Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
“Set wide the window. Let me drink the day.”
― Edith Wharton, Artemis to Actaeon and Other Verses

Matapang, sino ang tunay na matapang?
Yung siga ba sa kanto?
O yung pulis na marami nang na-tokhang?
Hindi kaya ang senador ng oposisyon
Na laging bumabanat sa administrasyon?
O baka naman yung mamang komentarista
Sa radyo at telebisyon?

Saludo ako sa mga sundalo’t pulis na
Nakipaglaban doon sa Marawi. Walang
Sindak ang mga bombero na sumusugod
Sa nagngangalit na dila ng apoy.
Hindi matatawaran ang kagitingin ng
Mga nagpapakasakit para sa kalayaan
At kapakanan ng inang bansa.

Pero may ibang anyo ang katapangan
Na mas malalim at kahanga-hanga.
Ang katatagan ng puso at isipan sa gitna
Ng dusa at malagim na paghihirap.
Ang hindi pagsuko ng kaluluwang hindi
Kayang ibilanggo ng takot at banta ng paghihirap.

Si William Ernest Henley ang bayani ng
Katapangan na tinutukoy ko s’ya ay di nalupig
Kailanman. Hindi s’ya sumuko sa siphayo ng kapalaran
Hanggang sa huling sandali.

Pagnilayan natin ang kanyang Invictus:

“Mula sa gabing bumabalot sa akin,”

May mga kawawang nilalang na walang umaga
Ang kanilang buhay puro gabing madilim
ang laging umiiral. Walang liwanag, walang bukang-liwayway.
Mula pagkabata hanggang pagtanda puro hinagpis at pait
Ang kanilang laging sinasapit.

“Kasingdilim ng hukay na malalim,”

Maraming bangin sa buhay ng mga kapos palad
Na nakabaon sa dusa at hilahil. Hindi nila ito ginusto
Hindi kailanman pinangarap kaya’t hindi nila ito
Kailanman matatanggap.

“Sa mga diyos, ako’y nagpapasalamat”

Ang mga kawawang mahihirap at mga mangmang
Sa kaalaman na laging salat sa mabuting paliwanag
Ay laging nagpapasalamat sa diyos. Salamat sa diyos……
Hahaha….. walang diyos mga hangal. Kung may diyos
Wala sanang kahirapan at kaapihan na umiiral.

“Sa kaluluwa kong hindi natitinag.”

Katawang lupa lang ang sumusuko
Ang kaluluwa at pusong matatag
Kailanman ay hindi ito magagapi.

“Nahuli man ng pangil ng kapalaran,”

Ang pangil ng malupit na kapalaran
Ay laging nakabaon sa leeg ng mga hampas-lupa
At mga walang makain sa araw-araw.
Pero hindi nito kayang sakmalin ang mayayaman at
Ang mga burgis. Bahag ang kanyang buntot
Sa harap ng mga panginoon.

“Kailanma’y di nangiwi o sumigaw.”

Kahit sumigaw ka at ngumawa nang husto
Walang tutulong sa’yo, walang makikinig
Dahil bingi ang mundo at bulag ang mata
Ng panginoong mapagpala.

“Sa mga pagkakataong ako’y binugbog,”

Paos ang tinig ng mga inang mapapait kung humikbi
Mga pinanawan ng pag-asa at ulirat dahil sa pag-iyak
Walang saysay ang sumigaw – nakaka-uhaw ang
Pag-iyak magmumukha ka lang uwak.

“Ulo ko’y duguan, ngunit ‘di yumukod.”

Bakit ka naman yuyukod sa putang-inang kapalaran
Na walang alam gawin kundi ang mang-dusta at mang-api.
‘Wag mo’ng sambahin ang isang bathalang walang-silbi,
Lumaban ka at ‘hwag magpadaig.

“Sa gitna ng poot at hinagpis”

Galit at lungkot ito ang kapiling lagi
Ng mga sawimpalad. Malayo sa masarap
Na kalagayan ng mga pinagpalang sagana
Sa karangyaan at kapangyarihan.

“At sa nangingilabot na lagim,”

Nagmistulang horror house ang buhay ng marami
Walang araw na hindi sakbibi ng lagim, walang oras
Na hindi gumagapang ang takot. Takot sa gutom, sakit,
At pagdarahop.

“Mga banta ng panahong darating,”

Bakit ang mga walang pera ang paboritong
Dalawin ng katakot-takot na kamalasan sa buhay?
Ganyan ba ang itinadhana ng diyos na mapagmahal
At maunawain? Nakakatawa diba?
Pero ito ang katotohanan ng buhay.

