Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Engineer Mikay Jan 2016
Higit isang taon na rin ang nakalipas
Nang lisanin ang bansang Pilipinas
Upang subukan ang buhay
Sa lugar na kung tawagin ay Dubai

Naalala ang galak ng pagpunta dito  
Nang sa kalaunay puro na reklamo
Paano naman kasi ang mga Arabo
Minsan lang maligo sa isang linggo

Dagdag pa ng klima na sobrang init
Pawis mo'y abot hanggang singit  
At kung taglamig naman ay pumasok
Gusto mo na lng mamaluktot sa isang sulok  

Pagkain na amoy pa lang aayaw ka na  
Kahit gutom mawawalan ka rin ng gana
Babae nila'y nakasuot ng itim na bestida
Pati lalake rin ay nagsusuot ng palda  

Pero kahit ganun ang katulad nila
Gusto ko ang kanilang pananampalataya
Sa diyos na tinatawag nilang Allah
May oras talaga pag nagdarasal sila  

Akala ng marami buhay dito ay maganda
Di lng nila alam kami'y nangungulila
Sa pagmamahal na ipinabaon  
Ng mahal na makikita lng pagkatapos ng ilang taon

Tila ang bilis ng mga pangyayari
May mabuting resulta kaya sa bandang huli
Lahat ng sakit, pagod at pighati  
Mapagsilbihan lang ang mga ibang lahi

Kung lahat ng ito'y isang panaginip
Ayoko na talagang maidlip
Hay... buhay Dubai nga naman
Sana nga may patutunguhan...
Benji Mar 2017
Sa sandaling iwan kita,
Ay doon ka naman lalabas
Habang tahimik na nanunulsol,
Upang hindi ako makatakas

Subalit ako'y bukod tanging nasasakal!
Ang hininga'y bumibilis sa iyong pagdating
Pakibit balikat akong nagdarasal,
"Huwag mo sanang tapatan ng iyong patalim."

At sa oras na matapos ang nginig,
titingin nalang sa oras habang nakapikit.
Ang aninong nagmumulto galing nakaraan
Ang nagdala sa aking kinahahantungan.
Ara Mae Apr 2020
Napakatamis ng mga umaga na ang bumubungad sayo ay ang kaniyang magagandang ginawa, at sa gabi baon-baon mo ito hanggang sa paghimbing.

Nang natutunan ko ang tunay na halaga ng pagsamba, natuto din ako puso na tumibok at magmahal ng totoo.

Nagmamahal ako kaya ako nakatayo ngayon sa inyong harapan, pero bago ang lahat ng ito, may nagmahal muna sakin kaya ko nakayanang tumayo rito.

Sa paglipas ng buhay, ng dahil sa pagmamahal na nag uumapaw at hindi mapantayan, lahat ng salita, kilos, gawa o akda hatid ko ito sakaniya bilang pagsamba.

Hindi lang sa pagkanta, hindi lang sa pagsayaw, hindi lang sa pag tayo rito sa kinatatayuan ko ang tunay na pagsamba, dahil ang tunay na pagsamba ay mula sa ating ginagawa na ating isinasapuso para sakaniya.

Maraming paraan para ang Diyos ay ating mapasaya, kaya huwag kang mag alala, malambot ang puso niya basta’t lumapit ka lang ng may pusong mapagkumbaba.

Magtiwala ka, dahil nakikita niya ang bawat galaw, naririnig niya at bawal salitang iyong sinasambit kapag ika’y nagdarasal o kahit umaawit.

Minsan tayo’y nahihirapan sumamba lalo na kung ang ating puso ay punong puno ng galit, sakit at mga tanong na bakit na dahilan ng ating paglayo sakaniyang piling pero mali, bakit tayo lalayo sakaniya kung alam nating siya lang ang makapag pa paalis ng galit, makapag pa pagaling sa sakit, at makaka sagot sa mga tanong na bakit, pero kung hindi mo alam to, sinasabi ko sayo, totoo, huwag kang mahiyang lumapit sakaniya dahil nakikita niya ang lahat ng ito.

