Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jose Remillan Oct 2014
Kagabi, napanaginipan ko ang
Unang pagtatangka nating
Abutin ang langit. Tumatakbo

Tayo sa isang malawak na
Parang, tangan ang huling
Saranggolang iaalay natin sa
Panganorin ng tag-araw.

Doon, panginoon natin ang
Kalayaan, kaya  nilimot natin ang
Bilin ng mga nakatatanda.

Sabay nating

Tinaboy ang ambon,
Tinawag ang hangin,
Tinaas ang saranggolang

Huling saksi na ikaw ay umibig
Sa isang ako.

Kagabi, napanaginipan ko ang
Huling pagtatangka nating abutin
Ang langit. Wala na ang malawak

Na parang, naparam na ang
Bawat bakas ng ako na umibig
Sa isang ikaw...
kingjay Dec 2018
Tulad ng duling, di kayang magbilang
Wala na makadugtong sa pangarap
Nanlimos sa kanto
sadyang naulila
Sa bayang sinisinta nawawala

Talagang kumakapit ang mga nagawang kamalian
Sa muling pagdilat ng mata ay di mapalagay
Lahat ng bisala ng mga bagay ay nahahanap ng wari
Sa isang kisapmata, laging nauulit

Sining ng pagbabalatkayo
Magpakalabis ng konting katuwaan
Tinakpan ng panlabas na ekspresyon
Naanod sa kasayahan

At nalungkot ang nagsidatingan sa piging
Ang nagtago ng tunay na damdamin
Sa bandang huli, bumaybay ng mga hinaing

Sapat na masilayan ang paghati ng abot-tanaw
sa lagablab ng araw na unti-unting naparam
at sa karagatan na nag-iwan ng pamana
Caryl Oct 2015
"Maaari ka nang maging malaya"

Eto ang mga salita
Na pilit ko mang ulit ulitin pa
Sa aking sarili, ay hindi narin naman
Magkakaroon ng bisa, sa ngayon

"Maaari ka nang maging malaya
O aking sarili, pakinggan sana
Huwag nang bumalik sa naparam
Lumakad na palayo at magpaalam"
Pusang Tahimik Aug 2021
Waring alabok na dinuyan ng hangin
Pagdakay naparam na balintataw sa paningin
Ang patak ng kabuluhan sa ganang akin
Tila sa sayaw ng mundo nakikipag piging

Hindi nga akma sa daigdig na mapaniil
Ang musmos na anyo na nasisiil
Ngunit kung mag mukmok di papipigil
Ang Sanlibutang nangangalit at nanggigigil

At sa sinomang bumigkas noo ay mangongonot
Waring tiwala'y lubusan nang pinagdadamot
Sa pag bihis ng panahong umiiksi ang kumot
Hangal namang patuloy na namamaluktot

Kung may mga susunod pang pagkakataon
Nais ay suwail naman ang ganap na yaon
Pagal na sa maginoong landas paroon
Paumanhin sa himutok ng batang gising sa ngayon.

-JGA
Ang batang bersyon na puno ng himutok.
Pusang Tahimik Feb 2019
Siya'y prinsesa na sa akin ay nag-iisa
Ano'ng saya ko na'ng kami nga'y naging isa
Ang puso'y umapaw sa ligalig at saya
Sa araw na ang bilang ay labinisa

Ngunit ikaw pala'y nakapako pa sa nakaraan
At ang isipa'y tila yata siya pa rin ang laman
Ipinipilit ko ang sarili kahit na ako'y nasasaktan
Hiling na 'Mahal Kita' mula sa'yo ay marinig man lang

Dumating ang araw na hindi ko nga maikakaila
Ang saya at ligalig ay naparam na tila ba isang bula
Sa iyo'ng mga sinabi ako'y nabigla at napatulala
Sa sakit ay di ko na naramdaman ang pag-patak ng aking luha

Nagwakas ang lahat sa loob ng araw na ang bilang ay tatlo
Mas malubha pa sa sikat na awitin na umabot sa pito
At ako nga'y naiwan sa tanong na 'bakit at ano?'
"Bakit nagkaganito? Ano na ang gagawin ko?"

Ikay ay nag-iisa'ng bagyo na tuluyang winasak ang puso ko
Ngunit masasabi ko'ng ikaw ay aral din naman sa buhay ko
Ngayon nga'y hinihiling ko'ng masaya ka sa bago mo
At sana siya'y katulad ko na tapat at totoo.
- JGA

— The End —