#tagalog poems

1.6k poems containing #tagalog
Habang Wala ka paSabi nila,kapag nahanap mo na daw ang tunay na pag-ibig ay nahanap mo na rin ang iyong langit dito sa lupa. Kaya't naniniwala akong langit din ang maghahatid sa'yo patungo sa akin. Pero naiinip na akong maghintay at nanghihinayang sa bawat sandaling lumilipas , na hindi ko man lang magawang hawakan ang iyong mga kamay sa mga panahong kailangan mo ng karamay.Na hindi ko man lang magawang damayan ka kung dumadanas ka ng lumbay.Alam kong katulad ko,pakiramdam mo minsan ay binitawan ka na din ng mundo.Kaya't patawarin mo ako kung sa mga pagkakataong nararanasan mo yan ay wala ako d'yan para ikaw ay aking ma-salo. Kung totoong ang pag-ibig at ang langit ay may malalim na kaugnayan sa isa’t-isa,malakas ang kutob ko na tayo din ay iginuhit na katulad nila. Minsan na din akong nagtanong,saang sulok ng langit ka kaya naroroon? Malapit ka kaya sa araw? O marahil nasa tabi ka lang ng buwan,na sa tuwing sasapit ang dilim ako ay binabantayan.Kaya pala kahit saan ako magpunta ako'y lagi niyang sinusundan. Pero maaari din na ika'y kapiling ng mga bituin na kay daming nais mag angkin. Kay palad kong pagdating ng araw ikaw ay napa sa-akin. Kaya habang wala ka pa,ako muna ay magiging kaisa ng mga mabubuting kawal ng ating bayan. Makikidigma kung kinakailangan,ipaglalaban kung ano ang makat'wiran. Upang sa iyong pagdating ay malaya nating tatamasahin ang payapang buhay. Kaya habang wala ka pa ako'y taos puso kung manalangin sa ating may likha. Na paghariin niya nawa ang kabutihan sa aking puso bilang isang tao at higit sa lahat ay bilang kanyang anak , upang sa sandaling tayo'y pagtagpuin ako rin sa iyo ay magiging isang mabuting kabiyak. Hindi pa man tayo nagtatagpo,nais kung malaman mo na laman kang palagi ng aking panalangin. At habambuhay kong itatangi ang iyong pag-ibig na siyang dahilan kung bakit maka ilang ulit kong nanaising mabuhay. Nais kong ipagsigawan sa mundo na iniibig kitang wagas,ngunit mas mamatamisin kong hintayin ka at kapag naglapat na ang ating mga dibdib,ibubulong ko sa'yo na ikaw ang aking daigdig. Maghihintay lang ako,habang wala ka pa. / © 2018 Glen Castillo / All Rights Reserved.
135.8k
hindi na muliNoong Nobyembre 8 2016, magandang araw ang aking naranasan. Lahat ng tao ay naging mabait sa akin, masaya ang mga pangyayari at nakangiti ako buong araw. Nang sumapit ang hapon at ako ay pauwi na galing sa eskwelahan, mayroong ibinalita sa akin ang aking ina. At dahil sa balita na iyon, nasira ang aking mabuting araw, at napalitan ng pagiging miserable. Isang pangyayari na tumatak sa isip ng madaming Pilipino, isang pangyayari na naghimok sa akin upang magsalita at lumaban. *Noong Nobyembre 8 2016, pinayagang ilibing ang dating presidente at diktador na si Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani.* / *Bayani ba si Marcos?* Siya ay naging presidente ng Pilipinas sa loob ng dalawampu’t isang taon. Alam nating lahat ang kanyang mga nagawa, dahil sa kanya mayroong NLEX, at iba pang mga imprastraktura at gusali. One is to one ang peso at dolyar noong kanyang panahon. Madami siyang nagawa para sa ating bansa. At sabi nga ng maraming Pilipino, ginawa niyang mayaman ang Pilipinas. Pero ano nga ba ang katotohanan? Noong ako ay bata, nasa isip ko rin na si Marcos ay naging magaling na Presidente at pinaganda niya ang Pilipinas. Pero nang ako ay