Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Dec 2017
Walang sukat ang damdamin at wala rin itong tugma,
Ang wagas na pag-ibig o nagbabagang galit ay walang ritmo,
Lahat ng ito ay dapat na lumaya. Sumabog na tulad sa bulkan
Kung kinakailangan o di kaya ay dumaloy na tulad sa agos ng ilog.
Ganito ang malayang taludturan na aking tinatangkilik, oo alagad ako
Ni Walt Whitman at hindi ko ito ikinakahiya.

Hindi ko kinakailangan na bumilang ng mga araw, lingo at buwan,
Hindi ko kailangan na pagandahin ang mga salitang isusulat ko.
Totoo na gusto ko ring sumikat at makilala ng balana ang maging tanyag
Na tulad ng iba. Subalit wala akong balak na itakwil ang aking tunay na
Saloobin, hindi ko isasakripisyo ang aking nararamdaman para lang
Tanggapin at kilalanin ng iba.

Minsan mala-sutala pero mas madalas ay magaspang na tulad sa sako
Ang mga salitang ginagamit ko. Hindi ako nanunuyo sa halip madalas ako’ng
Nagmumura at nang-uusig. ‘Pagkat yan ang laman ng aking dibdib at hindi
Ko ito ikinakahiya. Malaya ako na tulad sa malayang tauldturan na itinataguyod ko.
Putang-ina ko man kahit hindi ako ma-publish gagawin ko parin ito.

Hindi ko pakikinisin ang magaspang na katotohanan, hindi ko pababanguhin
Ang nangangalingasaw na kaganapan ang isusulat ko ay ang tunay lamang.
Magiging tapat ako sa aking damdamin, hindi ko uulolin ang aking sarili at hindi
Ako mag-iinarte sapagkat hindi naman ako artista. Hindi ito Sunugan o Flip Top ito ang
Tunay na ako na s’yang nagsasalita. Hindi ko kailangan na magpatawa.

Ang tunay na makata ay naglalahad ng katotohanan hindi ng mga salitang
Gustong mapakinggan lamang ng mga taong bumabasa ng kanyang mga tula.
Walang sukat at walang tugma ganito ang tunay na demokrasya. Damdamin ko
Ang magdidikta, ito ang panginoon ng aking panulat.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Real generosity towards the future lies in giving all to the present.”
― Albert Camus

Kung gusto may paraan, kung ayaw laging may dahilan. Pero may mga taong sadyang mahina kaya’t nahihirapan makahabol. May mga naghahabol naman na hindi talaga umaabot. Kahit anong gawin walang nasasambot, parang bunga na laging bubot at mukhang hindi na mahihinog. Hindi mo kailangan na maging alipin ng sistema kung ito ay iyong isinusuka. Kumawala ka at maging palaboy kung kinakailangan. Ibinabaon ka ng mga sama ng loob at ng matinding awa sa sarili. Hindi dapat maging ganito ang buhay.

Dalawang taon nang pagtitiis, dalawang taon na puro hinagpis at dalawang taon na panay tanggap ng mga galit at paninisi. Tama na, ito na ang panahon para wakasan ang lahat. Sapat na ang mga pagpapakumbaba at pagsasawalang kibo. Hindi ka aso, tao ka tandaan mo yan. ‘Hwag mo’ng ipilit kung hindi naman talaga sukat dahil kahit anong pilit hindi ito babakat. Maging karapt-dapat ka sa paggalang na dapat ibigay mo sa’yong sarili. Tama lang yan magpahinga kana.

Ang mundo ay de-kahon hindi kapa isinisilang ganito na ito, wala ka nang magagawa para baguhin ito. Pero ‘pwede kang kumawala, maging rebelde at lagalag. Oo, maghimagsik ka laban sa mapang-dusta na sistemang umiiral. Patunayan sa kanila na kaya mo’ng mabuhay sa labas ng sapot na bumabalot. Hindi ka balut kundi tao kaya hindi ka dapat na matakot kahit naglipana pa ang mga salot. Hindi ka dapat na lumuhod at magmaka-awa sa mga taong umaastang panginoon.

May mga nag-di-diyos-diyosan na mga kupal na nasa lipunan na ang paboritong tapakan ay ang mga mahihina at hampas-lupa na tulad mo; mga putang-ina sila na walang alam gawin kundi ang mang-api ng mga taong kapos sa dunong at pinag-aralan. Ganito ang sistema ng lipunan, ganito kabaho ang mundo na pinatatakbo nang mga walanghiyang tao na kung umasta ay aakalain mo’ng mga kagalang-galang. Mga hindot sila na walang pakundangan sa damdamin ng iba maitanghal lamang nila ang huwad na kadakilaan ng kanilang nabubulok na mga sarili.

Tama lang ang ginawa mo, tama lang na kumalas ka sa naaagnas na sistema na nagkukubli sa loob ng mga magagarang opisina. Tama yan, itakwil mo ang mga panlalait na pinakikinis nang mga salitang Inglis na inilalagay sa mga dokumento. Panahon na para maging totoo ka sa iyong sariling damdamin at pagkatao. Binabati kita dahil sa wakas nagpasya ka ng may katapangan – sana noon mo pa ito ginawa. Ako na ang sasalo sa natitira mo’ng kalat, ako na ang haharap sa mga halimaw na iyong tinakasan.
Para kay Rey
Ambiguous Frizz Sep 2019
Ngiting pinagkakait
dahil sa pananakit

Pusong 'di nakakaramdam
ngayo'y pagod na't hinahapo

Nakakulong sa lilim ng mapagpanggap
ang natatanging nagagawa ay magsulat

Magsayaw o kaya'y umawit

Hindi dahil nagdiriwang
o kaya'y maligaya

Kundi itanggi, itakwil
lumbay na nadarama
Malaya ka nga ba?

— The End —