Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
041716

May mga bituing nais abutin,
Nangangalay ang diwa pagkat dapat habulin.
Ganoon pala ang pagtatagisan ng mga saranggolang itim,
Sisipatin ang isa't isa't may pandilig na patikim.

Ako'y musmos sa alok nitong ginintuang pangarap,
Dilubyo'y mabagsik bagkus may matinding yakap.
At doon matatagpuan ang haplos na hinahanap,
Ako'y alipin sa sahig na Langit ang sumusulyap.

Sa paglatag ng Liwanag na may bahaghari
Waring yuyukod siyang ulap na mapagkunwari.
At kanyang saplot, ihahanay nang sandali,
Saksi maging hanging nagtataingang-kawali.

Sa pagsalin ng hiningang latak ng kahapon,
Baon pala ang sakit hanggang dapithapon.
Ipipinta ang itsura ng sarong na maputi,
Siyang pupuri sa Langit na may bahid ng kayumanggi.

Tila baryang itinapon at nagkakalansingan,
Sa papag na mistulang may sawing kasintahan.
Mga tauha'y lalaban sa kuweba ng kadiliman,
At doon ang kandila'y panandaliang tatahan.

Babahagian ng yaman ang uhaw sa kalinga,
Hahagkan silang mga busal na walang isang salita.
Hanggang sa magkandiring muli sa saliw ng musika,
Silang tangan ang pising *may kakaibang mahika.
sa may dagliang liko
abot ng aking ligaw na sulyap ang
sabungan. matatas ang kanyang
ngalan.

"Cockfighter's Rendezvous" kaunting
lakad lamang pabalikwas sa
MERALCO kung saan isang mahabang
karagatan ng tao ang pilit
na inaalon ng bayarin, kaltas
sa sahod, bulag sa paroroonan.

ayon sa mga akda ay mayroong
Kristo sa sabungan. siya ang
nangangasiwa sa aliwan ng mga
drayber. ang matalas na tari
ng kanilang hagikgikan
ay lumulubog sa haba ng
pantimpalak

naroon daw si Kristo
habang
ang dagundong ng batingaw
ay tulog sa tore.
pitikan ng pitikan ng yosi
kung saan na lamang maisipan
ng pagod na kamay na may samyo
ng dala nitong lansa,
at matapos ay papasok ng muli
sa simbahan kung saan
kasabay ng pag-danak ng dugo
ang pag-kubra ng nag-wagi.

hawak ni Kristo ang patay
na manok,
nasusulat sa tari ang
linya ng dugo.
alam ko naroon si Kristo.

hawak ni Kristo
ang mga baryang kumakalansing.
ilang pirasong pag-asa
para sa pawisang drayber,
para sa parokyanong lasinggero,
para sa baguhan sa aliwan,
para sa llamado.

hawak ni Kristo ang lahat,
at siya ang panuto
sa pagsusulit ng ganid.

pauwi na ako. wala na ang
alingawngaw ng sigawan.
Lunes nanaman at ramdam
ng lahat ang bigat
ng parating na mga araw.
Katarungan nasa'n? Inapakan, dinuraan
Ng mga taong niluklok para paglingkuran
'Tong bayan nating lubog, at dugoan
Magkano? Sanlibong baryang dinumihan

Libong buhay ang tinapos, musmos, at mga naghihikahos
Mga nanay na nawalan ng anak, mga batang di pa tapos
Droga? Talaga ba? Ang sabi mo ay kayang-kaya?
Tatay Digs, pano na? Bat biglang 'di pala kaya?

Sanlibong tanong sa bawat buhay na binawi
Diyos-diyosang maitim ang budhi
Bata, matanda, babae, estudyante
Nanlaban daw, kaya niyaring nakatali

Bayan kong minamahal, dito na lamang ba?
Naka duct tape ang mukha ni inang hustisya
May dyaryo, at may nakapaskil na larawang
'WALANG HUSTISYA, WAG TULARAN'
Naglalaro tayo,
Pero hindi parang biro.
Mayroong taya,
Pero hindi alam kung sino.
At walang tayo,
Pero sana’y parehas na manalo.

