Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
"hwag kang mag-alala mahal ka parin nun". ito ang sinabi mo sa akin noong nakaraang taon. hindi ko agad naintindihan palibhasa'y tuliro ang isip ko, problemado ako sa bagong trabaho na kinakaharap ko.
tapos bigla kong naalala, oo nga pala, anibersaryo nga pala ng kasal natin. Ngumite na lang ako para maikubli ang aking pagkapahiya.
hindi ako kailanman nag-alala dahil alam kong mahal mo ako noon pa man hanggang ngayon.
hindi ako kailanman nag-alala dahil alam kong lagi kang tapat sa akin.
hindi ako kailanman nag-alala pagkat batid ko na hindi mo ako iniwan, lagi kang nandyan sa tabi ko umulan ma't umaraw.
hindi ako kailanman nag-alala dahil alam kong matagal mo nang inilaan ang buhay mo't pag-ibig para sa akin.
hindi ako kailanman nag-alala sapagkat alam kong sasamahan mo ako hanggang sa ating pagtanda.
pero nalulungkot ako sa tuwing naaalala ko na maraming beses ka nang umiyak dahil sa akin.
naiinis ako pagkat hindi ko nagawang samahan ka ng mga panahon na kailangan mo ako.
nagagalit ako sa sarili ko dahil hindi ko natapatan ang katapatan mo noong kabataan natin.
namamanglaw ako sa tuwing nakikita ko na kapos ang mga pagsisikap ko.
nalulungkot ako pag naiisip ko na baka mauna ako at hindi kita masamahan sa ating pagtanda.
ang nakaraan ay hindi ko na maibabalik, may mga pagkakamaling hindi ko na maitutuwid. pero pwede pa naman tayo makatawid dahil may ngayon at bukas pang maghahatid.
malapit na naman ang ating anibersaryo. hwag kang mag-alala pagkat hindi ako mag-aalala.
alam ko na mahal mo parin ako kahit konti lang ang iyong napapala sa gagong asawa na tulad ko.
kung sapat lang sana ang sulat at tula, kung ang mga tugma at tayutay at mga saknong nito ay magagawa kong lantay na yaman malamang hayahay ang ating buhay.
hindi ako si Perpekto at lalong hindi ako si Mr. Right
si Jojo lang ako, ganito lang ako kaliit, pero salamat at minahal mo ako.
jia Apr 2017
Ang sakit pala,
Na binabalewala mo lahat ng alaala.
Na hindi mo na ko kilala,
Ang sakit pala.

Ang sakit pala,
Na maiwang walang wala.
Na makuhanan rin ng pera,
Ang sakit pala.

Ang sakit pala,
Na maging estranghero ako sayo bigla.
Na maghintay ng walang napapala,
Ang sakit pala.

Ang sakit pala,
Na makita kang may kasamang iba
Na alagang alaga mo siya,
Ang sakit pala.

Ang sakit pala,
Na magmukhang tanga.
Na maloko habang nagmamahal ka,
Ang sakit pala.

Ang sakit pala,
Ng lahat ng dinarama.
Na dahil sayo kaya sinusulat ang tula,
Ang sakit pala.
Para sa'yo, gago.
Pusang Tahimik Oct 2021
Lilisan na muna sandali
Iidlip lang ng maikli
Para sa bukas na papakli
Makayanan ko muli

Ayos lang ang aking lagay
Heto't sabay sa tangay
Sa mga nakabibinging ingay
Sa mundong patay na ang kulay

Umiiwas na mag alala
Nagpapanggap na abala
At kahit walang napapala
Gagawin upang makawala

Magaling na mandaraya
Sarili ang dinadaya
At sa tuwing tinutuya
Buhay ang tinataya

Tumawa ng malakas
Na waring wala ng bukas
Hala! piliting pumiglas
At sa sarili ay tumakas

Ang araw ay natapos na muli
Paalam muna sandali
At ang aking minimithi
Ang bukas ay di na papakli

-JGA
Michael Sep 2020
Napalitan na ng sigawan
Na dati’y isang malakas na tawanan
Nakaririnding bagsakan ng pintuan
Na nagbibigay kaba sa’king kalooban
Mabibigat na yabag ang bumabagtas paakyat at pababa ng hagdan
Na tila nagpapahiwatig na may nangyaring sagutan,
Nakakabinging katahimikan
Na minsan ay hindi ko ginustong maranasan

Walang katapusan na pagtatalo
Palaging nakalingon sa nakaraan, hindi magawang kalimutan
Ilang taon na ang lumipas ngunit palaging hinuhugot pabalik sa kasalukuyan,
Palaging mayroong argumento
Pero ano ba ang tunay na napapala?
Sino ang nanalo at sino ang natatalo?
Sino ang magdedetermina sa kanilang dalawa na tama na?
Sino sa kanilang dalawa ang unang magtataas at magwawagayway ng kanilang puting bandera?
Hindi lingid sa aking kaalaman na wala isang perpektong pamilya
Hindi maiiwasan ang pagkakaroon nang hindi pagkakaintindihan
Ngunit ang isang away at papatungan pa ng isang away, parang ibang usapan na yan.

Kaya minsan-
Mas pinipili ko na lamang ang mag-isa
Magkulong maghapon at magdamag sa kwarto habang sa’king kama’y nakahiga
Nakikinig sa mga luma’t bagong musika, o ‘di kaya naman nanunuod ng pelikula
Sapagkat iyon ang mga oras nawawala ang aking pangamba
Na baka mayroon sumabog na alitan sa pagitan ni ama’t-ina

Tahan na tahanan,
Napalitan na ng sigawan ang dating malalakas na tawanan
Hindi na ikaw ang munting bahay na masaya kong inuuwian
Punong-puno ka ng tensyon at ang enerhiya sa paligid mo’y hindi na kaaya-aya
Ang tanawin sa iyong apat na sulok ay hindi na maganda
Kung kaya’t tahan na tahanan,
Parehas tayong umasa na ang lahat ay babalik sa dati nating nakasanayan
Inulo ang bato
Nabasag ang bungo

Lumukso sa laot
Pating humablot

Sa bangin tumalon
Kalansay umambon

Naglaro sa apoy
Napaso, tumaghoy

Humawak sa kidlat
Nalitson ang balat

‘Yan ang napapala
Ng tulad kong tanga

Dulot ng tadhana
O tangi mang likha

Maibalik pa kaya
Katawang luray na?

Diyos lang ang pag-asa
Ng tangang buhay pa.

-11/24/2011
(Dumarao)
*sentimental
My Poem No. 58

— The End —