“Walang takot ang makikita sa ‘kin.”

Tama si Henley bakit mo kakatakutan ang lagim
Na hindi mo naman matatakasan? Mas mabuti
Kung harapin mo ito ng buong tapang at kalma.

“Kipot ng buhay, hindi na mahalaga,”

Para sa isang lugmok sa pagdurusa wala nang halaga
Ang anomang pag-uusig at kahatulan na nag-aantay.
Impeyerno? Putang ina sino’ng tinakot n’yo mga ulol.

“O ang dami ng naitalang parusa.”

Parusa, ang buong buhay ko ay isang parusa.
Ano pa ang aking kakatakutan na parusa?
Hindi naging maligaya ang buhay ko ano pa
Ang mas malalang parusa na gusto mo’ng ibigay?

“Panginoon ako ng aking tadhana,”

Oo ako lang ang diyos na gaganap sa aking
Malungkot na buhay. Walang bathala akong
Tatawagin at kikilalanin ‘pagkat wala silang pakialam sa’kin.

“Ang kapitan ng aking kaluluwa.”

Walang iba na magpapasya sa aking tadhana
Ako lang hanggang sa wakas ng aking hininga
Ang dapat na umiral.

Si Henley ang tunay na matapang dahil kahit
Pinutol na ang kanyang mga paa, sa gitna ng sakit
At matinding dusa hindi s’ya sumuko. Ang kanyang
Kaluluwa ay nanatiling nakatayo.
Louise Jul 2016
(A tagalog poem)



Tyaka na lang kita papansinin,
kapag kaya na kitang bigyan ng isang
matamis na ngiti gamit ang bibig na hindi
nangangamoy usok ng sigarilyo.
Tyaka na lang kita kikilalanin,
kapag kaya ko na ring kilalanin ang sariling tinig at hindi ang sigaw ng mga demonyong nangungupahan sa aking isip.
Tyaka na lang kita tatawagan,
kapag kaya ko nang alagaan ang aking katawan at muli na akong natutulog
bago pa magpalitan ang araw at buwan.
Tyaka na lang kita iisipin,
kapag ang tanging kinakatakutan ko na lamang ay ang pagkakawalay sayo
at hindi ang maaari kong gawin sa sarili
oras na maiwan nang mag-isa sa kwarto.
Tyaka na lang kita papakatitigan,
kapag ang aking mga mata'y hindi na pagod, namumugto, namumula.
Tyaka na lang kita kakausapin,
sa araw na pag-ibig na ang aking bukambibig,
sa oras na kasiyahan na ang nasa isip
at hindi kung paanong tali ba ang gagawin sa gagamiting "lubid".
Tyaka ko na lang hahawakan ang iyong kamay,
kapag naghilom na ang mga hiwa at sugat na ginuhit, inukit sa pulso,
kapag ang isip at kalooban ko'y
muli nang nagkasundo.
Tyaka na lang kita hahalikan,
kapag kaya ko nang talikuran ang mga bote ng alak kapalit ng dampi ng iyong labi.
Tyaka na lang kita yayakapin,
tyaka ko na lang hahayaan ang sariling
maranasan na iyong mahagkan,
kapag muli na akong nakakakain ng tama, sa tamang oras.
Kakayanin mo kaya ang maghintay kahit magpa-hanggang kailan?

At patawarin mo ako. Patawarin mo kung ano ako. Patawarin **** ito ako.
Patawarin mo ang kototohanan na
binubuo ako
ng kalungkutan at kaguluhan.
Patawarin **** kung minsan
kapag bumuhos ang luha
ko'y mas malakas pa sa ulan.
Isang araw, aawit ako
ng awit ng pananalig at katiyakan.
Susulat ng tula na naglalaman ng kasiyahan.
Ngunit sa ngayon,
dasal ko'y patawarin mo muna ako.

Giliw, tyaka na lang kita iibigin...
kapag kaya ko na ring ibigin ang aking sarili.
inggo Sep 2015
Ilang bundok pa ba ang aakyatin
Ilang tuhod pa ba ang dudurugin
Ilang guide pa ba ang kikilalanin
Ilang litro ng tubig pa ba ang iinumin

Ilang hugot lines pa ba ang sasambitin
Ilang magandang panahon pa ba ang hihilingin
Ilang packed lunch pa ba ang lulutuin
Ilang tao pa ba ang sasabihan ng "Good Mornin"

Gusto ko lang naman limutin
Na sa puso ko ikaw pa rin
Hirap na kasi itong damdamin
Hanggang kelan pa ba titiisin
Christien Ramos Jul 2020
Sinabi ko noon sa sarili ko na
kapag dumating ang gabing itutulak táyo ng hangin upang pagtagpuin --
kapag dumating ang araw na pagbanggaing muli ang ating mga damdamin,
silàng may kanya-kanyang hinanaing,

Huwag mo akong yayakapin.