Alam mo, tatanggapin ka parin niya kahit minsan inisip **** tumalikod sakaniya, kahit minsan, mas pinili mo pang makasama ang barkada, buhat buhat ang mabigat na problema diyan sa iyong puso, iniisip mo ito ang sagot sa problema mo pero hindi. Mas dapat piliing lumapit sa pinagmulan ng iyong liwanag sa buhay dahil siya lang ang makagbibigay ng ilaw kapag ang iyong buhay ay nagdidilim na.

Ang lahat ng ito’y nararapat lamang para sakaniya, dahil inalay niya ang kaniyang buhay, naglakad ng duguan, ipinako sa krus kahit walang kasalanan. Hindi siya sumuko, hindi siya huminto, ipinagpatuloy niya ang lahat ng ito para ilagtas ka, ako, tayo.

Ang pagsamba, hindi lang sa ginagawa ko sainyong harapan, ito rin ay ang pagtitiwala sa Panginoon na siya’y magbibigay ng kasagutan sa ating mga kahilingan.

Nasasabi ko lahat ng ito dahil binuksan ko ang aking puso’t isipan sa bagong kaalaman, hindi tungkol sa matematika, dahil pagbilang ko ng isa, dalawa, tatlo ...... namulat sa katotohanan at nagkaroon ng pagbabago sa buhay, ang Diyos ay nakilala, at binigyan ng kulay ang aking buhay.
Sho Victoria Apr 2018
Di ako umiiyak sa away o sigawan.
Umiiyak ako sa labis na katahimikan.
Sa mga panahong kailangan ko ng kasama
Sa mga panahong pati sarili'y ayaw ko na.

Mga kumukuliglig na huni at bulong.
Mga inipit na hikbi at paghingi ng tulong.
Lahat ‘yan ay naninirahan sa isipan.
Lahat ‘yan ay mahirap takbuhan, mahirap takasan.

Bumibilis na tibok ng puso,
Malalamig na pawis na sa leeg ay namumuo
Mga hiningang hinahabol ang takbo,
Magang mga matang nagmamakaawang ang luha'y huminto.

At unti-unti
Hihimasin ang isip
Mula labas palalim sa loob
Unti-unti
Pipigain ang puso
Makirot sa una ngunit nakakamanhid rin pala kapag nasanay na.

Hahalungkatin ang nakaraan,
Nang dumilim ang kasalukuyan.
Babasagin ang kasalukuyan,
Nang mabaling ang tingin sa iba maliban sa harapan.

"Huwag kang mag-isip."
Ang abiso nila.
Ngunit diba nila naisip
Na tila ka na ring sinabihan na:

"Huwag kang huminga kung ayaw mo na."

"Huwag kang tumingin kung nahihirapan ka."

"Huwag kang makaramdam kung nasasaktan ka."

Huwag ka nalang mabuhay kung di mo na kaya."

Oo, ayaw ko na.
Lahat kinatatamaran pati paghinga.
Bawat gabing inilaan sa iyak.
Tila ang isip, pinipilit na mabiyak.

Oo, nahihirapan na.
Di maiwasang tumingin sa mga mata
Ng iba't ibang taong may iba't ibang kwento.
Ng iba't ibang ngiti sa kabila ng malungkot na  mga anino.

Oo, nasasaktan na.
Mula sakit, gusto ko nang kumawala
Mula sa kadenang mas malambot pa sa bakal
Ngunit kung hawakan ka tila ka sinasakal.

Oo, di ko na kaya.
Sana nga tumigil na.
Na bawat umaga nagdarasal akong gabi na
At sa bawat gabi, nananalangin akong matapos na.

Ang sinimulang buhay na inilaan sa iyak.
Inilaan sa pag-iisip na sa bawat takbo tila ka winawasak.
Bukas sa lahat ng bagay mabuti man o masama.
Bukas rin sa posibilidad na ipagpatuloy pa o tapusin na.

Ito.

Ganito.

Ganito kahirap, ganito kasakit.

Ganito kasimple ang isang atake.
"Nandito ako"
"Hindi kita iiwan"
"Susuportahan kita"
"Nagtitiwala ako sayo"
"Kayang-kaya mo yan!"
"Laban lang!"

