Anong silbi ng luha?
Kung papatak lang ito gaya ng ulan,
At gaya ng baha'y pagtatampisawan.
May iilang paslit sa Kalye ni Juan,
Nagbabangka-bangkaan
Paglaki nila'y dal'wa ang sinasagwanan.
Doon sa iskinitang panay basura ang laman,
Bisita nila'y araw-araw na kagutuman.
Iwinawagayway ang sarili,
Bentahan pala'y kanilang pagkakakilanlan.
Minsa'y nasaglit ako sa tindahan
Nang may matiyagang nakipag-usigan
Banta niya'y bubuwagin ang buhay
Ang latay ng bukas ay aangkinin nang ngayon
Titila rin daw ang buhos ng ulan,
Pang-lamang tiyan lang daw,
Bagkus dahas ang kikitil sa kasaganaan.
Ganoon na nga,
May mga nauudlot na kinabukasan
Pati istoryang panay nagtititigan.
Ngayon kasi'y
Pakalat-kalat na lang,
Iba na pati takbo ng isip,
Nakikilimos na lang
Baka may singkong duling man lang.