Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
George Andres Jul 2016
PAG-ASA/ISKOLAR NG BAYANG DUKHA
Madilim na sulok,
Kung san nagdurugo ang mga palad habang rosaryo’y hawak
Gunita’y lumipad habang likod’y dumaranak
Naalala ko pa no'y si Inang ingat na ingat sa isang batang mataba,
Matabang pitakang puno ng libo-libong kwarta
Sahod nilang mag-asawa na sa akin lang ginagasta
Para sa tuition ko, para sa pagkain, pamasahe't libro
O inang minamahal ako nang labis
Kung ang buwaya pa kayang tumatangis
Di maantig sa iyo’t tumalilis?
Sa pagligo sa likod ay laging may langis
Langis ng niyog na kinayod ng ‘yong nginig at mapupula nang kamay
Kung sa gabi’y rinig na rinig ko ang iyong pusong lukso nang lukso
Sa ilalim ng kulambong dinusta na ng panahon
Di mo magawang umalis kung dapuan ako ng sipon
Mga lamok na dumadapo di ligtas sa kanyang paglilitis
Sa loob ng tahanan di makitaan itlog ng ipis

Ako ang pasakit ng aba ninyong buhay
Pakiusap, pilitin **** lumakad parin gamit ang 'yong saklay
Hintayin **** mabigyan rin kita ng magandang buhay
Kung pagiging matiwasay ay dahil sa pagkakawalay
Tila di narin kaya ng loob kong patpatin
Sa ideya lamang nito’y tiyak na lalagnatin
O inay! Patawad kung pagod nang tumaas-baba pa aking baga
O Lubid sa inaanay na dingding  na tinitingala
Sa halip ng makikinang at mala diyamanteng mga tala
Huwag mo akong paglawayin sa iyong panlilinlang
Di magagawang sakupin ng depresyon ang tino kong nawawala
Ni ihulog ako nang tuluyan sa mahabaging grasya
Dahil kung sa pag buhos ng kamalasan ay patakan ang huling pasensya
Sa baha na isang pagtaas na lamang ay lulunurin na
At saka lamang ako sa huli'y makakahinga

Isa na akong kawalan na nilagyan ng katawan
Saksakin man, wala na akong maramdaman
Walang kikirot na laman
Walang dugong dadaloy nang luhaan
Sundalong natuyot na ng labanan
Binalot na ng kahihiyan at pagtataka kung mayroon ba akong kakayahan?
Biningi na nga ako ng mga sigaw sa aking isipan

Mas dukha pa akong di makakita pa ng liwanag
Liwanag na sa Bilibid natitikaman miski mga nag-aagawan
May hangin ngunit ako lang ang nalulunod
May dagat at ako lang ang di makalangoy
Mas preso pa akong walang makain nang di hamak
Mata kong bagsak at pula na, tighiyawat na parang sunog at di na maapula
Kakapalan lang ang ipakita ang mukha sa labas
Dahil kailan ba ang mundo'y naging patas sa batas?
Batas ng pag-iral ng matibay na loob
Ito na ang mga taong noo'y tinawag kong ungas
Bumubuhay na ng pamilya't may pambili na ng bigas

Sa loob ng maliit na kwadro
Sapat ang isang upua't mesa at isang kabayo
Sabit pati ang yabang kong diploma sa taas ng orocan
Lukot na resumé sa aking harapan nagmuka nang basahan
Mas tanggap pa sa trabahong pamunas ng puwitan
Ngunit mas higit pa ba ang munting papel kung nasaan aking larawan?
Bakas ng ilang buwang puyat at thesis na pinaghirapan
Salamin ng ninakaw na kabataan, ng inuman at kasiyahan
Repleksyon ng mga desisyong sa nakaraa'y napagpasiyahan

Bakit ako tatanggap ng trabahong mababa pa sa aking kakayahan
Bakit call center lang ang aking babagsakan?
O maging alila sa mga sinliit rin nila ang pinag-aralan?
Piso lang ba  halaga ng lahat ng aking pagsisikap?
Ito ba ang direksyon ng matamis na buhay na sa huli'y inalat?
Madali pa pala ang unibersidad
May kalayaan, oo tao'y mga mulat
Marami umano  ang buhok ng oportunidad
Hatakin man ay nasa harap ang bagsak

