Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Tandang-tanda ko pa kung paano tayo nagsimula
Tandang-tanda ko pa kung paano tayo nagkakakila
Sa una’y wala tayong pakialam sa isa’t-isa
Pero dumating din tayo sa puntong magkausap sa telepono mula gabi hanggang umaga

Tandang-tanda ko pa kung paano mo ako pinakilig ng iyong mga salita
Kung paano mo ako pinakilig sa bawat tingin mo sa aking mga mata
Akala ko sa libro at pelikula lang nangyayari ang ganoong mga eksena
Ngunit mali pala, pati sa totoong buhay nadadama pala

Tanda mo pa ba kung paano natin gamitin ang oras
Ang oras na tila limitado ay kailan man ‘di natin hindi inabuso
Kahit pa may pagsusulit sa klase kinabukasan
Pinipili natin na magusap at maglakad hanggang tayo ay pagsabihan

Tanda mo pa ba kung paano mo ako niyakap habang ako’y humahalaklak
Kung paano mo rin ako niyakap noong ako naman ay umiiyak
Tanda mo pa ba kung paano mo sabihin na mahal mo ako
‘Di pa ‘ko naniwala dahil aminado ka na ikaw ay sadyang mapagbiro

Tanda mo pa ba kung paano natin iniwan muna saglit ang barkada
Para lang sabay tayong bumili ng fishball o monay doon sa may kanto ng kalsada
Kay tagal nating naglalakad para lang dayain at mapahaba ang oras ng pagsasama
Pagbalik nama’y iilang piraso lamang ng fishball at monay ang dala

Tanda mo pa ba noong tayo’y magkasama sa gabi at naglalakad
Kamay mo ay nakakapit sa aking baywang sa pag-aalalang baka ako’y mawala
Kahit pa maglakad sa umaga, kamay mo ay nasa aking likod
Kahit saan mo man ilagay, tila lagi **** sinasabi ay “Lakad ka lang, andito ako.”

Tanda mo pa ba noon kapag may miting ng sabado sa eskuwela
Lagi tayong pumapasok ng mas maaga, isang oras bago ang natatakda
Ngunit hindi sa eskuwela ang ***** kundi sa parke nang makapaglaro saglit
Tapos pagbalik sa eskuwela ay tayo na lang pala ang wala sa silid, dahil nahuli pa rin.

Tanda mo pa ba noong tayong dalawa ang nag-representa
Tayong dal’wa ang lumahok para sa titulo at karangalan ng eskwela
At nang manalo’y lahat nagalak at sinabi na
Tayo muli ang lalalok para sa susunod na laban sa makalawa

Nakilala tayo sa ating galing, pati na rin sa kilig na ating inihatid.
Kaya naman pag sa kompetisyon, tayo ay naghigpit.
Ang dating magkasama sa lahat at magkakampi,
Ngayo’y biglang naging magkatunggali.

Tayo ngayon ay kinumpara sa ibang magkasintahan
Bakit raw sila pagdating sa grado sa eskwela ay okey naman?
Bakit raw sila ay parang walang pakialam sa kung anong kalalabasan
Ngunit tayo ay tila naguunahan

Kanya-kanyang labanan, kanya-kanyang istratehiya
Kanya-kanyang napalanuhan, kanya-kanyang talunan
Nagsarili at ‘di na namansin pa
Para bagang dalawang taong ‘di magkakilala

Nabalot ng yabang ang ating mga isip
Ngunit ang puso nati’y nanatiling tahimik
Hindi umimik kahit isang saglit
Kaya naman isip lang ang namalagi’t naghari

Tanda mo pa ba kung paano tayo noon?
Tanda mo pa ba kung ano ang meron?
O nakalimutan mo na kung ano ang mga sinabi mo sa akin noong okey pa?
Dahil ‘di ka sumagot noong sinabi kong, “patawad” at inamin ko ring mahal kita.

Unang beses kong sinabi sa iyo ang mga salitang iyon.
Unang beses sa buong pagsasama natin ng isang taon.
Ngunit nang binanggit ko hindi ka man lang tumungo
Kundi pinabayaan **** katahimikan ang mag-ingay para sa’yo.

Natatandaan mo na ba pagkatapos ang lahat ng aking pagpapa-alala?
Natatandaan mo na ba kung paano sumibol at nawala
Ang pagsasamang puno ng pangako at pag-asa
Natatandaan mo na ba?

Kung sakali man na talagang nalimutan mo na,
Pasensya sa ingay kong ito kasi ako hindi pa.
Hindi ko malimutan sapagkat sariwa pa.
Sariwa pa lahat ang pangyayari kahapon na dahilan kung ba’t may luha ngayon sa’king mata

Kung talagang nalimutan mo na,
Lahat ng ginawa natin, malungkot man o masaya,
Utang na loob, pwede ba ako’y turuan mo sana
Kung paano limutin ang lahat ng alaala.

Kahit na hindi na matago ang sugat na nameklat na,
Peklat na kahit Sebo de Macho ay hindi kaya,
Basta mabura lang alaalang nagdulot ng sugat na peklat na
Okey na sa akin iyon, okey na.

Okey na, oo. Kasi ‘di naman talaga peklat ang dahilan
Ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ako ay lumuluha
Eh ano naman kung may peklat ako di ba?
Wala pa rin naman kasing papantay sa sakit na nadarama

Sakit na muntik na akong malagutan ng hininga
‘Di ako nagbibiro sapagkat sa bawat pag-iyak at pag-singhot ko
Naninikip ang aking dibdib, nagdidilim ang aking paningin
Hindi ako makahinga

Tanda mo pa ba, noong tayo’y muling nag-usap
Tila ba gusto ko muling magpakilala
Akala ko kasi isang pag-uusap para muling makapagsimula
Yun pala, usapang pangwakas na.

