Sa maliit na awang na mayroon ang bintana
Tila ba naging labada ang puting kurtina
Kanina’y hinahangin pa ito nang bahagya
Ngunit nang dahil sa ulan, bahagi ng tela’y nabasa
Ampiyas lang naman kung tutuusin
Madaling matuyo, isampay lang sa mahabang salamin
Pagkatapos pagpagan maisasabit din
Balik pangharang sa malamig na hangin
Malapit na rin pala ang paglubog ng araw
Kanina lamang ang langit ay kulay bughaw
Repleksyon sa munting bintana’y nakasisilaw
Mayumi sa paningin, kay gandang matanaw
Kasabay ng pagbuhos ng ulan ay ang paglalim ng gabi
Gayunpama’y nanatili ang awang ng bintanang katabi
Tubig ulan sa dalawang kamay ay dumadampi
Marahang sinasalo ng ilang sandali
Lumipas ang oras at ang ulan ay tumila na
Ganoon din ang pag-asang matunghayan ka
Aking bituin, nagkamali ako ng hiniling—
Hanggang sa huli, ampiyas lang ang sa’kin.