Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
011717

Sabi ko noon, hindi na ako magsusulat pa -- na hindi na ako mag-aalay ng tula para sayo. Na ang huling piyesa ng tula ay ipinalipas ko na rin noong isang taon, ipinatikom sa dagat na bumubura ng bawat larawang binigkis sa buhanginan -- noong isang taong napagmasdan ko ang pagbagsak ng bawat dahon ng alaalang dinumog at pinunit ng hangin.

Akala ko yun na ang huli, nang bigkasin ko sa mismong harapan mo ang bawat malayang mga tugmang naikatha buhat sa lalim ng sugat nang palihim na pag-ibig -- ngunit walang lihim na hindi nabubunyag kaya marapat na rin sigurong mailathala ang damdamin sa bawat dahong muling pausbong bagamat hindi ko pa rin alam kung aabutan ba ito ng taglagas.

Akala ko yun na ang huling pakikipagtagisan ko sa bawat salitang may mensahe ng pagbitaw. Akala ko kakayanin kong bumitaw agad, bumitaw nang kusa at tuluyan nang maihihimlay ang bawat tula sa mismong pinagtuyuan ng bawat dahong bumabagsak.

Ilang beses na kitang ipinaubaya sa Kanya pero paulit-ulit kang bumabalik -- ni hindi ko alam kung dapat bang sisihin ko ang tadhana o talagang kailangang kong tanggaping parte ito ng pagpapasakop at pagpapaayos ko sa Kanya. Paulit-ulit kitang kinatatagpo sa panaginip na halos magtaka ako kung bakit.

Napuno ng listahan ng ngalan mo ang mga petsa sa kalendaryo kung ilang beses kang naging bisita sa aking pagtulog at paghimbing. Hindi naman ako kumakatok sa aking unan at kumot para masilayan ka -- masilayan kung posible bang maharap kita at hindi na ako urong-sulong pa.

Paulit-ulit tayong ipinagtatagpo kung saan una tayong nagkita at nagbitaw ng mga pangakong uunahin natin Siya at doon din natapos ang bawat panimulang may matatamis at mabubulaklak na pagsasalarawan ng mga salitang "kung tayo'y tayo talaga." Pero paulit-ulit kitang hindi ipinagkakait sa Kanya kasi alam kong para sa Kanya ka naman at hindi ako ang makapagsasabing ang bukas ay laan para sa atin ng may iisang pintuan.

Hindi ko maaaring ilibing nang buhay ang bawat alaalang naging parte ng kung sino ako ngayon, mga nakaraang sabi nila'y dapat daw ay daanan ko lang at wag pagtambayan. At kung hihimayin ko ang bawat yugto, hindi ko alam kung kaya bang paluputan ang mga ito ng metaporang pampalasa sa bawat linya ng tula.

Hindi ko alam kung magkakasya ito sa puso **** ni minsa'y hindi mo nagawang pagbuksan. Inilatag ko na sa Kanya ang lahat kasama ang pagpapatawad ko sayo, kasama ang bawat panalangin ko para sa ikatataas Niya sa buhay mo -- mga panalanging para sa ikatatag ng pananampalataya mo, para sa ikalalalim ng relasyon at pundasyon mo sa Kanya.

At hindi, hindi ko lubos maisip na ganito ang paraan Niya para sa paghilom ko -- na mismong pinagtatagpi-tagpi niya ang bawat tauhan sa paligid ko para lang maharap kita.

Ilang beses akong umiwas na may sumbong sa kalangitan na sana nga dumating na ang panahon -- yung panahon na kaya ko na at kaya mo na rin. Nag-iwasan tayo na waring naglalaro ng Patintero at nakakapagod nga -- nakakapagod makipaglaro kasi hindi naman natin ninais na makipaghabulan sa wala na.

Pinili kong bitiwan ka pero hindi ko binitiwan ang paghihintay ko sayo -- naghihintay akong marinig lang mula sayo na ayos ka lang.

At oo, ayokong nakawin ang mga oras at sandali na laan para sa paglago mo sa Kanya. Noon pa man, yun na rin ang tanging dasal ko sa Kanya. At kahit sa pagbitaw natin nang paulit-ulit, mas minamahal ko Siya. Oo, mas matimbang ang pag-ibig Niya para sating dalawa kaya nga't mas mainam na mag-ipon na lamang hindi ng mga pangamba, bagkus ng mga panalanging kalugud-lugod sa Kanya pagkat iisa lang ang ating Ama.

At kahit pa, kahit pa hindi ko masuri sa aking sarili kung ito na ang huling piyesa, hindi pa rin ako bibitaw sa pagsusulat. Maubusan man ng pagdanak ng tinta ng aking pluma'y patuloy akong makapagsusulat.

At hindi matatapos ang mga tula na may ganitong pangwakas. Hindi ko rin alam kung kailan ito madudugtungan at kung dapat bang ihanay ko na sa ibang istilo ang bawat katha.