Sisilip ang pusong walang pagkukunwari.
At sa tikas at dunong ng iyong pananampalataya,
Pawang gabay sa nauuhaw na sandali.
Ang baryang sentimo’y itinabi nang kusa,
Pagkat umuusbong ang pagsinta
Sa para sanang taglagas na paghinga.

Nais kong siyasatin ang maamo **** mukha
At ang pagkukumbaba’y batid kong patas at di ulila.
Iyong mga kamay, yapos silang mga uhaw
At ang tula’y binalot ng pakikipaghimagsikan.

Dukha ang pag-ibig ko,
Bagkus hindi mamamalimos.
At sa mala-larong pag-iibigan,
Magwawagi rin tayo.

Sapat na ang nalalabing mga sandali’t
Armas nati’y ibibigkis pa rin sa Langit.
Pagkat hindi lilisanin ang Harding may bukal ng pag-ibig.

Tataya ako’t hindi ka muna gigisingin
Sa himbing ng paghikbi’y, ako’y gapos ng katotohanan.
Sinta, hintay lamang; pagkat matatapos din ang laro
Gigising tayong muli’t bibihisan ng pagsuyo.
Jun Lit Sep 2017
Daan-daan, libu-libo
Daang-libo, daang-libo
Umaasang may milagro
Limandaang-libong piso

Kayamanang kinurakot
Ng pamilyang naging salot
Sa bayan kong binaluktot
Isasabog, baryang simot?

Marami ngang naniwala
Iba nama’y sakali, baka
Kapag pera ang nagwika
Sumusunod tanang dukha

Kapag baya’y maralita,
Karamiha’y mangmang pawa
Konting kiliti at banta
Utu-uto bumabaha

Dumaraming maralita
Kailangan ng kalinga
Karunungan ay biyaya
Ibahagi, ‘wag magsawa.

Kawawa ang sambayanan
Kung palaging iisahan
Ang 4Ps, pera ng bayan
Hindi ng angkang kawatan

Panloloko ay tigilan
Pandarambong ay tutulan
Diktadura ay labanan
Kabataan, mata’y buksan

Bagong bayani kaylangan
Karununga’y kalayaan.
Malalawak ang larangan
Sambayana’y paglingkuran
021816

Minsan, nagsasalita ang mga lata
Napakaingay at mistulang sirang plaka.
May yugyugan pa
Ng mga baryang hindi mabilang-bilang.

Ang latang nanahimik, kikibo rin pala
Pag tinapunan ng barya,
Kakalansing siya.
Hawak ng nanlilimos ng simpatya,
Ngunit sino siyang taya?
Waring nagsisipilahan pa sila
Sa pagtapon ng sentimo
Na tila baga lahat ay uhaw sa pansin.

Kapag binigyan mo,
Kakapit sila sa damit at magmamantsa
May bakas ng mga kamay
Kaya't sila'y wagi sa panlilimos.

Kaya't minsan, hindi ako naaawa sa kanila
Pagkat pagbubulaslas nila'y walang kasiguraduhan.
Saanmang anggulo,
Hindi masiyasat ang katotohanan.

Sila mismo, gulung-gulo sa kabuuan
Ni hindi tiyak ang nilalaman
At kuwento'y niyupi-yupi,
Buhay sa kanya-kanyang kalupi.
Tunog-lata nga naman.
Grabe ang away sa social media ngayon ukol sa LGBT at kay Pacman. Dagdagan pa ng mga maling anggulo na gugulo sa isipan ng bawat Juan. Minsan nga naman, kapag tumayo ka sa tama, titirahin ka.

Social media nga naman, syempre para kumita sila. Ipagdasal natin ang bayan natin.
"Nandito ako"
"Hindi kita iiwan"
"Susuportahan kita"
"Nagtitiwala ako sayo"
"Kayang-kaya mo yan!"
"Laban lang!"

Paulit-ulit kong sinasambit sa'king sarili nang pabulong,
Tila nagdarasal ngunit ang totoo'y
Hindi ko na rin alam kung hanggang saan pa ba ang dulo.
-------------

Wala na naman akong laban sa ihip ng hangin,
Sa ihip ng panahon.
Wala na naman akong laban
At ang buo kong pagkatao'y
Kusang dudungaw sa aming bintana,
Hahagilapin ang araw,
Nasaan nga ba ang Silangan?

