAlakid ay KAkalat at DAdating. DUmating Ang BAlakid, aking anak hindi kita sinukuan.” Ngayon ay naunawaan ko na ang ipinararating ng aking inay. Gusto ko siyang kausapin sa huling pagkakataon para sabihin na salamat. Salamat sakanya kasi kahit na DUmating ang mga balakid ay tinuruan niya akong lumaban. Kaya ngayon, handa na ako sa mga DAdating na pagsubok dahil alam kong nasa tabi ko lamang siya.
The language used is filipino.
KRRW Aug 2017
Putik
na nabuo
mula sa luha
at alikabok.



Bulaklak
ng damo
na tumubo
sa puntod.



Isang  munting
uod.



Isang butil
ng
pulang buhangin.



Bato
sa kabundukan
na tinutunaw
ng hangin.



Pulubi
sa daan
na namamalimos
sa mga
matang piniringan.




Asin
sa basong
walang takip.



Panyo
sa upuan
na pinakupas
ng tubig-ulan.




Munting ilaw
na sumisilip
sa silid-piitan.




Isang sulat
ng pamamaalam
na nakaipit
sa pintuan.



Pahina
ng kalendaryo
na nakaligtaang
pihitin.



Kandila
sa dilim
na nakikipaglaro
sa mga
anino.


Kabibe
sa tabing-dagat
na walang
laman.




Mga tunog
na walang
huni
at nagsisilbing
musika
para sa
mga bingi.



Hibla
ng buhok
sa ibabaw
ng gitara.



Antipara
na nakapatong
sa lamesa.




Pakpak
ng tutubi
na tinupok
ng gasera.



Isang tuyong
dahon
na sumabit
sa bintana.


Langaw
na nabitag
sa sapot
ng gagamba.



Kutsara
sa tabi
ng basag
na pinggan.



Mga basang
uling
sa hulmahan.



Katahimikan.



Usok
na humahalik
sa kalawakan.
Written
27 December 2014


Copyright
© Khayri R.R. Woulfe. All rights reserved.
Jun Lit Oct 2017
Tumatalbog-talbog
sa sahig ng aking mga ala-ala
ang bola ng jackstone ng até
at sipang tingga ng kuya

paroo’t parito
ang mga trumpo’t yoyo
sa mga tumpok
ng inipong alabok
ng kabataan kong
inihian ng kahapon
upang maging kalamay
at putu-putuhan
- na waring napanis na
sa paminggalan ng kompyuter
at tuluyang ibinaon
sa puntod ng mga cellphone.

Sa kamposanto ng mga ala-ala
nagmumulto pa rin ang kahirapan
di na kailanman matatakasan

sa bawat lagok,
mainit na humahagod
sa lalamunan ang mga tagpo
sa mga dula’t pelikula
sa pinagpugarang bahay
na ngayo’y nagiba na:
          pagkatapos ng maghapon:
          itutulak mo ang kaning mahalimuyak
          - isinaing ng Inay ang kinandang-laon
          inutang pa sa taga-Quezon
          wala kahit kapirasong tuyong maisabay
          walang iba, tanging ikaw,
          masarap nang sawsawan at sabaw.
Translated as Brewed Coffee III
Jun Lit Mar 2019
Hinahanap kita, Kaibigan . . .
Tinatawagan kita, Kapatid . . .
Sabay tayong nanghiram ng aklat,
sa Aklatan ng Pag-asa,
Kaya’t sakdal-pait nang nabalitaan ko
ang talaan ng buhay mo’y binawi na
Pilit pinapawi
Ng paroo’t paritong mga alon
at ihip ng hangin
Ang mga impit naming pahatid
Na iniukit
Ng mga palihim na hikbi
Sa tila natutulog na buhanginan
Sa dalampasigan
Ng ‘yong puso. Namamahinga ka na ba
aming Kasama?

Hindi mawawala
ang iyong pangalan
sa harap ng pinid na pintuan
Ng kani-kanina lang
Ay dambana
Ng iyong tila hindi nangangalay na panulat
At tabernakulo
Ng namimitig na mga binti
Ng nagtalumpating tinig.

Namamahinga ka na kapatid.
Ngunit hindi mapipipi ang batingaw
Na kahapon, ngayon at bukas ay magtatawag
Ng mga kapanalig,
Pagmamahal sa kapwa, sa bayan, sa kalikasan, sa daigdig.

Sumisilip na ang araw.
Mamamaalam na ang mga tala.
Patuloy na nagliliwanag ang bituing
Ikaw, oo, ikaw, maningning.

Hihimlay kang tahimik
sa puntod at bantayog
ng mga hindi namin malilimutang
Paninindigan. Pahayag. Panawagan. Paala-ala.
dahil sa isip at puso namin, isang Bayani ka
at maraming salamat na ikaw ay nakilala
at aming nakasama.
para kay Dr. Perry S. Ong, Oktubre 2, 1960-Marso 2, 2019;
Bayani ng Laksambuhay at Agham sa Pilipinas
[This poem is dedicated to Dr. Perry S. Ong, Dean of the College of Science, University of the Philippines Diliman and the most prominent leader of the conservation movement in the Philippines until his untimely demise.].
Enero Diez y Siete, Dos mil Kinse
Kahit may bagyo, tumuloy sa Leyte
Unang tinungo lungsod ng Tacloban
Muling nilipad skull cap pagbukas ng pintuan
Talagang maulan at mahangin
Subalit milyong tao sumalubong parin
Kanyang idinaos Banal na Misa
Kasama ang mga biktima ni Yolanda
Huling tinungo ang pook ng Palo
Nananghalian sa tuluyan ng Arsobispo
Doon din nakasalo mga nasalanta ng Yolanda
Mas malapitang nakisalamuha sa kanya
Mga pinaslang ni Yolly puntod binasbasan
Iba pang kaawa-awa hinandugan ng tirahan
Suot ang dilaw na kapote
Biniyayaang material at ispiritwal ang Leyte.

-01/18/2015
(Dumarao)
*Pope Francis Fever Collection
My Poem No. 318

— The End —