Gayunpaman, ang bawat tinta ng bawat kataga'y iisa lang ang diin -- isang mensaheng hindi ko kayang sambitin, hindi kayang sambitin nang harapan kaya't katulad ni Rizal, mas nanaisin kong ganito ang maging istilo ng mapagdamdaming paghihimagsik. Isang mensaheng hindi ko kayang bigyang pamagat at mananatiling isang alamat --- alamat na hindi ko wari kung makakarating ba sayo o hindi.
Sasarhan ko na ang plumang may umaapaw na pagbulong ng lahat, pagkat ngayon: ikaw naman sana ang magsulat. Ngayon, ikaw naman sana ang magbigay ng pamagat -- isang pamagat kung may "tayo" pa nga ba sa huling mga linya o tutuldukan na lang ba natin ito at lilikha ng panibagong kabanata.
Jose Remillan Dec 2013
Kahanay niya ang tambak
Ng basura ng lansangan
At sanlaksang mga matang
Naguudyok upang ihanay

Niya ang kanyang sarili sa
Naaagnas na pag-asa ng lipunan.
Siya ay puta. Sa dambana ng
Mga banal, kasabay niyang

Umuusal ng dasal ang mga
Paham ng pamantasa't
Pamantayan ng pagiging tao.
Siya ay tao sa paningin ng mga

Hayop. Siya ay hayop sa paningin
Ng mga tao. Siya ay puta. Ano mang
Anyo't samyo ang paulit-ulit niyang
Ipalit at ipilit sa nakapinid na

Pangunawa't awa ng mga nagsasabing
Sila ay hindi mga puta, ang katotohanan
Nga ay katotohanan. Siya ay sumasaatin.
Nasa simbahan. Nasa Pamahalaan.

Nasa paaralan. Nasa pamilihan.
Nasa ng laman. Siya nga ay sumasaatin,
Sumasalamin sa kalipunan ng mga
Kabulukan ng ating lipunan.

Mga puta.
"All that is solid melts into air; all that is holy is profaned..."---KARL MARX

University of the Philippines--Diliman
Quezon City, Philippines

December 10, 2013
Atheidon Mar 2018
Kaibigan?
Ka-ibigan?
Kai-bigan?

Ano nga ba tayo?

Dalawang taong hinapo na ng mga karanasan sa pag-ibig,
Dalawang taong pinili ang isa’t-isa,
Dalawang taong nais maging isa.

Ngunit ano nga ba tayo?

Pinasaya,
Binigyan ng oras,
Kinantahan ng mga lirikong nakaaantig ng puso,
Pinangakuan ng kung anu-ano sa ilalim ng buwan,
Na tila ba ngayon ay para bang iginuhit na lamang sa tubig.

Kinuha mo ang puso ko,
Pero gusto ko lamang linawin,
Hindi ko ninais na ipalit mo ang iyo sa akin.
Pero para bang ginago ako ng tadhana,
Itinakbo mo ang puso ko palayo—
Palayo sa’kin, nang hindi lumilingon.

Ipinagsawalang bahala ko ang sakit na naramdaman,
Nagbulag-bulagan sa mga bagay na malinaw sa aking paningin.
Pinilit burahin ang masasamang ideyang namumuo sa aking isipan,
Umaasang mali ang lahat ng sakit na ipinagkikibit-balikat ko lamang.

Totoo nga,
Madaya ang kapalaran.

Nakakatawang isiping
Sa loob ng isang buwan,
Kaya **** mainlove.
Pero, nakakagago din isiping,
Sa loob ng isang buwan,
Kaya ka rin nyang iwanan.

Sa bagay, ano nga ba tayo?
Wala naman, diba?

Maaaring ihanay mo lamang ako sa mga babaeng pinaasa mo,
Na marahil pagdating ng panahon,
Malilimutan mo rin kung ano ang namagitan satin,
Na siguro sa paningin mo’y pang landian lang pala ako, hindi pang seryosohan.

Hindi ako yung tipo **** babae,
Hindi ako matalino,
Wala akong political stance,
Hindi ako kagandahan.

Ano nga bang kataka-taka dun?
Walang dapat ikasakit dahil
Hindi mo naman ako tipo kaya hindi mo ko sineryoso.

Walang tayo,
Hindi rin tayo magkaibigan.
At lalong hindi magkasintahan.

“Almost”, yun tayo.

Halos
   Halos naging tayo.
   Halos umabot na ko sa punto na mamahalin kita ng buo.
   Halos napaniwala mo kong mahal mo ko.
   Halos napaniwala mo kong kamahal-mahal ako.
   Halos napaniwala mo kong karapat dapat akong pahalagahan.
   Halos bigyan mo ko ng oras mo.
   Halos naramdaman kong sincere ka.
   Halos araw-araw kung hanapin kita.
   Halos minu-minuto kung tingnan ko ang cellphone ko para lang maghintay ng reply mo.
   Halos ikaw na lang ang marinig ko pag naririnig ko yung mga kanta sa radyo na inawit mo sakin.

Halos ikaw na lang yung hanapin ng puso ko sa bawat saglit na hindi kita nararamdaman.

Halos.
072616

Sa lubak na nalulumbay,
Hayaan **** sumuko ang kaba --
Nang lumihis ang pagsinta
Buhat sa mapang-akit na dilim.

Hawiin Mo ang ulap, Ama
Nang mautal ang maling tibok.
Sa mabagsik na Kidlat,
Yuyukod ang pusong napaso't naanod.

Kitilin Mo ang espayo't
Haligi ko'y tibakin.
Ihanay Mo saYong lente't
Pagsusumamo ko'y timbangin.

Pagkat walang mararating
Galing kong pansarali.
Kaya't hugasan Mo nang lubos,
Puso ko'y lambingin ng 'Yong grasya.
Umaapaw at di nauubos,
Yan ang tapat **** pagsinta.
"I will ponder the way that is blameless. Oh when will you come to me? I will walk with integrity of heart within my house; I will not set before my eyes anything that is worthless. I hate the work of those who fall away; it shall not cling to me. A perverse heart shall be far from me; I will know nothing of evil." - Psalm 101:2-4

— The End —