Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Glen Castillo Jul 2018
Zet
Ang iyong mga mata’y lagusan ng liwayway
Sa kulimlim na bagtasin ng aba kong buhay
At ang iyong labi na sintingkad ng rosas
Ay ang tanghali ko sa mga gabing ayaw mag wakas

Ang durado **** buhok ay ang gintuang palay
Sa kaparangan ng puso kong hindi mapalagay
Ang ngiti mo ay binhi ng halaman sa kalangitan
Na sumisibol unti-unti sa mundo kong ‘di  na nadidiligan

Sa piling mo sana ang pinapangarap kong daigdig
Ituturing kong alapaap ang mahimlay ka sa aking bisig
Ngunit tulad din ng mga kwentong itinago ng kasaysayan
Maaaring ikaw at ako,
Ay kwentong ako na lang ang makaka-alam

Mapaglarong tadhana ay dito ako inilagay
Sa digmaang hindi ko kayang magtagumpay
Sa tunggaliang ang kalaban ko’y ako
Sa pag-ibig na hindi ko maipag tapat sa'yo

Palihim kitang sinusuyo
Kaya’t palihim din akong nabibigo
Patago akong lumalaban
Kaya’t patago din akong nasasaktan


Kung iadya man ng panahon na dito ka maligaw
Sa tulang habang panahon na ang laman ay laging ikaw
Ito pa rin ang mga sandaling ako'y alipin mo
Ito pa rin ang mga sandaling hawak mo ang aking mundo




© 2018 Glen Castillo
All Rights Reserved.
Ito ang ating kwento,ang kwentong ako lang ang nakaka-alam.
Agust D Jan 2022
ikawalong baitang nang ika'y makilala
isang diwatang nag-anyong dalaga
tila'y isang biyayang hatid ni Bathala
handang maging alipin na itinalaga

isang reynang naligaw sa isang kaharian
ako'y iyong kawal na handa kang pagsilbihan
ikinagagalak kong ako'y 'yong manduhan
walang mali sa 'yong kagustuhan

ngunit kasabay ng paglipas ng bukang-liwayway
tadhana nating dalawa'y biglang nabalutan ng lumbay
nagsimula tayong matatag at dalisay
ngunit ang daan nati'y nagkahiwalay
at tuluyang nabalot ng kulimlim ang huwad kong buhay

sana'y noong una pa lamang ay niligawan na ang Paraluman
nang hindi sa isang mahapding katotohanan
na ngayo'y pilit na binabalikan
ang pagsikat hindi na muling mahahagkan

kung iadya man ni Bathala na ika'y maligaw
sa isang kahariang mapurol at maginaw
hahanapin ko ang kaisa-isang kaharian na ang reyna ay ikaw
Tatlong Daan at Animnapu't Limang Tula para kay Mayari: Ikaunang Pahina

— The End —