tumanda, nalaman ko ang mga katotohanan na ayaw tanggapin ng karamihan. Bago pa maging presidente si Marcos, mayroon ng malaking oportunidad na magkaroon ang Pilipinas ng economic bloom, at yuon ay dahil sa administrasyon ng mga dating Presidenteng si Magsaysay at Macapagal. Kung mayroong dapat ikredito kay Marcos yuon ay ang pagpapayag niya ng paghiram ng malaki at ang ginawa niyang malalaking utang sa mga dayuhan na dapat kanyang gamitin para sa industrialization at pagpapaunlad. Ngunit sinayang ng rehimeng Marcos ang lahat ng perang ito sa pamamagitan cronyism at katiwalian. Ang hindi alam ng nakakaramihan ay isa siyang kurakot na lider, at ang kanyang mga utang ay babayaran natin magpahanggang sa taong 2025. Oo, madami siyang naipatayong mga imprastraktura at may mga nagawa siya sa bansa, pero hindi ba galing sa mga Pilipino ang pera na iyon? Nasa kapangyarihan siya sa loob ng dalawampu’t isang taon, malamang sa malamang ay madami siyang magagawa. At hindi ba responsibilidad iyon ng isang presidente? Na paglingkuran ang bansa? Bakit kailangang isumbat iyon? Ang daming bagay na hindi alam ng mga Pilipino at lubos na nakalulungkot ito, ang mas nakakalungkot pa ay ang mga nakalimot sa Martial Law. Pinili ng mga tao na kalimutan ang mga totoong bayani, na nagbuwis ng buhay nila para sa bansa na ito. Nakalimutan nila ang mga libo libong tao na namatay at nasaktan. Nakalimutan nila ang dami ng dugo, at sakit na dinanas ng Pilipino noong panahon ng Martial Law. Ang demokrasyang binura ng administrasyong Marcos ay pilit na kinalimutan ng mga mamamayan ngayon dahil sa kadahilanan na ginawa naman nitong maganda ang bansa. Ang kalayaan na ipinaglaban ng mga Pilipino noon, ang kalayaan na dahilan upang makapagsulat ako ngayon, ay hinding hindi ko makakalimutan. *Mga perang ninakaw, mga Pilipinong lumaban pero namatay at nasaktan, mga karapatan na nayurakan, gaanon nalang ba kadaling kalimutan? P167.636 bilyon na ninakaw, 3,264 na namatay, 34,000 na tinorture at 70,000 na nakulong. Hindi bayani si Marcos, at kahit kailan hindi siya magiging bayani.* / Ang pangyayaring ito ay isang malaking bahagi sa ating kasaysayan at bansa. Sinasabi nila na tayo ay mag move on at magpatawad, pero paano natin ito mabibigay kung wala namang nanghihingi nito? At wala sa kanila ang desisyon kung kailan tayo magbibigay ng tawad. Habang ang mga Pilipino ay pinatay ay ninakawan, ang pamilya niya ang nagsasaya dahil sa kanilang yaman at dahil sa pagiging bayani ni Marcos. Sa pangyayari na ito, parang nabura ang ating kasaysayan. Para nating kinalimutan lahat ng nangyari. “Buti pa si Marcos may bangkay.”, sabi ng isang pamilya na hindi pa nahahanap ang bangkay ng isang Martial Law victim. Paano tayo magmomove on sa isang pangyayari na hindi pa naman nagkakaroon ng maayos na wakas? *Ito ay parang paglagay ng asin sa sugat na hindi pa naghihilom.* Ang nangyayari sa ating bansa sa kasalukuyan, sa katunayan, ay sobrang nakakatakot. Nakikita ko na simula ito ng panibagong panahon na walang demokrasya at pagapak sa mga karapatan. *Baka masyado tayong takot sa kasaysayan, pero hindi tayo takot na maulit ito. Pero hindi ako titigil, hindi dapat tayo tumigil, upang ipaglaban ang tama. Tayo ay magsalita, at lumaban para sa ating bansa. Huwag tayong susuko para makamit ang tunay na hustisya.* **Hahayaan ba natin na maulit ang madilim na nakaraan? *Hindi na muli.***
118.8k