Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
AgerMCab Dec 2018
Nuon, di ko pansin liwanag ng buwan
Dulot na payapa sa kalawakan
Wala ngang dahilan upang mabatid
Kung bakit s'akin tila nakamasid

Hangang isang araw may isang ginoo
Pilit sumasagi sa aking puso
Liwanag nya'y yakap sa aking diwa
Payapa nyang hatid, halik na may tuwa

Ohh Ginoo...

Wangis mo'y buwan, nagiisa sa langit
Tanglaw sa mundong may dilim at pasakit
Wangis mo ang buwan sa payapang dinudulot
Ako'y napaibig ng walang pahintulot

Dasal ng puso sa kabilang panig
Sa iisang buwan tayo ay tumitig
Kung tunay nga ang pag ibig, saksi sya sa atin
Buwan ang sasagot kung ikaw ay para sa akin

Ngayo'y alam ko na bakit buwa'y nakamasid
Upang pag ibig mo sa aki'y maihatid
Sabay nating tanawin buwang magiting
Upang ating pag ibig ay umigting
Jeremiah Ramos Apr 2016
Sabayan mo ako sa pagbigkas nito,
Nakakapagpabagabag,
Pitumput-pitong puting pating,
Minikaniko ni Monico ang makina ni Monica,
Ang relo ni Leroy ay Rolex
Bumili ako ng bituka ng butiki sa butika.

Eto ang mga pampilipit dila na naalala at kinalakihan ko
Ang saya bigkasin,
Kasi alam ko na ang bawat pantig, ang tamang pagsambit
At tuwang-tuwa ako bigkasin sa harap ng mga kaibigan ko
Ipinagmamalaki kasi kaya kong sabihin ng diretso, at hindi nauutal
Siyempre, noong una, pumilipit ang aking dila
Ilang beses pinaulit-ulit, hanggang sa masabi nang tama
At ayun, kinaya kong sabihin

Pero sa lahat ng narinig at nabasa kong pampilipit dila
Tila bang 'di ko pa rin kayang sabihin sa sa'yo ang mga salitang
Mahal, kita. Gusto, kita.
Na para bang sila ang mga salitang pinakamahirap bigkasin,
Kahit siguro ilang beses ko ulit-ulitin hanggang sa masabi ko nang tama
Parang hindi ko pa din kakayanin.

Siguro mas kaya ko pang sabihin sa sa'yo ang mga pampilipit dila na naaalala ko,

Nakakapagpabagabag
Nakakapagpabagabag ka sa pagtulog ko
Kakaisip kung anong mangyayari kung sinabi ko sa'yong gusto kita.
Kung anong mangyayari, pag nanligaw ako o pag naging tayo na.
Handa akong protektahan ka sa pitumput-pitong puting pating.
Alam mo ba ang relo ni Leroy ay Rolex?
Sana alam din niya ang oras ng uwi mo, para maihatid kita,
Sana alam din niya na tumitigil ang oras tuwing nagkakasalubong ang ating mga mata
Sana alam niya ang tamang oras kung kailan ko ba dapat sabihin sa'yo na mahal kita

Nauutal sa apat na pantig,
Na hindi ko naman alam kung gusto mo bang marinig

Mahal kita, mahal kita, mahal kita.
Ilang beses inulit-ulit bigkasin habang papunta sa'yo
Baka sakaling masabi ko pagdating ko sa harap mo
Pero nang nakita ka na,
Para bang nabura mo ang lahat ng bokabularyo na alam ko,
Nakalimutan ang tamang balarila,
Nakalimutan kung paano mag-salita
At nang lumampas ka,
Nanghinayang. Sayang.

Tatanggapin ko na lang na
Siguro hindi lahat ng pampilipit dila ay kaya kong bigkasin
Mas-mabuti na lang siguro na,
Hindi sumubok, hanggang sa makalimutan ko nang sabihin sa'yo
At mag-aantay na lang muli
ng isang taong
hindi pipilipit ang aking dila
Kapag sinabi kong,
Mahal na mahal kita.
Tumambad sa akin ang rehas
Na may tuklap-tuklap na nakaraan,
Minsa’y puti, ngayo’y sinag na ng araw.
May mga banderitas ding panlayag
Siyang simbolo ng mainit na pagbati.

