030317
Oo, totoo --
Hindi mo na kailangang ipagsigawang mahal mo ako,
Na aakyat pa sa tuktok ng bundok
Para isigaw ang pangalan ko,
At doo'y ihayag ang nilalaman
Ng damdaming nagsisidhi,
Sapat na sa akin ang ibulong mo ang mga salitang ‘yan.
Mahal kita --
Sabi nila, lahat ng panimula ay may pangwakas
Pero hindi ko mahagilap sa anumang libro
Kung may katapusan nga ba ang mga salitang yan.
Sa bawat letrang namumutawi sa aking bibig,
Hindi ko alam kung matatapos ba
Ang pagkatha ng puso ng sarili nitong lenggwahe ng "mahal kita"
Pagkat hindi ito isang antigong alahas
Na susuotin lamang sa mga piling okasyon,
Pagkatapos ay itatago sa kahon,
At kakainin ng alikabok sa lilipas na mga taon.
Sabi sa kanta,
"Walang sagot sa tanong kung bakit ka mahalaga"
Pero ang sabi ko nama'y
Tirik man ang araw sa pagtawa
O kulimlim man ang gabi sa pag-iyak,
Hindi ako mauubusan ng dahilan
Para mas mahalin ka pa.
Mahal, kaya ka pala mahalaga
At kaya pala mahalaga --
Ngayon, ngayo'y alam mo na.
Kukunin ko ang mga agiw
Sayong mga lumang gunita,
Pilit kong wawasakin ang mga pader
Na hindi akmang pumagitna sa'ting dal'wa.
Sa paulit-ulit **** pagsambit,
Noo'y natakot akong maglaho ang halaga nito
Natakot akong bawiin ng bukas ang bawat sinasambit mo
Pero ngayon, mas pinili ko nang masanay --
Masanay sa bawat pagbigkas mo
Kahit pa sabi ko noo'y ayoko
Kahit pa gusto kong itanggi
Kahit pa gusto kong limutin.
Pero oo, sapat na sakin ang tiwala mo
Sapat na sakin ang pag-intindi mo
Minsa'y di ko maintindihan sa telepono,
Minsa'y di ko malinaw sa pandinig ko
Pero alam ng puso ko:
Narinig ko.
Sa mga kamaliang pilit nating binabayo,
Mga pagkukulang na pilit nating pinupunan,
At sa mga araw na kahit luha ang nalalasap,
Doon ko nakitang kaya pala --
Kaya pala nating magpatuloy
Sa paghawak sa kamay ng bawat isa
At kahit pa malayo sa isa't isa'y
Ikaw at ikaw pa rin ang pagsinta.
Minsan di'y nagtanong ako,
Ba't hindi ka na lang naunang masilayan ang mundo?
Bakit kailangang hintayin pa kita?
Bakit kailangang masaktan muna bago matugunan ang pagmamahal?
Ba't nga ba minamahal kita?
Mapupuno ako ng bakit
Pero itatapon ko ang mga ito,
Ayoko nang malunod sa pangambang
Paggising ko'y baka muli ka na namang maglaho
O baka malimot ng isa sa atin
Ang iniingatang "mahal kita"
Tatalon ako sa walang kasiguraduhan
Tatalon ako --
Oo, alam kong nahuhulog ako
Nahuhulog sa walang katapusang
"Mahal kita."
Hindi ko gamay ang misteryo nito
Hindi ko mabatid ang mga nakasulat,
Mga nakalimbag sa bawat pahina ng aking isip:
Pero ililibot kita,
Sa aking nakaraan,
Sa aking ngayon
At sa aking bukas --
Pagkat hindi tayo nabigo
Ayokong biguin ka.
Kailanman hindi mabubura,
Hindi maglalaho
Para sa nag-iisang ikaw.
Sana magkusa ang araw sa pagbangon,
At bukas makalawa'y maririnig ko na
Ang hinihintay kong "Mahal kita."