Huwag mo akong hahalikan.
Huwag **** hahaplusin ang mga nanlalamig kong braso.
Huwag mo akong iiyakan.

Ayokong maalala ang kinabisa kong init mo.

Naniniwala ako na sapat na ang mga titig,
ang mga nangungusap na mata.
sapat na ang distansya,
ang espasyo sa pagitan nating dalawa.
sapat na ang iniyak natin noon.
sapat nang hindi táyo katukin ng mga ala-ala búkas.
sapat nang natuto táyo sa kahapon.
sapat nang kilala na natin ang lunas.
sapat nang napatawad kita't napatawad mo ako
at kung paanong napatawad natin ang ating mga sarili.
sapat nang káya mo nang matulog sa gabi
dahil sapat na ring káya ko nang gumising sa umaga.
sapat na ang mga naisulat na liham,
ang mga talatang humihingi ng kapatawaran.
sapat na ang mga musikang sabay nating inawit,
ang mga tonong hindi nagkakapanagpo.
sapat nang mga panyo na lámang ang nakasaksi ng mga hikbi ko sa gabi,
ng mga luhang nahihirapang matuyo,
ng mga pusong magkahiwalay na nagdurugo.
sapat na ang mga alak na nagmistulang kaibigan,
ang mga unan na yumuyupyop sa aking balat.
sapat na ang aking silid na itinuring kong simbahan
dahil sapat na ring paulit-ulit kong ipinagdarasal na maghilom na ang mga sugat.
sapat na ang magagandang gunita,
mga ala-alang ating ginawa.
sapat nang nagagawa mo na muling ngumiti
dahil sapat na ring nagagawa ko nang tumawa.
sapat nang naiintindihan ko na
at sapat nang hindi ka na magmakaawa.
sapat na ang mga regalong aking nagustuhan
dahil sapat na rin ang pagbitiw na hindi ko inayawan.
sapat na ang lakas ng loob na inipon ko dati
dahil sapat na rin ang tákot na naramdaman ko noong iyong sinabing,

"Hindi ka pa pala sapat."
Salamat.

Hindi mo ako masisisi kung minsan na akong naniwalang hindi ako ang nagkulang.

Pero ngayon.
Kapag dumating ang pagkakataon
na muling mag-krus ang ating mga nangungulilang landas,

Hahayaan kitang yakapin ako;
halikan ako;
Hahayaan kong haplusin mo ang nanlalamig kong mga braso at kahit sa huling pagkakataon,
Hahayaan din kitang umiyak

dahil ito na rin ang huling beses na kikilalanin ko ang init mo; at pagkatapos

kalilimutan ko na.

---
Ara Mae May 2020
Noong unang beses na tumibok ang puso mo, kilala ka na niya.  Hindi pa man nakikita ng mga magulang mo ang mukha mo, alam niya na. Hindi pa nila alam ang ipapangalan sayo, kung babae ka o lalaki, pero siya, kabisado na niya. Kabisado niya, ang hulma sa mga mukha mo lalo na kapag tumatawa ka. Ngunit ang pinaka ayaw niya, ay ang hulma sa iyong mukha kapag umiiyak ka.

Noong unang beses na tumibok ang puso mo, kilala ka na niya. Napagtagpi-tagpi na niya ang storya mo. Alam niya, kung ilang beses kang maliligaw sa landas mo. Pero babalik ka, babalik ka sa kung kanino ka talaga nakalaan at yun ay sakanya.

Hindi man magiging madali ang lahat ng ito para saiyo, pero nandiyan lamang siya, sasamahan ka. Hinding hindi ka niya iiwan, kahit minsang inisip **** tumalikod sakanya. Nandiyan lang siya.