Gagayak ako nang walang patumpik-tumpik,
At sasabay ang agos ng tubig sa bawat butil ng aking luha,
Para bang humihinto na naman ang oras.
Walang kasiguraduhan na naman ang araw na ito.

Araw-araw ay nag-aayos ako ng uniporme ko,
At ayun, magbibilad sa initan gamit ang aking lumang motorsiklo.
Kukunin ang selpon sa aking bulsa, magpapa-load
At maghihintay ng sandamakmak na mga utos.

Minsan, napapagod ako
O sabihin na lamang nating madalas,
Na sa bawat pintuang kinakatok ko'y
Daig pa ako ng nangaroling
Sa bilang na mga baryang iaabot sa'kin ng tadhana.

Minsan iniisip kong
"Ganito na nga lang ba?
Paano ang bukas?
O may bukas pa nga ba?"

Minsan naman, nakaririnig ako ng masasakit na salita
Pero minsan parang mga bala na lamang itong
Hindi tumatagos sa aking ulirat,
"Manhid na nga ba ako?
Sabihin mo, Tadhana."

--------

Pinagmamasdan ko na naman ang mga kamay ng orasan
Kanina pa o hindi ko na malaman
Kung kelan yung huling "kanina,"
Naghihintay ako ng saklolo,
Kasabay ng huling kumpas ng mga kamay
Ng naiiwan kong kaibigang de-baterya..
"Dito na lang ba magtatapos ang lahat?"

Nagbibilang na lamang ako ng oras,
Ng hininga
At baka hindi na nila ako maabutan,
At doon ko huling nasilayan ang mga aninong iyon,
Wala na akong maintindihan..
Wala na akong marinig pa..
*Ito na marahil ang huli.
Hindi pa huli ang lahat,
Kaya mo pa --
Kaya pa natin.
Ituloy ang laban; ituloy mo lang.
Pangako, magtatagumpay tayo..
Kapit pa, kaibigan!
Joshua Nov 2019
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"

Hindi ako nakapagsalita.
Hindi nakagalaw. Natulala.
Ang bilis ng pangyayari.
Nakakatakot. Na wala man lang akong nagawa.

Gabi ng lumabas ako sa aming tahanan,
Kinailangan kong bumili ng ulam para sa hapunan,
Naglalakad ako ng isang kilometro,
Makabili lang ng pagkaing ihahain sa mga anak ko.

Madilim na. At walang ilaw ang kalye.
Mas pinili ko na rin maglakad para tipid pamasahe.
Medyo malapit lang din kasi nakasanayan ko na.
Ang maglakad ng malayo na walang saplot ang paa.

Malamang hinihintay na nila ako.
Kaya binilisan ko ang lakad ko.
Excited na rin akong makain nila ang paborito nilang ulam.
Tortang talong na masustansya para sa aming hapunan.

Ngunit nang malapit na ako sa pamilihan,
Dalawang lalaking nakamotor, ako'y nilapitan.
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"

Napaluhod ako sa kalsada.
Nanghinayang sa karampot na baryang aking kinita.
Buong araw ako nagtrabaho,
Holdaper lang pala ang kukuha ng pinaghirapan ko.

"Mga anak, pasensya na, wala akong nabili eh"
"Ayos lang yan Pa, may asin at toyo pa naman eh"
"Bukas babawi ako mga anak ko."
"Hindi po papa, kami po ang babawi sa inyo."

Nawalan ako ng pera sa araw na ito,
Pero salamat at ganito ang pananaw nila sa mundo,
Na ang lahat ng ginagawa para sayo,
Ay sakripisyong dapat pinagpapasalamat mo.
Triste Jun 2019
Mga hampas ng alon
Sa naglalarong mga pagkakataon
Iniunat ang kamay ng panahon
Ako ay lulusong
Dala ang mga alaala ****
Naibulsa ko hanggang dapit hapon
Naisama sa mga baryang wala ng halaga sa ngayon
Hindi na mabibili ang kahapon
At walang biyahe pabalik sa nakaraan
Haplos ng tubig sa mga ligaw na paa
Hindi batid ng dagat ang bigat ng kahapon
Mga binitawang salita
Ay tuluyan ko ng itatapon
At sa aking pag ahon
Hindi na muling lilingon

— The End —