Kahapon itlog at pancit canton,
Dala ni nanay noon pang huling dalaw sa aking kahon
Inakalang sa tren isa akong bagon
Sa bilis ng oras ay papadayon
Isang buwan nang matapos na ako
Inakalang ito na ang hudyat ng aking pag ahon
Totoong mundong ganito pala ang paghamak at paghamon
Interbyu sa opisinang may pagka-amoy baygon
Ugali sa trabaho’y ako raw ay patapon
Kaklase sa hayskul aking nakasalubong
Nagsimula sa wala, ngayo’y umuusbong
Eh ilang beses ba ‘yong umulit ng ikatlong taon?!
Di maatim ng sikmura sila'y yumayabong
Habang ako rito sa kumot ay nakatalukbong

Hawak ko ang kwintas na mistulang ahas sa aking leeg
Nawalang pag-asa ng bayang tinakasan
Sasablay ako hanggang sa huling sandali
Kagitingan at kagalingan ang aking pasan pasan
Taas ang kamao habang dama ang gasgas ng tali sa aking lalamunan
Hinding hindi ninyo ako magiging utusan

Ito na ang mga huling salita sa aking talaarawan
Sinimulan kong isulat nang matapakan bukana ng Diliman
Bitbit ang banig at walang pag-alinlangan sa kinabukasan
Tilapiang pinilit sumagupa sa tubig-alat
Hinayaang lamunin ng mga pating na nagkalat
Nag-iisang makakaalis sa aming bayan
Dukhang nakita ang yaman ng Kamaynilaan
Dustang panliliit ang aking naging kalaban
Gabi-gabing basa aking banig sa malamig na sahig
Paulit-ulit sa aking pandinig ang salitang isang kahig!
Sa huli'y ano bang idinayo ko sa pamantasan?
Oo! Oo! Kaaalaman at pag-ahon sa kahirapan
Sa agendang ito ako pala ay tumaliwas
Sa mumurahin ako’y umiwas
Anupa’t sa aking kabataan, naging mapangahas
Ginamit nang ginamit pag-iisip kong nawalan na ng lakas
Sumama sa lahat ng lakara’t laging nasa labas
Tinapos agad-agad mabalanse lang ang lahat
Gabi-gabing sunog kilay pati balat
Waldas dito waldas doon, yan lang ang katapat
Sa huli’y doon na nga natapos ang lahat

Singsing ng pangako sa kanya,
Sa pamantasang sinisinta
Sa kahirapan di niya ako makikita
Bayang yayapusin mala linta

Ako raw ang pag-asa, isang iskolar ng bayang nais maglingkod sa bayan
Oo, naghikaos ang pamilya makalusot lang
Taas ng pinag-aralan, kung sa ibang bayan, sahod lang ng bayaran?
Mamamatay akong may dangal at pagmamataas sa aking kinatatayuan
Tatalon sa bangko't idududyan sariling katawan
Inyo na ang thirteenth month pay ninyong tinamuran!
Patawad sa bayan kong di na mapaglilingkuran!
Paalam sa bayang di pa rin alam ang kahulugan ng kalayaan!
7816
Edited this again for a schoolwork.
Bryant Arinos Aug 2018
Ako si Juan

Para kanino ba ang pangalang yan?
Para sa taong may pinag-aralan?
Para sa taong may pinaghirapan?
O para rin sa mga taong nahihirapan?

Mga tanong yan na umiikot sa mundong kinabibilangan ko.
Hindi ko piniling maging ganito pero ito na ata ang isinulat sa tadhana ko.
Ang maging di kanais-kais sa paningin
At mas lalong di maging kapansin-pansin.

Ako Si Juan

Pilipino rin ako pero bakit tingin niyo sa akin walang kwentang tao?
Pilipino rin ako at hindi ko ninais na maging ganito ang buhay ko.
Oo pilipino rin ako pero bakit parang ayaw niyo akong tanggapin bilang tao sa lipunang ito?

Dahil ba marumi ang damit ko?
Dahil ba nangangamoy araw ako?
Dahil ba wala akong napagaralan?
O dahil di na ako katangap-tangap?

Ako si Juan

Pakiusap wag niyo akong husgahan dahil sa ako'y mahirap
Di ko pinili ang takbo ng buhay na mayroon ako.
Di ko piniling maging pulubing palaboy-laboy
At higit sa lahat

Di ko piniling mawala ang lahat.

