Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Lynne Pingoy May 2016
Ang pag-ibig ko sa iyoy walang hangganan.
Magkalayo man tayong magkasintahan.
Buong buhay nating pahahalagahan,
Ang sumpaan natin magpakailanman.

Ngunit aking mahal ikaw ay lumisan.
Iniwan mo ang aking pusong sugatan.
Nasaan ka na at ako ay iyong balikan.
Upang malunasan, damdaming nagdaramdam.

Ikaw nga ay bumalik, ngunit may kasamang iba.
Ngayon tuloy, damdamin ko'y lumuluha.
Pinapasan ang sakit na naramdaman.
Dulot ito ng iyong kataksilan.

Ang iyong pagmamahal ay nawala na,
Sigaw ng puso ko ay bahala na.
Hanggang sa huli ito ang iyong tandaan.
Minahal kita higit pa sa iyong nararamdaman.
Jenny Guevarra Mar 2018
apat na sundalo
sandata’y tambol at gitara
kakampi ang musika
sabay-sabay na nilalabanan
ang lason ng lipunan
sabay-sabay na dinadaig
ang kataksilan ng pag-ibig
sabay-sabay na pinatatahimik
ang sigaw ng mga multong
galing sa gubat ng poot at galit


/ J G /
kiko  Jan 2017
Sana'y manatili
kiko Jan 2017
taksil ang mga labing naghahangad ng higit sa dampi
katulad ng buwan sa duyog,
na kung sa madalas
ay hinahayaan ang pagsisiping ng araw at mga bundok sa umaga
may mga minsang hindi mapigilan ang alibuyboy
at pilit isisingit ang sarili sa pagitan ng dapat at hindi,
kapalit ng panandaliang saya; balutin man ng dilim.

ngunit isa pa nga bang kataksilan ang humiling,
kahit na pakiwari ko’y isa kang hiningang hindi mauulit,
na sana kinabukasang paggising ay hindi ka na umalis,
na hayaan mo namang masilayan ko kung paano ka ipipinta ng araw
para naman din makita mo sa liwanag kung paano ka aaralin.

bigyan mo lang ako ng isang sandali
dahil katulad ng buwan, miminsan ding makasarili
baka sa susunod na kinabukasan
kahit ikaw ang tinatangi, sa iba na maghahain.
kingjay Apr 2020
Sa ulan naligo nang nagagalak
Bawat patak sa pisngi ay parang biyayang inihahatid
At sa sandaling paghinto ay ang pagbabalik
Paggugunita sa mga araw ng paggiliw

Noong kami pa ay parang langit
Ulap sa paa ko' t bituin sa panaginip
Walang gabi na tahimik
Sapagkat parating may malamyos na awit

Ang pakiramdam ko sa panganorin
Walang hanggan-kataasaan ay di malirip
Ngunit unti-unting nawawari
Kalangitan ay isa lamang bahagi

Kung ituturing ay isangpanig-ibig
Pagkat ang pag-irog ay ganap na pagmamartir
Tinakasan na nakalupasay sa pananabik
Ang sinta ko sa iba kumapit

Naaalala pa nang nakadantay ang kanyang binti
Sa hita ko' t sabay ng masuyong paghalik
Yakap niya sa akin ay napakahigpit
Ngayon bakit kay dali lang sa kanya ako' y ipagpalit

Binigyan man ng malapad na bagwis
Ang bawat wasiwas naman ay dulot pighati' t
Nagpapahiwatig ng pamamaalam na nalalapit
Isang beses lang lumipad, sampung ulit ang hilahil

Tinuring na reyna sa kahariang panaginip
Kahit na inaalila niya' t inaalipin
Para sa akin isa siyang prinsesa na handang isagip
Sa mababangis na lobo' t mga tigreng sakim

Kung maparool man ay hindi itatanggi
Na minamahal siya' t itinatangi
Mapalayo man sa pamilya' t kaibigan siya pa rin ang pipiliin
Namumukod tangi siya, walang kahulilip

