Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Eugene Jan 2016
Sa iyong paglisan, gusto kong baunin mo ang;

Isang tasang sinelyuhan ko ng halik,
tanda ng aking unang halik sa iyo.
Isang basong minarkahan ko ng seguridad
na kahit saan ka magpunta, naroon ako.
Isang kutsarang puno ng pasensya,
na pipigil sa ano mang galit sa iyong puso.
Isang makapal na balabal ng katapatan
na yayakapin ka't patutulugin ng mahimbing sa magdamag.

At higit sa lahat...
Nais kong baunin mo ang kuwintas ng aking pagmamahal
na siyang magpapatunay mula noon hangganga ngayon
ikaw at ikaw lamang ang mamahalin ko.

Nawa'y tanggapin mo ang mga sangkap ng aking tunay na pagmamahal...
#love, #faithfulness, #feelings, #security, #TagalogPoems, #LikhaatTula
Rey Tidalgo Jul 2016
Matulog ka hirang / at kata'y tutulak
Sa landas ng gabing / humahalimuyak
Doo'y tutuparin / ng ating pangarap
Lahat ng pagsuyo't / pag-ibig na hanap

Kata'y aaliwin / ng mga kundiman
At patutulugin / ng hanging mahinay
Pag-ibig ang ating / magiging himlayan
Sa harap ng tala't / mga bulalakaw

Sa landas ng tuwa / kata'y matutulog
Lilipas ang hirap / lahat malilimot
Lalaya ang diwa't / mga bungang-tulog
Sa tulong ng gabing / lipos ng pag-irog

Kata'y maglalampong / nang buong hinahon
Wala ni sinuman / ang makatututol
Huhuni't aawit / ang lahat ng ibon
Titigil ang luhang / sa mata'y nanalong

Lamang ang hangad ko'y / iyong mamalasin
Ang aking pintuhong / hindi magmamaliw
Sukat na sa akin / na iyong ibigin
At kung ibigin ma'y / umibig ka giliw!

Tena at humimbing / sa gabing tahimik
Na nilalambungan / ng nunungong langit
Mga puso'y sabay / na mananaginip
Sa awit ng isang / hele ng pag-ibig
***
Kata - Tayo
Kundiman - Awit ng Pag-ibig
Bungang-tulog - Panaginip
Lipos - Puspos
Maglalampong - Maglalambing
Nanalong - Matulaing anyo ng bumabalong
Mamalasin - Mamasdan
Pintuho - Pagsuyo
Tena - Tara na
Hele - Awit na pampatulog
Nix Brook Sep 2024
at hindi mo 'man ako alalahanin
sa paraan na aking gustuhin

hindi mo na rin siguro sasaliksikin
na kung bakit ikaw ang paksa sa "kung paano ako mahalin"

hindi na rin para iyong mabatid at dinggin
sapat na ang yapos ng hangin na may panalangin
hindi ka 'man naging akin
minsanan din naman kitang na-angkin
Peter Simon May 2015
'Wag kang mag-alala,
'Pag nilangaw na ang
     bahagharing tuyot na
     at wala nang sigla,
Lilipad ang mga paru-parong
     matagal nang nagtago
     sa aking sikmura,
Noong mga panahong
     pinaghalong saya at kaba pa
     ang nararamdaman ko
     'pag kasama kita...
'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita...

'Wag kang mag-alala,
'Pag napagod na ang
     dagat sa pag-alon
     at pagsayaw ng mahinahon,
Patutulugin siya pansamantala
     ng mga minahal at
     pinagkatagu-tago kong mga ibon
Na nagkubli sa tinig mo
     habang inakala kong
     hindi lilipasin ng panahon...
'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita...

'Wag kang mag-alala,
'Pag tinamad nang umawit
     ang hangin para sa
     iningatang puso,
Bababa ang mga tala
     na inipon nang
     matagal at itinago,
Upang alisin ang lamig ng gabi
     na noo'y nasa mga bisig mo
     at inakalang 'di magbabago...
'Wag kang mag-alala,
    mamahalin pa rin kita...

'Wag kang mag-alala,
'Pag nakalimutan nang
     ngumiti ng araw
     dahil sa inis,
Yayakapin siya ng buwan
     kahit pa ang kapalit
     ay masunog siya nang labis,
Pipigain ang huling patak
     na luha mula sa mga matang
     tinirahan na ng hinagpis...

'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita
     kahit sa huling dugong
     dadaloy sa ugat ng puso
     kong sirang-sirang na...

'Wag kang mag-alala,
     mamahalin pa rin kita
     kahit sa huling hanging
     aagpas sa aking bibig
     na pagod nang sumigaw...

'Wag kang mag-alala,
mamahalin pa rin kita, Mahal...
Random Guy Apr 2020
at kung nababasa mo man 'to
o biglang maalala mo lang ako
tandaang lahat ng sinabi ko sayo
tungkol sa lungkot na sinabi mo
tungkol sa pagtrato sa iyo
ng sariling pamilya mo

dadaan lang yan
at lahat ng problema ay lilipas
pagtingin mo sa buwan
ang liwanag na gagabayan ka'y
patutulugin ka sa gabi
upang malimutan ang natapos na paghikbi
hanggang sa bukas ay kakayanin mo na muli

nandito lamang ang mga letra't salita
na handa kang damayan hanggang sa pagkabalisa
at pag-ngiti
kung nababasa mo man 'to
o maalala ang pangalan ko
totoo

— The End —