Ang pera, ang pagkain, ang tirahan, ang pamilya, ang inumin ang kaibigan.

At hindi ko pinili ang maging mahiral.

Pasensya ate, kuya, kung lagi ko kayong kinukulit para sa kaunting pansin.
Pasensya na ate at kuya kung kinakalabit ko ang mga damit ninyong mamahalin.
Pasensya na ate at kuya kung sa bawat pagdaan ninyo'y nababahuan kayo sa akin.

Pero maliban sa pera, palimos naman po ng panalangin.

Panalangin na sana'y hindi ako sumuko sa ibinigay saking pagsubok
Panalangin laban sa lahat ng bagay na nagdala sakin sa pagkalugmok
Panalangin na hindi ako paano sa daan kapag ako ay natutulog
At panalangin na sa paggising ko'y may lakas pa rin akong bumangon.

Pasensya kung gagamitin ko pa ang pangalang Juan na simbolo ng pagiging likas na Pilipinong may pinagaralan

Pero sana maisip niyo na di ko kailangan ng mga bagay na sa aki'y magpapayaman

Ang kailangan ko ay ang intindihin niyo ang aking kalagayan

Kung makikita niyo man akong naglalakad o nakaupo sa lansangan

Maaari bang sumigaw kayo o tawagin niyo ako sa pangalang Juan?

Dahil minsan rin sa buhay ko ay katulad niyo rin ako

Napaglaruan lang ng tadhana at nawala lahat ng meron ako.

Pulubi ako, mabaho, konti ang nalalaman, walang panligo, pangkain, perang pambili ng gamot pangotra sa sakit na dala ng paligid.

Pero ito ang tandaan ninyo,

Huling mensahe ni lumang Juan para sa mga makabagong Juan

Ako si Juan

Pagnakita ninyo ako wag niyo akong pandirian
Subukan niyong kilalanin ako maliban sa aking pangalan

Wag niyo akong husgahan na ipambibili ng droga ang naipon kong barya

Wag niyo akong husgahan na nagtatrabaho ako sa isang sindikatong galawan.

At sana'y ako'y inyong alalahanin at wag niyo sana akong kalimutan

Na minsan sa buhay ko na nakapagpakilala ako na "Ako Si Juan ang dating Pilipino na ngayo'y tinatakwil na ng lipunan."
Sa dami ng mga trabahong tumambak dahil hindi mo pa nagagawa
Mga papeles na nagpatung-patong na
Yung lamesa **** inaagiw na dahil hindi mo alam kung saan at paano magsisimula.
At mga istoryang di mo pa maisulat dahil nangangapa ka pa.
Isama mo na rin yung katrabaho **** nakakairita na sa tenga.
Dahil crush niya daw si Justin Bieber
At paborito niyang frappe sa Starbucks ay Caramel.
Kahit mukhang ang afford niya lang ay Nescafe “Oo nga pala, French Vanilla” na iniinom ni Toni Gonzaga.
Pero wala siyang pambili ng sarili niyang tumbler.

Tangina.

Idagdag mo pa ang mga patay na oras na sunod-sunod ang mga buntong-hininga
Nahuli ka pa ng boss mo na nakatulala
Kaya hayan at napagalitan ka pa.
At dahil contractual ka, yung limang buwan na kontrata mo
Biruin mo, baka mapaaga pa ang endo.

Aminin mo na ang pagpatak ng alas-singko
Ay may kakaibang dalang saya.
Na parang sumagot na ng “oo” yung matagal mo nang nililigawan.
Nakulayan na rin yung mga pinlano niyong outing na buong akala niyo’y hanggang drawing na lang.
Parang pagbabalik sa Pilipinas ng kasintahan **** kumayod sa ibang bansa.
Parang ibinalita sa TV na hindi traffic ngayon sa EDSA.
Himala!
Kaya ang pagsapit ng alas-singko ay kakambal ng paglaya.


Wala sa’yo kung sa bus man ay tayuan
O kaya sa dyip ay makasabit man lang.
Basta makauwi ka lang.

Nakakasabik pa rin ang ideya
Na ang bawat pag-uwi
Ay kasing banayad ng mayroong sasalubong sa’yong ngiti
Mga ngiting papawi sa kangalayan ng mga binti.

