Ano…
“Ano ang pakay mo dito sa mundo?”
Iyan ang unang tanong niya sa akin.
Naniniwala ako na ako ay nandito upang mabuhay,
Upang sa mundong ito ay magbigay ng sariling kulay.
Ngunit hindi ko alam ang rason kung bakit
Ako dito sa lupa ay ibinaba ng langit.
Sino…
“Sa iyong palagay, sino ka?
Sino ka upang mabuhay nang kasama sila?”
Hindi ko alam kung sino ako sa mundong aking kinabibilangan.
Ang tanging alam ko lang ay ang aking pangalan.
Ngunit ako ay may karapatan
Na maging tao dito sa mundong aking ginagalawan.
Bakit…
“Bakit ka umiiyak?
Tila mababaw ang iyong luha, sabi mo ay malakas ka.”
Tama ka, siguro ako nga ay mahina.
Huwag kang mag-alala, ang ulan ay titila.
Itinatanong mo kung bakit mga luha ay pumapatak.
Minsan, ang langit din naman ay umiiyak.
Saan…
“Saan ka tutungo?
Kahit saan ka magpunta, ang lupa ay guguho.”
Hindi ko alam ang mga tatahakin na daan.
Nais ko lamang na makahanap ng tahanan,
Tahanan na gigising sa aking puso’t isipan.
Alam mo ba kung saan iyon matatagpuan?
Kailan…
“Kailan ka ba magigising?
Dahil minsan, daig mo pa ang isang lasing.”
Gising ako at mulat ang aking mga mata,
Pagod na pagod na akong maging bulag pa.
Pinapatulog tayo ng mundo sa pamamagitan ng mga kanta,
Mga kantang may lason upang hindi na magising pa.
Paano…
“Paano mo gagawin ang lahat ng iyon,
Kung pati ang iyong sarili ay hindi sumasang-ayon?”
Gagawin ko dahil kaya ko; susunod sa mga aral,
Gagawin ko dahil kaya ko; basta kasama ko ang Maykapal.
At sa aking huling sasabihin, ako ay aamin:
Ang aking kausap ay ang tao sa salamin.