Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sirsison Feb 2017
Unang pagkikita natin sa ating pinasukan
Parang hangin lamang na dumaan
Tuloy tuloy pa rin sa paglalakad
Na parang may importanteng lakad.

Ako ay parang isang sirang mata
Na walang kakayahang makakita
Nang isang rosas na putuloy na bumubuka
Dahil sa taglay nitong glamorosa.

Subalit sa mga sumunod na araw at tayo’y nagkakilala
Para kang isang ilaw na hindi maalis sa aking mga mata
Na kahit saan magtungo ang aking mga mata
Ikaw pa rin ang nakikita.

Ako’y nagagalak
Sa tuwing tayo ay humahalakhak
Na parang ang puso’y pumapalakpak
Ang paglisan ay hindi ko minsang binalak.

Sa sandaling tayo’y magkausap
Pakiramdam ko ako’y nasa ulap
Na kung maaaring hindi na kumurap
Upang ang pag-uusap ay lalong sumarap.

Subalit ang oras ay napakabilis malagot
Kaya’t ako’y nakaramdam ng matinding takot
Na mangyari ang isang bangungot
Na baka sa susunod hindi ka na sumagot.

Nagpatuloy ang mga araw na dumaan
Ika’y patuloy kong pinagmamasdan
Na habang ako’y  umiisip ng daan
Upang ika’y malapitan.

Nagdaan ang araw at buwan
Habang ika’y aking pasekretong pinagmamasdan
Ako’y lubusang naguguluhan
Kung bakit laging ganyan.

Di nagtagal ako’y may naramdaman
Na pakiwari ko’y dahil ika’y nasilayan
At nakilalang lubusan
Na pilit kong inaalis sa aking isipan.

Subalit ako’y nabigo
Sa aking pagtatago
Nang nararamdamang nabuo
Sa palagiang pagtatagpo.

Isang araw ako’y humantong sa isang pagtatapat
Na isang daang pinag-isipan kung ito’y nararapat
Kahit na natatakot na ako sayo’y di pa sapat
Pero ito’y aking nilabanan dahil ang layunin ko sayo’y maging tapat.

Sa  aking pagtatapat lubha akong nalungkot
At natakot;
Na baka ako’y masangkot
Sa isang pangyayaring masalimuot.

Nang ika’y makilala mahal na kita
Ngunit ng tumagal-tagal, may mahal ka pa lang iba
Ako’y nasaktan at nalungkot sa nalaman
Hanggang kaibigan na lang pala ang ating turingan.

Ilang araw ang nakalipas ako’y di mo na pinapansin
Mga matatamis na ngiti na dulot natin
Unti unti nang nagiging asin
Na sa alat di na maatim.

Iniisip na lang na ika’y natatakot akong mahalin
Na baka saan pa tayo dalhin
Na sana’y aking dasal ay dinggin
Na ako’y iyong mahalin.

Nagdaan ang mga araw
Ako’y nahumaling makinig ng malulungkot na kanta
Na nagpapabalik ng masasaya nating alaala
Na sa isang iglap lamang nawala na--na parang bula.

Ito ang nagdulot sa akin ng pighati
Dahil simula pa noon ikaw na ang tanglaw sa aking mga gabi
Ikaw ang liwanag sa araw kong hinahabi
Na ikaw lamang ang makakapagbalik ng kulay sa pusong nagbigti.

Paano kung sabihin ko sa’yong ayoko na?
Hindi ko na kaya kung patatagalin pa
Sapagkat ga’no man kalalim akong nahulog
Natatapos din ang himig ng awit at tugtog.

Paano kung sabihin ko sa’yong napapanahon na
Na ako’y lalayo na
Dahil kahit gusto ko mang kumapit pa sa’yo
Pareho tayong mahihirapan kung ‘di lalayo.

Sa totoo lang, marami akong ayaw sa sarili ko,
Kaya’t malalim na takot ang nararamdaman ko
Kahit na sabihin ng iba noon na gusto nila ako
Dagli kong iisiping, “Sino niloloko mo?” .

Subalit puso ko’y ikaw ang pinili
Na kay tagal kong itinago sa aking sarili
Sa isang iglap at sandali
Ako’y napapili kung ikakasaya mo ba o ikasasaya ng aking sarili.

Labis man akong nasisiyahan pag ika'y nakikita
Labis man akong natutuwa na ika'y nakikita kong masaya
Kahit nasasaktan,
basta masaya ka Okay na!

Dahil ang pag-ibig ay walang hinihintay na kapalit
Pag ibig na handa siyang palayain
Pag ibig na nasayang at napuno ng kalungkutan  
Pag ibig na nauwi sa masakit na paalam.

