Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nilawis ng dilim ang mayorya ng mga ilaw sa kalangitan
Ang kapanglawan ng mga ulap na nagdaan ay nakakapangilabot
Kumikinang ang maliliit na butas sa telang itim na tumatalukbong sa himpapawid
At sa bawat minutong nagdadaan may tila bang may naglalaro sa balabal ng karimlan
Tila may kutsilyong pumupunit sa alapaap para makasilip ang liwanag
Ngunit muling isasara ang tastas na nagawa sa segundong ito'y nagsimulang bumuka

May mga bulalakaw na nagpakita.

Tayong limang nakahilata sa kamang kayumanggi na sinapinan ng damo
Agad-agad tumingala sa pag-asang tayo'y makakahiling sa mga nauupos na bato
Ang saglit na gumuhit ang bulalakaw ay nag-umapaw tayo sa tuwa
Halata ang paniniwala sa pamahiing matutupad ang pangarap kapag humiling ka
Sa isa't kalahating segundo na iyon na nagising ang ating mga diwa
Ang mga daliri ay nakaturo sa nagdaang hulagway na hindi na maibabalik

Sabay-sabay tayong pumikit.

At sa pagbukas ng mga bintana patungo sa ating mga kaluluwa
Ang isa sa atin ay nagreklamo; "Hindi ko nakita!"
At sa kanyang pagsamo sa uniberso na magbigay pa ng pagkakataong humiling
Paghalakhak at malarong panunukso ang nakuha niya mula sa atin
Habang ang mapangilabot na simoy ng hangin ay humaplos sa ating mga katawan
At ang katatawanan ay napalitan ng isang tanong walang kasiguraduhan:

"Kailan kaya ulit mangyayari 'to?"

Na tayo ay magkakasama sa isang pagkakataong
Walang inaalalang pagsalansang ng mundong hindi tayo
Na ang tanging balabal na bumabalot sa ating mga puso ay ang yakap natin sa isa't-isa
Na ang kalinawan ng ating mga isip ay nagiging malaya
Magpakita lagpas pa sa pagkislap sa gilid ng balintataw ng mata
Na kung saan, tayong matatalik na magkaibigan,

Tayo ay masaya.

Sa bawat pilit na pag-alpas natin mula sa bisig ng nakaambang
Mapanglaw na kinabukasan, tayo'y palaging magtatagpo dito
—Hindi ko sinasabing sa plazang ito kung saan ang usok ng sigarilyo ay lumulunod sa baga,
Kung saan ang mga punong nakahilera ay nakahubad at dayupay,
Kung saan lingid ang ating kagustuhan gawing tirahan ang tinalikdang plaza na ito—
Kung hindi, dito! Sa pagkakataong busilak ang tawanan at totoo ang ating pagkakaibigan

Sa huling pagkakataon tumingala tayo.

Lubusin natin ang pagkakataong kinakalmot ng mga anghel ang kalangitan
Magpakasasa tayo sa saglit na pinatotohanan natin ang pamahiin
Na kapag humiling ka sa bumabagsak na bituin ito'y magkakatotoo
Na inuulok natin ang isa't-isa ipikit ang mga mata sa bawat ilaw na gumuguhit
Sa himpapawid na madilim na mamaya ay babalik sa maulap na umaga
At sa nagbabadyang pagtatapos ng pag-ulan ng ilaw at muling pagbukas ng ating mga mata

Hanggang sa huling bulalakaw,

Kaibigan,

**humiling ka.
Read more of my works on: brixartanart.tumblr.com
050116

Nasisilaw ang puso
Sa tangan **** Liwanag
Nayayanig ang diwa't damdamin
Lagpas-Langit ang pasasalamat.

Puno ng hiwaga
Ang pag-ibig **** alay
Hindi matutumbasan
Ang kalinga **** grasya.

Buhay Mo'y isinuko sa Krus
Salita Mo'y bukam-bibig ng kaluluwa.

Ako'y sakupin Mo, ang buong pagkatao
Ako'y kalingain Mo ng kadakilaan Mo
Ako'y alalayan Mo, Yakap Mo ang sasalo
Ako'y baguhin Mo, palitan Mo ng bago.

Sa kahit anong pagkakamali,
Sa kahit anong pintig ng sandali
Ikaw ang Gabay na Siyang magwawagi!

Daplis ng ulan o bagyong nagkukunwari
Hahawiin **** lahat, buhos ang Sarili
Sabi Mo'y talikuran ko na ang dati.

Madilim ang landas, siyang hindi patas
Mantsyang nagdaan, sa bago'y kaltas
Walang tugon, mundong nagmamataas
Tanging Ikaw, daang Mataas.

Hindi madali ang pagbabago
Puso ba'y sa Kanya'y sambit ay "oo"
Si Hesus lamang, sagot sa delubyo
Kalma lang kaibigam wag paaapekto!
112615 #4:16PM

Minsan, pipila ako sa Fast Food
Pero yun bang pagkatagal-tagal,
Oorder ka't papaasahin ka lang din.