Paulit-ulit kong sinasambit sa'king sarili nang pabulong,
Tila nagdarasal ngunit ang totoo'y
Hindi ko na rin alam kung hanggang saan pa ba ang dulo.
-------------

Wala na naman akong laban sa ihip ng hangin,
Sa ihip ng panahon.
Wala na naman akong laban
At ang buo kong pagkatao'y
Kusang dudungaw sa aming bintana,
Hahagilapin ang araw,
Nasaan nga ba ang Silangan?

Gagayak ako nang walang patumpik-tumpik,
At sasabay ang agos ng tubig sa bawat butil ng aking luha,
Para bang humihinto na naman ang oras.
Walang kasiguraduhan na naman ang araw na ito.

Araw-araw ay nag-aayos ako ng uniporme ko,
At ayun, magbibilad sa initan gamit ang aking lumang motorsiklo.
Kukunin ang selpon sa aking bulsa, magpapa-load
At maghihintay ng sandamakmak na mga utos.

Minsan, napapagod ako
O sabihin na lamang nating madalas,
Na sa bawat pintuang kinakatok ko'y
Daig pa ako ng nangaroling
Sa bilang na mga baryang iaabot sa'kin ng tadhana.

Minsan iniisip kong
"Ganito na nga lang ba?
Paano ang bukas?
O may bukas pa nga ba?"

Minsan naman, nakaririnig ako ng masasakit na salita
Pero minsan parang mga bala na lamang itong
Hindi tumatagos sa aking ulirat,
"Manhid na nga ba ako?
Sabihin mo, Tadhana."

--------

Pinagmamasdan ko na naman ang mga kamay ng orasan
Kanina pa o hindi ko na malaman
Kung kelan yung huling "kanina,"
Naghihintay ako ng saklolo,
Kasabay ng huling kumpas ng mga kamay
Ng naiiwan kong kaibigang de-baterya..
"Dito na lang ba magtatapos ang lahat?"

Nagbibilang na lamang ako ng oras,
Ng hininga
At baka hindi na nila ako maabutan,
At doon ko huling nasilayan ang mga aninong iyon,
Wala na akong maintindihan..
Wala na akong marinig pa..
*Ito na marahil ang huli.
Hindi pa huli ang lahat,
Kaya mo pa --
Kaya pa natin.
Ituloy ang laban; ituloy mo lang.
Pangako, magtatagumpay tayo..
Kapit pa, kaibigan!
JOJO C PINCA Nov 2017
Ang nagdarasal ay parang nagsasalsal
Nasasarapan s’ya habang nag-iilusyon.
Na magkakaroon ng solusyon
Ang kanyang mga konsumisyon.
Labanan korapsyon
Bayan ay babangon
Pag-asang umahon
Pagbabago ngayon
-mga salita mula pa noon
tuwing sasapit panahong eleksiyon…

Kung KSP!

Labanan korapsyon
Kaya ba iyon?
Kung ang ngumangawa
Wala ring nagawa.

Kung KSP!

Bayan ay babangon
Sana pa’y noon
Kung ang nagdarasal
‘Di lang puro daldal.

Kung KSP!

Pag-asang umahon
Posible ba ‘yon?
Kung ang gumagawa
Mapanirang daga.

Kung KSP!

Pagbabago ngayon
Isang ilusyon
Kung ang binabanal
Mapanlokong hangal.

Kung KSP!

Kung Kaya, Sana Posible!

-04/14/2010
(Muntinlupa City)
*political mood this Campaign Period
My Poem No. 36
Kalawakan Sep 2020
Pumikit at humingang malalim,
Hindi alam kung ano ang iisipin.
Bigla tumulo ang mga luha,
Na hindi ko inakala.
Ang puso ko'y bumilis sa pagtibok,
Parang nakaramdam ng paglugmok.
Nagdarasal habang dahan-dahan sa pagpasok,
Sa isang madilim at may apat na sulok.
Ako'y napatigil ng ilang minuto,
At marahan na sinara ang pinto.
Ang mabilis na tibok ng puso parang ngayo'y hihinto,
Nadaramang sakit 'di maikubli sa loob nitong kuwarto.

— The End —