"Nandito ako"
"Hindi kita iiwan"
"Susuportahan kita"
"Nagtitiwala ako sayo"
"Kayang-kaya mo yan!"
"Laban lang!"
Paulit-ulit kong sinasambit sa'king sarili nang pabulong,
Tila nagdarasal ngunit ang totoo'y
Hindi ko na rin alam kung hanggang saan pa ba ang dulo.
-------------
Wala na naman akong laban sa ihip ng hangin,
Sa ihip ng panahon.
Wala na naman akong laban
At ang buo kong pagkatao'y
Kusang dudungaw sa aming bintana,
Hahagilapin ang araw,
Nasaan nga ba ang Silangan?
Gagayak ako nang walang patumpik-tumpik,
At sasabay ang agos ng tubig sa bawat butil ng aking luha,
Para bang humihinto na naman ang oras.
Walang kasiguraduhan na naman ang araw na ito.
Araw-araw ay nag-aayos ako ng uniporme ko,
At ayun, magbibilad sa initan gamit ang aking lumang motorsiklo.
Kukunin ang selpon sa aking bulsa, magpapa-load
At maghihintay ng sandamakmak na mga utos.
Minsan, napapagod ako
O sabihin na lamang nating madalas,
Na sa bawat pintuang kinakatok ko'y
Daig pa ako ng nangaroling
Sa bilang na mga baryang iaabot sa'kin ng tadhana.
Minsan iniisip kong
"Ganito na nga lang ba?
Paano ang bukas?
O may bukas pa nga ba?"
Minsan naman, nakaririnig ako ng masasakit na salita
Pero minsan parang mga bala na lamang itong
Hindi tumatagos sa aking ulirat,
"Manhid na nga ba ako?
Sabihin mo, Tadhana."
--------
Pinagmamasdan ko na naman ang mga kamay ng orasan
Kanina pa o hindi ko na malaman
Kung kelan yung huling "kanina,"
Naghihintay ako ng saklolo,
Kasabay ng huling kumpas ng mga kamay
Ng naiiwan kong kaibigang de-baterya..
"Dito na lang ba magtatapos ang lahat?"
Nagbibilang na lamang ako ng oras,
Ng hininga
At baka hindi na nila ako maabutan,
At doon ko huling nasilayan ang mga aninong iyon,
Wala na akong maintindihan..
Wala na akong marinig pa..
*Ito na marahil ang huli.
Hindi pa huli ang lahat,
Kaya mo pa --
Kaya pa natin.
Ituloy ang laban; ituloy mo lang.
Pangako, magtatagumpay tayo..
Kapit pa, kaibigan!