Hindi ikaw ang aking mundo.
Ikaw ay parte lamang ng aking kwento.
Hindi ikaw ang kalawakan.
Ikaw, tayo, kahit pagkakaibigan ay may hangganan.
Hindi ikaw ang buwan
Na nagbibigay liwanag sa aking karimlan
Hindi ako isang puno
Na aasa, mananatili, at maghihintay na mapansin mo.
Ang mga sugat na dulot ng ating mga sala
Ay hindi maghihilom basta- basta
...
Kaya ako na ang hihinto, lalayo,
Ang magsasara ng pinto.
Ako na ang susunog ng tulay,
Ang puputol ng nag-uugnay.
Ako na ang bibitaw
Sa pagkakaibigang nasira ng pagmamahal na nag-uumapaw,
Ng bugso ng damdamin,
Ng tukso at mga tinagong saloobin.
Hindi naman maayos
Ang hindi sinusubukang i-ayos.
Kaya tama na nga siguro
Ito na ang dulo ng kayang tanggapin ng puso ko.
Paalam na sa mga tanong na kailanma'y hindi na masasagot,
Sa puso kong puno ng takot
Sa paglisan at pagbitaw
Hanggang sa ikaw na mismo ang umayaw.
Paalam na sa mga pangakong napako,
Sa mga katagang "walang magbabago",
Sa mga salitang binitawan
Ngunit hindi mo napanindigan.
Paalam na sa titulong "matalik na magkaibigan."
Paalam na sa lumabong pagkakaibigan,
Sa mga hinanakit at hindi pagkakaintindihan.
Paalam na sa sakit at pait
Na dala ng pag-ibig na hindi maaaring ipilit.
Paalam na sa labing-apat na taon.
Masasakit na alaala'y aking ibabaon.
Iiwan ka na sa nakaraan.
Papalayain ang sarili sa gapos ng nagdaan.
Sa pagiging estranghero nagsimula,
Estranghero rin akong lilisan.*
Ito na ang huli kong paalam.
-41-
This is the last poem I'll write for you for we will never have our goodbye. We were connected in a level unknown to us. We understood without words. Thanks for the memories.