Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jose Remillan Jun 2015
Nasumpungan kitang nakabilad
Sa liwanag ng araw, isang imaheng
Nakalantad, huwad na anyo ng
Ritwal ng pagpupugay. Sa iyong

Anino'y nakasilong ang mga lantay
Na tayutay ng hungkag na lipunan.
Nariyan ang puta, pulubi, butas na lata,
Gago't ganid na pulitiko, librong limot,

Bendor ng droga, banal na aso...
Lahat sila ay mga ”sila" na minsan ****
Pinagtangkaang silaba't silain sa sulo ng
Mapagpalayang kamalayan.

Kamatayan.

Nasumpungan kitang nakabilad sa
Nakakabagabag na liwanag. Isang buhay
Na moog ng kalayaa't kasarinlan,
Kanlungan ng mga supremo ng rebolusyon

Ng paglikha't pagsilang sa kakanyahang
Iginapos sa lumang mundong lalang ng
Iyong panahon. Kami na mga gamo-gamo
Ng lumang simoy ay patuloy na isisiwalat

Yaong hindi masumpungan sa lambong
Ng liwanag na pinaningas ng iyong dugo.

Nawa'y matagpuan ka nila.
Ken Alorro Sep 2015
Sa labing-apat na araw na nakilala kita
Minahal ka ng buo
Puso'y napahinto, natulala
Dahan-dahang bumilis ang bawat pintig
At sa bawat pintig na ginagawa nito
Dala'y dugo na umaasang sana mahalin ako

Namumulang pisngi
Namumulang labi
At kagaya ng dugo sa katawan
Akoy pinaikot-ikot, ikot, ikot...
Hanggang sa maubos ang enerhiya
Na baon-baon mula ulo hanggang paa

At sa dahon ng saging ako ay ibinalot
Na parang betamax
Iniluwa ng hindi nasarapan
Ikinamuhi dahil sa lasa
'Di ko alam kung ako'y tanga o nagmamahal lamang
At kung alin man ako sa dalawa
Hindi na mahalaga dahil alam kong mahal kita

Sa labing-apat na araw na nakilala kita,
Pinaglaruan mo ako
At kagaya ng mga bata sa lansangan
Ako ay naging kalsada
At ikaw, ikaw ang trak
Na piniling di pansinin ang mga butas sa ibabaw ng dibdib
Dinaanan lang
Hinayaang bukas
Nakabilad sa araw
At sa pagbuhos ng ulan
Tinulungang lunurin ng tubig na may dalang putik

Sa labing-apat na araw na nakilala kita
Minahal ka ng buo
Nang walang halong pag-aalinlangan
Na di inisip kung mahal din ba ako o hindi
Pero sa ating munting panahon
Nalaman ko na ikaw ay isang relihiyon
Na piniling isantabi ang agham
At ako, kagaya ng lahat ng bagay sa mundo mo
Ay isang bersikulo lamang ng iyong bibliya
Na kung hindi maintindihan
Gagabayan ang sariling kamay
At ibubuklat ang mga kasunod na pahina

Mahal, sa labing-apat na araw na nakilala kita
Pagod na akong maging kalsada
Ayaw ko nang maging parte ng iyong bibliya
At higit sa lahat
Hindi ako ang iyong dugo
Na gagawing betamax at ibebenta
Kapalit sa kapirasong salapi
Mahal, hindi ako iyon

At ngayong tapos na ang labing apat na araw
Magiging mahalaga ako para sa akin
Nasaktan, nadurog
Pero noon 'yon!

Mula ngayon tatanggi na ako
Tatanggi akong masaktan
Tatanggi akong paglaruan
Tatanggi akong gamitin
At higit sa lahat tatanggihan na kita
Lilimutin ko ang iyong pagkatao gaya ng paglimot mo sa akin.


Masakit, pero kaya.
Matagal, pero kailangan.
kingjay Dec 2018
Puno ay tumatanda
Nalalagas ang dahon sa balingkinitang mga sanga
Minsan may lagutok na maririnig- biglang pagluksa

Itanong kung kailan ang mga lawa ay matutuyo
Tubig niyang malinaw, may lalim na hindi matanto
Ito'y pagtahak sa walang hangganang hiwaga

Espiritung gala, isipin ang kalagayan
ng katawang lupaypay
Turukan ng gamot o ng gunita ng kasiglahan
Halik ng kahapon ay alaala ng kahapisan

Hawakan ang kamay na nanginginig
Matamlay na  anak Niya'y sa aruga salat
Ang paglipas ng oras ay gayundin ang pasasalamat
Habaan ang sandali na may hininga't sarap

Pawis na  nakabilad sa hamon ng buhay
Mararanasan ang init at pait
Ang pagpapahalaga sa katapusang ninanais
kaakibat ay lumbay

Paruparong itim magkatambal sa paglipad
May babala man huwag isaisip
Pusang tumawid sa harapan
Ibaling ang paningin
Magrosaryo saglit, sino ang mawawalan
tarma-de Nov 2018
Impyerno.

Im.. im.. impyerno ang nadarama.
Nakabilad sa sikat ng araw. Taya
at buro pa yata.

Sabay na inaabangan:
ang pagkakamali,
at tawag ni inay —
mas importante ang nauna
ngunit parehas nakakatakot.

Sa isip-isip ko:

“Mahulog ka sana,
upang mataya na kita.”

Pero ang ninanais ba ay totoo
o para lamang masalo? Ang puso

at marahil
noon ko rin unang nalaman
ang agwat ng mga platapormang
inaapakan.

Malapit ngunit malayo.
Ako'y isa lamang kalaro.
Langit ka; lupa ako.
a tagalog piece written way, way back.

— The End —