Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Dec 2018
Ngunit walang kaparis ang hinahanap na piyesa
Di mabibili gaya ng rubi't iba pang mamahaling bato
Tuluyan man pinabayaan ito'y di mapapalitan ng bago
Iisa lang ang puso ng saging sa mundo

Ang pagitan ay sinagtaon sa kinatatayuan at mithiin
Anggulo ng teleskopyo ay bahagya na pahilis
Lumihis ang tanaw sa Polaris
Paano matunton kung nalito sa direksyon
Maabot kaya ng radyasyon?

Guhitan nang matuwid ang Norte
Kumakapit pa sa pinaglalaban ang pobre
Sa dibinong galamay ng sansinukob
ang tumulong para hagilapin ang nawawalang bituin
at sulsihin tulad sa bahay-gagamba

Maitim na imahe ay nananakal
Tinangka na dakmain ito ngunit di masalat
Kumalma at hinay hinay gumulong,
inikot ang busol
Naalimpungatan nang lumabas datapwat panaginip ang lahat

Munting ninanais ay maisakatuparan kung ano ang nasa isip
Nang hindi na makagalaw, susunduin ng awa
At may aampon- habag ni Bathala
Mamamayan ng Kanyang paraiso'y manunumpa
LAtotheZ Aug 2017
Dilaw na sinag ang bumungad sa aking kamalayan
Habang sumasayaw ang ulap sa bintana
Umaawit ang electric fan kasabay ng mga mumunting ingay sa labas ng kwarto
Kailngan maghanda dahil ngayon ay mas espesyal pa sa nagbabagang balita sa radyo.
Almusal ligo toothbrush bihis na daig pa ang artista sa telebisyon
Beso beso, kamayan, tawanan, yakapan, galak, sa mga taong namiss mo noon
Preparado ang lahat, nakisama ang panahon
Kakausapin ko si Ama na may buong buong desisyon
Naguumapaw sa saya na may kasamang kaba
Asan na pala sila? Anong oras na ba?
Hanggang sa nagsimulang umawit ang mga anghel
Isa isang lumakad ang saksi na may kanya kanyang papel
Hakbang pakaliwa, hakbang pakanan, onti na lang malapit na
Hanggang sa matunton ko ang harapan, naku eto na, kumapit ka
Tila nanahimik ang paligid, nakatuon lahat sa nagiisang pintuan
Hanggang sa bumukas at lumantad ang nagiisang kasagutan

Liwanag. Oo sya ang aking liwanag.
Dahan dahan papalapit, upang akoy mapanatag
Kislap ang nangingibabaw sa buong kaharian
Untiunting pagpatak ng luha sa galak namasdan
Napakagandang nilalang, ang nagiisang dahilan
Kung may araw sa umaga, sa gabi sya ang buwan
Pagkahawak ko sa kamay sabay hinagkan
Ngayon naririto kana hindi kana papakawalan
Susumpa na animoy umaawit sa pinakamasayang pagkakataon
Pagkakataon na tila munting bata na naglalaro sa papalakas na ambon
Anong oras na? Alam kong alam mo na
Kung paglagay sa tahimik ang tawag dun, ang sagot isigaw mo na
Dahil bukas ay di na ko mangangarap pa
Bagkus ang bawat bukas ang hanganan para mahalin kita
Oras na ang nagbilang para mahanap natin ang isat-isa
At kung nagsimula man ang bilang sa isa, magtatapos ang lahat sa labi-ng-dalawa

Written: 08/01/2014
Eugene Aug 2017
Abalang-abala ka sa pagtitipa ng istoryang nais **** magawa. Hindi inalintana ang malamig na simoy ng hanging pumapasok mula sa bintana ng iyong silid.

Nasa kalagitnaan ka na ng iyong pagsusulat ng biglang namatay ang liwanag sa iyong silid. Napatigil ka at doon ay damang dama mo na ang lamig na nanunuot sa iyong balat.

Tinanggal mo ang iyong antipara at nagsimulang kumapa-kapa sa dingding upang matunton ang kinaroroonan iyong maliit na lampara.

Nagsimula ka nang magbilang mula sa sampu sa iyong isipan

Sampu.

Siyam.

Walo.

Pito.

Anim.

Lima.

Nasa panglima ka pa lamang nang may napansin kang liwanag na tumatagos sa iyong silid mula sa iyong bintana.

Apat.

Sinundan mo ang liwanag na iyon nang magbilang ka na ng...

Tatlo.

Dalawa.

Isa.

Sumigaw ka sa pagkagulat nang tumapat ka sa repleksiyon ng liwanag na iyon. Ang sigaw mo ay umabot sa buong silid mo hanggang sa inyong bahay. At doon ay narinig mo ang mga yabag na patakbo sa iyong silid.

Nang bumukas ang pintuan ng iyong kuwarto ay tumambad sa iyo ang liwanag. Tinanong ka ng iyong ina at kapatid.

"Akala naming kung ano na ang nangyari sa iyo e,"

"Repleksiyon mo lang pala ang nakita mo,"

"Natakot ka sa mukha mo?"

Pinigilan **** huwag tumawa nang mapalingon ka sa isang salaming kasing tangkad mo lamang at doon ay nakita mo ang iyong... Kawangis.
Pluma Feb 2018
Pumarito sa aking tabi kung saan ang mga salita ay hindi laging kakailanganin,
Batid ang 'yong mga hinaing at hinagpis ngunit hindi na kailangang sabihin.

Dito na lang kung saan sasapat ang pagdausdos ng ating mga palad, higit na ang pagsulyap sa mga mata **** iba ang tinatangan,
Dito kung saan hindi kailangang magpaliwanag -- kahit hindi naiintindihan ay mamahalin ka sa paraang nararapat bagama't lingid sa'yo.

Pumarito na lamang kung saan ang bawat paghinga'y tulang ikinukubli ang hapdi, kirot, at sakit,
Mga agam-agam at handusay ng lumbay.

Sino nagsabing hindi ka maaaring ibigin mula sa kalayuan? Kalokohan.

At kung sa wakas ay matunton mo ang daan patungo rito,
Sana'y manatili ka.

Manatili tulad ng pananatili ko sa walang kasiguraduhan,
Manatili na parang aking mga mata sa tuwing nakatitig sa'yo na tulala sa kawalan, sa kanya,
Manatili ka sana,
Manatili kahit panandalian.

Kung sasapit ang unos at nanaisin **** lumisan, ang dagliang pagbitiw ay hindi maipapangako ngunit hindi kita pipigilan,
Sapat sa akin ang pinagtagpi-tagping kapos at maikling panahon, ang mga nakaw na sandali ng kahapon, ang pakikipaglaro sa tadhana na kunwari, ikaw na talaga.

Sapat sa akin ang pumarito,
Sa pagdausdos ng mga palad mo sa mga palad ko,
Kung saan ang mga salita ay hindi na kakailanganin,
Dito sa walang akin.

— The End —