Hindi agad nagtama ang mga mata natin kaya naman
'Di ko akalaing magkukrus ang mga landas natin
Alam mo 'yong: 'makuha ka sa tingin'?
Ang ginawa mo'y hinablot mo 'ko sa kada titig na
Dadampi sa aking gawi—'di ko pinapansin
Ngunit nang magsimula na ang tugtog ay siyang kusang
Pagdidikit ng mga palad natin. Bawat hakbang,
Sabay ang galaw ng ating katawan
Ito siguro ang pakiramdam ng nalutang sa buwan
Binibigay ka ng mga ningning sa mga mata mo:
Ang mga lihim na nakayukom sa puso mo
At sa mapupula **** labi ko narinig ang
Sinabi ****: ganiyan din ang nararamdaman ko
Ang lakas ng tibok ng puso ko, nakakabingi
Kung alam mo lang na ito ang dalangin gabi-gabi
Kaya ang sabi ko, wala na akong pakialam pa
Kung sa balikat hahawak o sa bewang ba
O kahit pareho pa tayong nakapalda
Basta isasayaw kita hanggang sa ako'y
Maputulan ng hiniga
Ikaw ang kaharap ko, wala akong pag-aalala
Kahit pa ramdam ko ang mga mata nila sa'ting dalawa
At mas maingay pa ang bulungan
Kaysa awit ng banda
O kahit ilang tapak pa ang gawin mo sa aking paa
Hindi ko bibitawan ang kamay mo; hayaan mo
Mapapagod din sila
Basta ako, alam ko ang mahalaga: ikaw ang mahalaga
Ang pakiramdam ng hininga mo sa balat ko
Ito ang mahalaga, ang pagyapos mo sa'king kaluluwa
Habang inaangkin natin ang magdamag, ito ang mahalaga
Iyan ang mga sinabi ko noong gabi ng pagtatanghal
Pero huwag ka sanang mabibigla
Hindi ito madadaan sa isang sambitla o kahit
Maupo pa 'ko upang ilahad sa 'yo lahat
Hindi ko rin alam kung saa't kailan nagsimula
Ang alam ko lang, dito ako ipinadpad
Ng agos na pilit kong nilabanan
At sa tuwing maglalakbay, ang anino mo ang
Laging nadadatnang tumatakbo palayo sa kalawakan
Pero saglit lang, 'di ko alam kung ako ba'ng may kasalanan
Sa walang hanggan nating habulan
Na para bang tayo'y laging pinagtatagpo upang
Tunghayan ang sakit na dinudulot sa isa't isa
Pero teka muna, saglit lang, ako lang ba ang nagdaramdam?
May ngiti na sa 'yong mga mata kahit mga luha
Ang umaagos sa kanila; ang iyong tindig ay parang
Noong una nating sayaw— ngunit may nagbago sa 'yong galaw
Napaisip ako, 'di ko mapigilan, kung ikaw pa ba ang natatanaw
Ang dalaga noong una't huli kong sayaw
Na alam kong imposible nang balikan
Ang sa'kin lang ay sana'y alam mo na
Lahat ng 'yon ay tunay
At mahal kita, maniwala ka
Kahit ako pa ang unang bumitaw
#
2017 spoken poetry piece