Mayroong yakap na nakaabang
Ang mga bisig na nagmistulang pinakapaborito **** kulungan
Dahil doon mo nararamdaman ang tunay na kalayaan.
Mula sa pang-aalipin sa’yo ng lipunan.

Nakahain na rin ang hapunan.
“Mahal, ano ba ang ulam?”
Sabayan natin ito ng mahabang kwentuhan.
Simulan natin sa simpleng kamustahan.
Dahil pagkatapos, ay aabangan mo na naman ang alas-singko kinabukasan.
George Andres Aug 2016
Uy, gawa tayo ng tula
Kasi putang ina ng Maynila
Sa nayon ay dinadakila
Isang abot-kamay na tala

Kailan ka ba kakawala
Sa anino ng Maynila?
Umambon ay may baha
Selpon ay may kukuha

Walang pawis at luha
Walang ngiti ni tuwa
Kwartang pulos kaltas
Walang pambili ng bigas

Kapit kahit mapurol
Mga bundok ay gagawing burol
Nakakita ka na ba ng ulol?
Sa Maynila marami niyan,
buhol-buhol

Kung saan walang permanente
Maging sa suplay ng kuryente
Ang pamahalaan ang hinete
Tagasulsol naman ang gabinete

Kapatiran may kaputol
Basta't kumapit mala kuhol
May nakahihigit sa batas
Umangal ka at ika'y utas

Wala nang lunas
Wag ka nang lumuwas
Utang na loob kaibigan
Maawa ka sa iyong ksasadlakan
8316 WIP
"Tao po?" unang beses akong naglakas ng loob,
Pero walang kibo ang nahihimbig na bantay.
Kinakatok ko gamit ang barya ang kahoy na bintana,
May rehas na yari sa metal pero madali namang masira.

"Tao po?" pangalawang pagsuyo
Habang pinagmamasdan ang dekorete sa bawat sulok,
Pero tila ba walang pakikisama ang may-ari,
Kaya't naisipan ko na lamang ibulsa ang pambili.

Halos maka-dalawang hakbang na ako
Nang bigla kong narinig ang kakaiba nyang tono,
"Ano yun?" magaspang ang boses niya
Kaya't napalingon akong bigla't niyari ang sarili pabalik.

Kinapa ko ang bulsa at kinuha ang barya,
At tinuro ang nakabalot na pangarap.
Dali-dali ko itong binulsa habang panakaw ang tingin.
Hanggang napansin niyang nakatitig ako.

Apat na hakbang buhat sa bintana ng pagsusuyuan,
Tinawag niya ako, pero hindi ko sya pinansin.
Puno ng kaba ang puso ko,
At kakaiba ang daing ng pag-iisip ko
Buhat sa pagtawag niya sa akin,
Hindi ko rin makalimutan
Ang malamlam niyang mga matang
Parang may nais ipahiwatig.

Sa pag-uwi ko,
Napatingin ako sa sariling repleksyon
At doon ko napagtagpi-tagpi ang lahat,
*"Nakakahiya, may tagos pala ako."
Tungkol sana ito sa pag-ibig pero habang sinusulat ko na, iba ang naging timpla ng eksena. Medyo nakakatawa. Isang akda para sa mga kababaihang magigiting sa kabila ng kanilang kabuwanang dalaw.