Dahil sa’yo natutunan kong maging matatag
Natutunan ko ang tunay na pagmamahal
Pag ibig na minsan, nagsisimula sa katapusan
Na sanay pagmamahal ay mapalitan.

Kaya’t ngayon dahil sa ako’y lubusang nasaktan
Akin munang kakalimutan ang magmahal
Dahil sa luha kong mahal
Kinalimutan kong magmahal dahil baka ikaw at ako’y di magtagal.
Naka-tadhana bang masaktan o naka-tadhanang makahanap ng taong gagamot sa pusong nasaktan?
Kael Carlos Jun 2018
Simulan natin sa katapusan nang taon,
Naging dahilan nang araw-araw kong pagbangon,
Naalintana ang palagiang paglamon,
At uminit ang Pasko nang kahapon.

“Napakaganda nang buhok mo”, aking bati,
Para sa minimithi kong binibini,
Pagmamahal mo’y sa akin’y biglaang sumapi,
Noon ko ipinagdarasal na makita kita’ng parati.

Humingi nang payo kung kani-kanino,
Upang manatiling aktibo’t ‘di mablangko,
Bagama’t ang kinauukalan mo’y malayo,
‘Di nagtagal, nagkaroon na din nang “tayo”

Araw-araw magkausap simula noong ikalabing-walo nang Enero,
Nagpatuloy hanggang Pebrero pati Marso,
Kadalasang naiisip kapag nag-iisa sa kwarto,
Hanggang sa eskwela, daanan, lansangan, lungsod, barangay’t baryo.

Naputol man ang ating koneksyon,
Hinding-hindi ka mawawala sa ‘king imahinasyon,
Ipinagbawal man upang turuan nang leksyon,
Sa araw-araw ang pag-ibig mo’y aking binabaon.

Pinaghigpitan man’y iginagalang ko
Ang desisyon at pagmamahal nang mga magulang mo,
Sa ika-dieciocho ka pa daw pwedeng magka-novio,
Nag-atubili, sumagot ako nang “opo”.

Lahat daw nang inaantay at pinaghihirapan,
Ay mayroong napakalaking kahalagahan,
Kahit alinma’y sakit ay aking ginampanan,
Upang sumunod lamang sa natatanging kasunduan.

Kaya nandito ako ngayon,
Na may pagmamahal at may mga pagtitiis na naipon,
Nanabik sa pangako nang kahapon,
Sa pangakong uuwi ka sa iyong selebrasyon,

Ngayong ika-siyam nang Pebrero,
Nais kong malaman mo na pag-ibig ko sayo’y ‘di magbabago,
Nag-intay, nagtiis, nahirapan, ngunit ‘di napagod,
Dahil umaapaw ang pagmamahal mula labas hanggang ubod.
Ika-labingwalo
Jose Carlito May 2020
Matagal nang nagsimula
at patuloy na umiiral
Ang ating matinik na pakikipamuhay
sa ating bayan

Palagiang nasasadlak
sa karalitaan
Ang dugo ng kabataan,
alay sa kasarinlan

Tayong mga bulag,
sa siyensiya at kapalaran
Sa pagmartsa ng kalabang
hindi natatanaw

Naulit ang kasaysayang
may isang kurso at galaw
Bala para kay tatay
ang anak ang namatay

Bumagsak ang ekonomiya
Lumambitin sa aming mga leeg
Iniasa ang pagtaas
sa aming mga bisig

Habang si Alejandrino
dumarami't nagbubuntis
Ang batang henerasyon
Patuloy na nililitis

Kung ganun,
Huwag ninyo kaming pababayaan,
Paglustayan, paghirapan
At pakikinabangan

Sa gayong mga pumalya at matatanda
Ay may aakay
Walang huhugot sa Inang bayan-
Kundi kaniyang kabataan
Inspired from the Filipino Movies: Heneral Luna, and Goyo: The Boy General
Triste Jun 2019
Ang pag-ibig ko
Ay katulad ng dagat
Tahimik ngunit malalim
Pero huwag kang matakot
Dahil may kalayaan ang mga alon
At may kapayapaan ang pag-agos ng panahon
Sumapit man ang dilim
Hayaang dumampi sa mga labi
Ang halik ng mga tala
At hayaang yakapin ka ng mahigpit
Sa ilalim ng liwanag ng buwan
Humimlay ka sa mga pangako ng buhangin
Masdan mo ang nagkukulay na kalangitan
Sabay sa pagkumpas ng mga kamay ng oras
Ang himig ng tibok ng mga puso
Nagniningning na mga mata
Tandaan mo na sa pagsapit ng umaga
Sa palagiang pagsikat ng araw
Nandoon at mananatili ka, ikaw,
Aking tula.

— The End —