Noong unang beses na tumibok ang puso mo, kilala ka na niya. Alam niya kung kailan bibilis ang tibok ng puso mo. Pag kinakabahan ka, pag sobrang saya mo, o kaya pag nagagalit kana. Alam niya kung kailan parang hihina ang tibok nito. Dahil sa mensaheng natanggap mo na nagdulot ng lungkot at takot para sayo. Alam niya ang lahat ng ito. Alam niya rin kung kailan titigil ang tibok ng puso mo. Pag tapos na ang lahat, kapag natapos na ninyo ng sabay ang storya ng buhay mo. Titigil na ito. Pabagal ... ng pabagal ... hanggang sa mawala ito.  At sa pagkakataon na iyon, babalik ka sa piling niya. Kung saan unang beses niyang inilahad ang katauhan mo.

Noong unang beses na tumibok ang puso mo, kilala ka na niya. Kaya magtiwala ka sakaniya. Dahil hindi ka niya hahayang mawala sa paningin niya. Sa oras na piliin **** makilala siya.

Noong unang beses na tumibok ang puso mo, kilalang kilala ka na niya. Isa siya sa mga nakatitig saiyo. Kasama ang mga ngiti sakaniyang mga labi, kasama ang pusong tuwang tuwa, dahil sa kaniyang nakita.

Una palang, kilala ka na niya. Ramdam na niya na darating ka. Kaya ikaw, nandito ka, dahil dumating na ang panahon na kikilalanin mo siya. At Siya si Hesus, na namatay sa krus, para sayo, at para rin saakin.

Kilala ka niya
qnn Oct 2021
21,600

apat na taon akong nanahimik
dinampot ang pira-pirasong sarili
nagbabakasakaling sa pangalawang pagkakataon ay mabuo muli
di man kagaya ng noon na walang bahid ng basag
umaasang mabuo at makatayo sa kabila ng mga lamat
at nang dumating ang araw
na naisip kong kaya ko nang muling tumayo
sinubukan ko namang lumakad
dahan dahan at papalayo
kanang paa..kaliwang paa..
at nakaurong ng kaunti
kanang paa..kaliwang paa..
at natututo na muli
sa marahang paglakad ko
hindi ko inaasahan na mapapadaan ako sayo
di mo ako kilala at ganun din ako sayo
pero pinili kong manatili
dahil ano nga bang mali?
pinili mo din manatili
dahil ano nga bang mali?
lumagpas ng minuto, oras, araw, linggo
nandito padin tayo

pero bakit parang gusto ko nang tumakbo
hawak ang kamay mo at tumakbong papalayo

tumakbo at sabay na kikilalanin ang hinaharap
tumakbo at sabay na abutin ang mga pangarap
tumakbo magkahawak ang kamay, sa hirap man o sa sarap

gusto kong tumakbo

sa aking pananabik ay nabanggit ko to sa iyo

at humakbang ka ng isa palayo..

sinabi ko muli sayo
kanang paa..kaliwang paa..palayo

sinabi mo sa akin na di mo kayang sumabay
na ang nais ko ay di maibibigay

at doon naalala ko

oo nga pala napadaan lang ako.
Isang gabi, ginising mo 'ko nang alas-nuwebe -
Ang sabi mo sa'kin:
"Gising na. Kain ka na. Mahuhuli ka na sa trabaho."
Ginising mo 'ko sa mahigpit **** yakap,
Sa labi **** dumadampi sa bawat parte ng aking mukha.

Lumabas tayo ng kwarto, tumuloy sa lamesa.
Nakahanda na ang pagkain, at bumalik ka sa pagbabasa.
Tinitigan kita -
Dahil alam kong pagod ka rin, sumusubok din katulad ko.
Kaya't nilapitan kita't niyakap, pinasalamatan:
"Thank you. Mahal kita."

At kung sa mga susunod na taon, ganito ang paggising ko:
mahigpit na yakap mula sayo; matatagal na halik; pag-aalaga at pag-intinding hindi  kailangang hingin; at pagmamahal na sigurado.

Sa mga susunod na taon, kung bibigyan ng pagkakataon, patuloy kitang ipagtitimpla ng kape,
Patuloy kitang ipagluluto ng kahit anong putaheng gusto mo;
Patuloy kitang sasamahan sa simbahan kada Linggo;
Patuloy kitang ipagdarasal;
Patuloy kitang susuportahan sa landas na gusto **** tahakin;
Patuloy kong mamahalin at kikilalanin lahat ng mahal mo; at
Patuloy kitang ipapakilala sa mundo.

At sa mga susunod na taon, kung bibigyan ng pagkakataon -
Patuloy kitang pipiliin.
Patuloy kitang mamahalin.
love has always been my kryptonite. pls pray for me. thanks

update: nvm. basta magmamahal pa rin ako. bahala kayong mga nananakit ang papangit nyo!!!!

— The End —