Nakaririnig din ako ng padyak ng mga paa
Sabik sa halik ng lupaing hindi naman pag-aari.
Ang pagtatampisaw sa putikang
May sirit ng pagmamadali.
Ang pagkalampag ng pintuang walang tirahan
At ako’y maiiwan, nakatali sa silyang lupain.

Sampung minuto raw
Sampung minuto ring tumatagas ang mga alaala
Sampung minutong pagiging saksi ng ebolusyon
Ng waring walang himpil na pagtatantya ng pagkakataon.

Nilalatag ko nang paulit-ulit
Ang mga kwento ng bawat katauhang kasapi sa kwento
Sa kwento nilang paulit-ulit na binabasa
Buhat sa matatapang na mga matang
Hindi ko man lamang masuyo.

Nililingon ko sila sa aking paghihintay
Ako’y hindi kilala, bagkus binabalikan.
Malaya ko silang pagbubuksan,
Yayapusin ng buo kong pagkatao.

Hindi ako mapapagod sa pagkukutya sakin ng kalsada
Sa’king mga pagal na mga paang rumorolyo.
Patuloy kong iindahin ang bawat misteryo ng lubak at patag,
Maihatid lamang sila, sa panibagong kwento ng paglisan.
winnerrdrop Jun 2015
Naisip ko na parang buhay pasada ang ating istorya.

Ikaw ang pasahero, ako ang tsuper.

Ganito ang senaryo; nakita kita sa kalsada di alam san pupunta.

Ako naman si tanga hinintuan ka kahit dika naman pumara.


Sumakay ka; gaya ng iba.nasa mukha mo yung salitang "Bahala na".

Diretso lang ako sa pag maneho. di mo parin sinabi kung san ka pupunta.

Kita naman sa karatula kung san ang aking ruta, inisip ko baka alam mo na.

Sa gitna ng byahe, mukhang nalibang ka na, kaya pasikat ako sa arangkada.


Halatang bago lang sayo yung dinadaanan, may tingin at may pangangapa.

Ayos lang yan sabi ko. Kabisado ko to. ako'ng bahala.

May mga sandaling napapakwento ka, Siguro dahil na rin sa palagay ka na.

Mukhang nakalimutan ko na yung ibang pasahero. Pakiramdam ko tayo lang dalawa.


Sa wakas, naitanong ko kung san ka ba talaga pupunta?

Kasi, 'haba na ng byahe mahirap na baka maiuwi kita.

Biglang Nawala yung ngiti mo sa mata. Para kang may naalala.

Dimo ako sinagot. Bigla kang pumara.


Di ko alam kung natakot ka ba? o ang pamasahe mo e kulang pa?

Ayos lang naman akong ilibre ka. Basta maihatid kita.

Aaminin ko, nung tinanong ko kung san ka pupunta,

Napadasal ako ng konti na sana sabihin mo, "Ikaw, saan ka ba?"


Naiwan ako nakahinto sa kalsada. kasi nagulat ako nung tumakbo ka,

Tinawag kita pero lumiko ka na sa madilim na eskinita.

Napakamot ako sa ulo at napailing. Ako ba ang may problema?

Di ko tuloy alam kung babalik ka. kasi kaya kong mag intay pa.


Pinaandar ko ulit yung jeep. nagmaneho, nag maniobra.

umikot, luminga linga. wala ka na.

Hahanapin kita. madilim na.. bukas baka bukas.

Kung san kita nakita nung una, baka doon ka pumara.
Written in Filipino
Jean Sharlot Nov 2017
Nais kong ipatid
Ngunit hindi maihatid
Dahil ika’y manhid
Sa tuwing tumatagilid.

Tinatanong sa isipan
Ngunit ako’y nag-aalinlangan
Dapat bang hawakan
O ito’y pakawalan.

Sinasambit ng labi
Bawat salitang itinabi
Sa paraang pasintabi
Upang hindi madali.

Sumusulyap lang sa’yo
Tuwing ika'y nanunuyo
Upang hindi lumayo
Ang pagmamahalan niyo.

Nandito upang alalayan
Puso’t isipang naguguluhan
Tumabi’t ako’y sandalan
Dapatwat hindi pangmatagalan.

Nais kong malaman
Ano ang nilalaman
Ng pusong nakikipaglaban
Na walang kahahantungan.

— The End —