Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Glen Castillo Jul 2018
Umaga na pala,
Subalit tila umpisa pa lang ito ng dilim
Dito sa bayan kong nasa sinapupunan ng mga sakim
Pagpagan ang mga baro't saya habang hawak ang sedula
Nilang mga uhaw sa tronong ipinangako sa kanila

Naluklok na bagong puno,sa pagdaka’y nagpaulan
Ng mga balang hindi man tingga ay tumatagos sa kaibuturan
Sa dati niyang ka giyera na s'yang mga tunay na anak ng bayan
Iginapos sila’t ipiniit sa sandipang karapatan

Yaong mga bago niyang kawal ay matatayog pa sa kalabaw
‘Pagkat kasama niyang magkakamal ng salaping umaapaw
Mag kaka-ututang labi ay iisa ang kaliskis at balagat
Sila na mag kaibigang dila at ngipin sa pilak din mag-papangagat

Habang ang mga dating sadyang tapat sa gampanin
Ay mistulang mga bayani na lang sa hangin
Ang pagka dalisay nila sa maka-kapwang  tungkulin
Parang sa tubig na isulat at hindi na basahin

Kawawang Sta. Teresita bayan kong dinusta
Ng mga ganid sa kapangyarihan at mapang-alipusta
Akong anak mo’y nasa daluyong ng kapanglawan
Kabiyak mo sa balsang itinali sa nagluluksang pampang

Kawawang Sta. Teresita ginahasa ng mga mapag-samantala
Hinubaran ng dangal at piniringan ng telang mapula pa sa pula
Binusalan ang bibig hanggang sigaw mo’y hindi na marinig
Mga araw mo ngayo’y mamumugto sa haharapin **** pag-liligalig

Tahan na Sta. Teresita,Tahan na,
Bayan kong sakdal iniibig
Matatapos din ang sigwa,
Tutulay muli ang lunday sa sapa.




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Mahal kong Bayan ng Sta. Teresita sa kasalukuyang panahon
7/31/2018
Ernie J Trillo Sep 2018
Ang higanteng tulyasi,
tila bulkan, humihilab sa init,
sumusuka ng kumukulong putik at singaw,
bumubuga ng bulang panis.
Subalit ang mga serbidor at weyter
ng panginoong naluklok
ay mabangis na nagbubunyi. Nagugulat ako
kung paanong ipinaparada
bilang obra-maestrang sopas na manok
ang gabundok na naiipong ipot
ng kanilang hinirang
at ng kanyang mga ministrong kampon.

Dusa nating pinagbabayaran
ang pagsulong ng bulag na katapatan
at laganap na kamangmangan
sumusuong sa martsang hindi nauunawaan
habang sanlaksa’y kay daling naniwala,
panloloko’t manloloko ay sagana
isang maluho’t makulay na palabas ng paputok at kwitis -
sinasakal ang mga kaluluwa, nilalason ang mga isip
isang malaking karnabal
ng mga manlilinlang na payasong ngising-aso
mga nakakatawang bistadong manggagantso
at mga saksing bulaan -
na ang mga utos ng banal na panahon ay kinakalimutan -
at mga binaluktot ng kwento’t kasaysayan -
patung-patong na kasinungalingan
kumpul-kumpol na tungayaw at murahan
mahihiya ang mga alamat ng bayan
at pabula ng nakaraan.

Ang namumunong bunganga’y kumukulong lagaan
ng mabahong tae,
mangmang na nag-iisip sa bibig,
tinimplahan ng santambak
ng mabantot na kawalan
ng konting katalinuhan
at pakundangan,
- isang lugaw ng bigas na plastik, panis
adobong sa mga pilyong uod, ay matamis.
isang hapunang ang pampagana ay mga bala at pulpol na iskrip
ang pangunahing ulam ay mga katauhang walang pantaong karapatan

At ako, isang napilitang anino,
binihag ng isang tampalasang multo
inilibing sa pambayaning nitso
at sanlibong mapangsanib na espiritu
sa Kaharian ng mga Pangako
pawang napako, at mga pag-asang naglaho,
ay hindi maibandila, bagkus, nanliliit ako
sa walang puknat na pagpururot ng nguso
na kapag ang mundo’y tinatanong ako,
- Siya ba ang hinirang ninyo?

Hiyang-hiya ako . . .
Levin Antukin Jun 2020
sumasampalataya ako
sa diyos sa aking kaibuturan.
walang langit sa makamundong isipan.

sumasampalataya ako
sa baong panandaliang hiram,
nabubulok, nalalanta.
hiwaga ang bunga ng pagmamahal.
hindi kailan man mamamatay ang kaluluwa
kahit sa ikatlong araw, ang laman ay abo na.
nanatili sa balat ng lupa.
naluklok sa kanan ng mira at ginto,
pati na rin ng insensong bumabalot sa espiritu.
tinago ang amoy ng isang alipin.
alipin ng sarili.
alipin ng iniwang mundo.

sumasampalataya ako sa isang dalaga,
sa leeg ng manok ng banal na tinola,
sa kapatawaran ng kasalanang sirang-plaka.
paulit-ulit gigibain at bubuuin
ang simbahang ako lamang ang sumasamba.
magpasawalang-hanggan.

— The End —