Minsan, magsusukat ako ng damit o sapatos,
Yung tipo mo na, pero hindi naman kasya,
"Okay, hindi yan para sakin."

Minsan, magkakape ako
Alam kong mapait pero sinubukan ko pa rin.
Akala ko kasi sapat na ang matapang lang,
Pero hindi pala ako kayang ipaglaban.

Minsan, magbabayad ako ng bill sa Globe,
Yung nagsabing 'Abot Mo ang Mundo,'
Siya rin palang guguho ng mundo ko.

Minsan, magtetext ako
At lagpas 3sms na't 1KB na,
Tapos wala palang load,
Pati responsibilidad, di kayang pasanin.

At minsan mahihiga na lang ako,
Mahihimlay nang panandalian,
Oo nga pala, 'Walang babaeng nanliligaw,'
**Hindi pa ako basted, Owrayt!
(Waiting sa rendering ng 3D, paasa eh.)
Zen billena Aug 2020
Maligayang kaarawan
sa prinsesang di malapitan
Sa dami ba naman ng hadlang
Mas mainam bang sumuko nalang?

Sa layo ng iyong tingin
Akoy humihiling sa hangin
Na kahit sulyap lang makatikim.
Ilang beses ako nag paramdam,
Medyo masakit lang kasi di mo ramdam.

Di ko alam kung kulang o sobra,
isa lang ang sigurado mahal kita
lagpas langit pa.
Oras oras minuminuto
segusegundo..
oo ikaw ang nasa isip ko

Lagi hinihiling na sana nasa isip mo din
Kung sa iba'y di ka mahalaga
saakin ikay prinsesa.
Sa lihim kung nakasulat sa baybaying letra
ang ibig sabihin nun ay mahal kita.

Sa huling linya ng tula na to
gusto ko lang sambitin sayo .
Maligayang kaarawan prinsesa ko.
Bente kwatro ng pebrero.
Para kay alexis
Isang lukot na papel ang natutulog sa harap ng lampara
Nagparamdam at hinila ako patayo sa aking kama
Sa aking pagbuklat, nakita ko kung gaano nagkalasug-lasog ang mga letra
Kung gaano nasaktan ang bawat linya
Sa pagaakalang dito matatapos ang buong kabanata
Sa pagaakalang naghihikahos na ang mga salita
Kaya akin ng sisimulan ang huling talata

Mahal nandito na ko sa likuran ng pahina
Kung saan iginuguhit ko ang maganda **** pigura
Kung saan hindi na kailangan ng matinding pagbubura
Sa mga linyang lagpas-lagpas na
Sa mga kurbang di perpekto ang pagkakagawa
Ngunit pasensya na

Pasensya na dahil gumagabi na
At wala ng espasyo ang boses ko sa loob ng kartera
Pasensya na dahil tuluyan ng napaos ang mga pantig sa huling kabanata
Nagsawa na sa bawat pigurang ginuguhit
Sa bawat salitang inuukit
Kaya mahal patawad
Hindi ko sinasadiyang mahalin ka gamit ang itim na tinta
K
K

Nagising sa ingay ng puso ko
Sinisigaw pangalan mo
Bakit bigla lang nagbago?
Ayaw na ba sa tulad ko?

Nakakulong sa kwartong to
Katahimikang lagpas mundo
Bakit nga ba lumabo?
Ano ang sa isip mo'y tumakbo?

Pasensya na, sa kabilisan ko
Pasensya na, pero ito'y totoo

Bigla ka na lang hindi nagparamdam
Kaluluwa ko ay nagdaramdam
Sabik sa mata **** walang hanggan
Dinadala mo ko sa kung saan

Andyan ka pa ba???
Andyan ka pa ba???
Andyan ka pa ba???

Andyan ka pa ba?

K
Prince Allival Mar 2021
Sana buhay pa rin ‘yung konsepto ng pagiging superhero nu’ng mga bata pa tayo.

‘Yung mga panahong masaya nating ginagaya si Superman o si Wonder Woman. Kunwari may kapangyarihan tayo at hangad nating makapagligtas ng mga tao. ‘Yung kaya nating buhatin ang mabibigat na bagay o ‘di kaya’y lumipad lagpas sa mga ulap.

Sana hindi ‘yun nawala.

Sana naniniwala pa rin tayo sa mahika, o sa himala, o sa mga pantasya na bumuo sa’ting pagkabata. Na kahit nadaragdagan ang mga taon sa buhay natin, hindi natin malimutan na tayo’y mga bayani sa’ting mga sarili —

Na nakakapagligtas pa rin tayo ng ibang tao sa pagiging mabuti, na kinakaya nating buhatin ang mabibigat na pagsubok at pighati, na kaya nating liparin ang mga pangarap nating mas mataas pa sa mga ulap.

Sana kahit kabisado na natin ang totoong mukha ng mundo, may bahagi pa rin ng pagiging bata sa’ting puso — mamangha pa rin tayo sa mga bagay, at kasabikan pa rin natin itong buhay.

— The End —