Huli na nang malaman ang ibig
Ako' y pala kasangkapan lang sa kanyang ninanais
At upang sa isang tao' y mapalapit
Ginawa niya akong tulay - pantawid

Ano mangyayari sa pakikipagsapalaran sa pag-ibig
Tiyak na maluluray, at dadaing
Dahil sa antak na di naiibsan at naaalis
Duro sa puso' t wasak na damdamin

Nararamdaman ang masidhing lunggati
Na sinilsilyaban sa tuwing ako' y nilalambing
Nasang na sana ay laging magkapiling
Dumadarang na nakatiwangwang di mailihim

Larawan niya' y kinikimkim
Tampalasang kataksilan nailimbag sa isip
Sa mapanlinlang na anyo ng bahaghari
Hubog nito' y lumbay hindi aliw

Hanap-hanap pa rin ang silay ng giliw
Masasadlak man sa landas muli ng pag-ibig
Kung may pagkakataon ay aking hihilingin
Saktan niya sana ako, isa pa at siya' y mamahalin
051922

Sa loob ng ilang taong paghabi ng mga tula’y
Nagsilbi pala itong aking pahingahan.
At sa pagpili kong isantabi nang pansamantala
Ang pag-ibig ko sa pluma’t papel
Ay unti-unti rin palang gumuho
Ang mga pader na naging proteksyon ko
Laban sa mga kumunoy ng aking damdamin.

Sabi ng iilan,
Gusto nila ng kalayaan —
Ngunit naiiba ata ang aking kagustuhan.
Pagkat mas ninanais ko pang
Punuan nang matataas na pader ang sarili kong bakuran.

Siguro nga, tama sila
Na takot akong buksan ang aking pintuan.
Siguro nga, ayokong sinu-sino lamang
Ang daraan sa aking paningin.
At baka sila mismo ang magtirik ng kandila
Para sa paghimlay ng aking mga pangarap
Na nais ko pang makamit at maibahagi.

Naisip ko biglang —
Wala naman palang masama
Sa pagtakip natin sa ating mga sarili.
Pagkat kung ang sinasabi nilang pagtago
Ay palatandaan ng kaduwagan at pagiging makasarili'y
Baka araw-araw na rin tayong nagugulantang
Sa mga nakahanay na mga kalansay at mga bangkay
Sa ating mga pintuang pinangangalagaan.

Ang bawat nilalang
Ay may sari-sariling paraan
Sa pag-abot ng kani-kanilang pangarap.
At ang bawat katauhan di’y
May iba’t ibang paksang ipinaglalaban
At patuloy na pinaninindigan.

Kung ang mga pader nati’y
Hahayaan na lamang nating matibag nang basta-basta’y
Tila ba tinalikuran na rin natin ang ating mga sarili.
Pagkat ito’y hayagang kataksilan
Sa ating mga mga sinusungkit pa lamang
Na pangarap na mga bituin.

At kung minsang mapadpad na tayo
Sa pampang ng ating paglisan,
Ay tayo na rin sana ang kusang maging taya
At patuloy na lumaban at manindigan.
Para rin ito sa atin,
Para sa sariling kaligtasan
Laban sa walang pasintabing pagkukutya
Ng mga dayuhan sa ating mga balintataw.

Sana'y kusang-loob tayong magsisipagbalikan
Kung saan natin naiwan at naisantabi
Ang apoy ng ating pag-irog sa ating mga adhikain.
At kung pluma’t papel muli ang magsisilbing armas
Para sa muli nating pagkabuhay,
Ay patuloy rin tayong makikiindak
Sa bawat letra’t magpapatangay sa mga ideolohiyang
Kusang nagtitilamsikan buhat sa ating mga pagkatao.

At hindi tayo magpapadaig at magpapatalo
Sa mga ekstrangherong walang ibang ninais
Kundi yurakan ang ating pagtingin sa ating mga sarili’t
Sila mismo ang gagapos sa ating mga kamay
Upang hindi na muling  makapagpahinga
Sa piling ng ating mga pluma’t papel.

— The End —