Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
100221

Nauuna pa tayo sa mga alitaptap
Sa paggayak patungo sa dilim,
At doon sa papag ay sabay-sabay nating iitiklop
Ang ating mga paang napuno na ng alikabok
Para lamang mag-“indian sit.”

Ang ating mga halakhaka’y
Nagmistulang musikang humihele
Sa pandinig ng ating mga magulang
At ito’y mangingibabaw sa liblib na tahanang
Puno ng pagmamahal at pagmamalasakit.

Tunay ngang payak ang ating pamumuhay —
Tayo’y magsisilapit sa ginagawang liwanag ni Itay
Mag-uunahan na parang sigurado na kung sino ang taya,
Kung sino ang mag-aabot ng gas o posporo
Sa tuwing naisasambit ang mga salitang, “Nak, paabot.”

Nais sana nating hindi kumurap
Pagkat tayo’y nakatututok habang pinagmamasdan
Ang nagmimitsa’t nagniningas na apoy.
At ito ang liwanag na aasahan nating
Magbubuklod sa atin papalayo sa dilim
At magkukulob sa nasasakupan
Ng sinag ng ating mga paningin.

Hindi na natin alintana
Ang init na dumarampi sa ating mga balat
At tayo’y mapupuno ng pagkamangha
Sa liwanag na itinuring nating mahiwaga —
Mahiwaga sa ating mga matang
Walang ibang nais kundi magliwanag na.

Hindi na rin natin namalayan ang bawat segundong lumilipas,
Maging ang mga dahong kumukupas
Sa paghimlay nito sa ating mga paanan.
Panahon ay dumaraan ngunit hindi nang palihim;
At panahon din ang susukli
Sa mga alaalang nais nating manatili.
Brownout.. magrereklamo na rin sana ako kay PALECO pero bigla kong naalala noong kabataan namin. Mga panahong masaya kaming nanonood ng pagsindi ni Papa ng petromax.
062721

Doon sa parteng may tubig sa aming bakuran
Ay natagpuan ko ang hiwaga ng bawat nilalang
Na araw-araw na sumasalubong sa'kin
Buhat sa paggayak sa umaga’t hapon.

Silang mga nakabihis ng puti
Ay sabay-sabay na sisigaw ng aking ngalan
At bagamat hindi ko rin wari
Ang lenggwahe na kanilang taglay,
Ay para bang kampante akong
Sila’y akayin at alalayang maitawid
Sa bawat araw nang may galak sa puso.

Tila ba sa bawat araw
Na itiunuro sa akin ni Tatay noon,
Ay natututo na rin akong
Makiramdam at makialam.
Ito yung tipong kaya ko na rin palang
Arugain ang hindi akin
Ngunit ang bawat binhi
Ay ngayo’y itinuturing ko ng kayamanan.

T'wing nakatirik ang araw
Ay agaran kong kukumbinsihin ang aking sariling
Gumayak na't lisanin ang aking higaan
At kamustahin ang mga ito.

Tangan ko ang kahoy na gawad ni Tatay sa akin,
At balewala ang putikang aking sasadyain.
Bilin nya nga sa aki’y wag ko raw hahayaang
Lubugan na ako ng araw
Bago ko pa yakapin ang responsibilidad
Na iniatang nya sa akin.

Sa yaman ng kalikasan
Ay wala na akong magiging dahilan pa
Upang kalimutan ang aking pagkatawag
At sila’y pabayaan
Sa matatalim na ngipin ng ibang mga nilalang.
Silang sa pagsapit ng dilim
Ay nakabantay lamang at handang sunggabin
Ang bawat naliligaw ng landas.

Sa tubig, sa batis at ilog
Ay akin naman silang aalalayan
Ang galak ko habang sila'y hinahayaang
Busugin ang kanilang mga sarili
Sa berdeng kalupaa’y walang katumbas.
Pagkat dito ko sila nasisilayan
At napagtatantong totoo nga ang sabi sa akin ni Tatay.

Ni hindi ko na kailangang maglakbay
Patungo sa kung saan mang siyudad
Matamasa lamang ang tunay na kaligayahan
Pagkat sa akin ay sapat na
Ang sundin ko ang bilin ni Tatay.

Malayo pa ang umagang
Kami’y maghahawak kamay.
Ang yapos niya’t pagkalinga sa akin
Ay araw-araw ko ring hinahanap-hanap.

At naniniwala akong
Darating ang umagang iyon.
Maghihintay lamang ako
Habang ang kanyang pamana’y
Lubos kong aarugain ng pag-ibig at pag-aalalay.
060624

Hindi ako nangangambang
Tabunan ng dilim ang liwanag ng araw
Na sa kanyang pagsilang ay manlalabo rin
Ang aking pananaw.

Pagkat mananatili ang Langit
Hanggang sa aking huling Lupang Hinirang.
At wala akong ibang nais na gawin
Kundi pagmasdan ito
At tingalain ang yaman nitong kagandahan.

Sa aking paggayak sa tabing dagat
Ay tatawagin din ako ng Kanyang mga alon.
At ang tanong ko’y Kanyang aakuin.

“Gaano nga ba kalawak ang Iyong pag-ibig?”
Wari ko’y ilang dipa pa ba
Hanggang sa marating ko Siya.
Ngunit ako’y aakapin ng sumisipol na hangin.
At ‘yan na marahil ang tugon Niya.

Sa aking pagsuyod
Maabot lamang ang Kalangitan,
At sa aking pagsisid
Matiyak lamang ang lalim ng Karagatan —
Walang ibang kasagutan
Kundi ang natatangi **** Ngalan.
I was driving when God whispered to write about this poem. I said, “Lord, wait lang, isusulat ko. Uuwi lang ako.” And here I am writing what God wants me to write about. Thank You, Jesus Christ. Please overflow in my life.
John Emil Sep 2017
Masusing pinagmamasdan ang larawan
Habang di mawari ang aking nararamdaman
Gustong pumaibabaw ng aking luha
Kasabay ng malakas na paggayak ng tuwa

Ganito nga ba and dulot mo sinta?
Anu bang pinanghalik **** pinta?
Sakit at tuwang tila makakasanayan na
Habang kayo’y magkasama sa twina

Ngiting gumuguhit ng nadarama
Ako’y unti-unting nabubura
Katingkaran ay nanghihina
Dala ng isang mapanuksong diwata

Mga kulay na dati may kakaibang sigla
Ngayung tila kumukupas na
Ito nga ba’y sanhi ng aking taksil na pagsinta
Sa tikipsilim ng buwang nagbabadya

Sa malakas ng ihip ng hangin ako’y nabigla
Mag-isang nakaharap sa lumang estampa
Mga nakaraan ay nabibigyang hininga
Ninanais nang pakawalan ang dating alaala
Sabay ng pinintang pag-ibig sana

— The End —