At doon na huminto lahat ng masasakit na mga alaala.
Ngunit hindi huminto ang paghihinagpis ko bawa’t gabi, kada umaga.
Kaya naman hinihingi ko ang tulong mo kung ‘di mo na naaalala
Dahil kailangan kong malimutan ang lahat ng tanda ko pa.
John AD Apr 2018
Gera nang karahasan,Pagyao ng iilan
Kasamaan na meron sila,inosente ang pinupuntirya
Marami na ring nabubulag sa salapi,masyado ng sakim sa kapangyarihan
Kaya pati mga mamamayan,ginagawan ng paraan para kumita sila ng barya

Sakim sa kapangyarihan,umiiyak ang iilan
Wala na ngang laban,Sinasabi nyo paring nanlaban

Tahimik lang akong naglalakad,bukid ang kapaligiran
Ang dami kasing magsasaka,kung magtanim droga ang nilalagay sa tagiliran
Kaya kailangang mag-ingat,magmasid dahil
Hindi lahat ng tagapangahalaga sa bayan ay dapat pagkatiwalaan

Narinig mo na ba yung putok ng baril sa kanluran
Nangangahulugan na nawalan nanaman tayo ng isang pag-asa ng bayan

Inabuso na kasi ang katungkulan,Sulit tuloy ang nakamit na kalayaan
Ang tagal nga imulat ng mga mamamayan ang kanilang isip at matang nagbubulag-bulagan
Ginigising ko na kayo,Tulog pa yata,Lasing sa tinomang alak ng kalokohan,
Tanghali na!Tulog na ang mga manok na naunang nagising kanina habang tayo'y nagbibingi-bingihan.
Gising!
Isang tula para sa pusong
Walang ginawa kung hindi lumaban
Ni hindi alam kung anong pupuntahan –
Naliligaw, nagwawari
Nagdedepende sa mga salitang “hindi maaari”

Hindi maaaring sumuko
Hindi maaaring malumpo
Hindi maaaring tumakbo palayo
Sa mundong umuubos sayo

Natatakot sumugal muli
Natatakot mahulog sa patibong ng pag-ibig
Dahil minsan nang nasaktan
Minsan nang inabuso

Pumapalagay na lamang sa mga panandaliang aliw
Nagpapanggap na siya’y mabubuo ulit
Kahit saglit..
Kahit saglit..

Isa lang ang gusto kong sabihin sa’yo –
sa pusong hindi alam kung saan patungo
Huwag **** parusahan ang sarili mo
Dahil balang araw ikaw ang aani nito

Hinuhubog ka ng panahon
Sa pagdating ng tadhanang
Nakalaan sa iyong pag-ahon

Huwag kang matakot sumugal
Dahil doon mo malalaman kung
Ano ang para sa iyo, mahal.
#tagalog #filipino
renzo Apr 2020
Pumasok sa bulwagan, mga tao'y nagtipon.
Ang pagbukas ng kurtina ang siyang sa'kin sumalubong.
Mayroong isang dula, napukaw aking atensyon.
Nakamumulat ng mata at may malinaw na intensyon.

Tanaw ang isang dalaga, pagsalita niya'y mahinahon.
Nananawagan sa madla, naghahanap ng tulong.
Kumakalam daw ang sikmura, pansin kanyang tensyon.
Sigaw lang ng dalaga, "Pagkain para sa nagugutom."

Alagad ng batas ang nakakita, dalaga'y sinakay sa apat na gulong.
Minaltrato ng sistema, inabuso kanyang dunong.
Binaba kaniyang palda, rinig sa dalaga ang pag-ugong.
Dinala siya sa korte ang dalaga, makasalanan daw at siya'y nakulong.

Hanggang sa kasukdulan, pait ang kanyang dinaranas.
Sa kamay ng batas, sa kamay ng nakatataas.
Dalagang lumalaban hanggang mawalan na siya ng bukas,
Ang pag-gahasa sa bayan, ngalan ng dalaga'y Pilipinas.
isang hawak na di ginusto
nagsimula sa panghihipo
pag iisip mo'y kasing dumi
ng burak sa estero
nalilito natutuliro
magsasalita ba ako?
kapangyarihan mo'y inabuso
ginamit para bumango ang pangalan mo
para maitago mo ang halimaw na nagbigay ng lamat sa buhay ko.

Isang gabi! isang gabi lang!
nadurog ang pagkatao ko.
kinulong mo sa madilim na nakaraan tulad ng pagkulong mo  sa akin
sa madilim at maliit na kwartong iyon
mabilis ang pintig
naririnig bawat kabog ng dibdib
paralisa ang katawan
di makasigaw
tulong! tulong! mga salitang tila naipit
sa aking lalamunan.

halik na di ko ginusto
yakap na di ko hiniling sayo
mga hawak sa aking katawan
nandidiri ako sayo
seksuwal na panghahalay
di ko nararapat pagdaanan

lamat na di malilimutan
lamat na mananatiling parte ng nakaraan
di mo na ko maapektuhan
ang lamat na bigay mo
ang aapakan ko
ang magiging boses ko

para maparating ang mensaheng ito

walang sinuman ang dapat makaranas nito!
walang sinuman ang dapat mabuhay ng may takot mangyari ulit sa kanila ito.
walang babae ang mahahalay base sa kanilang pananamit, kilos o pananalita.

ang lamat na bigay mo,
andito man ito
pero di na ito hadlang
sa muling pag ahon ko.

— The End —