Bayani ang bawat dilag pagkat bahagi ito ng ating pagkatao.
George Andres Jul 2016
Nagtatanong ako kung bakit di ko mailarawan
Lahat ng naglalaro sa'king isipan
Na kailangan pa umaano bigyan ng isang kwadro
Sa inyong mga tamad na isipan
At trabaho ko pang sa inyo'y isubo ang matigas na katotohanan
Na para saaki'y isang malaking katangahan
At ginagamit lamang ng maraming nais magpasikat upang tumaba ang kapalaluan sa kani-kanilang tiyan
At kumain ng papuri na siyang lalamunin pang kape lang at pambili ng tinta ng bolpen o ng papel man 'yan
At ano pa ang sining kung wala ka nang mapiga sa utak **** kinain ng uod ang laman
Lumuluha ka ng dugo para sila'y mamangha; mga burgis na magpopondo sa iyong katha
Na ano? Kasabay mo lang rin pumasok sa pamantasan bilang dukha
Pero ibang iba na mga mukhang inalisan na ng pasakit ng pag-iisip
Kung ano na ang para kinabukasan o kung meron pa nga namang daratnang liwanag
O kung bukas ay ang kadiliman naman
Saan ka pupulutin lintik kang di naging gahaman na piniling 'wag magpakayaman sa mumunti **** naisin na pagnanasa ng 'yong katawan?
Pinili **** sundin ang tawag ng 'yong laman, ang tawag ng uhaw na kalooban
Ano nga ba ang silbi ng pagpapakain sa kanila ng iyong isipan kung maari namang ito'y bigyan mo ng isang kasangkapan o kaya ito'y laktawan
Ng kahit anong katanungan at pagpagin ang natutulog nilang kulot na taba mula sa pang-aalipin ng katamaran?
7816
aL Jan 2019
Pagbabadiya sa panibagong giyera
Ako ay alipin na ng kaba
Sa iyo ba ay mahalaga na
Ako na naghihikahos sa dusa?
Yugtong panibago, babago sa mapait na buhay
Sugal sa kapalaran, pambili ng matatag na gabay.
Bago pa man sarili ay ilisan
Ako ay iyong na ring hagkan
Mahina pa ang aking damdamin
Na kaya pang itaboy ng hangin.
Mahahalagang salita na bulong mo sa akin
Hindi malilimot ang boses **** malambing.
Sa aking pagkakasala, lahat ay iyong patawarin
Magulong sanlibutan lang ang gumagambala sa'kin.


Ako na hirang mo, mapa~gabang
1 am blues
JE Aug 2018
Lumayo kana sana,
Sa mundong ito Kalahati ng mga hiling sa tala,
Ay ang mawala ka
At ng sana'y makahanap na ng kapayapaan ang iyong nabiktima

Ikaw, ikaw yung tipong makasarili
Na kahit ano nalang ang iyong kinukuha, bale wala na kung anong possibleng mangyari
Biktima mo’y walang pili
Sa mga mata mo’y para kaming mga pera Naghihintay na magamit pambili

Ikaw yung tipong nakakadismaya
Isa kang bagay na walang ibang dala Kundi kapahamakan ng iba
At kalungkutan na habang buhay ay di mawawala

Bawat binitawang salita
May katumbas na kapalit ng iba
Bawat yakap nilang madarama
Isang bagay na naman ang mawawala

Halaman, aso, pusa, bata, matanda lahat ay walang kawala,
Lahat kami ay maaaring ma biktima
Sa inihandog **** mga parusa
Kahit ano pang kweba ang mapagtaguan sa mga kamay mo kami ay bihag pa

Ngayon, naranasan ko na ang mapalapit sayo
Ang landas natin ay pinagtagpo
Sa oras na di ko inaasahan
Pero bat kailangan mo pang idamay ang mundo ko
JOJO C PINCA Nov 2017
Kahapon pagdaan ko sa Angeles City sa Mabalacat, Pampangga nakita ko sila. Sandali kong pinagmasdan ang kanilang pangkat na nagpapahinga sa may gasolinahan. Hindi ko maiwasan na malungkot.

Mahirap talagang maging mahirap, alam mo yung buhay ng isang kahig, isang-tuka, yung kakalam-kalam ang sikmura tapos hampas lupa? Yung hindi nakaka pag-almusal dahil walang pambili ng pandesal, na madalas ay nililipasan ng pananghalian at malimit na nakakatulog sa gabi ng walang hapunan.

Yung dalagitang nanggigitata may sanggol sa tagiliran, nagpapalimos sa gitna ng kalsada, kumakatok sa mga kotse, tinitiis ang nakakapasong init ng tanghaling-tapat. Nakaka-awa ang sanggol walang malay, walang muang, hindi n’ya pa naiintindihan ang kalupitan na kanyang dinaranas.

Ang maka-diyos na lipunan at makabayang mga pulitiko alam kaya nila ito? Ramdam kaya nila ang hapdi ng sikmura ng mga pulubi? Bakit ganito? Ewan ko, hindi ko rin alam ang puno’t dulo, hindi ko rin maintindihan ang lahat. Ang alam ko lang hindi sila nababawasan sa halip lalo silang dumadami habang sinasabi ng mga pulitiko na mahal nila at handang tulungan ang mga mahihirap.

— The End —